Natanaw ko na s'ya mula sa gitna ng siksikan. Ang babaeng noon ay hindi malaman kung saan siya pupunta. Ang babaeng hindi malaman kung anong talaga ang gusto niya. Ang babaeng haharap sa'yo at tatanungin ka sa kung ano sa palagay mo ang naghihintay sa kaniya para bukas, tatanungin ka kung tama ba ang mga ginagawa niya't kung nakakatulong ba ito kahit sa gabuhok lamang na paraan para sa kaniyang kinabukasan, maging para sa kaniyang Bayan.
Palagi n'yang kataga—sobrang unfair daw ng life. Ang mga bagay na hindi naman natin kailangan ang nariyan, subalit ang mga gusto at kailangan natin bago mapasa kamay ay pahirapang tunay muna. Katulad raw ng yaman, yaman na tinamasa niya mula pa noong siya'y iluwal, mula sa branded na gatas, tsupon na pang iisang gamitan lamang, hanggang sa nagsasalita at may kakayahang pumikit na manika, makakapal na baby bra, hanggang sa magarang kotse na ipinangalan sa isang menor de edad, paid 4 years tuition sa kilalang unibersidad, hanggang sa sunugin niya ang pagkadamidaming pera na pinanuod niyang maabo sa pagsisimula ng selebrasyon ng unang pagtungtong niya sa adult years na tinatawag. Hindi naman niya ginusto ang lahat ng 'yon, inalikabok na nga sa garahe ang kotse. Mas pinili pa rin niya na mapawisan ang kaniyang kili-kili at hita dulot ng siksikan sa tricycle, ayaw daw niya nung magisa lang s'yang sasakay, ayaw na ayaw niya sa salitang special.
Marami siyang inerereklamo tungkol sa buhay, bakit ganito, bakit ganon, at bakit gan'yan. Kadalasan ay natutulala na lamang ako sa malusog niyang hinaharap, ngunit sa dami ng nais n'yang ikwento ay hinding hindi ka mauurat na makasama siya. Sa panahon ngayon ay mahirap nang makahagilap ng isang tulad niya, napanganga ako noong una dahil maging ang torta ay hindi niya ginamitan ng kutsara. Ngumiti pa nga sa akin ang tindera sa carinderia, nakitang tulala ako sa aking kasama, kulang nalang ay siya pa ang magsabing "Ser! I think you're inlab!"
Marami daw ang gustong makapag-aral ng Medisina ngunit hindi pumapabor ang tadhana, mayroong mga nahihinto sa pagaaral, may mga nagloloko, may mga nagsasawa, mayroong iba na iniisip na hindi talaga para sa kanila ang medisina, mayroon ding hanggang pangarap na lamang ang makapag-aral ng medisina at tanggap nang hindi maisasakatuparan ang sa sagot nila sa tanong noong sila ay mga bata pa, "Anong gusto mong maging paglaki mo?" na ang karamihang sagot ay maging Doktor upang makatulong sa kapwa.
Ang sagot ko sa katanungan na 'yon ay maging isang kapwa, para maraming tutulong sa akin. Ngunit hindi man lang kumorte upang makitaan ng ngiti ang labi niya sa sinabi ko, hindi pala magandang oras 'yon upang makipag biruan, dahil nalaman niyang hindi pala niya naipasa ang pinaka malaki at pinakamahalagang pagsusulit sa medisina. Kung sana daw ay nabigyan nalang ng chance ang iba at hindi siya, sa una palang kasi ay alam na niya para sa sariling hindi ito ang gusto n'ya. Muli ay narinig nanaman mula sa kaniya, "Napaka unfair ng life, kailangan kong pumasa pero hindi ko nagawa. Sana nabigyan nalang ng pagkakataon yung iba".
"Huwag mong pilitin ang sarili mo, pakinggan mo ang sinasabi ng puso mo, gawin mo kung ano ang gusto mo." Dahil sa sinabi kong 'yon ay tila namulagat ang kan'yang mga mata mula sa pagiging tulala. Ako man ay nagtataka kung bakit lumabas 'yon mula sa aking bibig. Sa wakas ay may nasabi akong makakatulong sa kaniya, hindi na ako ngayon isang taga pakinig lamang ng mga kwento at hinaing niya, sa wakas ay may payo mula sa aking narinig siya, natauhan ako, salamat sa mainit na sabaw ng nilaga. Siya naman ay sa akin nagpapasalamat, naka kagat labi pa siyang tumitig sa akin na talaga namang ikinahiya ko, hinawakan niya ang aking kamay at hinila ako patayo sa aking kinauupuan, tanong ko naman ay saan tayo pupunta? Gagala daw kami at sagot niya ang lahat, dagdag pa niya na maaari ko raw 'yong tawaging date, hindi naman daw siya magagalit.
Sa isang kilalang coffee shop kami nakarating. Kapansin pansing kami lang ang walang bitbit na gadyet doon upang maki hati sa bandwidth ng libreng Wi-Fi. Habang iniinom ang hindi naman mainit na kape ay sinariwa ni Yna at ibinahagi sa akin ang pinaka masayang pangyayari na natunghayan raw niya sa kaniyang buhay, kahit ang totoo ay paulit-ulit niya lang 'yong pinapanuod sa naitagong cd ng kaniyang kuya. Mula sa kalangitan daw non ay nahuhulog ang kaiga-igayang pagmasdan na mga confetti, dala ng umaandar na malaking kahoy ang 'di magka mayaw sa pagkaway na si Tita Cory. Dinig kahit saan ang sigaw sa mikropono ng mga mamamayan. "Tayo ay pantay-pantay! Tayo nasa malayang Bayan! Cory! Cory! Cory!". Gustong ipaabot ng bawat isa kung gaano sila kasaya noong mga oras na 'yon, ang kanilang mga kamay ay binibigyang boses at itinataas sa hangin na ang sigaw ay Laban! Nakamit na ng Bayan ang demokrasya at nagaapoy ang puso ng bawat isa, hindi alintana ang pawis at pakikipag siksikan dahil sa wakas ay nabigyang katuparan ang kanilang ipinaglalaban.
Sabi ko naman—"May chance pa ring masaksihan natin ang gan'yan, 'yon nga lang, siguradong hindi kulay dilaw ang mahuhulog na confetti."
Mula noong 1992 ay hindi na umabot sa 50/50 ang pag-asa para sa maayos na pagbabago. Kung noon ay malakas pa ang loob nating gawing panghataw sa ginagabing asawa ang talong ay hindi na ngayon, nagmamahal na ang mga bilihin, maging ang presyo ng gasolina ay hataw din, hindi na rin malayang makapili kung anong klaseng bigas ang bibilhin, kung hindi sa may mahabang pila ka bibili kinabukasan ay wala kang kakainin. Lahat kasi ay nagmamahalan na kami nalang ni Yna ang hindi pa. Ngunit matapos ang gabing 'yon ay tila napalapit akong palalo sa kaniya at napakawalan ang daga na nanirahan ng matagal sa aking dibdib. Mahal ko na nga siya—bulong ko sa sarili habang pinagmamasdan s'yang kumakaway papalayo sa akin. Sa pagbukas niya ng gate ay kumawala ang aso kaya naman kinailangan ko na ring tumakbo pauwi at putulin sandali ang pangangarap ko ng gising.
Pauwi na ako non ay sariwang sariwa pa rin sa aking isip ang sinabi ni Yna. Kaya mo lang daw mahalin ang isang tao kung kaya mong mahalin ang mga paniniwala niya at pananaw sa buhay. 'Yon daw ay isang bagay na hindi maaaring ituro sa puso kaya mahihirapan siyang makahanap ng lalaki na magmamahal talaga sa kung sino at ano s'ya. Wika ni Yna "Hindi naman pala ganon ka-unfair ang life, dahil kaharap kita ngayon, isang tao na hindi ko naman hiniling pero ipinakilala sa akin ng tadhana, isang taong laging handang makinig sa mga gusto kong sabihin at makiking sa aking mga saloobin." Doon ay nalaman kong lumagpas na sa sa 50/50 ang chance upang Oo ang isagot niya sa mabuti kong pakay. Umuwi akong may ngiti sa mukha at eksayted magpaload upang sa text ay maituloy namin ang aming ginabing usapan.
_____________________________
Isang taon na pala mula noon. Ngayon ay nagaaral siya ng Abugasya, alam na raw niya ngayon kung ano ang gusto niya. Ako naman ay butihing tambay. 'Pag tambay tamad agad? 'Di ba pwedeng naghahanda pa muna? Heto siya ngayo't may dalang placard, nakikihiyaw kasama ng maraming tao bitbit ang mga simbolo ng pagtaliwas nila sa pinalalakad na Cybercrime Law. Huwag ko lang alalahanin kung gaano kagulo ang paligid doon ay maiisip ko na naman kung gaano akong kaswerte upang siya ay mapaibig. Dala-dala ko pa ang Mountain Dew na magpapa kalma sa boses niyang palaban. Bago maki-sigaw ay matamis na halik muna ang aking tinanggap, para sa isang taon na pagiging masaya, para sa isang taon naming pagsasama.
~END
Aldrin Espiritu 2/5/2013
waiiiiiittttt fiction ba ito o totoo? ahahahaha
ReplyDeletehuwe? ahahaha nagtanong pa ako di naman ako naniwala ahahaha. Maganda ang kwento nya infairview.
Deletehehe kiliti paren ang rekado.. salamat tol rix ^_^
Deleteyun na nga tol, kaya nagtanong ako kasi baka mamaya magcomment ulit ako ng "tamis tamis wag sana maalis" nyahaha.
Deletehaha ou nga anu, matam-is nanaman. pero ayos lang hindi na sunod-sunod ngayun, wala laang talagang mapisil haha ^_^
Deletekeri lungs, umiinterbal na nga eh ahahaha.
Deletemaganda ang pagkakalahad... galing... hanga ako sa iyong talento... medyo mahaba pero hindi ko napansin... gusto ko pa ng maraming ganito...at usto kong malaman ang pinaghugutan mo...
ReplyDeletenahugot lang naman yan sa kung saan senyor hehe.. pumupulot lang ako ng isang topic tulad ng taytel nito, dun ko na pinapaikot ang kapilyuhan ko sa katawan ng kwento hehe... salamat kapanalig at nagugustuhan mo ang mga napipisil ko ^_^
Deletenasagot na ang tanong.
ReplyDeleteayos na
ayosk na sir j.. ^__^ salamat sa pagbisita..
Delete