Tuesday, April 2, 2013

Sa Baclaran


Bawat hakbang ko ay may halong pag-aalala, napapalapit ba ako o mas lalo pang napapalayo sa kaniya. Katatapos lang ng misa, siksikan ang mga taong lumalabas nang simbahan. Doon na yata naitala ang pinaka maraming ngiti na ibinahagi sa madla, sa paglabas ay dala ng lahat ang payo ni Padre na ngumiti naman at huwag alalahanin ang mga bumabalakid sa isipan, easter sunday naman daw, dapat masaya, dapat isapuso ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.

Tuloy lang ang lakad habang hindi ko pa rin mapigilang maipakita ang bigat ng aking dala, kung wala akong gagawin ay baka habangbuhay ko itong pagsisihan, nagmamadali, nangangamba, natatakot, naiinis sa sarili, at lahat-lahat na yata ng nasa nega list. Tinanong ko pa ang sarili kung totoo bang nangyayari ito sa akin, tanga ko kasi, kasalanan ko naman din.

Nasa pagkatao ko na ang pagiging bugnutin, mabilis akong mainis at kahit ang mga hindi kakilala ay nakakagalitan ko. Kung alam lang sana 'yon ng mga makakasalubong sa'yo ay matatakot na silang lapitan ka't alukin ng kung anu-ano. Tulad nitong si manong, nagaalok ng rosaryo na benditado daw. Sino namang maniniwala sa kaniya kung rinig pa rin sa pwesto niya ang speaker ng simbahan kung saan paulit-ulit na sinasabing 'wag maniwala sa mga nagbebenta ng kung anu-ano sa labas. Bastusan. Kulang nalang ay pagbawalan silang gamitin ang krus at ang Imahe ng Diyos para sa ikabubuhay ng mga pamilya nila.

Hindi nalalayo ang sitwasyon ni manong sa dalawang tindahan ng anting-anting na nagaagawan sa manlalakbay na costumer. Yung isa gustong maka benta, yung isa naman gustong patunayan na ang mga items lang niya ang mabisa. Para akong ewan, inis na inis ako nung hinawakan niya ako sa braso para alukin pa rin kahit humindi na ako. Nadala lang siguro, ayoko namang kagalitan talaga dahil naghahanapbuhay lang naman yung tao. Pero parang sinadya na rin ng Simbahan na mahulog ang hawak kong panyo para makita ang malaking sugat niya sa paa. Naalala ko yung sinabi ni Padre kanina, "Ang pagkakaroon ng sugat ay patunay ng Sakripisyo at Paghihirap. Ang paghilom naman ay patunay na ginawa mo ang lahat para mailigtas ang mga umaasa sa'yo. Ganon po ang ginawa para sa atin ng Diyos." Bumili ako sa kaniya at dinalawa ko pa. Tulong ko na sa kaniya, hindi ang trenta pesos na ibinayad kundi ang dasal ko para sa kaniya. Bilib ako sa mga tulad niya.

Balik naman sa sarili kong problema, hawak ang rosaryo sa kamay ay pinasok ko na ang siksikan ng mga tao, doon kung saan nahati ang banal na imahe ng baclaran at ang makabagong baclaran. Sa kabila ay may istatwa pa at imahe ng santo, sa kabila naman ay ang nagtitinda ng angry birds at dora the explorer na lobo. Sa gitna mababanngga mo ang nakikipagtawaran sa mga tindero, paikot-ikot ang paningin ko, hinahanap si Jenny na hindi ko rin masisisi kung bakit nagtampo. Mabuti pa nga kung nagtampo lang, hindi lang yata niya ako mapagsalitaan kanina dahil nasa loob kami ng simbahan.

Ikot, lingon, konting lakad, ikot at lingon sa paligid. Sobrang init, tirik na tirik ang araw, pero okey lang kahit doon na ako sa gitna maging replica ng Itim na Nazareno. Kailangan kong makita si Jenny at humingi ng tawad sa kaniya. Kahit yata pangalan ni Sheena Halili ang isigaw mo doon ay walang kahit sino na papansin sa'yo. Para sa mga tao ang ingay ay kakambal na talaga ng bawat araw doon. Paulit-ulit kong sigaw ang pangalan ni Jenny sa gitna. Kapag nakita ko na siya ipapaliwanag ko ang lahat, hihingi ako ng tawad at oras na mapatawad, hindi ko na muling bibitawan ang kamay niya.

Jenny... Jenny......

Jenny... Jenny......

Jenny... Jenny......

Mama... Mama.........

Biglang bumalik ako sa pagkabata. Umiiyak, hindi alam ang gagawin, hindi alam kung kanino dapat na lumapit. Pati ang hawak na laruan ay nabitawan na. Nawawala si Mama, hindi ko siya makita. Kinakabahan, takot na takot, nanginginig, tila sinusubok ang aking tapang. Sa isip ko kapag nakita ko na si Mama hindi ko na bibitawan ulit ang kamay niya, hindi na kami magkakahiwalay, uuwi na kami at nandoon si Papa hinihintay na kami galing sa trabaho niya.

Mama... Mama.........

Narinig ko ang boses ni Mama nakikiusap sa mga tao kung may nakita ba silang nawawalang bata. Nakita ako ni Mama, Habang papalapit sa akin ay halos itulak pa ang mga taong nakaharang sa daan niya. Namumula sa takot, at maluhaluha na ang mga mata. Niyakap niya ako ng mahigpit, dama ko naman ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Kinarga niya ako at sinabing uuwi na kami.

"Ma... hindi na tayo maghihiwalay ah."

Ngumiti si Mama at walang tigil na hinalikan ako sa buhok. Unti-unting nagliwanag naman ang buong Baclaran. Inilapag niya ako, hindi ko maintindihan, kanina lang ay kandong niya ako bakit ngayon ay inaalok niya sa akin ang kaniyang mga kamay.

Mula sa maliwanag ay dumilim, habang binubuksan ko naman ang aking mata ay nasisilaw na ako sa sinag ng araw. Naroon at nakapalibot sa akin ang napakaraming tao. Sa bisig ko naman ay si Jenny, paulit-ulit niyang iyak- bakit daw kasi inilihim ko pa. Hindi na ako nakapagsalita, luhang pumatak sa aking mata na lang ang nagsabing nagsisisi rin ako at sana'y mapatawad niya ang ginawa kong paglilihim sa kaniya sa sakit ko.

Bumagsak pala ako doon, bumigay na ang katawan ko. Doon na pala ang mga huling sandali ko, pero may konting oras pa na ipinaubaya sa akin ang Diyos kaya ako muling namulat sa gitnang daan na 'yon kahit pa saglit na lamang, para sa huling pagkakataon ay makita ang ganda ni Jenny. Habang hawak ang rosaryo sa kamay, hiniling ko na lang na mailagay palagi sa maayos ang aking mga maiiwan.

Sikat pa rin ang araw ngunit unti-unting bumalik ang dilim sa pagpikit ko, sa muling pagmulat ay liwanag naman na magdadala sa akin patungong kalayaan. Narinig pala ni Jenny ang huling binigkas ng bibig ko "Ma.. Hindi na tayo maghihiwalay ah." Na siya ring salubong na bati ko kay Mama noong marating ko na ang kabilang dulo na noon ay nababasa ko lamang sa mga libro.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

16 comments:

  1. Oh my... Galing mo!!!

    I am so proud of you BF!!!

    Da best ang istorya! Wala akong masabi... hmmnnn...

    I'll pm you ha...

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat hehe.. buti may kapiranggot na alaala ako ng baclaran. mahirap magkwento pag wala. tama? ^__^

      Delete
  2. Kamamatay lang ng mom ko tapos eto ang nabasa ko sa blog mo, nalungkot pero isang paalala na muli kaming magkikita. Magaling ka ngang sumulat at ako ay muling magbabalik para basahin ang mga kuwento mo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. maraming salamat ser jonathan. kaso nga lang kadalasan eh sabaw ako.. salamat po sa pagbisita sa aking blog. nakikiramay po ako sa pagkawala ng mom mo.

      Delete
  3. thumbs up! nagustuhan ko to...

    naalala ko tuloy ang mga makukulit na nagtitinda sa harap ng simbahan... sari saring diskarte para makabenta... pero nakabili ako ng parang anting anting hehehe

    Minsan nagagawa nating ilihim dahil un ang alam nating makakabuti.... pero kung ako gusto ko ibulgar kung may sakit ako hehehe

    ganda ng story....

    naniniwala ako sa nangyari sa ending... posibleng ganyan ang nagaganap......



    ReplyDelete
    Replies
    1. minsan ang tingin nating makakabuti ay nakakasama. ganon din minsan ang masama ay nakakabuti pala. ewan hindi ko din alam kung anong tama hehe..

      minsan lang ako mapadpad sa mga ganyang lugar kaya sinusulit ko para sa mata.. maraming salamat sa pagbabasa sir Jon ^__^

      Delete
  4. Aww, grabe ka talaga parekoy :)) ang husay mong magsulat ng isang maikling katha.

    Nalungkot lang ako sa ending nitong short story mo pero tumatak talaga sa puso at isipan ko.

    *applause*

    Keep it up!

    ReplyDelete
    Replies
    1. wow salamat naman po sir fiel. 60% yata ng mga kalat dito eh hindi hapi ending hehe.. pero maraming salamat po sa pagbisita at pagbabasa sa aking blog. appreciated po ^__^

      Delete
  5. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  6. Ang ganda ng flow ng kwento mo, mapapaisip ka talaga kung ano ang nangyari.. kahit sad ending sya.. maganda naman ang pagkatapos...

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat po ^__^ hehe di nako makaisip ng pwedeng ending, parang na trap na sa ganun na lang. salamat po sa pagbasa.

      Delete
  7. dropping by for the first time. Kahanga hanga nga ang kuwento mo. May mga lesson to learn din, although nakakalungkot.

    Good luck!

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat po sa unang bisita. mabuti at may napupulot na aral dito. ang pagiging totoo sa sarili bago pagsisihan ang lahat sa huli ^_^

      Delete
  8. Anonymous05:12

    WOW! At first akala ko tatamarin akong basahin dahil may kahabaan, pero it's all worth it. Galing! basta ang galing, hindi mo bibitawang basahin hanggang matapos. Napadpad ako dito galing sa blog ni Senyor Iskwater, and I'll definitely follow this blog :)

    Good job pre! ayus!

    ReplyDelete
    Replies
    1. uyy salamat po. napa-wow din ako dahil sa magagandang nasabi mo tungkol sa kwentong ito. salamat po sa pagbisita at pagpapakita ng interes hehe. ^__^

      Delete
  9. Anonymous05:12

    WOW! At first akala ko tatamarin akong basahin dahil may kahabaan, pero it's all worth it. Galing! basta ang galing, hindi mo bibitawang basahin hanggang matapos. Napadpad ako dito galing sa blog ni Senyor Iskwater, and I'll definitely follow this blog :)

    Good job pre! ayus!

    ReplyDelete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin