Thursday, December 5, 2013
Isang Simpleng Kuwento
"Bukas! Nako, nand'yan na naman ang mga yan!" Halatang may kasiguraduhan ang lalaking 'yon sa kaniyang sinasabi habang itinuturu-turo ang ilan pang mga naiwang tao doon na kunwari'y tumutulong lang naman daw sa paglilinis. Kahit siya ang nandoon at kausap ng mga nanghuhuli, malakas pa rin ang kutob kong kabilang rin naman siya sa mga nagtitinda dito sa kahabaan ng daan papuntang Simbahan ng Baclaran. Ayokong sa akin pa manggaling pero gan'yan naman ang karamihan sa ating mga Pinoy, mayroong mapagpanggap, may galit sa sariling gawain, at mayroon ding mga malakas kung sumipsip, ang hindi lang malinaw ay kung bakit.
Noong oktubre lang ang huling punta ko rito ngunit tila malaki ang pinagbago ng lugar na ito. Wala na yung miya't-miyang pagsipol sa'yo ng mga Pedicab driver para umusog ka't maka usad na sila, wala na yung mga magaalok sa'yo ng mga damit at mga LED christmas lights. Nakakapanibago lang. Halos malungkot lahat ang taong nakasalubong ko sa pagtahak ko ng daan papuntang Simbahan. "Mga tao rin naman tayo, parang hayop tayo kung paalisin." Sambit pa ng isang babae na kariton na lang ang natira sa kaniyang mga paninda. "Back to zero na naman tayo." Dagdag pa niya sa kausap na sa tingin ko'y kapwa niya tindera.
"Tingin mo, bakit nga ba palaging nare-raid ang bazaar ng mahihirap? Parang strip club lang." 'Yon ang pabiro ngunit para sa akin ay may pagkaseryosong tanong ni Jane sa telepono matapos kong ipahayag sa kaniya ang aking simpatya sa maraming taong nawalan ng kabuhayan dito sa Baclaran. Natahimik ako sa sinabi niyang 'yon, hindi kasi maikakailang para sa ikaaayos ng lugar din naman kung bakit paulit-ulit na nangyayari ang ganito hindi lang sa Baclaran kundi sa maraming bazaar ng mahihirap dito sa kalak'hang maynila. "Hindi ba dapat sa'yo ko itanong 'yan? Taga G. G. Cruz ka lang at siguradong ilang beses mo nang nasaksihan ang ganitong eksena. Ako, sa T.V lang." Pabirong sagot ko rin sa kaniya upang mailiko na lamang at hindi na maging seryoso pa ang puntahan ng aming usapan.
Noon, mayroong espesyal na taong nagsabi sa amin, simpleng pagtulong na rin daw ang pagbili sa mga tiangge gaya dito. Kaya nga bazaar ang tawag namin dito ni Jane at kaya rin taun-taon dito na lamang kami namimili imbes na sa mga mall. Ayos lang ang init, ingay, at siksikan, kasing tibay na ng relasyon namin ni Jane ang pagiging sanay namin sa mga ganiyan. Naaalala ko, palaging nakabihis pa ng maayos si Jane, d'yan lang naman sa malapit ang punta namin at sa bahay na nila kami kakain, huwag ka, date night na namin 'yong maituturing.
Malapit na ring gumabi, mayroon na ring kalamigan ang hangin. At dahil sa pagbabalik-tanaw ko sa mga araw na 'yon ay nakangiti akong magisa ng abutan ako ni Jane sa labas ng Simbahan. Para daw akong ewan na naman, at niyakag niya agad akong pumasok sa Simbahan. Bente anyos na siya sa araw na 'yon at pangatlong beses ko 'yon na pagsama sa kaniya sa espesyal niyang araw upang magpasalamat sa Panginoon. Pasasalamat din ang dasal ko, pasasalamat sa mga biyaya, pasasalamat sa pananatiling ligtas, at pasasalamat sa pagbibigay ng Panginoon sa akin ng taong makakaagapay ko, taong makakaintindi sa akin, pasasalamat sa pagdating ni Jane sa aking buhay.
Sa ibang lugar ang punta namin ngayong taon dahil na rin mas higit na nangangailangan ng tulong ang mga kababayan natin na nasalanta ng bagyong Yolanda. Ngunit si Jane, tila wala siyang plano na magtungo kung saan nang mapagmasdan niya ang kinang ng mga parol, at mga ilaw na palamuti ng Simbahan sa aming paglabas. May isang babae pa na lumapit sa amin at sinabi sa kaniyang-"Ma'am Jane pasesnsya na po kung matatagalan ang pagbabayad ko sa inutang namin. Kasama kasi ang kariton ko sa mga nahuli."
Napatingin muna si Jane sa akin para kumustahin ang reaksyon ko sa narinig. Pero ngumiti lang ako, para sa akin kasi wala namang masama kung tutulong. Sabi nga ng Inay niya sa amin, mahihirapan at mahihirapan din tayo, pero kung kaya namang makatulong sa kahit pinakasimpleng paraan, bakit hindi natin gagawin. Palaging tanong sa akin ni Jane, kung sa tingin ko ba ay masaya ang Mama niya para sa kaniya. Sigurado ko namang oo, at kahit maaga siyang nawala, hindi siya nagkamali ng pagpapalaki sa kaniyang anak. Naging mabuting halimbawa siya at kahit kailan ay hindi nalimutan ni Jane ang kaniyang mga payo. Napatingin akong pabalik sa loob ng Simbahan at binulong ang salitang "Maraming salamat."
Wala po iyon, wag niyo na pong isipin 'yon-Ang paulit-ulit na naririnig ko mula kay Jane. Hindi ko namalayang nakaalis na pala ang kausap niya't nakaupo na lang siyang magisa sa hagdan ng Simbahan. Tinabihan ko siya't tinanong kung ano ang iniisip niya. Agad naman niyang isinandal ang kaniyang ulo sa aking balikat. Doon daw muna kami, kahit saglit lang. Namiss ko ang pagiging malambing n'ya, ang bango ng buhok niya, ang paminsang pagiging makulit at paminsang pagiging seryoso n'ya. Namiss ko ang lahat-lahat tungkol sa kaniya. Sana araw-araw na lang kaming magkasama.
"Anong iniisip mo ngayon Mahal?" Usisa niya sa akin kahit na sa malayo pa rin nakatingin. "Ako kasi andami ko pa ring ipinagpapasalamat sa Diyos hanggang ngayon, lalo na ikaw, ang pagdating mo sa akin. Totoo pala, may mahahalagang tao na mawawala sa atin pero may taong ipapadala rin ang Diyos para punan ng ligaya ang lungkot at pagdaramdam sa puso natin. I feel so blessed, lalo pa't alam kong nand'yan lang naman si Mama't nagbabatay pa rin sa atin."
Hindi na ako nakapagsalita. At parang ayaw ko na ring umalis doon. Iba kasi ang pakiramdam, pakiramdam na tila mga pangyayari sa kasalukuyan na ang naglalarawan sa'yo ng nakaraan, doon kasi nagsimula ang lahat, doon nagsimula ang kwento namin ni Jane. Punong-puno nga ng pagpapasalamat, at pagbabalik-tanaw ang araw na iyon. Isang araw na maaaring isalin sa panulat at ihabi bilang isang simpleng kuwento, isang kwento na hindi man maging mahusay at espesyal sa mata ng iba ay maaari kong balikan, isang simpleng kwento na naglalaman ng napakagandang alaala.
Gaano ko man gustong manatili ay baka gabihin na kami sa aming pupuntahan kaya hinawakan ko na ang kamay niya't sinimulan na ang paglalakad. Bukas, sa isang linggo, sa isang buwan, sa susunod na taon, sa susunod na kaarawan ko at ng aking Mahal, sa darating na pasko, ano pa kayang masayang alaala ang hatid sa amin ng Simbahan ng Baclaran?
Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Isang simpleng kuwento pero ang lakas ng dating. Personal na pagsasaad, pero may nakapaloob na social relevance. Ang tagal ko nang di nagagawi dyan sa area ng backaran... The kast time I went there, na snatch ang gold bracelet na suot ko, ang siste oa neto, hiniram ko lang yong bracelet.
ReplyDeletehehe kung anu-ano pa ginawa ko mairelate lang sa mga pangyayari sa baclaran ang kwento. parang hindi nga maayos ang pagkakahabi. hindi rin naman kasi talaga ako taong Baclaran, tuwing bday ko lang rin ang punta ko doon minsan hindi pa natutuloy. salamat sa komento sir Mar, at ingat po sa susunod mong punta ^___^
ReplyDeleteNamiz ko ang pagbabasa ng astif na kwento from you. You did it again!
ReplyDeletenamiss ko rin ang sumulat, pero mas effective at mas masipag ako doon pa kung kelan gipit sa oras kaya naghahanap ako ng pagkakaabalahan sa ngayon hehe.. salamat ^___^
ReplyDelete