credits: saj dimaks |
"Tama si Angie noong ang tingin ng mga mata niya sa akin ay tila pilit hinahanap ang makapagbibigay sa kaniya ng ideya sa kung ano pa bang maaaring itinatago ko sa kaniya, mga bagay tungkol sa akin na hindi pa niya alam. Kumbinsido ang boses niya sa pagkakasabing-Siguro napipilitan ka lang kaya ka nan'dito. Hindi mo naman talaga gustong mag-japan."
Kahit nagbulakbol lang naman ay sasabay pa rin sa takdang oras ng uwian. Ang pagiisip ko ng malalim no'n ay hindi palabas para walang makapansing hindi pa ako nakakapag bayad sa jeep-iniisip ko talaga si Angie at kung papaano niya ako nagagawang basahin at kontrolin, kahit pa takot pa rin akong aminin na gusto ko siya, at ang paghanga ko sa kaniya, higit pa sa kung gaano ka-one love ni Sarah G ang pagkanta at career niya. 'Yon ay kahit pa walang kasiguraduhan na manliligaw na nga ba n'ya akong itinuturing.
Napakamot na lang ako nang makitang nasa kabilang jeep lang siya na ako pa yata ang pinagtatawanan. Parang sinadya. Alam siguro kung gaano katagal kong tiniis na hintayin s'yang lumabas, tanaw rin n'ya siguro mula sa bintana kung gaano ako naging kahina-hinala sa gwardya dahil sa pagpapabalik-balik sa entrada.
Maraming daliang tanong sa sarili, "Lilipat na ba ako habang pinupuno pa lang?", "Tatabihan ko ba s'ya o' makukuntentong kaharap na lang?", "Hindi kaya feeling sobrang close na ang dating ko kung ngayon na gagawa ng hakbang?", at "Papaano gagawin ang gentleman move kung ang pamasaheng natira ko, sa'kin pa lang ay kulang na?".
"Hindi ko alam kung bakit bigla kong naramdaman ang hiya. Sabay pa sa pagsilip ng takip-silim at paghalo ng mga deboto ng Baclaran sa madla. Napa-salumbaba na lang ako't tumanaw mula sa bintana ng jeep. Tila paglalarawan sa isang yugto ng hindi naging mabiling libro dahil sa patay na mga linya nito't walang pinatunguhang kwento, eksena kung saan isinuko na lamang ng bida ang lahat."
Siguro nga, hindi nababagay sa kaniya ang isang 'tulad ko, hindi santo at maraming kalokohan sa ulo. Maari ring sabihing walang pakialam sa mundo. Nabasa na nga n'ya siguro ako, at wala na akong pagasa dahil hindi ganoong lalaki ang kan'yang tipo. Kung may pagkakataon lang, ipagmamalaki ko sa kaniya, loko nga ako, pero isang punto sa buhay ko, kahit walang inasahang sukli ay nagmahal ako ng totoo at s'ya ang kinalokohan ko.
"Tama si Angie noong ang tingin ng mga mata niya sa akin ay tila pilit hinahanap ang makapagbibigay sa kaniya ng ideya sa kung ano pa bang maaaring itinatago ko sa kaniya, mga bagay tungkol sa akin na hindi pa niya alam. Kumbinsido ang boses niya sa pagkakasabing-Siguro napipilitan ka lang kaya ka nan'dito. Hindi mo naman talaga gustong mag-japan. Ang totoo, s'ya lang naman ang dahilan kung bakit ako nanatili."
Biglaan na lamang ay may tumapik sa aking binti. Tila ako ibinagsak ng patiwarik mula sa pangangarap pabagsak sa realidad dahil nagulat at nautog sa estribo. Si Angie 'yon, hindi ko napansing lumipat pala sa sinasakyan kong jeep panay ang sorry na nagulat n'ya 'ko habang ako naman ay tawang-tawa lang sa sarili.
"Bakit kasi ang seryoso mo, ano bang iniisip mo?" kahit papaano, nakakapanibagong hindi sermon ang isinalubong n'ya sa akin. "Siguro hindi ka pa bayad kaya ka tahimik?" dagdag pa n'ya sa sinabi
"Simula pa lang naman ng Byahe." sagot ko. At sinabing nakaamba na sana akong lumipat sa sinasakyan n'ya. "Akala ko nga nakapag bayad ka na kaya hindi ka makababa." wala akong nasagot sa sinabi n'yang 'yon pero nasa likod ng utak pa rin kung 'yon ba ang dahilan kaya siya nakitang tumatawa.
Sa sandaling oras ay marami s'yang naitanong sa akin na parang kami lang ang tao sa loob ng pampublikong jeep. May mga tinawanan lang namin, may mga tinanguan ko lang, may mga itinanggi at mayroon ding mga inamin. Sa pagiging matanong niya'y maaring kong isipin na kahit gatiting ay may interes siya sa akin, pero alam ko namang nasa pagkatao n'ya talaga 'yon kung kaya nga ang mga sandaling 'yon ay tila pangangangarap ko pa rin. Tipong simpleng pagsakay kasama niya sa jeep maaari kang mag thank you for a wonderful and magnificent night.
Sandaling nagkaroon ng katahimikan na agad namang binasag ni Angie. Panghihinayang ko, dahil alam sa sariling sinayang ko ang aking pagkakataon para sa kaniya naman magbato ng mga tanong upang pahabahin pa ang nangyayaring saglit na dream come true 'ika nga.
"Pa'no kung makapasa ako, makapagibang bansa na. Tapos ikaw hindi?" tanong n'ya na tila pumasok sa aking system upang gisingin ang natutulog kong diwa, paganahin ang walang laman kong utak, at katukin ang pusong timang. Bakit hindi ko 'agad naisip? Bakit hindi 'ko naisip na tumanaw sa kung ano ang dahilan ng bawat bagay, bawat kilos, bawat salita. Ngayon ko lang naisip, nasa harap ko pala ang tulay patungong pagmamahal, ginawa mula sa malasakit, pinagtitibay ng pagkakaibigang agad-agad ay naging click. Hinarangan ng tampo, inis, at mga hindi pagkakaintindihan. Sa huli, tatanggapin kong ako ang may kasalanan.
"Hindi ko alam kung bakit bigla kong naramdaman ang hiya. Sabay pa sa pagsilip ng dilim at unti-unting pagbilis ng sinasakyang jeep. Napa sandal na lang ako't napapikit habang tanging hangin mula sa labas ang ramdam sa'king pisngi. Tila paglalarawan sa isang yugto ng hindi naging mabiling libro dahil sa patay na mga linya nito't walang pinatunguhang kwento, eksena kung saan sisi ng bida ang sarili niya, sa simula pa lang ay naging maganda sana ang kanilang storya, kung hindi lang sana siya nagpakatanga."
"Sa tingin mo may pagasa pa ba ako sa'yo?" natagalan bago ko masagot ang sinabi ni Angie, habang wala naman akong malay na tungkol sa panliligaw ang nasambit ko't hindi tungkol sa aming pagaaral. Tanong sa sarili, nasabi ko ba talagang "sa'yo" sa huli? Hindi ako makatingin sa kaniya. Namamawis at hindi pinapahalatang nanginginig ang mga kamay. Nakahinga pa ng konti nang mapansing halos lahat ng katabi namin ay umiidlip.
Alam kong hindi sa kalsada, kailangan kong tumingin sa kaniya para malaman ang sagot niya sa akin. Kaya nga sinubukan ko kahit pa puno ng kaba. 'Yan na nga ba't salubong ang kilay niya. Pero malumanay at seryoso noong sinabi niyang, "An'layo naman ng sinabi mo. Pero ano pa man. Kung may pagasa ka pa sa makapasa sa school, o' sa panliligaw sa'kin. Iisa lang naman ang sagot. Oo, kung kaya mong magbago, 'diba?" dagdag pa niya, bakit hindi daw ako makapagsalita at parang hihikain.
Kahit may halong taray, at pangangaral, napangiti ako sa sinabi niyang 'yon. Hindi ko sasayangin ang tiwala niya-sabi ko sa sarili, papatunayan ko na kaya kong gawin ang lahat para sa kaniya. Parang ang aral mula sa hindi naging mabiling nobela na isinulat ng aking Ama. May mga tao daw na hindi naman ulyanin o' nasiraan ng bait ngunit ligaw. Darating ang araw may isang tao na magtuturo sa kaniya ng tamang daan, walang dahilan para hindi s'ya sumama, bagkus ay sabayan sa lakbay at habang buhay na suklian ang malasakit at pagmamahal na ipinakita.
Kumbinsido't napaapir pa nga sa akin ang driver noong mapalingon ako sa kaniya. Kanina pa pala akong binabantayan at pinakikinggan ang aming usapan. "Kayang kaya mo yan bata! Simula pa lang naman ng Byahe 'diba!?" naka thumbs up pa na sabi n'ya.
~~ o ~~
No comments:
Post a Comment