Friday, April 19, 2013

Ang Tunay Na Kwento Ni Liza



Magandang pangitain sa kaniya na maraming tao
Sa kabila ng init siya'y nasabik na simulan ang trabaho
Napapatid na ang tsinelas kaya hindi siya makatakbo
Pagkatapos ay itatawid pa ang sarili sa kabilang kanto

Musmos na sa paraan ng pagtulong ay maagang natuto
Dala ang pangarap sa kaniya ng amang naaksidente sa trabaho
Araw-araw sa tapat ng Simbahan siya ay masisilayan mo
Puso mo'y maaantig 'pag narinig ang kaniyang tunay na kwento

Ang terno niyang damit na pang isang linggo
Ang madumi niyang kwintas na may imahe ni Kristo
Ang kaawa-awa niyang sitwasyon sa tapat ng San Antonio
Nangangailangan ng konting pansin at tulong niyo

Hindi lahat ay naawa sa kaniya at lumambot ang puso
Mayroong iba na kung itaboy siya ay parang aso
Mayroon namang tuwing matatapos ang misa ay siya talaga ang hanap
Mayroon ding iba na palapit pa lang siya ay lumalayo na

Hindi pa rin tumigil sa pagtanggap ng labada ang may sakit n'yang ina
Siya naman 'pag sapit ng gabi ay makikita mo sa botika
Sinusubukang gamutin ang sakit na idinulot ng kahirapan
Ayaw isiping darating ang araw na pati ang inay niya siya'y iiwan

Giginhawa din kami, ang laging nasa isip niya
Makakaipon din ako, ang positibong pananaw niya
Makakapag-aral din ako tulad nila, ang pangarap niya
Huwag mo po kaming pababayaan, ang laging dasal niya

Sa bawat araw ay naroon lamang siya
Masisilayan mo kahit pa walang natapos na misa
Isang araw ay makakasalubong mo rin siya
Sa sasakyan mo, maaaring siya mismo ang kumatok sa'yong bintana

At aalukin ka ng paninda niyang sampaguita-


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

18 comments:

  1. maganda ang tula...wow...2 posts in a row...

    ReplyDelete
    Replies
    1. ganun ako pag sabaw.e biglang dalawa agad para hindi pansin yung isa. hehe joke lang ^__^ salamat.

      Delete
  2. hindi naman mukang sabaw ang tula na ito... nakakaantig nga ang kwento... Isang pangarap ng batang musmos at sa hirap ay namulat pero di nasisiraan ng loob kahit na nakikita na niya ang reyalidad na medyo may kahirapan na makaalpas sa kasalukuyan niyang kinalalagyan.

    Nakakatuwa ang ugali ng bata dahil nananatili syang positibo sa kabila ng mga pagsubok sa kanilang pamilya..

    ReplyDelete
    Replies
    1. kita mo na, mas matalinhaga pa nagamit mong salita kesa sakin hehe. ewan ko ba, hindi gumagana utak ko. pero salamat pa rin at nakakagawa ako ng ganito from out of nowhere haha. sadya lang sigurong ganito 'pag tula kasi matagal ko yang hindi nagawa, yung tula-tulaan moments ko ba. ^__^

      Delete
    2. Nyahaha sira, ok naman yung kwento noh :D

      Delete
    3. hehe maraming salamat kapanalig ^__^

      Delete
  3. ito ang tula na may kwento... galing ng pagkakabuo.... saka ung story... nakaka awa naman si liza....

    nagpapakita ito ng tunay na realidad.... at alam ko hindi nag iisa si liza... marami pang katulad niya....

    ReplyDelete
    Replies
    1. isipin palang andami ng tulad ni liza dito sa pinas. maaring hindi tulad niyang nagtitinda ng sampaguita pero kapareho ng nakakaawang pinagdadaanan niya. :(

      Delete
  4. uo nga pala... sana maka join ka sa kwento ni nanay.... ^^

    ReplyDelete
    Replies
    1. nasa to do list ko na yun sir Jon. haha may ganun talaga.. e kasi naman nakapagbitaw ako ng salita sayo kaya ayokong hindi ako makasali. ngayon pa kaya na pinaalala mo sa akin, nakakahiya kung hindi ko gagawin. ^__^

      Delete
  5. Saan ba exactly matatagpuan si Liza? gusto kong pakyawin yung tinda nyang sampaguita :))

    Naku isa na naman itong napakagandang katha Aldrin. Ganda ng tula. Nakaka depress talaga pag tungkol sa kahirapan ang topic noh?

    ReplyDelete
    Replies
    1. d'yan lang sa sampaloc kung saan nakatayo ang rebulto ni san antonio ng padua hehehe.. tunay nga pag kahirapan ang topic nakakalungkot, lalo pa pag sa kapwa pinoy mo marinig. alam mo kasing hindi lang isang tao ang tinutukoy niya, alam mong dito sa atin maraming mayroong katulad ng kapalarang mayroon din si liza.

      Delete
  6. Galing. Malalim na istorya sa likod ng isang tipikal na batang nagtitinda ng sampaguita sa mga simbahan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehe. maraming salamat tol pao. ^__^

      Delete
  7. Anonymous00:16

    galing ng tula pre. Pero about sa issue dun sa tula, nakakaawa ung bata, pero naaasar ako sa magulang. Dapat hindi nila hinahayaang magkaganoon ang anak nila e...sorry, di lana ako makapagpigil, hehehe..so ganun na lang muna ang comment :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. at naiintindihan ko yon kaibigan. hehe sabaw lang kasi.

      mapanuri ang mata mo ah at hindi ka takot magsabi ng views mo tungkol sa gawa ko, alaykdat! hakhak salamat. ^__^

      Delete
  8. Hays... naalala ko tuloy ang aking pinagdaanan.
    Its me
    Momi joy:)

    ReplyDelete
    Replies
    1. galing po sa mahirap na estado mami joy? hindi ka po nagiisa, at sana ako rin merong marating sa buhay kagaya niyo po. ang mga katulad ni Liza sana mapansin at matulungan. ^__^

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin