Friday, June 14, 2013

Halap


Maganda at maulap na panahon ang sumalubong sa amin matapos na maarok ang kataasan ng natatangi naming paraiso. Maaliwalas at ang paligid ay kainaman ang taglay. Tulad ko, tulad namin, maaari ka ring pumwesto sa isang lilim at doon tatanawin ang buhay, hihimayin ang masasayang mga araw at paliliparin sa hangin ang lahat ng bigat na nararamdaman. Pakiramdam na dinaig pa ang mga binulong na hiling sa nagliliparang hibla ng dandelyon. Sa wakas ay malaya.

Matagal nang nais magpakilala sa akin ng mundo, matagal-tagal na rin akong nais silipin ng araw. Kahit sa saglit lang na pamamalagi, hindi mo mamamalayang pinapaikot pala ng salapi ang mundong iyong kinatutungtungan. Hindi mo maiisip na ang kagandahan ng mundo, ang buhay ng tao, ang lahat ng biyayang dumating at darating, lahat ay mayroong hangganan. Hindi mo aakalaing sa simpleng pagsandal at pagsimoy sa kalikasan ay kusa kang tatangayin ng dumadaloy na ilog sa ginhawang matagal mo ring hindi nakamtan.

Mapapatingala sa langit ang mga tao, iisiping bakit kung minsan ang buhay ay magulo. Kung dinig din sana nila ako, isisigaw kong subukan nilang pumunta dito sa aming paraiso. Paraiso namin na maaaring isang araw ay maging kalangitan rin ng iba. Takbuhan kung may problema, tagpuan kung may hadlang sa tunay na pagmahalan at kaaagapay kung ang puso'y may hapding nararanasan, pusong umiibig na nasugatan. Tulad rin ng sa aking nakaraan.

Binago ng lugar na ito ang buhay ko, katuwang ang mahal ko, binuo ng lugar na ito ang tapang ko at buong pagkatao. Paumanhin naman ang hingi ko sa kaniya na hindi pa rin nawala sa tabi ko, narito siya't hawak ang kamay ko. Akala ko rin ay magbabago na ang lahat ngunit naroon siya upang tulungan ako, naroon siya upang ipaalala sa akin hindi lang ang mga pangako, naroon din siya upang ipabatid na naglalaho na ang dating ako. May mga naunang pagkakamali pero sa hanggang sa huli ay sinamahan niya ako, pinaramdam n'yang kailanman ay hindi niya ako isusuko, bagay na sa habangbuhay ay ipagpapasalamat ko.

Ang mga sandaling tulad nito ay hinding-hindi ko ipagpapalit. Tulad noon, kahit abutin pa ng takipsilim ay maigi kong sinusulit. Unti-unting lumalamig na nga ang hangin ngunit nanatiling mainit ang kamay ng aking mahal. At sa pagbalabal niya sa akin ng kumot sunod na kinilala ng mga mata ko ay ang malawak na lupain ni Ama. Ang tanawin sa munting paraisong ito na lahat ay nabili na niya. Mapapailing na lamang ako at ihihiga ang sarili sa damuhan na matagal hinanap ng aking likuran. Kung kayakap ang aking mahal ay wala na akong ibang nais pang puntahan.

Sa paglingon ko sa aking mahal ay agad niyang sinundan ng ngiti ang tahimik na pagtitig pala sa akin. Wala siyang kailangan na sabihin, lahat ay ipapahiwatig ng mga mata niyang sumasalin sa mga bituin.

Parang kailan lang noong mga pangarap at ambisyon ang kasama namin dito sa natatangi naming paraiso. Parang kailan lang noong nasaksihan ng mga gamu-gamo ang pagluhod at paghingi ko sa kamay ng mahal ko. Ngayon ang kasama namin ay de'gulong na silya't mga hindi nagalaw na gamot at pagkain.

Hanggang gumabi ay magkayakap naming pinanood ang mga bituin, magkayakap na isa't-isa ang pinagkukuhanan ng init. Ang pag-ibig namin na nagsimula pa noong kami ay maliliit, ngayon ay hindi alam kung paano tatanggaping kailangan may maaga ring mawala, kailangang may umalis at may maiiwan.

Hinawakan ko ang malambot niyang pisngi ngunit bago pa magdampi ang aming mga labi ay nakuha ng dumaan na bulalakaw ang atensyon namin. Napangiti kami sa isa't-isa dahil noon ay 'yon ang gabi-gabing inaabangan namin. Tahimik kong pinagmasdan ang wangis ng aking mahal. Alam kong sa likod ng mga ngiti niya ay may lungkot s'yang ikinukubli. May takot na maaring anumang oras ay mawala ako sa kaniyang tabi.

"Nais ko pa siyang makapiling. Sayang. Sana nga hanggang sa ngayon ay mga bulalakaw pa rin ang hinihintay namin."

Huling hiling na ibubulong ko sa langit kahit alam kong imposible na rin.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

10 comments:

  1. awwww.... ganda!

    habang tumatagal, pagaling ka ng pagaling... reading a post like this makes me love blogging even more!

    ReplyDelete
  2. uy senyor hehe baka may maniwala. lalo nga akong sinasabaw eh haha.. sabi pa ng kapatid ni krissy "considering 100th post mo na ito. nagmature ka na talaga ha." pero yung sabaw andun pa rin haha..

    ReplyDelete
  3. Ka touch naman eto. Makes me more in love to my hubby:)

    ReplyDelete
  4. salamat sa pagbabasa mami joy. love him even more everyday.. english yun hehe. ^__^

    ReplyDelete
  5. Ang expressive naman. Lalaki ba nagsulat nito?

    ReplyDelete
  6. ou ate aicy. dami lang ng gustong sabihin. pero hindi pa rin ganun ka effective hehe. salamat sa pagbasa nito ^__^

    ReplyDelete
  7. tama si senyor, habang tumatagal humuhusay.

    "...At sa pagbalabal niya sa akin ng kumot sunod na kinilala ng mga mata ko ay ang malawak na lupain ni Ama."

    Hindi ko naisip na "kilalanin" ang lawak. ang galing nito.

    Pasensiya sa matumal kong pagbisita.

    ReplyDelete
  8. yun na lang ang naisip ko eh.. iba kasi ang paglalarawan ko nung una ^__^ salamat kabayang RED. mas sinasabaw kamo hehe..

    ReplyDelete
  9. nagapas na ang pinakamagagandang butil ng bigas.. kudos kapanalig!

    ReplyDelete
  10. may mga halaman pa ngang tutubo sa hindi tamang oras at lugar. kailangang mawala ang presensya ng agaran. at maraming salamat sa'yo kapanalig..

    ReplyDelete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin