Wednesday, March 20, 2013

San Isidro, Ang Iniwang Alaala


"Yan ang baryo San Isidro!"

"Ano bang espesyal sa lugar na yan?"

"Mahirap ipaliwanag. Iba yung dalang sabik sa'kin na mabalikan ang mga alaala eh."

"Masayang alaala ba?"

"Naman!" mabilis na sagot ko, 'di sinasadyang napalakas ang tono. "Bakit ka pala umalis?" mabilis niyang usisa

Hindi ako nakapagsalita agad, hindi rin naman ako nagiisip ng pwedeng isagot. Binigyang daan ko na lang ang katahimikan at salamat dahil mabilis niya 'yong naintindihan.

Tanaw na namin non ang San Isidro habang naglalakad pababa, ang munting bario malayo sa siyudad. Ang baryo kung saan ako isinilang, kung saan ako nakipaghabulan sa mga kalaro noong kabataan, kung saan ko tinatabunan ng mga tuyot na dahon ang sarili tuwing nakikipag taguan. Sa San Isidro na malayo sa ingay at tila kaisa sa kalikasan.

Napadaan kami sa maliit na simbahan, sa tapat ay naroon si Jepoy at si Angie ang kaniyang kasintahan. Kapwa sila nagngitian ng makita kami ni Lea, para bang sa kanila tumama ang kilig na dapat sana'y kami ang nakakaramdam. Halatang masaya sila para sa amin, at ganon din ako para sa dalawa kong kababata.

_____________________________

"Ang cute. Talagang childhood sweethearts pa sila? Bakit 'di mo 'ko pinakilala sa kanila?" hindi pa kami nakalayo ay ganon na ang tanong ni Lea. Humigpit pa nga ang kapit sa aking braso tila nagsisimulan kasing ipakita ng San Isidro ang pagiging kakaiba nito sa maraming bagay na naeenjoy naman niya tulad ng bakit daw yung dumaan na jeep nasa loob ang mga pinamili mula sa bayan habang ang mga pasahero nasa bubungan, pati ang mga puno bakit daw nakayuko. "Bakit yung mama merong kabayo pero ayaw niyang sakyan? Di-hila?" dagdag pa ni Lea, nagaabang kung magbibigay daan sa pagngiti ko ang sinabi niya.

"Ang seryoso mo. 'Diba nandito tayo para magsaya?"

Tumahimik pa rin ako. Nagiisip kung ano ang sasabihin hindi kay Lea, kundi sa mga taong naghihintay sa muling pagbabalik namin sa munting baryo. Biglaan nalang ay naisip kong sabihin na agad ang totoo kay Lea, mabuti na yung handa siya kahit ilang yapak na lamang ang layo namin sa pupuntahan, kung saan malalaman niya ang lahat-lahat.

"Sina Jepoy at Angie..." napatingin si Lea sa akin dahil sa bigla kong pagsasalita. "Ano sila?" sagot niya

"Katulad din nila tayo."

"Hmm.. Nagmamahalan rin tayo. Ganon ba?"

"Hindi. Tulad nila dito rin tayo unang nagkakilala."

_____________________________

Hindi ko na inasahang dahil sa sinabi ko ay maaalala ni Lea ang lahat, imposible kasi 'yon. Pero sa akin, nagbalik lahat ng alaala sa akin. Ang matatas na lugar na sabay naming inaakyat noon. Ang gulong doon na isinabit bilang duyan. Ang gitarang ginamit sa panunuyo noong ako'y maging binata. At ang mga masasayang sandali sa luntiang pasyalan.

Ako na lang ang nakakaalala ng lahat. Kasalanan ko, hindi ko dapat siya isinama sa Maynila. Doon sa maingay at magulo. Doon kung saan ang lahat ay nangangarap na masundan ang mga yapak ni Steve Jobs kahit hirap na hirap na sa pamumyhay. Simple lang naman ang dala naming pangarap noong tunguin namin ang Maynila, yung makapagtapos ng kolehiyo upang makatulong at maipagmalaki ng mga magulang.

Kasalanan ko. Hindi ko dapat siya hinayaang suyurin ang kalakhang maynila ng magisa para lang makahanap ng trabaho hindi ko dapat siya hinayaang lumakad magisa. Nakabuntot ang panganib kahit saan, walang sasantuhin kahit pa ang pinakamaliit na mga sasakyan, ganon din ang parang virus na kumakalat na mga kawatan. Kasalanan ko kung bakit ang masayang lugar na San Isidro ay tila bago lamang sa kaniya. Kasalanan ko kung bakit kahit ang mismong aksidente ay hindi niya maalala.

_____________________________

"Si Lea po." salubong ko sa kanila na naroon na't inaasahan ang pagdating namin. Kinukuskos niya ang mga mata, mapipiga ang panyo kahit hindi naman pinagpawisan. Umiiyak na si Lea non hindi pa man kami nakakarating, bakit ko pa raw itinago kung pwede namang hindi. Bakit daw ba kasi ngayon ko lang sinabi.

Nagyakapan sila. Hindi na ako kailangan doon. Kita ko ang naguumapaw na ligaya nila na makasama muli si Lea. Magbabalik din ang alaala niya, o kung hindi man ay siguradong makakasanayan na niyang muli ang dito manirahan. Dito naman siya lumaki at nagkaisip.

"Saan ka pupunta?" napuputol na boses pa niya dahil sa pagluha ng mapansin akong papalabas na ng pintuan

"Aalis na ako at babalik sa Maynila. Dinala kita dito para makasama mo muli sila. Dito ka nararapat, hindi sa akin, ang dala ko lang eh puro kapahamakan."

Naintindihan at niyakap pa ako ni Lea. Matagal ang pagtitig na ginawa para sa siguradong matagal na hindi pagkikita. Muli ay nilisan ko ang San Isidro, sa pagkakataong 'yon ang tanging dala nalang ay masakit na alaala. Ito naman ang makakabuti para Lea. Oo nga't pareho naman naming ginusto nung una, iba na kasi ngayon matapos ang trahedya. Napakasama kong kapatid kung patuloy kong pagtatakpan ang katotohanan.

Inasahan ko kaninang magbubuhos ng galit sa akin si Itay at hindi ako kakausapin ni Inay pero hindi ganon ang nangyari wari'y pareho kaming nais patawarin ng aming mga magulang. Ganon pa man alam kong malaki ang kasalanan kong nagawa, hindi ako madaling makakalimot tulad ng kung pano nawala na lamang ang mga alaala kay Lea. Alam kong hindi rin maitatama ang pagkakamali ng isa pang pagkakamali, ngunit isa na lamang ang naisip kong paraan para mawakasan ang lahat. Kay Lea, kay Inay, Itay, at sa San Isidro, ito na ang huli kong pagpapaalam.

posted from Bloggeroid


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

6 comments:

  1. isang ume-erik matting entry nanaman... Ayos ahaha! na nanabik ako muling makabasa nito :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat.. subukan kong gawan kita ng pampawala ng umay hehe..

      Delete
  2. wow.... ikaw na may ads... hehehehe... another good story... Huling pagpapaalam? Hindi na siya babalik ng San Isidro?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tinanggalan ang sarili ng pagkakataon bumalik..

      Kunin mo lang yung panibagong cde nung ad unit mo meron din yam hehe ^__^

      Delete
  3. ang galing talaga ng kwentista. Babalik at babalikan din ang san isidro. Kahit sa alaala lang.

    ReplyDelete
    Replies
    1. wala paring mas gagaling sa kwentista ng Muhon ^__^


      yung totoo. gustong gusto kong bumalik d'yan kabayan. sayang ang pagkakataon, timing ang mga di inaasahang bagay.

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin