Sunday, August 6, 2023

Patungkol Kay Diana Lyn

photo credits @ttsellvs
Sabi niya hindi na siya naniniwalang matatupad ko ang aking mga pangako. Yung darating ang araw ay makakagala kami sa magaganda at malalayong lugar. Mabibili ang lahat ng maibigan. Maraming oras na mailalaan para sa isa't-isa. May negosyo at hindi kailangang kumayod na parang kabayo sa pabrika. At titira sa tahanan na masasabing sa amin, hindi nakatira sa magulang, at walang upang binabayaran. Kahit mabigat 'yon dalahin sa aking likuran lalo't parang ako lang, lahat yon ay pinangako kong isasakatuparan. Sa gabay ng Panginoon at pagsusumikap.

Minahal ko siya. Alam ng Diyos na ginawa ko ang lahat ng aking makakaya. Pero yung tiwala sa iyong kapareha at kakampi sa buhay, hindi ko yon nakita sa kaniya. Siguro nga, hindi pa ganon kalawak ang karansan ko kumpara sa kaniya, hindi ko pa nauunawaan ng husto ang mga bagay-bagay pag dating sa pakikipag relasyon. Ang sigurado lang, mahaba na ang naubos ng pisi ko sa kaniya, at wala na sa lugar ang mga hiling, kagustuhan, at pagmamadali niya.

May isang araw na nagyaya ako para magsimba. Tinawanan lang niya ako at sinabing ako na lang, wala naman daw ginawa ang Diyos para iangat ang aming pamumuhay, at bakit daw uunahin pa ang pagsisimba gano't wala naman kaming pang gastos na pera. Napakasakit marinig non mula sa kaniya, pero ako pa mismo ang humingi ng tawad sa Panginoon para sa kaniya. Ang kapalit pala ng pagsama ko sa kaniya sa aking Dasal, paglabas ng Simbahan ay makikita ko siyang kasama ang ibang karelasyon niya, ang mas masakit, kapareha pa niya ng kasarian.

Pwede niya akong lokohin, pwede niya akong pagtaksilan, pwede niya akong sigawan, pwede niya akong pagdabugan, pwede niya akong saktan, pwede niya akong sungitan, pwede niya akong pagtimplahin ng sarili kong kape, pwede niya akong hindi ipaghain ng makakain, pwede niya akong hindi samahan mamalengke, pwede niyang itago ang cellphone ko para hindi ko magamit, pwede niyang patayin ang TV kahit alam niyang nanonood pa ako, pero wag naman niyang maliitin ang aking pagkatao at ang aking pananampalataya.

Araw-araw kahit mayroon akong katwiran, kahit wala akong ginawang mali, pinakikinggan ko ang mga sermon niya. Kahit siya naman talaga ang may kamalian at pagtataksil na ginagawa. Hanggang sa isang umaga naisip ko na lang na hindi tama ang aming pagsasama, hindi ako handang lumangoy sa dagat na puno ng kasalanan kasama niya. Pero araw-araw pa din akong nagpapasalamat sa kaniya. Kung hindi siya ang una at huli kong inibig, baka kahit kailan ay hindi ako napalapit sa ating Panginoon.

Patrick "Nasan na po siya?"

"Nandiyan lang siya sa tabi-tabi. Ngayon mga sermon sermon ko na ang araw-araw at paulit-ulit niyang napapakinggan." nakangiti kong sabi.

"Kung ginusto ba niya yon. O wala lang siyang choice. Yun ang hindi ko alam mga anak." dagdag ko.

Kyla "Paano Father?"

Renz "Yan kasi, mga gold digger."

Anthony "Hindi kamo makuntento."

Jenina "Huii, hindi lahat."

Beth "Nandito lang po ba siya Father?"

"Yang hawak mong rosaryo Beth. Yang dala mong replica Renz. Pati yang mga kandila na may ibig sabihin ang bawat kulay. Mga anak, malamang ay sa kaniya niyo yan nabili." tugon ko sa mga bata.


~~




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin