Monday, December 30, 2013

Panapos 2013


Nganga ako ngayong 2013, wala naman akong masyadong babalikan pero pinagpapasalamat ko ang taon na ito. Halatang-halata naman, lalo na nung mga matagal nang napapabisita sa blog ko na sabaw na sabaw ako buong taon hehe. Pero salamat dahil nagbabasa pa rin kayo dito napapadaan at nagkokomento.


Saturday, December 28, 2013

Sa Tatlong Araw ng Taon


Tulad ng sabi nila, sa huli, sa iisang lugar din tayo magkikita. Hindi 'yon sa langit, kun'di sa sakayan ng jeep. Nakakatuwang isipin, katapat lang mismo ng sakayan na 'yon ang kolehiyo kung saan kita nakilala, taon nang kaligayahang mararamdaman mo't tila nabalikan na rin sa pagtanaw lamang.


Friday, December 20, 2013

Gising Na


Masaya pa siyang ikwento sa akin kung paano siyang bumarandal sa higaan na para bang magkakaubusan ng biyaya. Gusto kong sabihin kung gaano ako kasayang masilayan muli ang ngiting 'yon mula sa kaniya, buong taon kaming naging abala't halos nawalan na ng oras sa isa't-isa.



Sunday, December 15, 2013

Kung Pwede Lang Bumalik


"Noong una kong makilala si Gelle, alam ko nang hindi ko siya kailanman hahayaang mawala sa akin. Noong una kong mahawakan ang kaniyang mga kamay, alam kong hindi ko na ito kailanman bibitawan. Noong unang mapagmasdan ko siya mula sa kaniyang mga mata, alam kong siya na ang habang buhay kong makakasama. Ngunit sa takot at pangamba, bakit ako nagpadala?"



Thursday, December 5, 2013

Isang Simpleng Kuwento


"Bukas! Nako, nand'yan na naman ang mga yan!" Halatang may kasiguraduhan ang lalaking 'yon sa kaniyang sinasabi habang itinuturu-turo ang ilan pang mga naiwang tao doon na kunwari'y tumutulong lang naman daw sa paglilinis. Kahit siya ang nandoon at kausap ng mga nanghuhuli, malakas pa rin ang kutob kong kabilang rin naman siya sa mga nagtitinda dito sa kahabaan ng daan papuntang Simbahan ng Baclaran. Ayokong sa akin pa manggaling pero gan'yan naman ang karamihan sa ating mga Pinoy, mayroong mapagpanggap, may galit sa sariling gawain, at mayroon ding mga malakas kung  sumipsip, ang hindi lang malinaw ay kung bakit.



Sunday, November 3, 2013

Pusa


Gumising ako sa panibagong umaga, ikaw ang unang hinanap. Bango ng malabot mong buhok na lang ang tanging naiwan sa higaan. Sabi mo sa akin, hindi kailang maging palaging ganito, sabi mo sa akin, isang araw ay matatapos rin ang ganito. Gusto kong tanggalin sa aking sarili ang pagiisip na iba ang umagang iyon. Gusto ko ring isipin na magiging maayos lang ang lahat. Ganon naman dapat, alam mong hindi ako susuko ano man ang ating pagdaanan. Nakangiti ka pa sa larawang pumasok sa aking isipan, ngunit ang ngiting isusukli ko sana ay binitin ng isang liham na iniwang mong malungkot sa mesa.


Saturday, November 2, 2013

Nilimot Nga Ba Kita?



Hindi naman kita nilimot
Hindi kita iniwan
Hindi kita tinalikuran
Ikaw pa rin ang aking kaligayahan



Sunday, October 13, 2013

Damuhan


Ako man ay walang kasiguraduhan kung mainit pa ba ang aking kape at kung ilang minuto ko na bang hinahalu-halo't tinititigan lamang ito, hirit pa ni Elsa, kung himala at swerte lang din naman daw ang hinihintay ko'y mali ang lugar na napuntahan ko, mula pa daw kasi kaninang umaga ay walang nagkamaling magbigay ng tip sa kaniya. Ang lungkot sa wangis ni Elsa, para bang nagsasabing sasakyan na lamang niya ang katotohanang nawala na ang kaligayahang bumabalot sa lugar na ito. Mahirap daw ang magpangap kaya kahit ako'y hindi na niya magawang ngitian, liliparin pa ang dalang dyaryo ng isang lalaki, dyarong puno ng nakakadismayang balita, pagsisiwalat, pagamin, at paghingi ng paumanhin.


Saturday, October 5, 2013

Pikit-mata Kong Babalikan

Palagi kong naaalala ang ating kabataan
Mga araw na ginagabi tayo sa daungan
Mga ilaw doong patay-sindi't naglalabuan
Mga mata mong kahumalingan ko ang kinang


Monday, September 23, 2013

Ang Ligayang Natanaw At Tatanawin Ni Nina


Madali lang naman daw ang magtago ng kalungkutan, madali lang ang magpanggap na ikaw ay masaya, ngingiti ka lang at ipapakita sa lahat na walang kahit anong problema kang dinadala o pinagdaraanan. Isa lang ang problema, 'yon ay kung paano aalisin ni Nina sa isip niya ang mga pangamba, at paano niya makukumbinsi ang sarili na magiging maayos naman ang lahat. Ang tanaw mula sa bintana ng bus, sa mata niya ay maaaring maging maganda at masayang tanaw, ngunit sa pagpasok ng reyalidad, ang tanging natanaw lang naman mula sa bintana ay ang natatakot at naghahandang pamayanan dahil sa nagaambang sama ng panahon na tatama at gugulo na naman sa kanilang mga normal na pamumuhay sa araw-araw.


Monday, September 2, 2013

Ikaw Ang Papangarapin Ko


Maaari nga palang ang isang tao ay nabubuhay lamang sa isang malaki at mahabang panaginip 'gaya ni Pepito. Marami ang nagsabing libre naman daw ang mangarap at walang masama kung maghahangad ng karangyaan, kaligayahan at kaginhawahan. Ngunit sa pagpasok ng reyalidad, sasampal ang katotohanan sa 'yong pangagarap dala ang mga tanong tulad ng-hanggang pangarap ka nalang ba? at hanggang kailan ka mangangarap?


Saturday, August 3, 2013

wlakngmaislt


Kung minsan nga'y nakakasakit ang mga salita, ang ingay na kung saan lang nanggaling naman ay nakakairita. Ngunit totoo rin palang nakakabingi ang hindi mo kilalang katahimikan. Nakakapanibago, lugar 'yon ng pagiisa, nakatungtong ako sa lupa, maaliwalas na kapaligiran ngunit ako lang ang tanging taong nakakasilay non. Malayo sa maingay at malalamig na mga gabing akin nang nakasanayan.


Wednesday, July 31, 2013

Star Crossed


Humahakbang siya ng dahandahan, dilim ang daan at hindi alam kung saan dadal'hin ng kaniyang mga paa. Sa isip niya, kailan nga ba nagkaroon ng kasiguraduhan ang mga bagay-bagay? Gusto niyang ngumiti ngunit dama niya ang namamawis at nanginginig na mga kamay ni Albert, wala yatang balak na bumitaw sa kaniya. Galit ang nadama niya sa sarili, walang boses niyang tanong sa kawalan, "Tumupad siya sa pangako at hindi nagkulang, napakasama ko ba? Bakit sumagi sa isip ko ang pagbitaw?".


Monday, July 15, 2013

Saving Shed Ulit? Pero Totoo Pala


Matagal ko nang napatunayan sa sarili na hindi ko kailangan ang yaman. Katulad mo rin, wala kang kahit anong arte sa katawan at kahit kailan ay hindi naparinggan mula sa'yo ang reklamo o kahit anong pagtutol man lang. Pero sana nga ay ganon ko lang kadaling maiaahon tayo mula sa ibaba paitaas, gusto ko rin kasing madama mo naman ang ginhawa. Ipagpaumanhin mo, alam kong hindi ito ang nakasanayan mong buhay ngunit salamat dahil pinili mong sumama sa akin, kahit pa wala tayong kasiguraduhan sa kalsadang tinahak natin, tanging pag-ibig at tiwala sa isa't-isa ang hawak. Huwag kang magalala, tuloy ako sa pagsisikap para sa atin. Hindi ako makakalimot sa aking mga pangako noong hinihingi ang mga kamay mo at sa Simbahan.



Tuesday, July 9, 2013

Ginawan Kita Ng Panaginip


Isang araw ay magigising ka sa katauhan ng isang bata, isang batang nanlilimahid ang damit at puno ng grasa ang binti. Gigisingin ang diwa mo ng kalansing ng barya sa latang naka istambay sa iyong harapan. Susubukan mong bumangon ngunit hindi mo magawa agad dahil pakiramdam mo'y isang linggo kang hindi kumain, nanghihina ang buo mong katawan, ang nagawa mo nalang ay pagmasdan kung anong klase ng mga tao ang dumadaan sa iyong harapan, nakangiwi ang iba at ang iba naman ay mukhang naaawa.


Saturday, July 6, 2013

Mabuti Na Lang



Darating sa buhay ang mga problema
Darating sa puntong tila 'di na makakaya pa
Darating ang mga panira sa ating tiwala
'Buti na lang, sa akin mo piniling maniwala


Wednesday, July 3, 2013

Alalay


"Handa ka bang sumama sa akin sa probinsya?" Tanong ko kay Jessa na lukot ang mukha. Gulong-gulo at wala na siyang gustong pakinggan, kahit ako, kahit ang bumibili ng ice candy ay nagkusang lumayas na lang dahil hindi niya mapagbil'han. Nakaupo siya na para lang kaming nagpipiknik. Yuyuko na naman siya at igigitna ang baba sa kaniyang mga tuhod. Habang ako naman ay naghihintay ng sagot niya sa tanong na matagal na ring pinagiisipan ngunit walang nangyaring hakbang. Naroon kami sa tapat ng tindahan, nagpapakiramdaman.



Saturday, June 29, 2013

Tatlong Pulang Marker at Ang Tatlong K


(Hindi panaginip. Katotohanan)

Hindi rin ako maniwalang sa direksyong tinututuunan ng paningin ko'y isang tao lang aking nakikita, 'yon ay kahit pa hindi mahulugang karayom ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Ibubulong sa sariling "Siya lang naman talaga." Malinaw pa sa pulang marker ng aking grado sa markahan ang katotohanang mahal ko nga siya.


Thursday, June 27, 2013

umagang kay inam



Sabik nga ako kaya ang ating haring araw ay naunahan ko pang umahon
Gumising sa isang umaga ng linggong minarkahan pa sa aking kalendaryo
Hikab, talun-talon, kaunting padyak-padyak at unat ng katawang inaantok
Batid kasing malamig na tubig ang sunod na kakaharapin sa aking pagligo


Sunday, June 23, 2013

mgssltpbkoambhan?


Tulad nga ng pangako ay muli akong dumating. May hangaring iparating na kung para sa'yo ako'y nandito pa rin. Alam mo na 'yon sa pangungusap ng aking mga mata at alam kong naiintindihan mo rin kung bakit paminsan sa mga araw ng 'yong buhay ay biglaan akong darating, ganon din kung mawawala.



Friday, June 14, 2013

Halap


Maganda at maulap na panahon ang sumalubong sa amin matapos na maarok ang kataasan ng natatangi naming paraiso. Maaliwalas at ang paligid ay kainaman ang taglay. Tulad ko, tulad namin, maaari ka ring pumwesto sa isang lilim at doon tatanawin ang buhay, hihimayin ang masasayang mga araw at paliliparin sa hangin ang lahat ng bigat na nararamdaman. Pakiramdam na dinaig pa ang mga binulong na hiling sa nagliliparang hibla ng dandelyon. Sa wakas ay malaya.



Friday, June 7, 2013

marahil nga



Marahil nga ay mga damdaming hindi maipapaliwanag ng salita

Marahil nga ay magsasayang lang ng oras kung pilit isiping babalik ka pa


Wednesday, May 29, 2013

Inukit na Pag-ibig at Kabayanihan ni Itay


"Maalikabok na kahon sa tukador ng kaniyang Inay ang natuklasan ni Angela. Laman ay paglalarawan tungkol sa nakaraan. Dala ay mga pangyayaring lingid sa kaniyang kaalaman."

Hindi nabuhay ang takot. Kahit araw-araw na panganib ang sinusuyod. Narito ako't nagiisa, iniisip ka. Mahabang araw at isang malamig na gabi na naman mahal ang matatapos, mga huling sandali kung saan kailangan kong labanan ang lungkot. Lakas ng loob ang hatid na malamang ang tinitingala natin ay iisang kalangitan, kahit mabibilang sa daliri ang mga bituin alam kong tulad ko sa puso'y puno ka rin ng pagasa. Isang araw ay babalik ako. Matatapos ang 'yong paghihintay. Babalik ako upang ipagpatuloy ang pag-ibig na ating sinimulan.



Thursday, May 23, 2013

Lara


Kahit minsan ay hindi ko natanaw ang sarili sa sitwasyong ganito, iiwan din na pala ang lugar na ito. Hindi ang mga alaala. Hindi madali ang paglimot, sa sakit at lungkot tuluyan parin akong mababalot. Itanong pa kung bakit. Naging masaya ako ngunit bahagyang nagdamot, naging kuntento ngunit naging pabaya't hinayaan na ang lahat ay maglaho. Dala ang malaking pagkakamali. Bawat hakbang ay may lungkot. Parang kagigising ko lamang sa isang bangungot, pagod na ngunit hindi pwedeng manlambot. Kakalimutan ko na lang bang minsam kitang naabot? Kung 'masdan mo ako parang hindi mo hahayaang mahawakan ko kahit ang pisngi mo.



May Sumasayaw Sa Kwartong Walang Ilaw


Mausok sa kwartong ang upa'y tatlong buwan nang hindi nababayaran. Nakathumbtacks pa sa dingding ang tanda ng pagiging maka-Nora ni Andrea. May apat na sulok, bintana at bubong kaya matatawag ngang tirahan. Dahil walang ilaw ay 'di mo alam ang nangyayari sa gabi, makikinig ka na lang at nakikiramdam at kung maliwanag naman ay nagmimistulan itong isang tanghalan.



Kung Gusto Mo Pa?


Malapit nang pasadahan ang mga balita sa telebisyong aking binuksan. Hindi 'yon pinapanuod, kasangkapan lamang upang walang makarinig kung sakaling makagawa tayo ng kahit kaunting ingay. Paalam naman ang kaway ng naglalahong liwanag sa atin sa maliit at may malabong salamin na bintana. Isa na namang walang buhay at walang kulay na araw, patay na dapit-hapon. Hudyat rin 'yon na kailangan na nga nating bilisan.



Thursday, April 25, 2013

Let The Music Take Control


Ang blog post na ito ay pagkagat sa pakulo ng isang kaibigan, si Rix ang biritero sa likod ng Maestro Sinto-sintonado. Wala namang mawawala sa akin at makakapag bahagi pa ako kaya bakit ko naman palalampasin pa ito? Isa pa, bukod sa aking mga magulang at sa ex gelpren kong walang ginawa kundi sabihan ako kung anong dapat na ganito at anong dapat na ganiyan, ang musika ang isa sa mga bumuo ng aking pagkatao, maraming impluwensya at hindi ko na iisa-isahin pa. Isipin mo na lang ang mundong walang musika. Malungkot at walang buhay.



Friday, April 19, 2013

Ang Tunay Na Kwento Ni Liza



Magandang pangitain sa kaniya na maraming tao
Sa kabila ng init siya'y nasabik na simulan ang trabaho
Napapatid na ang tsinelas kaya hindi siya makatakbo
Pagkatapos ay itatawid pa ang sarili sa kabilang kanto



Nandito Ka Pa Rin


Umuulan ngunit tipikal nang malamig ang aking mga gabi, malamig pa rin kahit pa ngayon ay hindi mo na ako inaagawan ng kumot. Katabi kita, maraming unan ngunit mas gusto ko pa rin ang init na nakukuha kung ikaw ang kayakap. Nandoon ka ngunit hindi na nakukulitan sa pagiging malikot ko sa higaan. Hindi mo na magawa yung tulad ng dati, papatayin mo ang sindi ng ilaw pagkatapos ay hahalik sa mga labi ko.



Wednesday, April 10, 2013

A Kurbata Story


Apat na taon na pala ang lumipas mula noong araw na sinabi ko sa'yong sa bawat minuto ng buhay ko ay gusto kong kasama kita. Ano na ba ang mga naganap mula noon? Bakit hindi ko ngayon mapatunayan ang matatamis na salita kong binitawan? Ano na ang nangyari sa atin? Unti-unti nang nawawala ang pagmamahalang namamagitan sa atin.



Sunday, April 7, 2013

Sagwan


Alam kong hindi ito ang tamang oras. Paumanhin kung kailangan kong putulin muna ang paglipad ng iyong diwa. Gising na. Isasama kita sa lugar kung saan tayo ay malaya, masaya, walang hahadlang sa pag-ibig at samahan na ating iningatan.



Tuesday, April 2, 2013

Sa Baclaran


Bawat hakbang ko ay may halong pag-aalala, napapalapit ba ako o mas lalo pang napapalayo sa kaniya. Katatapos lang ng misa, siksikan ang mga taong lumalabas nang simbahan. Doon na yata naitala ang pinaka maraming ngiti na ibinahagi sa madla, sa paglabas ay dala ng lahat ang payo ni Padre na ngumiti naman at huwag alalahanin ang mga bumabalakid sa isipan, easter sunday naman daw, dapat masaya, dapat isapuso ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.



Friday, March 22, 2013

Anader Korni Story


Kung effective lang sana ang pinausong sayaw ni Sarah at John Lloyd para magpakawala ng tubig ang mga ulap, magdamag ko na lang na sasayawin 'yon kesa pumasok, yung tipong ako na rin ang gagawa ng paraan para tamarin ang lahat. Wala na rin kasi akong pera, isang linggo pa bago ang sunod na padala. Kung hindi man pambayad utang ang mahahawakan kong pera, kailangan kong ipunin at itabi 'yon, hindi para sa kinabukasan kundi para sa special project na siguradong papakyawin ko bago matapos ang markahan. Isipin ko palang nasa akin na ang lahat ng rights para tamarin sa dyahe kong buhay.


Wednesday, March 20, 2013

San Isidro, Ang Iniwang Alaala


"Yan ang baryo San Isidro!"

"Ano bang espesyal sa lugar na yan?"

"Mahirap ipaliwanag. Iba yung dalang sabik sa'kin na mabalikan ang mga alaala eh."

"Masayang alaala ba?"

"Naman!" mabilis na sagot ko, 'di sinasadyang napalakas ang tono. "Bakit ka pala umalis?" mabilis niyang usisa



Wednesday, March 13, 2013

Nakausap Ko Si Lola


Narinig ko ang boses niya. Ano raw bang meron sa dagat at hilig na hilig ko itong pagmasdan? Sabi ko naaalala ko po kasi si Ria.

"Hindi siya biglang aahon sa dagat."

"Alam ko po Lola."

"Dapat ay isinumpa ko na ang lugar na ito Lola. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, bakit binabalik-balikan ko pa rin ang ating probinsya?"



Sunday, March 10, 2013

Ang Pagtatapos


(ANG PAG-ALALA)

Walong taon na ang nakalipas, walong pasko, walong bagong taon, at walong kaarawan ni Carlos ang nagdaan na wala si Paul sa tabi ng kaniyang anak para kahit sa pinaka simpleng paraan ay mayakap at masabi kung gaano niya itong kamahal. Naalala niya noong iniwan niya ang bansa at ang kaniyang mag-ina, wala pang kaalam-alam ang anak niyang si Carlos non na mula sa araw na 'yon ay matagal silang hindi magkikita.


Monday, March 4, 2013

Liham sa Kaunting Siwang


Umuulan na naman ng mga ala-ala sa aking isipan, katabi ko ang punong ibinabagsak ang mga lanta n'yang halaman. Nasaan ka kaya ngayong isinusulat ko itong liham? Liham na siguradong sa basurahan din naman ang punta dahil maging hanggang ngayon ay kulang pa rin sa tapang upang maiabot sa'yo ng harapan. 'Di bale iiwan ko na lang dito sa kaunting siwang ng malaking bato kung saan tayo noon madalas na tumatambay, baka lang sakaling isang araw ay maisipan mong balikan ang ating tagpuan.


Monday, February 25, 2013

Destination Magallanes Station


Nakakapit siya sa bakal, tanaw-tanaw niya ang may malanding kulay na gusali ng Starmall sa EDSA, maging ang papalubog na araw ay maiigi n'yang tinitigan, kaunting bahagi nalang ang naka silip at ilang saglit nalang ay maitatago na ang liwanag nitong taglay, parang ang pag-asang makahingi pa siya ng kapatawaran mula kay Lieza, lumalabo't malapit nang mawala. Malaki ang pagkukulang niya kay Lieza kaya ngayon ito'y nanlalamig sa kaniya. Sa loob ng isang buwan mabuti pa nga ang mga hindi kilalang tao sa linya ay nababati niya at nakakamusta.


Tuesday, February 12, 2013

Wala Na Ang Dating Cynthia


"Si Rachelle? Kasuklam-suklam ang buhok na nakakakuryente yata kung hahawakan. Hindi maayos manamit. Mukhang takot sa tabo, at hindi marunong maghugas ng bigas."

"Paano mo naman nasasabi 'yan sa kaniya?" tanong ko kay Cynthia

"Ano ka ba?! Just look at her! Baka nga pag nakasama mo siya sa iisang bahay eh pakalat-kalat ang panty n'yan!"


Lihim sa Likod Bahay


"Isang lihim sa likod bahay noon ang natuklasan. Dahilan para mula noon ay puro miserable na lamang ang maitala sa talambuhay ni Richard. Hindi rin niya maintindihan kung anong hangin ang tumulak sa kaniya upang ang lugar na 'yon ay balikan. Isa lang ang alam niya, hindi pa rin nagbago ang kaniyang nararamdaman para kay Sandra."

Dinaig pa niya ang balikbayan ng pasukin ang epic na eskenita, pinagtitinginan at pinagbubulungan, wala s'yang mukhang maiharap sa mga tao, ang mga dating kakilala naman n'ya ay iwas na sa kaniya. Tulad na lamang ni Father na noon ay madali niyang nalalapitan, ngayon ay biglang mayroon palang naiwan sa bahay noong makakasalubong na s'ya sa daan. Si Aling Rita na madalas niyang utangan noon ng sardinas, na hindi na lamang siya sinisingil dahil naiintindihan ang mahirap niyang kalagayan, ngayon ay maagang nagsara, parang street vendor na nakakita ng nanghuhuli noong siya'y dumating na.



Tuesday, February 5, 2013

Saan Tayo Papunta?


Natanaw ko na s'ya mula sa gitna ng siksikan. Ang babaeng noon ay hindi malaman kung saan siya pupunta. Ang babaeng hindi malaman kung anong talaga ang gusto niya. Ang babaeng haharap sa'yo at tatanungin ka sa kung ano sa palagay mo ang naghihintay sa kaniya para bukas, tatanungin ka kung tama ba ang mga ginagawa niya't kung nakakatulong ba ito kahit sa gabuhok lamang na paraan para sa kaniyang kinabukasan, maging para sa kaniyang Bayan.



Saturday, February 2, 2013

Byaheng Muños



Simangot ang sa pasahero niya'y tinanggap
Sa salamin ay kumpulang inip ang kaniyang kaharap
Ang trabaho niya na walang kasing hirap
Sa dyip niyang hindi pa tapos ang hulugan


Friday, January 25, 2013

Kalangitang Nagpapapansin at Bumabati


Bakit nga ba kailangan pang hintayin ang fourth of july? Bakit kailangan pang masugid na pagaralan ang lunar calendar? Hindi chinese new year o ano pa man ang dapat nating abangan, hindi naman tayo tubong ibang bansa, yung araw-araw na alam kong makakasama kita ay ayos na, hindi lang ako lucky ramdam ko pang bumabagsak sa atin ang lahat ng charm. Ang mahiga sa ulap ay 'di na rin kailangang pangarapin pa, sa bawat pag-tingin mo sa akin mga pinangarap kong mapuntahang lugar ay tila aking narating na. Kung minsan man ay mahirap basahin, ibig iparating ng mga mata mong tulad ng manininingning na bituin, isang salita pa rin ang ibubulong ko sa hangin, hindi magbabago ang aking pagtingin. Wala nang tutumbas pa sa isang ikaw para sa akin.



Monday, January 21, 2013

Gaano Katamis Ang Yema


Sinarado niya ang kaniyang mga mata at binanggit sa hanging "I'm in love with the right guy!" Me pag-galaw pa ng ulo habang unti-unting umaangat ang katawan na akala mo'y nasa isang hardin siya na puno ng mga bulaklak na kaniyang sinisimoy at sinusulit ang bango. Sinubukan niyang imulat ang ang mata at nagising sa katotohanang ilang dipa lang ang layo namin sa malaking basket ng basura. Ilan na ba ang dumaan at napatingin sa kaniya? Muntik ko pa ngang sabihin sa babaeng tumawa na hindi ko po 'yan kasama. "Oh ano naman ang nangyari?" Tanong ko agad sa kaniya bago pa siya maka intro para daldalan ako ng tungkol sa mga This Is It! feelings niya. Wala siyang mailalamukos na notebook non kaya rin siguro matapang kong nasabi 'yon, bawal kasing kontrahin ang mga moments niya kundi ay tatamaan ka. Napasimangot siyang bahagya, akala mo'y batang nahulog ang ice cream sa lupa. Humaba ang nguso, nakakapit sa aking braso, itinapat ang mukha sa akin na s'ya namang kinakabog ng dibdib ko, "Tingin mo? S'ya na ba talaga?" Tanong niya sa akin.

Hindi ko naman alam ang isasagot, ang lalaki kasing tinutukoy niya ay hindi ko rin alam kung saan hinugot. Wala rin akong ideya kung ano ang ibig sabihin niya, kung siya na ba ang dapat niyang makatuluyan? O kung siya na ba ang dapat niyang seryosohin ng todo at gawing highest priority? Iling nalang ang nakayanan kong ibigay dahil para sa akin para sa akin hindi ang mga bagay na tulad nito ang nagcicirculate sa isip ng mga tulad naming kolehiyo.

Iiwan niya ako at magkikita nalang kami sa facebook, 'wag daw akong mag-hide dahil kailangan niya ng kakwentuhan at nakaabang dapat ako para i-like ang bawat niyang post. Bakit kaya pati sa panaginip ay naghihintay din ako? Duon sa mga panaginip na laging siya ang kasama ko, inaamin ko namang duwag ako't hindi maamin ang tunay na nararamdaman ko, tamang pagkakataon ba ang hinihintay ko? O hinihintay kong mas lalu pang lumabo ang posibilidad na pwedeng mula sa pagiging malapit na magkaibigan namin kami naman ay umibig.

Noong una palang naman ay alam ko nang may tama ako, ngunit ano ba namang magagawa ko kung nakikita ko siyang masaya sa iba ay masaya na rin ako, tulad ni Manong Johnny ay gusto ko talagang happy siya. Kaya ko naman siyang pangitiin sa iba't-ibang paraan, ano ba naman ang dalawang taon para hindi ko mahuli ang kiliti niya, iba kasi yung nakikita ko sa mata niya tuwing mga manliligaw niya ang nagpapasaya sa kaniya, doon nararamdaman kong lubos ang kaligayahan, napaka saya niya. Pero kung ngayon? Nilalangaw na lang para sa akin ang ganitong tema, hindi na ako makukumbinsi ng kahit anong hugis pa na ngiting makikita sa kaniya, alam kong walang kahahantungan ang ganitong mga eksena n'ya, dahil sa tagal na naming magkasama ay walang happy ending na narating ang kahit na sinong naka-m.u o kahit nakarelasyon niya. Ang laging pumipitik sa isip ko tuwing may bagong pangalan na bumibida sa kweto niya ay–alam ko na naman ang kahahantungan n'yan. bakit ko pa susubaybayan?.

Kung paguusapan lang rin ang mga nakakaumay na eksena isa rito ang palaging pagbili niya ng yema. Hindi ko alam kung ano bang nalasahan niya sa malagkit na pagkaing ito kung bakit siya naadik at alam na ng tindera ang kukunin tuwing papalapit kami sa tindahan niya. Napakatamis daw ng yema, ang tamang-tama lamang na lasang mani nito ay makukuha mo daw sa malambot na may pagka matigas ring pagnguya dito, masarap daw 'yong ulit-ulitin at kaya paulit-ulit din niyang sabi ay parang bubble gum nalang sana na hindi nauubos ang yema, at kung papaubos na raw ay mapapasarap naman ang pagsipsip mo sa gatas na nagtatago lamang pala sa gitnang bahagi ng yema. Sulit daw ang bawat pisong ikinakatok sa kahoy na butas at ang iba't-ibang kulay na wraper na iniitsa na lamang sa kung saan-saan.

Tama ang sinabi sa hula at tama ang aking hula tungkol sa prediksyon ko sa mangyayari kinabukasan. Ngumunguya pa nga siya na lumapit sa akin at bago maupo ay inalok ako ng kinakain niya, itinapat niya sa akin ang kaniyang kamay na mayroong isang dakot na yema kahit alam naman n'ya na hindi naman ako kukuha dahil kahit kailan ay hindi ako tumanggap ng ganon mula sa kaniya.

"Subukan mo kayang tikman!?" pangungulit pa niya tulad rin ng mga sa nakaraan

'Yon lang at sumabog na ako na parang bomba, tumayo na ako't iniwan siya doon. Nagsawa siguro ako't naumay, umalis ako na wala man lang sinabi, nabago ko ang tema ng lugar na 'yon para sa amin ngayon, isang beses lamang ngunit palagay ko rin ay 'yon na ang kahulihulihan.

_____________________________

Paguwi, pagod at masakit ang mata, nagawa ko pa ring unang gawin ay buksan ang computer para silipin ang aking facebook gamit ang sulit at pandarayang istilo ng pagiinternet. Nasanay siguro kaya imbes na magpahinga ay ito ang ginawa ko.

"Sorry, sorry, sorry"

Biglang umangat sa screen ang pangalan niya,  nagsosorry using the chatbox. Napakapit tuloy ako sa naninilaw na katawan ng monitor para tignan ng malapitan kung siya ba talaga 'yon, hindi kasi mahaba ang sinabi niya tulad ng nakasanayan, kumpara sa mga nobelang tina-typre niya bago ko mabasa ay pamagat lang ito.

"Uy! Anu b kcng prblema?"

Nilakasan ko ang loob, ipinaalam ko ang dapat na ipaalam, "Mahal kasi kita. Noon pa" ganon kaiksi lang para sabihin ang lahat-lahat, pikit mata ko pa ngang pinindot ang enter at naghintay ng 30sec bago munling imulat ang mata. Surplays! Offline na siya at walang iniwan na kahit isang tuldok man lang. Tulad ng inaasahan ay magmimistulang utot lamang sa hangin kung ilalabas ko't aminin ang nararamdaman. Naghintay ako, baka naman connection error lang, ngunit nailapag ko na sa mesa ang dalawa ko pang mata ay wala pa ring bumulaga sa akin kundi ang mga page updates para sa mga fan ng Wrestling.

Unlike, unlike, unlike. Ewan ko ba kung bakit lahat yata ng pages na naguupdate non ay aking inia-unlike. Kalhating oras din akong nakatitig sa profile niya habang nakatutok ang mouse sa unfriend button. Ilang saglit pa ay pinatay ko ang palipad-lipad na lamok, sunod ay ang monitor, at ang ilaw ng kwarto, Itinulog ko nalang ang kahibangan, umaasang bukas ay maayos na't hindi magulo ang aking utak.

_____________________________

Kinabukasan ay nagpunta pa rin ako sa aming tinatambayan, hindi para mapansin o kung ano pa man kundi para humingi ng patawad tungkol sa aking ginawa. Dahil umamin na ako maaaring hindi na rin niya ako tanggapin bilang kaibigan, gusto ko lang ay malaman niyang nandito pa rin ako para sa kaniya anumang oras.

Napatingin na naman ako sa basurahan na ilang dipa lang ang layo mula sa aking kinauupuan at naisip na ganon pala talaga 'pag ang pangangarap mo'y mapupunta lang sa wala, mawawalan ka ng malaking pag-asa, pati ang tiwala sa sarili ay lalangawin na. Nabigla naman ako't natauhan ng isang yakap ang biglang pumutol sa aking pag aagam-agam. Dama ko rin ang luha na naipapasa sa aking maggas kung saan niya binubulong ang mga salitang hindi ko maintindihan.

"Anong nangyari?" natataranta kong sabi dahil hindi alam ang gagawin. Hindi ko rin maintindihan ang sinasabi niya dahil sa tila gustong ilakas ngunit pabulong lamang na salita, halos mapunit na nga ang uniporme ko sa pagkakakapit niya doon ng mahigpit. "Bakit ka umiiyak? Ano bang nangyari?"

"Ang bingi mo! Sabi ko mahal din naman kita!" ang tanging hindi lang nagbago ay ang halatang nagagalit nanaman siya, ngunit ang pagdating na lumuluha, ang mahigpit na yakap, at ang sabihing mahal niya rin ako ay bago lahat.

Umalis siya sa pagkakayakap sa akin, tumayo at mayroong dinukot mula sa kaniyang bag. Isang dakot na yema na naman ang itinapat niya sa akin para kumuha ako ng kahit isa, sa pagkakataong 'yon ay naghihintay siya na tila hindi makakapayag kung tatanggihan kong muli ang ibinibigay n'ya.

Kumuha ako't pinagmasdan niya lamang habang binubuksan ko ang balat ng yema, naghihintay siya na nakataas pa ang kanang kilay na kahit papaano ay napapangiti na. Habang nginunguya ay napatunayan ngang totoo ang lahat ng sinasabi niya tungkol sa yema, inaamin ko sa sariling gusto ko pa ngunit nakakahiya lang na manghingi lalu pa't nakahiga na siya sa aking balikat at sinabing "Ikaw kasi, kahit kailan hindi mo tinanggap. Paano mo malalaman kung hindi mo susunukan?".

Kahit may bakas pa ng luha ay nakangiti siya nang maingat ko siyang nilingon sa aking balikat, nangungusap ng malalim ang mga mata at tila naghihintay lamang siya ng sasabihin ko sa kaniya. Totoo pala, matamis na malamang mahal ka rin naman pala niya, natakot ka lang.




Thursday, January 17, 2013

Ang mga Puta at Ang Hiniram na Pluma


Ang maikling kwentong ito ay ginawa para sa personal na blog, sa Patimpalak na Bagsik ng Panitik (BnP) 2013, at para maibsan na rin ang kati sa palad upang sumulat. Hindi nito hangad ang paututin, patawanin, o patamaan ang sinuman. Naglalaman din ito ng mga wika o lenggwahe na hindi angkop sa mga bata, kung maaari po'y wag na lamang ipabasa sa kanila ang aking kalokohan, o 'di kaya'y patnubayan sila sa pagbabasa nitong aking pagkakalat.
_____________________________

Hindi nakakabigla na 'yon din ang bumungad sa akin ng buklatin ko ang dyaryo na hawak-hawak, mainit-init pa kasi non ang usapin tungkol sa ano na ba ang nagawa ng ating Lider para sa ikauna niyang taon ng pamumuno, nilalaman 'yon ng mga peryodiko at usapan 'din ng mga kritiko't mga taong ang hilig lamang ay mambatikos, nagtatanong pa nga ang iba, isa hanggang sampu ilan ang ibibigay mong marka sa kaniya?. Ganon din kainit ang isyu sa bahay kung bakit pasang-awa ang aking mga grado samantalang araw-araw naman daw akong pumapasok. Inamin ko ang lahat, inamin ko na kadalasan ay laman ako ng bilyaran at suki ako ng mga patok na galaan, lagi akong nasa mga kasiyahan imbis na sa loob ng paaralan. Kaya wala akong magawa kung 'di ang maghintay sa susunod ko pang mga klase na nadagnagan pa dahil kailangang balikan ang mga hindi ko napasukan. Nagbago na ako tulad ng gustong mangyari ni Ama. Ang totoo, hindi na ako natakot non sa sinturon na inilabas n'ya, "Ayaw kitang saktan, pero anak pinipilit mo ako." Nakita kong gusto nang tumulo ng luha sa mga mata niya at doon ko naisip na ikabubuti ko lang naman ang nais niya kaya siya nagagalit at ako'y napagbubuhatan.

"Anim, Pasang-awa. Ayos lang. Maaari namang magbago ang tao. Kung mali ang nasimulang hakbang maaari pa rin namang maituwid ang daan."–ito ang ibinulong kong marka at puna para sa aking nabasa na maihahalintulad din pala sa aking karanasan. Bago ko pa lamukusin ang dyaryo't ipamunas sa aking kuyukot matapos umebak ay bumatingaw na, hudyat 'yon ng muling pagsisimula ng mga klase sa buong paaralan. Nawala agad-agad ang ingay na binubuo ng mga daldalan, tanging mga yapak ang papalayong tunog na huling naparinggan. Katahimikan ang sunod na umiral dahilan para unti-unti kong mapakinig ang kakaibang ingay, maingay na kapaligiran mula sa labas na tumawag sa aking pansin at humingi ng saglit sa aking kamalayan. Ang ingay na 'yon ay mula sa maliit na bintana, bintana na ang silbi ay singawan ng mga bantot na tinataglay ng palikuran. Alam ko mali ang umapak at sumampa sa inidoro lalu pa't maputik ang sapatos ko ngunit tila ang ingay na 'yon mula sa bintana na rin ang siyang tumawag sa akin at nagsasabing "Tignan mo ang sitwasyon namin. Silipin mo ang mga nangyayari sa amin".

Larawan ng isang naghihirap na bayan ang tumambad sa aking mata ng silipin ko ang labas mula sa bintana, hindi ko man matanaw ng maayos ay alam kong kaunting pansin ang hangad nila, mapansin sanang kailangan nila ng tulong, trabaho, tubig, pagkain, edukasyon, maayos na damit at matitirahan, mga bagay na hindi maibigay sa kanila ng mga puta, mga bagay na nilalaman lang ng mga pangako nila ngunit ang mga taong bayan na ito sa palagay ko'y hindi nila kailanman ito nakamtan o naramdaman man lamang, tila sumangayon pa nga ang Batang hubo't hubad na biglang humagulgol sa likod ng kaniyang Ama na nakikipag inuman sa mga kasama. Maging ang alupihan na biglang gumapang papunta sa bintana ay akmang gusto ring silipin ang kalagayan sa labas, nagulat ako't muntik pa tuloy mabuslot ang paa sa bahong ako mismo ang naglabas. Mabuti pa nga dito, isang pindot lang ay kusang ilulubog ng tubig ang masamang elemento, ngunit paano sa kanila? Paano nila gagawing ibaon nalang ang mga pagsubok na dala ng bawat araw kung wala namang pagbabagong nagaganap? Lalo lang ang pasanin ay bumibigat, lalo lang ang kalagayan ay humihirap.

Bakit nga ba madalas mapansin ang mali o pagkukulang ng mga puta ngunit ang mga nagagawang nila ng maayos at tama ay bale wala? Sabi kasi nila–Ang mali ay mananatiling mali kahit sino pa ang gumawa. Sinusubukan lang naman ng taong bayan maging patas, hindi porket mataas ka lahat ng gagawin mo ay tama na, hindi lulusot sa mga mata ng nangangawit na sa pagtingalang taong bayan ang mga kasinungalingan, mga ginagawang panloloko, at mga kabulastugan ng humahawak sa kanilang bayan. Sabi ng taong bayan maituturing daw ang mga de-putang ito na mga ahas sa lipunan. Laban naman ng ating mga kagalang-galang, hindi raw madali ang posisyon na kanilang ginagampanan. Doon, isang katanungan ang naglaro sa aking isipan. Ano nga ba ang pakiramdam na maging mataas? Ano nga ba ang pakiramdam na maging nasa ikataas-taasan.

_____________________________

Sinimulan kong akyatin non ang tuktok ng gusali ng aming paaralan, nagmamadali man, ang bawat hakbang ay mayroong kasamang pagiingat, yakap-yakap ko sa aking dibdib ang antigong pluma, ang pluma na ginamit pa raw noon ni Zoilo Hilario noong siya ay nabubuhay pa at namamayagpag sa pagiging makata. Totoong mabigat pala ang pinaglalagyan ng tinta ngunit wala na itong laman, mabigat rin ang siguradong kaparusahan sa akin oras na malaman nilang itinakas ko 'yon mula sa ligtas nitong kinalalagyan. Minasdan ko ang balahibong panulat at malayo ang liliparin ng isip mo kung iyon ay matititigan, isipin palang ang madami nitong pinagdaanan sa kamay ng isang maalamat na manunulat at kung papaano nito isinalin ang mga salita upang maging kumpas ng damdamin, puso at isipan.

Ang mga ulap, sila ang sumalubong sa akin sa tuktok ng gusali. Doon ay may isang bagay agad akong napatunayan–kahit gaano ka pa kataas ay titingala ka pa rin. Dala ko sana ang aking kamera upang makuhanan ng larawan kung ano ang mismong nagpapabilib sa aking mga mata nung araw na 'yon. Kung nakapagdala rin sana ako ng yosi, ay magiging mas masarap ang pamamalagi ko sa taas. Ano bang iniisip ko? 'Yan na naman ako't iniisip ang aking mga bisyo, sawa na akong maging maling halimbawa. "Pangako talaga! Huli na ito!" usap ko naman sa sarili dahil naalalang ako nalang pala ang estudyanteng wala pa sa silid-aralan kung saan dapat ay naroroon ako.

Sa aking paglingon nakita kong mayroon pa pala akong kailangang akyatin at 'yon na ang pinakamataas na bahagi ng gusali. Sa aking pag-akyat ay natanaw ko na ng malaya ang iskwater na kanina ay hirap na hirap ko pang silipin sa bintana, sinimulan ko na rin nong itali ng goma ang aking nagtataeng bolpen sa pluma na gagamitin kong panulat, pinagtatawanan kaya ako ni Zoilo at Rizal mula sa itaas dahil sa kalokohang ginawa ko sa panulat? O 'di kaya sila ay kapwa naka-salumbaba habang hinihintay ang aking masasabi  sa kaawa-awang kalagayan na aking nakikita. Alam kong may maitatala ako ngunit hindi 'yon kasing inam ng paglalarawan ni Rizal tungkol sa nangyayari sa bayan gamit ang nobela, at sa pagbibigay hinaing at pananaw ni Zoilo sa pulitika sa pamamagitan ng pagdula. Hindi ako makapaniwala, ganon pala ang pakiramdam na mahawakan ang pluma, tila hiram na kapangyarihan na habang nasa iyo ay malaya mong gamitin sa mga nais mong isulat.

Ibinahagi ko ang lahat sa kapirasong papel na aking kaharap, sa kaniya ko itinala ang aking mga nakikita. Ang tindero ng sorbetes na miya't-miya ang punas ng pawis, ang mga batang mainit s'yang sinalubong ngunit wala namang pambili. Ang hindi mabilang na mga gulong at ang kinapapatungan nitong mga butas-butas na yero. Ang mga naka pila sa poso na kating-kati nang makaligo. Ang nagkumpulang mga misis na pinapakiusapan ang mamumutol ng kuryente. Ang mga estudyante na papasok palang, mga paa'y walang saplot. Ang pusang ayaw kainin ang tinik na nilalanggam. Ang asong kulang ang paa, pilit sinusubukang makahabol sa amo niya. Ang dyip na walang gulong. Ang mga dalagitang natatakot tumawid. Ang mga nangangalakal na bata rin ay naglipana. Mga magulang na tawag ng tawag sa hindi mahagilap nilang anak, baka naman nariyan lang sa tabi-tabi at nakikipaglaro lang, may naghahabulan pa ngang mga matatanda, sigaw ng taya "Tang-ina mo papatayin kita! Bakit ang asawa ko pa!"

Marami doong makikitang barako, nagsusugal, nagiinom, nagkakara-krus, nagkakamot ng bulbol, nanonood ng mang kanor, naglalaba at nagsasampay na kulang na lamang ay magpalda. Kung tatanungin mo sila kung bakit hindi gamitin ang laki ng katawan para sa pagtatrabaho sasabihin nila sa'yong umeekstra-ekstra lamang sila, hindi nakapagtapos ng pagaaral kaya walang kumpanyang pumatol sa kanila. Kapag umuwi sila at unang hinugasan ay ang alikabok ng semento sa paa ibig sabihin ay may pera sa bulsa, pera na maililigtas lamang sa gutom ang pamilya para sa hapunan, kinabukasan, kumakalam na tiyan nanaman ang sabik na naghihintay sa pagdating n'ya, ayaw na ayaw ng kaniyang may bahay na dumarating siyang sambakol ang mukha, hindi raw 'yon magandang senyales para sa kanila. Kailangan na uling humanap kung saan pa ba pwedeng umekstra.

"Mahirap ang buhay" yan ang laging sabi nila. Kailan kaya darating ang swerte? Kailan kaya sila mabubunot ni Bossing Vic? Kailan kaya sila mabibigyan ng jacket ni Kuya Will? Kailan kaya magiging ang magandang balita sa telebisyon ay tungkol naman sa kanila at hindi sa mga nagkakabalikang showbiz. Gusto na nilang sumuko sa hirap ng buhay ngunit kailangang maging matatag para sa pamilya. Maging ang kalapati nga doon ay naglayas na't hindi na nakayanan, mas mabubuhay pa siya kung tutuka na lamang ng mga bulate sa kung saan. Nanggigitata ang Bata, walang humpay ang pag-ubo ng kaniyang may sakit na Ama, sugat-sugat na mga paa, 'di mabigyan ng panlunas at medisina. May kaya ang aking pamilya kahit papaano, ganon pala kami ka-swerte kumpara sa kapalaran ng mga iskwater ng San Mateo. Ngunit papaano sila? Papaano silang mga hindi naibigay ang mga pangangailangan?.

Inilapag ko na non ang pluma, dahil ako man ay hindi na maatim ang aking mga naisulat at maisusulat pa. Humiga ako sa yero na iyon, sa bubungan ng hagdan sa tuktok ng gusali. Dahil malilim naman at masarap ang simoy ng hangin mula doon ay naramdaman ko ang ginhawa sa aking paghiga. Habang nakatingin sa mga nangungusap na ulap ay napaisip ako, naisip ko kung gaano karami ang estudyanteng nasa ilalim ko, nagaaral at sinusubukang matuto dahil sila daw ang pag-asa ng Bayan at ang edukasyon ang kayamanang hindi kailanman maaagaw sa kanilang kamay. Naisip ko, habang nagpapakasarap 'din pala ako sa kaitaas-taasan ay maraming nagugutom sa ibaba, sinusubukang mabuhay, sinusubukang labanan ang hamon ng kahirapan. Ganon pala sa kaitaas-taasan, hindi pwedeng patay malisya ka nalang sa kung ano ang mga nasa ilalim mo.

"Isang araw sa Pilipinas sa ating lupang sinilangan ay nagpahiram tayo ng pluma sa kaitaas-taasan, ibinigay natin ang kapangyarihan para maidikta ang takbo ng ating Bayan, umaasa tayong magiging maganda, maayos, at may pagbabago nang masisilayan. Ipinahiram natin ang pluma kasama ang tiwalang sa pangakong magiging matuwid ang daan, tiwala na hindi sana mapunta lamang sa wala."

"Aldrin... Aldrin..."

Nadinig ko non ang pangalan ko at nagising sa aking pagkakahimbing. Nakatulog pala ako sa bubong at 'di na namalayang inabot na ako ng gabi doon. Ang isa sa aking mga maestra ang tumatawag sa akin, dahil walang ilaw doon ay dala niya ang isang lampara na katulad ng ginagamit sa mga Sagala.

"Nandito po ako!" sigaw ko naman

Habang tinitingala ako sa aking kinaroroonan ay bahagyang napangiti si ma'am Rodriguez.

"O eh akala ko ba nagbago ka na? Bakit nandyan ka at hindi nanaman kita nakita sa klase ko kanina? At... Tinakas mo pa yang pluma ha."

"Hiniram po ma'am! Pangako huli na ito." ngumuso pa nga siya sa sinabi ko na parang ayaw maniwala at nakikipag-biruan

"Bumaba ka na nga d'yan at alalang-alala na ang mga magulang mo sa'yo, nandoon sila sa baba."

Madami na ang naghahanap sa akin, ganon pala katagal ang ipinamalagi ko doon. Alam ko na rin na posibleng sinturon na naman ang kaharapin ko paguwi ngunit huli na 'yon, dahil nangako na ako sa sarili, doon mismo sa lugar na 'yon, sinabi kong magbabago na talaga ako, tunay na pagbabago.

_____________________________

Dalawang taon na ang lumipas mula noon. Heto muli ako ngayon kung saan rin ako naroon nung araw na 'yon. Kolehiyo na ako ngayon at hindi naman ako lumiban ng aking klase, katunayan ay narito ako para gawin ang isang ulat ko para sa markahan, sa madaling sabi ay narito nanaman ako para sumulat. Mamaya na, humiga muna ako at nagde-kwatro pa nga ng paa.

"Talaga naman... Hindi ka pa rin nagbabago."

Hindi ko na kinailangang lumingon, nanatili akong nakatingin sa kalangitan. Si ma'am Rodriguez 'yon sigurado, hindi ko kasi malilimutan ang tila laging nagpapangaral na boses niya.

Tumayo ako, nilabanan pa ng nakakasilaw na sinag ng araw ang malayo kong pagtanaw. Buntong hininga naman para sa pagtingin ko paibaba, sa iskwater ng San Mateo na hanggang ngayon ay nakikiusap.

"Nakakainis nga po ma'am. Malayo pa ang pinanggalingan ko para lang ang kalabasan ng buong ulat ko ay Wala Namang  Naging Bago."


~END


Aldrin Espiritu 1/17/2013


~~ o ~~

Ang maikling kwentong ito ay nagkamit ng ikapitong karangalan sa Bagsik ng Panitik (BnP) 2013







Tuesday, January 15, 2013

A Kwentista Year Review


Sabi nila pinaka lumitaw daw ang aking pagiging madrama sa aking mga naisusulat. Ako man ay aminado, baka nagsasawa na nga yung iba na puro sad ang ending ng aking mga maikling kwento kaya paminsan eh gumagawa naman ako ng hapi ending kahit papaano.

Gusto ko lang ishare ang para sa akin eh pinaka parang achievement ko, at kahit gabuhok lamang ang mga ito kumpara sa mga naisusulat ng ibang Writers eh proud ako na naisulat ko ang mga ito. Ito yung tatlong akda na tingin ko eh pinaka naisulat ko na maayos, hindi maganda, baguhan lang naman ako habang buhay haha. Gusto ko lang ishare, yun lang, mula ito sa iniwan nating taon 2012. Naway magkaroon pa ako ng marami-raming gatas tulad noon upang makasulat muli ng malaya, yung hindi pinipilit, damdamin ang s'yang nagdidikta.

_____________________________




Nung sinulat ko ito breaktime ko sa trabaho, nandun ako sa kubo kung saan pinapatambay ang mga nagaapply sa company nakitambay ako sa kanila kasi busog pa naman ako andami kong inalmusal nung umaga non. Mukhang uulan non kaya paglabas ko ng selpon ko 'ulan agad yung una kong sinulat sa drafts. Kakabreak lang namin ni ****** dahil daw nawawalan na ako ng oras sa kaniya, ayun... Ni-relate ko dito yung ulan sa pamamagitan ng tula, okey yung resulta, madramang makata ang datingan, naging Literary Tools yung ulan.




Ito namang tula ng paghanga sa loob ng shuttle ko to sinimulan at ipinagpatuloy nalang sa bahay, kilig-kilig kaya masasabing inspired ako nung sinulat ko ito, nakatabi ko kasi s'ya nun eh, at siya pa ang nagsabing dun ako tumabi sa kaniya ^__^ yun lang hindi kami nagkaroon ng happy ending pero okey na sakin yung naging close kami bago pa siya mag-endo. Nagulat din ako kasi biglang tumaas ang views sa tulang ito, ewan ko ba kung maganda talaga, o madami lang hits dahil marami ang naghahanap sa Google ng tula patungkol sa paghanga.



Ito namang salamin. Katas ito ng sumagi sa isip kong ideya, ang ideya ay "Taong Sumasalamin sa Isa't-isa". Sinimulan ko ito na hindi alam kung paano tatapusin, siguro yun mismo ang nagpaganda sa takbo ng kwento, dapat kasi isang Sulat lang ito nadugtungan ko para maging isang maikling kwento. Hindi mataas ang views pero para sakin ito yung Maikling Kwento na pinaka nabigyan ko ng buhay. Oo nga naman, anong buhay eh ang lungkot-lungkot nung kwento? Ewan ko ba ang ibig ko lang sabihin itong Kwentong ito ay buong buo para sa akin, laman nito yung mga dapat taglayin ng isang Maikling Kwento.

_____________________________


Sana lang ay makasulat pa ako ng maayos, hindi sana maubusan ng ideya ang kokote kong kakarampot. Hindi sana ako maging sabaw this year. Nagpapasalamat din ako dahil nagkakaroon na rin ako ng mangilan-ilang viewers. Hindi ko naman hinahangad yung makilala, okey na sakin yung nagba-blog ako para magawa ang hilig ko. Salamat po ulit sa lahat ^__^





All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.