Thursday, January 17, 2013

Ang mga Puta at Ang Hiniram na Pluma


Ang maikling kwentong ito ay ginawa para sa personal na blog, sa Patimpalak na Bagsik ng Panitik (BnP) 2013, at para maibsan na rin ang kati sa palad upang sumulat. Hindi nito hangad ang paututin, patawanin, o patamaan ang sinuman. Naglalaman din ito ng mga wika o lenggwahe na hindi angkop sa mga bata, kung maaari po'y wag na lamang ipabasa sa kanila ang aking kalokohan, o 'di kaya'y patnubayan sila sa pagbabasa nitong aking pagkakalat.
_____________________________

Hindi nakakabigla na 'yon din ang bumungad sa akin ng buklatin ko ang dyaryo na hawak-hawak, mainit-init pa kasi non ang usapin tungkol sa ano na ba ang nagawa ng ating Lider para sa ikauna niyang taon ng pamumuno, nilalaman 'yon ng mga peryodiko at usapan 'din ng mga kritiko't mga taong ang hilig lamang ay mambatikos, nagtatanong pa nga ang iba, isa hanggang sampu ilan ang ibibigay mong marka sa kaniya?. Ganon din kainit ang isyu sa bahay kung bakit pasang-awa ang aking mga grado samantalang araw-araw naman daw akong pumapasok. Inamin ko ang lahat, inamin ko na kadalasan ay laman ako ng bilyaran at suki ako ng mga patok na galaan, lagi akong nasa mga kasiyahan imbis na sa loob ng paaralan. Kaya wala akong magawa kung 'di ang maghintay sa susunod ko pang mga klase na nadagnagan pa dahil kailangang balikan ang mga hindi ko napasukan. Nagbago na ako tulad ng gustong mangyari ni Ama. Ang totoo, hindi na ako natakot non sa sinturon na inilabas n'ya, "Ayaw kitang saktan, pero anak pinipilit mo ako." Nakita kong gusto nang tumulo ng luha sa mga mata niya at doon ko naisip na ikabubuti ko lang naman ang nais niya kaya siya nagagalit at ako'y napagbubuhatan.

"Anim, Pasang-awa. Ayos lang. Maaari namang magbago ang tao. Kung mali ang nasimulang hakbang maaari pa rin namang maituwid ang daan."–ito ang ibinulong kong marka at puna para sa aking nabasa na maihahalintulad din pala sa aking karanasan. Bago ko pa lamukusin ang dyaryo't ipamunas sa aking kuyukot matapos umebak ay bumatingaw na, hudyat 'yon ng muling pagsisimula ng mga klase sa buong paaralan. Nawala agad-agad ang ingay na binubuo ng mga daldalan, tanging mga yapak ang papalayong tunog na huling naparinggan. Katahimikan ang sunod na umiral dahilan para unti-unti kong mapakinig ang kakaibang ingay, maingay na kapaligiran mula sa labas na tumawag sa aking pansin at humingi ng saglit sa aking kamalayan. Ang ingay na 'yon ay mula sa maliit na bintana, bintana na ang silbi ay singawan ng mga bantot na tinataglay ng palikuran. Alam ko mali ang umapak at sumampa sa inidoro lalu pa't maputik ang sapatos ko ngunit tila ang ingay na 'yon mula sa bintana na rin ang siyang tumawag sa akin at nagsasabing "Tignan mo ang sitwasyon namin. Silipin mo ang mga nangyayari sa amin".

Larawan ng isang naghihirap na bayan ang tumambad sa aking mata ng silipin ko ang labas mula sa bintana, hindi ko man matanaw ng maayos ay alam kong kaunting pansin ang hangad nila, mapansin sanang kailangan nila ng tulong, trabaho, tubig, pagkain, edukasyon, maayos na damit at matitirahan, mga bagay na hindi maibigay sa kanila ng mga puta, mga bagay na nilalaman lang ng mga pangako nila ngunit ang mga taong bayan na ito sa palagay ko'y hindi nila kailanman ito nakamtan o naramdaman man lamang, tila sumangayon pa nga ang Batang hubo't hubad na biglang humagulgol sa likod ng kaniyang Ama na nakikipag inuman sa mga kasama. Maging ang alupihan na biglang gumapang papunta sa bintana ay akmang gusto ring silipin ang kalagayan sa labas, nagulat ako't muntik pa tuloy mabuslot ang paa sa bahong ako mismo ang naglabas. Mabuti pa nga dito, isang pindot lang ay kusang ilulubog ng tubig ang masamang elemento, ngunit paano sa kanila? Paano nila gagawing ibaon nalang ang mga pagsubok na dala ng bawat araw kung wala namang pagbabagong nagaganap? Lalo lang ang pasanin ay bumibigat, lalo lang ang kalagayan ay humihirap.

Bakit nga ba madalas mapansin ang mali o pagkukulang ng mga puta ngunit ang mga nagagawang nila ng maayos at tama ay bale wala? Sabi kasi nila–Ang mali ay mananatiling mali kahit sino pa ang gumawa. Sinusubukan lang naman ng taong bayan maging patas, hindi porket mataas ka lahat ng gagawin mo ay tama na, hindi lulusot sa mga mata ng nangangawit na sa pagtingalang taong bayan ang mga kasinungalingan, mga ginagawang panloloko, at mga kabulastugan ng humahawak sa kanilang bayan. Sabi ng taong bayan maituturing daw ang mga de-putang ito na mga ahas sa lipunan. Laban naman ng ating mga kagalang-galang, hindi raw madali ang posisyon na kanilang ginagampanan. Doon, isang katanungan ang naglaro sa aking isipan. Ano nga ba ang pakiramdam na maging mataas? Ano nga ba ang pakiramdam na maging nasa ikataas-taasan.

_____________________________

Sinimulan kong akyatin non ang tuktok ng gusali ng aming paaralan, nagmamadali man, ang bawat hakbang ay mayroong kasamang pagiingat, yakap-yakap ko sa aking dibdib ang antigong pluma, ang pluma na ginamit pa raw noon ni Zoilo Hilario noong siya ay nabubuhay pa at namamayagpag sa pagiging makata. Totoong mabigat pala ang pinaglalagyan ng tinta ngunit wala na itong laman, mabigat rin ang siguradong kaparusahan sa akin oras na malaman nilang itinakas ko 'yon mula sa ligtas nitong kinalalagyan. Minasdan ko ang balahibong panulat at malayo ang liliparin ng isip mo kung iyon ay matititigan, isipin palang ang madami nitong pinagdaanan sa kamay ng isang maalamat na manunulat at kung papaano nito isinalin ang mga salita upang maging kumpas ng damdamin, puso at isipan.

Ang mga ulap, sila ang sumalubong sa akin sa tuktok ng gusali. Doon ay may isang bagay agad akong napatunayan–kahit gaano ka pa kataas ay titingala ka pa rin. Dala ko sana ang aking kamera upang makuhanan ng larawan kung ano ang mismong nagpapabilib sa aking mga mata nung araw na 'yon. Kung nakapagdala rin sana ako ng yosi, ay magiging mas masarap ang pamamalagi ko sa taas. Ano bang iniisip ko? 'Yan na naman ako't iniisip ang aking mga bisyo, sawa na akong maging maling halimbawa. "Pangako talaga! Huli na ito!" usap ko naman sa sarili dahil naalalang ako nalang pala ang estudyanteng wala pa sa silid-aralan kung saan dapat ay naroroon ako.

Sa aking paglingon nakita kong mayroon pa pala akong kailangang akyatin at 'yon na ang pinakamataas na bahagi ng gusali. Sa aking pag-akyat ay natanaw ko na ng malaya ang iskwater na kanina ay hirap na hirap ko pang silipin sa bintana, sinimulan ko na rin nong itali ng goma ang aking nagtataeng bolpen sa pluma na gagamitin kong panulat, pinagtatawanan kaya ako ni Zoilo at Rizal mula sa itaas dahil sa kalokohang ginawa ko sa panulat? O 'di kaya sila ay kapwa naka-salumbaba habang hinihintay ang aking masasabi  sa kaawa-awang kalagayan na aking nakikita. Alam kong may maitatala ako ngunit hindi 'yon kasing inam ng paglalarawan ni Rizal tungkol sa nangyayari sa bayan gamit ang nobela, at sa pagbibigay hinaing at pananaw ni Zoilo sa pulitika sa pamamagitan ng pagdula. Hindi ako makapaniwala, ganon pala ang pakiramdam na mahawakan ang pluma, tila hiram na kapangyarihan na habang nasa iyo ay malaya mong gamitin sa mga nais mong isulat.

Ibinahagi ko ang lahat sa kapirasong papel na aking kaharap, sa kaniya ko itinala ang aking mga nakikita. Ang tindero ng sorbetes na miya't-miya ang punas ng pawis, ang mga batang mainit s'yang sinalubong ngunit wala namang pambili. Ang hindi mabilang na mga gulong at ang kinapapatungan nitong mga butas-butas na yero. Ang mga naka pila sa poso na kating-kati nang makaligo. Ang nagkumpulang mga misis na pinapakiusapan ang mamumutol ng kuryente. Ang mga estudyante na papasok palang, mga paa'y walang saplot. Ang pusang ayaw kainin ang tinik na nilalanggam. Ang asong kulang ang paa, pilit sinusubukang makahabol sa amo niya. Ang dyip na walang gulong. Ang mga dalagitang natatakot tumawid. Ang mga nangangalakal na bata rin ay naglipana. Mga magulang na tawag ng tawag sa hindi mahagilap nilang anak, baka naman nariyan lang sa tabi-tabi at nakikipaglaro lang, may naghahabulan pa ngang mga matatanda, sigaw ng taya "Tang-ina mo papatayin kita! Bakit ang asawa ko pa!"

Marami doong makikitang barako, nagsusugal, nagiinom, nagkakara-krus, nagkakamot ng bulbol, nanonood ng mang kanor, naglalaba at nagsasampay na kulang na lamang ay magpalda. Kung tatanungin mo sila kung bakit hindi gamitin ang laki ng katawan para sa pagtatrabaho sasabihin nila sa'yong umeekstra-ekstra lamang sila, hindi nakapagtapos ng pagaaral kaya walang kumpanyang pumatol sa kanila. Kapag umuwi sila at unang hinugasan ay ang alikabok ng semento sa paa ibig sabihin ay may pera sa bulsa, pera na maililigtas lamang sa gutom ang pamilya para sa hapunan, kinabukasan, kumakalam na tiyan nanaman ang sabik na naghihintay sa pagdating n'ya, ayaw na ayaw ng kaniyang may bahay na dumarating siyang sambakol ang mukha, hindi raw 'yon magandang senyales para sa kanila. Kailangan na uling humanap kung saan pa ba pwedeng umekstra.

"Mahirap ang buhay" yan ang laging sabi nila. Kailan kaya darating ang swerte? Kailan kaya sila mabubunot ni Bossing Vic? Kailan kaya sila mabibigyan ng jacket ni Kuya Will? Kailan kaya magiging ang magandang balita sa telebisyon ay tungkol naman sa kanila at hindi sa mga nagkakabalikang showbiz. Gusto na nilang sumuko sa hirap ng buhay ngunit kailangang maging matatag para sa pamilya. Maging ang kalapati nga doon ay naglayas na't hindi na nakayanan, mas mabubuhay pa siya kung tutuka na lamang ng mga bulate sa kung saan. Nanggigitata ang Bata, walang humpay ang pag-ubo ng kaniyang may sakit na Ama, sugat-sugat na mga paa, 'di mabigyan ng panlunas at medisina. May kaya ang aking pamilya kahit papaano, ganon pala kami ka-swerte kumpara sa kapalaran ng mga iskwater ng San Mateo. Ngunit papaano sila? Papaano silang mga hindi naibigay ang mga pangangailangan?.

Inilapag ko na non ang pluma, dahil ako man ay hindi na maatim ang aking mga naisulat at maisusulat pa. Humiga ako sa yero na iyon, sa bubungan ng hagdan sa tuktok ng gusali. Dahil malilim naman at masarap ang simoy ng hangin mula doon ay naramdaman ko ang ginhawa sa aking paghiga. Habang nakatingin sa mga nangungusap na ulap ay napaisip ako, naisip ko kung gaano karami ang estudyanteng nasa ilalim ko, nagaaral at sinusubukang matuto dahil sila daw ang pag-asa ng Bayan at ang edukasyon ang kayamanang hindi kailanman maaagaw sa kanilang kamay. Naisip ko, habang nagpapakasarap 'din pala ako sa kaitaas-taasan ay maraming nagugutom sa ibaba, sinusubukang mabuhay, sinusubukang labanan ang hamon ng kahirapan. Ganon pala sa kaitaas-taasan, hindi pwedeng patay malisya ka nalang sa kung ano ang mga nasa ilalim mo.

"Isang araw sa Pilipinas sa ating lupang sinilangan ay nagpahiram tayo ng pluma sa kaitaas-taasan, ibinigay natin ang kapangyarihan para maidikta ang takbo ng ating Bayan, umaasa tayong magiging maganda, maayos, at may pagbabago nang masisilayan. Ipinahiram natin ang pluma kasama ang tiwalang sa pangakong magiging matuwid ang daan, tiwala na hindi sana mapunta lamang sa wala."

"Aldrin... Aldrin..."

Nadinig ko non ang pangalan ko at nagising sa aking pagkakahimbing. Nakatulog pala ako sa bubong at 'di na namalayang inabot na ako ng gabi doon. Ang isa sa aking mga maestra ang tumatawag sa akin, dahil walang ilaw doon ay dala niya ang isang lampara na katulad ng ginagamit sa mga Sagala.

"Nandito po ako!" sigaw ko naman

Habang tinitingala ako sa aking kinaroroonan ay bahagyang napangiti si ma'am Rodriguez.

"O eh akala ko ba nagbago ka na? Bakit nandyan ka at hindi nanaman kita nakita sa klase ko kanina? At... Tinakas mo pa yang pluma ha."

"Hiniram po ma'am! Pangako huli na ito." ngumuso pa nga siya sa sinabi ko na parang ayaw maniwala at nakikipag-biruan

"Bumaba ka na nga d'yan at alalang-alala na ang mga magulang mo sa'yo, nandoon sila sa baba."

Madami na ang naghahanap sa akin, ganon pala katagal ang ipinamalagi ko doon. Alam ko na rin na posibleng sinturon na naman ang kaharapin ko paguwi ngunit huli na 'yon, dahil nangako na ako sa sarili, doon mismo sa lugar na 'yon, sinabi kong magbabago na talaga ako, tunay na pagbabago.

_____________________________

Dalawang taon na ang lumipas mula noon. Heto muli ako ngayon kung saan rin ako naroon nung araw na 'yon. Kolehiyo na ako ngayon at hindi naman ako lumiban ng aking klase, katunayan ay narito ako para gawin ang isang ulat ko para sa markahan, sa madaling sabi ay narito nanaman ako para sumulat. Mamaya na, humiga muna ako at nagde-kwatro pa nga ng paa.

"Talaga naman... Hindi ka pa rin nagbabago."

Hindi ko na kinailangang lumingon, nanatili akong nakatingin sa kalangitan. Si ma'am Rodriguez 'yon sigurado, hindi ko kasi malilimutan ang tila laging nagpapangaral na boses niya.

Tumayo ako, nilabanan pa ng nakakasilaw na sinag ng araw ang malayo kong pagtanaw. Buntong hininga naman para sa pagtingin ko paibaba, sa iskwater ng San Mateo na hanggang ngayon ay nakikiusap.

"Nakakainis nga po ma'am. Malayo pa ang pinanggalingan ko para lang ang kalabasan ng buong ulat ko ay Wala Namang  Naging Bago."


~END


Aldrin Espiritu 1/17/2013


~~ o ~~

Ang maikling kwentong ito ay nagkamit ng ikapitong karangalan sa Bagsik ng Panitik (BnP) 2013






Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

36 comments:

  1. Replies
    1. aral aral din kasi pag may time?
      ahihihihihi

      Delete
    2. hala! fiction yan hehehe...

      Delete
    3. eh di sabihin mo ke fiction aral aral din.. ahahahaha

      Delete
    4. hahaha... sige, sabihin ko pakabait na.. toinks :))

      Delete
  2. Unang Lahok! Ang galing na agad! Goodluck po!

    ReplyDelete
  3. hongoleng! kaso kumakain ako habang binabasa ko ang unang part.... sarap! nyahaha

    ReplyDelete
    Replies
    1. aw pasensya na tol rix ahaha.. para maisingit lng kasi ang kuyukot ^_^

      Delete
  4. Anonymous20:59

    ang bilis nito!Goodluck sir!

    ReplyDelete
    Replies
    1. first blood hehe.. walang galingan sir jay ah.. salamat po sa pagbisita ^__^

      Delete
  5. Anonymous22:07

    salamat sa paglahok! Unang entry :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. karangalan po ang mapasabit sir Bino. kaso may typo pla sa dulong-dulo ng entry ko. anyways rules is rules.. ^_^

      Delete
  6. wow! galing naman! May laban to ^^


    Good luck ^^ maganda ang pagkakasulat mo..... Galing ^^

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat hehe. subok ng isang baguhan lang yan sir Jon.. sigurado lalabas mula sa masusing paghahanda yung ibang blogger..


      inaabangan ko din yung sa'yo sir Jon ^__^

      Delete
    2. wow... congrats sa entry mo.... ^__^

      uo nga sana next year makasali na ako ^^

      Delete
    3. oo nga nu hindi ka pala nakasali sir jon... sigurado namang nasa top kung sakaling nakapag pasa ^__^

      Delete
  7. First blood! Parang ayaw ko na tuloy magsulat. HAHAH!

    ReplyDelete
    Replies
    1. aruy.. bakit naman sir Pao. tara sali tayo.. ^__^

      Delete
  8. shyvixen10:13

    napakataba ng iyong utak... mahusay... ikaw na!...Goodluck Sir sa inyong gawa.. :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. mahinaing lang po talaga hehe... maraming salamat ^_^

      Delete
  9. Anonymous18:52

    Unang lahok ah. Sa february na ako magpapasa.

    ReplyDelete
    Replies
    1. kaabang-abang ang lahok mo tol... hintayin ko yan ^_^

      Delete
  10. Good luck sa entry mo na'to. Ikaw yata ang unang unang nagpost para sa Bagsik ng Panitik ni Bino :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat po.. gumana brain cells for the first time kaya hindi na pnlagpas, ayun, napaaga... salamat sa pagbisita ^_^

      Delete
  11. Wow tumatalakay pala ito sa mga social issues na kinakaharap ng bayan ni Juan. Very relevant sya sa panahon ngayon.

    Goodluck po sa entry nyo :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat po ^_^ goodluck din po sa entry sir fiel-kun..

      Delete
  12. Sana ganyan din ako kagaling humabi at magdikit dikit ng salita :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. hi byutipul!! hehehe.. tsamba ko laang naman yan, mas yakang yaka mo yan kesa saken..

      Delete
  13. Anonymous12:15

    nice... mahusay at may laman ang pagkagawa.. :) pwedeng makapasok sa top.. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehe sana'y mag dilang anghel ka kaibigan.. salamat po sa pagbasa at pagbisita ^__^

      Delete
  14. "Doon ay may isang bagay agad akong napatunayan–kahit gaano ka pa kataas ay titingala "

    "Naisip ko, habang nagpapakasarap 'din pala ako sa kaitaas-taasan ay maraming nagugutom sa ibaba, sinusubukang mabuhay, sinusubukang labanan ang hamon ng kahirapan. Ganon pala sa kaitaas-taasan, hindi pwedeng patay malisya ka nalang sa kung ano ang mga nasa ilalim mo"...

    Naramdaman ko 'to sa mga isinulat mo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. parehas tayo tay. Goosebumps ako dito sa dawalang 'to. :)

      Delete
    2. Ganito yung mga uri ng akdang gusto kong maisulat someday. Fearless! totoo! walang tapon!

      hanga ako sa pluma mo :)

      Unang entry pa lang mabagsik na ...

      Goodluck sa BNP...

      Delete
    3. salamat sir J at sir Bagotilyo.. karangalan po ang mapabisita kayo't puriin ang akda ko.. hindi ko rin po kasi alam eh, nung isinusulat ko to eh parang ka-dami kong nais sabihin at iparealize sa iba.. kaya pakiramdam ko nga po eh kulang na kulang pa ito.. salamat po ^_^

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin