Monday, February 16, 2015

Y Medya


credits: gladiola sotomayor
Alas singko y medya, tuluyang sisikat sa atin ang umaga. Ramdam pa rin ang init ng yakap mo sa'kin mula ng tayo'y tuluyang mahimbing. Hindi ko alam kung bakit, ilang umaga ka na ring walang imik sa ating pag gising. Panay lang ang ngiti mo sa akin na pa-misteryo pa kung ano ang nagawa kong nagpakilig sayo na 'di ko naman alam kung papaanong uulitin.

Gusto kong pasukin ang iyong isip para alamin kung gaano kakulay ang mundo sa likod ng mga mata mong panlambing. Magpatangay sa alon ng malawak mong imahinasyon at mamasdan ang kislap ng bawat mong pangarap. Ibibigay ko ang lahat para sa akin ay 'di ka mawalay. Ang pangarap ko naman ay matagal nang nabigyang katuparan, ang sa bawat araw ika'y makasama't mayakap.

Masaya ako dahil alam kong masaya ka rin. Walang galos na puso, walang lamat na pag-ibig, ang mapasaya ka, sa buhay ko'y tanging hangarin, ang iniingatang damdamin. Alam mong ayaw kong mapako sa pagsisisi, sa sakit, o' pighati. Kung kaya nga alam kong ikaw ang para sa akin dahil ganon ka rin. Iguguhit mo ang paglalarawan at ako naman ang hahabi ng kuwento ng pag-ibig natin. At sa bawat natuyong tinta ng bolpen, mga masasayang alaala, anumang oras ay maaaring balikan natin.

Sa patuloy na pangungusap ng mga mata natin ay bahagya kong napansin. Luha ay unti-unting humahalik sayo'ng pisngi. "May gusto akong sabihin" mahina mong sambit na naglagay sa akin sa sitwasyong 'di ko malaman ang gagawin, anong sasabihin at iisipin. Isinuko ko na lamang ang sandali upang yakapin ka ng mahigpit, sa pagaalalang maaaring ang kasunod na salitang bibitawan mo, ang dulot na'y sakit. Tunay na pinakaba at pinagalala mo ng husto, ngunit lubos mong pinasaya sa sinabi mong sa wakas ay dala mo na ang biyaya sa ating ng Diyos, ang matagal nang dasal natin, ang mas magpapatibay pa sa pagmamahalan natin, ang kukumpleto sa atin.

Batid kong kulang ang walang hanggan upang maitala ang magiging mga yugto pa ng pag-iibigan natin. Wala na akong iba pang maihihiling. Sa Diyos ko nalang ay panalangin, sa pagdating ng itinakda niyang oras, sana'y ako ang mauna sa atin.


~~ o ~~



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

5 comments:

  1. Nagsisipag balikan na yung mga blogger na dating umuubos ng oras ko kakabasa ng mga entry nila :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Isang taong sabaw. Sabaw na sabaw pa rin sa comeback ^__^ salamat sa pagbasa :)

      Delete
  2. kay tamis naman! pero di ako naka-relate... bitter mode ako ds month eh.
    nakakamiz ang pagtambay dito. nakakamiz ka! hehehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. uy senyor!! *apir!* ^___^ yung may tumatambay dito sa blog ko ang nakakamiss. parang personal notbuk na lang rin kasi haha. anyways I like it this way. ingats, and wag nang bitter hehe.

      Delete
    2. di naman ako bitter... nasanay na nga akong mag-isa... lintik na pag-ibig yan... hehehe

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin