Saturday, August 5, 2023

Anak ng Pusa

photo credits @flickr
Alas nuebe na pala, hindi na ako nagigising ng maaga. Kung hindi pa tugusan ang init sa yero at plywood ay siguradong mahimbing pa rin sa pagkakahiga. Nakahain na sa mesa, kuryente, tubig, utang, at upa. Magkakape na lang sana pero ang termos, mas mabigat pa yung tasa.

Sumandal na lang at pinagmasdan mula sa bintana ang mga kalapati ni Marvin habang umiipot sa bubong namin. Kahit ano ay tinutuka magka laman lang ang tiyan. Si Marvin palibhasa may kaya ang pamilya kaya ayaw magtrabaho, kumukupit na nga lang ng pera sa grocery nila, pag nakakakulimbat naman ay yung may breed na pusa lang niya ang naaalala. 

Gulong gulo ang isipan ko, pati ang kama, ang mga pinagkainan kagabi ay tambak pa. Pano kaya kung nandito pa si Cris? Magtatampo pa rin kaya siya sa pag secellphone ko imbis na maglabing sa kaniya at asikasuhin siya? Malamang ay sermon na naman ang abutin ko dahil lalong naging patapon ang buhay ko simula noong iwan niya.

Konting libang lang naman sa hirap ng buhay yung kinukuha ko sa paglalaro sa cellphone. Hindi ko naman kasalanan maging mahirap. Hindi rin ako humiling ng tulong niya kahit kailan, pero maliit talaga ang sukli sa kahit anong sikap kapag ikaw ay mahirap. Sana naniwala muna siya na kaya at kakayanin ko bago niya naisipan umalis na lang. Bilang lalaki kasi ay gusto kong ako yung gumagawa ng paraan para mayroon kaming panlaman sa tiyan.

Sana inisip niya muna ang mararamdaman ko. Sana pinagisipan niya ng mabuti bago siya nagdesisyon. Siguro, dagdag na rin sa nagtulak sa kaniya ay yung hindi namin pagkakaroon ng anak. Pero madami namang paraan, etong si Marvin nga parang anak na niya kung alagaan at baby-hin yung pusa dahil hindi rin daw sila nabibiyayaan. Hindi ko nga alam kung may Jowa talaga. Solong anak daw kasi yung babae kaya hindi niya maiuwi sa bahay.

Si Cris, hindi na kailangang magdahilan, hindi na kailangang magpaliwanag. Halata ko na sa kaniya. Nagsawa na siya, at mayroon siyang iba. Kung sabagay, kahit naman nandito pa siya, araw-araw gumigising kasama ko. Pipiliin ko pa ring mag tanga-tangahan at magkunwaring walang alam, kesa daanin na naman niya ako sa takutan ng pangiiwan. Pero nangyari na. Ano pa bang magagawa ko.

"Pre hanap ka ni Cris!" Sigaw ni Marvin matapos halos patumbahin ang yero naming pintuan sa pagmamadali. "Put@ng in@ mo nasan? Umuwi na?" Sagot ko sa kaniya habang napabalikwas dahil akala ko ay nagkamali ng ni-raid ang PDEA, mukha lang pwestuhan ang espasyong inuupahan ko pero hindi talaga. "Sa telepono ng tindahan pre. Kakadating lang daw sa Japan." tsismoso at madiing sagot niya.

Hindi ko naman talaga inasahang makikipag komunikasyon pa sa akin si Cris sa pag alis niya. Alam kong kasama na sa pagtanggap niya ng trabahong 'yon ang pagtakas niya sa buhay na kaya kong ibigay sa kaniya. Masakit mang aminin dahil minahal ko siya, ganong klaseng babae talaga siya.

"Alam ko naman Pre. Sige na ikaw na kumausap." sagot ko habang inaayos ang tindig ng pintuan at pinakikiusapan si Marvin na lumabas na. Alam kong sa puntong 'yon ay napaisip na din siya at nagiisip ng isasagot para mailusot ang nasabi niya. Mailing-iling ko na lang na sinabi. "T@ngina mo naman pre, tinanong lang ako sayo nun nadulas ka naman. Wala na tayo sa dekada nobenta, may cellphone ako at social media kung ako talaga ang gusto niyang tawagan."


~~




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin