Sa balkonahe ko natagpuan ang aking sarili matapos takasan ang ingay ng aking mga kaibigan. Masaya sila para sa aking pagbabalik ngunit hanggang sa mga sandaling 'yon ay maraming bumabagabag sa akin. Ang isang lata ng beer, nawala na ang lamig dahil sa dami ng aking iniisip. Ilang taon na rin ang lumipas, oras ng paglalakbay, at paghubog sa 'king sarili. Ngunit alam ko rin, hindi ako masaya sa kalsada ng buhay na napili kong tahakin.
"Kaylangan mong sundin kung ano'ng nasa puso mo."
"Hindi mo kailangang pigilan, hindi mo kailangang hadlangan kung anong nararamdaman mo."
Muli akong mumultohin ng mga linyang 'yon ni Gelle, kasabay ng galit ko sa sarili ang walang malay na lata ng beer ay mayuyupi. Duwag nga ako at walang tiwala sa 'king sarili. Sabi ko noon, masyado pa kaming bata, at marami pang oras para pagplanuhan ang mga bagay, hindi magandang ideya ang pagsasama ng maaga. Sana nalaman kong sinusukat lang niya kung ano ang kaya kong gawin para sa kaniya. Sana'y hindi ko tinuloy ang aking pagalis, hindi mabilang na taon ng kalungkutan lang naman ang naging kapalit. Sana nandoon muli ako sa aming tagpuan, sa mismong araw na 'yon, sana may pagkakataon pang maitatama ko ang lahat ng aking kamalian.
Sana, hindi niya itinago at inilihim sa akin. Sana nakausap ko man lang ang aming supling kahit hindi pa man niya nasisilayan ang ating daigdig. Sana'y nasa maayos lang sila. Sana isang iraw ay mahanap ko rin sila. Sana isang araw, makasama ko rin ang aking Pamilya na dahil sa katangahan ko'y dumulas sa aking palad. Nawala sa akin sa isang iglap.
Sana isang araw magising akong naroon muli't kasama siya sa aming tagpuan. Hawak ko ang kamay niya at hindi magaalinlangan ano man ang nais niyang hakbang na aming gawin para sa pagbuo ng isang masayang pamilya. Naroon ako para sa kaniya, para sa kanila, handang sumugal, at handang gawin ang lahat para sa tunay na pag-ibig, para sa Pamilya na alam kong habangbuhay na pagmumulan ng aking lakas at ligaya.
posted from Bloggeroid
No comments:
Post a Comment