Tuesday, February 12, 2013

Lihim sa Likod Bahay


"Isang lihim sa likod bahay noon ang natuklasan. Dahilan para mula noon ay puro miserable na lamang ang maitala sa talambuhay ni Richard. Hindi rin niya maintindihan kung anong hangin ang tumulak sa kaniya upang ang lugar na 'yon ay balikan. Isa lang ang alam niya, hindi pa rin nagbago ang kaniyang nararamdaman para kay Sandra."

Dinaig pa niya ang balikbayan ng pasukin ang epic na eskenita, pinagtitinginan at pinagbubulungan, wala s'yang mukhang maiharap sa mga tao, ang mga dating kakilala naman n'ya ay iwas na sa kaniya. Tulad na lamang ni Father na noon ay madali niyang nalalapitan, ngayon ay biglang mayroon palang naiwan sa bahay noong makakasalubong na s'ya sa daan. Si Aling Rita na madalas niyang utangan noon ng sardinas, na hindi na lamang siya sinisingil dahil naiintindihan ang mahirap niyang kalagayan, ngayon ay maagang nagsara, parang street vendor na nakakita ng nanghuhuli noong siya'y dumating na.

"Buhay ka pa!?" sigaw ng isa sa kaniya, "Bakal kaya ang mukha n'yan!" dutdot pa ng isang kasama.

Kung may inaasahan man ang mga tao sa mala balikbayan na si Richard ay hindi 'yon mga pasalubong na tsokolate kun'di ang kasiguraduhang mamaya ay may maghahabulan ng taga, eksenang doon ay 'di pangkaraniwan kung mangyayari sa oras ng tanghalian.

May tao pa kayang naniniwala sa kaniya? May isang lamok pa kayang makukumbinsing hindi naman talaga mali ang ginawa niya? Tanong niya sa sarili—kasalanan ba ang umibig? Kasalanan ba ang magmahal? Pakiramdam niya'y mas may karapatan pa ang isang isnatser para sa pag-ibig ni Sandra, samantalang siya kahit kailan ay walang gustong maniwala sa pag-ibig niya para kay Sandra na maging hanggang ngayon ay handa niyang ipaglaban.

_____________________________

Sa bayabasan sa loob ng sementeryo niya napiling magpagabi. Naroon pa't nakasabit ang punit-punit at madugo niyang damit. Habang pinagmamasdan ay naalala niya ang mga pangyayari. Ang mga buto niyang halos mabali sa bakal na panghampas, sigaw niya ang naging dahilan para magbukas ang bintana ng mga tsismoso't tsismosa. Ang dugong halos ipaligo na niya sa buo niyang katawan, ang mga tumatamang suntok na hindi na niya makita kung saan nagmumula, nagagawa na lamang niya ay gumapang papunta sa kahit anong makakapitan. Ang mga tadyak sa dibdib at sikmura, ang lumalabong paningin niya sa buwan, at ang alulong ng aso na hindi niya alam kung para na ba sa kaniya.

"Matigas ka rin ah" malokong wika pa ng sepulturerong si Erning mula sa ilalim ng bayabas na gumising naman sa lumalakbay na diwa ni Richard. "Yaan mo gagawan kita ng rebulto sakali man." dagdag pa nito

_____________________________

Madilim na ng tinungo niya ang pakay. Doon ay walang kahit anong ingay maliban sa bukas-sarado ng hindi naikawit na bintana ni Mang John. Mukhang lahat rin ng bantay ay isa-isa nang naipulutan. Malaya siyang nakaupo sa marupok na kahoy sa likod bahay at doon  ay matiyaga siyang naghintay na lumabas mula sa pintuan, o kahit dumungaw man lang sa bintana ang mahal niyang si Sandra.

Naroon pa ang gulong na isinabit bilang duyan. Ang pulang drum na nagsilbing taguan. Ang mumunting sabsaban kung saan maaaring magkunwari kang nadadapa, at ang tambakan kung saan sila tumatakbo tuwing nagagalit ang mayari ng abandonadong kambingan. Wala ring ipinagbago ang nagsilbing tahanan maliban sa sarado na ngayon ang bintana kung saan lihim niyang iniikot si Sandra upang makausap.

Hindi na namumulaklak ang mga halaman. Maging ang elisi na ipinako sa nakausling kahoy ay 'di na umaandar. Ngunit ang pag-asang mahal pa rin siya ni Sandra ay 'di kailanman natinag, hindi siya naniwala sa sinabi ng nakasalubong na nasa Maynila na ngayon si Sandra, nagpaka layu-layo na raw para limutin siya.

_____________________________

Isang lihim ang natuklasan sa likod bahay. Isang lihim na pagiibigan, pagiibigang kailanman daw ay hindi magiging tama. Lihim na nagpaapaw sa galit ng Ama ni Richard, kademonyohan daw at hindi pag-ibig ang iniisip ng kaniyang anak. Ang kaniya naman Ina na nawalan ng paniniwala sa kung ano ang mali sa tama ay palihim niyang tinanaw kinabukasan, may luhang umaagos sa pisngi habang isinasampay ang kumot na nilalabanan ng kulay dugo ang maputing kulay; kaawa-awang Sandra, saan daw ba siya nagkamali at kailangang ganito ang maganap, bakit sa kanila pa?

Hindi nagpaawat si Richard, walang tigil na sigaw niya ang ngalan ng mahal niyang si Sandra. Hindi si Sandra bagkus ang lumabas mula sa tahanan ay ang kan'yang Ama, sariling mga kamao niya ang bumasag sa mukha ni Richard at mga pangarap nila ni Sandra. Sa huli, ang madugong kamay ni Richard ay muling naidampi sa inukit nilang mga ngalan sa loob ng iisang puso sa katawan ng punong mangga. Nanatili s'yang nakahawak sa pagiibigang handa niyang ipaglaban.

Natapos ang kaniyang buhay ng gabing 'yon, galit ang nanaig sa kaniyang ama at nanatiling tikom ang bibig tungkol sa katotohana, tungkol kay Sandra na kaya nagtungo ng Maynila ay para hanapin ang tunay na pag-ibig niya, ang kaniyang kapatid na natutunan niyang ibigin, ang kaniyang kuya Richard na hanggang sa huli ay hindi bumitaw sa pangakong ipaglalaban ang nararamdaman at pag-ibig nila para sa isa't-isa, maging kapalit man nito ay ang buhay niya.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

11 comments:

  1. Halaaaaaaa! di ko kinaya ang kwentong ito. Naku may kapangalan ang charcter ko sa kwento, palitan ko na lang yung name :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. aw alam ko na ahaha.. oks lang ga? pakiramdam ko eh kulang na kulang ang kwentong ito..

      Delete
    2. Para sa akin ok lang ang flow ng story mo kasi ginagawa nyang matalino ang mambabasa dahil kailangan nyang pagaralan maigi ang kwento para lubos na maintindihan ang nasa kwento :)

      Delete
    3. kaya mahilig akong masingit ng imagery hanggang sa kaya eh, yun lang ang kaya ko para magawa yung sinasabi mo.. maraming salamat tol rix ^_^

      Delete
    4. ahaha walang problema kaibigan. Siguro masasabi ko na parang nasanay o nagustohan ko na ang mga ganitong uri ng pagsusulat... kung baga sa pellikula eh parang erik matti lang parang bigla ka na lang mag-iisip kung ano o paano nangyari ang isang bagay. Iyon ang sinubukan kong i-achive sa entry ko na kabit :)

      Delete
    5. aw hirap na hirap ako dun... kapag ganun, dapat simulan mo sa isip ang kwento sa ending muna, tapos habang papunta ka sa simula doon ka magpapaanghang haha... since serye ang kabit eh waley akong ideya, pero yakang yaka mo yan ^__^ di ko pa din nasubukan hanggang ngayon. tignan mo 'to http://kwentistablog.blogspot.com/2011/12/salita.html

      baka pag natapos mo ang Kabit eh may inspirasyon na ako haha :))

      Delete
    6. wow ang tagal na nung teaser ha nyahahaha. yung kabit yun yung entry ko sa bnp :) yung serye na ginagawa ko ngayon eh may katapusan pero may pinagkunan ako ng inspirasyon...

      Delete
    7. haha edited na yun mas matagal pa nga yan.. abang abang na ko sa update ^__^

      Delete
    8. ahaha sige, medyo iba ang nailagay ko sa page ko... tinamaan kasi ako sa misa ng pari noong isang gabi pero ipopost ko na rin ang update ng ginagawa kong serye anytime soon. nga pala di ko matandaan na magkaibigan na tayo sa facebook o sa tweeter man lang. ano pala ang acct mo doon para mai-add kita :)

      Delete
    9. ou nga nu.. tago kasi ako ng tago, feeling anonymous hahah.. itol tol www.facebook.com/acedrin dagdagan mo lng ng isang "n" pa ung username ko sa twitter naman un ^_^

      Delete
    10. nafollow ko na po at na add na sa fb... pareho tayo low profile lang. ganun daw kapag small time blogger ka nyahahahaha.

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin