Friday, January 25, 2013

Kalangitang Nagpapapansin at Bumabati


Bakit nga ba kailangan pang hintayin ang fourth of july? Bakit kailangan pang masugid na pagaralan ang lunar calendar? Hindi chinese new year o ano pa man ang dapat nating abangan, hindi naman tayo tubong ibang bansa, yung araw-araw na alam kong makakasama kita ay ayos na, hindi lang ako lucky ramdam ko pang bumabagsak sa atin ang lahat ng charm. Ang mahiga sa ulap ay 'di na rin kailangang pangarapin pa, sa bawat pag-tingin mo sa akin mga pinangarap kong mapuntahang lugar ay tila aking narating na. Kung minsan man ay mahirap basahin, ibig iparating ng mga mata mong tulad ng manininingning na bituin, isang salita pa rin ang ibubulong ko sa hangin, hindi magbabago ang aking pagtingin. Wala nang tutumbas pa sa isang ikaw para sa akin.

Akala ko ay hindi mo napansin, hindi ba't kay sarap 'masdan nitong pagsasayaw nila sa hangin? Ang mga Kulisap na tila nakikisaya sa atin, pinamangha kang tunay ng kanilang galing. Kitang-kita sa iyong ngiti ang malabis na galak dahil sa wakas ay napatunayan para sa iyong sarili, totoo pala ang sa mga kwento ay nababanggit, tungkol sa umiilaw nilang mga puwit. Pansin kong nais mo silang abutin nang kamay mo'y sinimulang iwagayway sa hangin, nagsisimula pa lamang magpakitang-gilas sa'yo ang probinsya namin, marami ka pang tungkol dito ay mamahalin.

Ang mga kuliglig na nariyan lamang sa ating paligid, misteryosong tinig nila'y bago sa'yong pandinig, ang tinig nila na tila sa'yo ay gumising, nagpaalala kung gaanong kalayo ka sa siyudad kung saan ka lumaki. Tulad ng tinig na 'yon ang sa'yo ko'y pag-ibig, pagsawaan mo man ay hinding-hindi titigil, ipaparamdam na lagi lamang nasa 'yong tabi, hindi ka pababayaan kahit sa kalaliman pa ng paghimbing sa'yong gabi. Walang dapat ikatakot, malaya kang mananaginip, malaya kang sa balikat ko'y umidlip.

Laylayan ng iyong palda'y huwag mong katakutang lumampas sa nilatag na banig, kung ako nga ay natutulog dito sa damuhan kahit pa walang unan, maaaring hugisan sa'yong isip ang nagdaraang mga ulap at kung kagabihan nama'y bituin ang 'yong kaharap. Noong nasa Maynila ay wala na akong ibang pinangarap, kundi ang makabalik at sa paraisong ito'y muling ang likod ay maisandal.

Huwag mo akong ngitian ng ganyan. Kung naninibago ka na para bang hindi ako ang 'yong kaharap 'yon ay dahil naka balik ako sa aking tahanan. Tahanan kung saan ako lumaking walang arte sa katawan at kung saan ako natutong tanawin ang buhay bilang isang malawak na kabukiran kung saan ang bawat butil ng pangarap ay may malaking hinaharap na magiging bunga ng pagsusumikap.

Tinakpan mo pa ang aking bibig at sinabing, "Hindi kita pinagtatawanan. Masaya lang talaga ako, masayang masaya."

Sino nga ba naman kasi ang magaakala. Mula sa masakit sa likod, masakit sa mata, at masakit sa ulo nating trabaho sa opisina ay narito na tayo sa tahimik na probinsya, bumabagsak na mangga mula sa puno lamang ang tanging gagambala, masarap ang pagkakaupo sa banig at pakuyakuyakoy pa ang mga binti, hanggang mag-hating gabi ay hindi nauubusan ng dahilan upang ngumiti. Magbibitaw pa ba ang mga kamay natin? Kanina ko pa gustong hawiin ang buhok na tumakip sa maganda mong wangis.

Ipagpaumanhin mo kung kahit mayroon nang naunang plano ay biglaan ang aking pagaanyaya. Napaka saya ko na hindi ka nagdalawang-isip na sumama. Tulad ng paglalarawan sa pangako, dito ang kalangitan ay tila malapit lang at madaling maabot ng 'yong mga kamay, ngayong kasama ka ay nahigitan pa itong palalo, matayog pa sa kayang tanawin ng mga mata ang kasiyahang nadarama. Dito sa lugar na binansagan "Sa Bandang Matarik" dahil sa pagbabawal ni Lolo noon sa palagi kong pag-akyat, kasama kita at mga problema ay nalimutan kong lahat.

Hinipan ko na ang sindi ng lampara, sa kalangitan na tayo ay kapwa nakatingala. Ito na ang ating pinakahihintay, nagmula pa sa mahaabang biyahe upang ito'y masaksihan, huwag mong ikukurap ng kahit ilang sandali ang 'yong mga mata.

Eksaktong hating-gabi, nagsimula na ngang magpapansin ang kalangitan. Ang kalangitan na naging makulay dahil sa iba't-ibang klaseng paputok na sinisindihan ng mga nakaaangat kong kababayan. Ang kalangitan na nagiging makulay taun-taon dito sa Cuenca tuwing sasalubungin ang pagsisimula ng Tinapay Festival, ang taun-taong gabi na hindi ko pinapalagpas na makita para sa sarili dahil pakiramdam ko'y ang magagarbong pailaw at mga paputok na ito ay sinadya para sa aking kaarawan. Pakiramdam kong paraan ito ng bayan mula sa malayong tanaw upang iparating ang pagbati sa aking kaarawan. Hindi na ako bata pa at hindi na dapat sine-celebrate ang pag-tanda. Ngayon ang ating unang anibersaryo, at ito ang tanging alam kong paraan upang gawin itong espesyal, sana kahit simple ay iyong naibigan, kahit ang baon lang natin ay ilang tinapay at suman, cadlelit dinner naman at walang kasing tamis ang pagtitinginan, maging ang asukal na sawsawan ay nilalanggam.



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

18 comments:

  1. huwaw naman... galing... in love na in love lang... dama ko eh... sige ituloy lang ang pagmamahalan.... piyesta na, kaarwan na, aba, anniversary pa.... tipid yan sa handaan...hehehe...

    ingat tayo sa langgam ha...

    ReplyDelete
    Replies
    1. haha ou nga anu.. all in one na nga eh tinipid parin.. maraming salamat senyor ^_^

      Delete
  2. sabi ko na nga ba may factory ka ng asukal eh... discount naman dyan :)

    ReplyDelete
  3. ahaha huli na yan tol rix.. baka sumobra na eh hehe.. salamat ^_^

    ReplyDelete
    Replies
    1. charot lang ito naman ahahaha. kewl nga eh :)

      Delete
    2. hehe hindi tol rix naisip ko lang kailangan lang talag maiba naman paminsan ang tema.. kaso sabaw na sabaw laang talaga ^_^

      Delete
    3. kung sabagay minsan dapat may bago para naman di pare pareho ang tema.

      Delete
    4. bagong ideya ah.. hehe :)

      Delete
  4. Ang sweet naman! Ang ganda ng pagkakasulat, although hindi ko sure kung tula ba ito kasi may rhyming! :)

    Actually nilipat ko pa sya sa msword, nahihirapan kasi ako mag basa ng allcaps (pero mismong sulat ko allcaps). Hahaha!

    ReplyDelete
    Replies
    1. ganire talaga ako minsan tol pau ikukwento nalang itutula pa (lol) mapalitan na nga yang font na yan hehe :P salamat sa pagbasa ^_^

      Delete
    2. Ganire? tagasaan ka Blinkpen? Bat's?

      Delete
    3. ou bats.. taysan batangas ako tol pao.. ikaw ba? ^^

      Delete
    4. *Blindpen. Calamba, Laguna. Karatig lang ng santo tomas bat's. 5 years akong napalibutan ng mga Batanguenos. Hahaha!

      Delete
    5. ka-lapit laang.. tatlong buwan din ako d'yan sa laguna eh, sta. rosa laguna nag board ako sa LTA kasi ako nagtrabaho..

      Delete
  5. ang tamis. kailangan ko ng maraming maraming ganito. hehe.

    happy foundation day!

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat idol! ^_^ inaayntay ko update mo.. gusto ko yung ginagawa mo, minsan lang magsulat pero quality namang talaga.. hindi katulad sakin, madalas nga pero sabaw laang haha...


      salamat kabayan! ^__^

      Delete
  6. Nilalanggam ako habang binabasa ko to. Ang galing mo. Swabe ang pagkakasulat. May tugma :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. totoo tol archie? :D salamat po ah ^__^

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin