Saturday, June 29, 2013

Tatlong Pulang Marker at Ang Tatlong K


(Hindi panaginip. Katotohanan)

Hindi rin ako maniwalang sa direksyong tinututuunan ng paningin ko'y isang tao lang aking nakikita, 'yon ay kahit pa hindi mahulugang karayom ang mga taong nakapaligid sa kaniya. Ibubulong sa sariling "Siya lang naman talaga." Malinaw pa sa pulang marker ng aking grado sa markahan ang katotohanang mahal ko nga siya.

Inaabangan ko ring tumingala naman siya sa akin, dahil 'yon ang kukumpleto sa araw ko. At lilingon nga siya, titingin pataas sa 'kin at may sasabihin siyang hindi ko maiintindihan dahil na rin sa kalayuan. Ayos lang, ngingiti na lang ako at maagang bababa sa gusaling 'yon ng aming paaralan dala ang ngiti at panatag na kalooban.

May mga damdaming inilarawan sa mga text qoutes sila Bob Ong at Ricky Lee. 'Pag sangayon ka daw sa mga 'yon, umiibig ka, bagay na sa sitwasyon ko'y 'di na naman dapat ipagtaka. Lihim na mamasdan ko siya mula sa malayo, hahanginin ang buhok niya na sa akin ay pagsisimula ng isang malamyang musika ang dulot. Minsan pang mapapadaan siya't titingin sa akin, ngingiti at parang bata na didilaan pa ako. Lalagpas na siya at matatanaw ko ang sarili kasama siya, walang humpay na ligaya.

Kung bakit wala na sa akin ang nakaraan ay dahil sa rin kaniya. Madali lang lumimot 'pag nabubuhay ka sa 'yong pangarap. Paano kung isang araw ay mawawala rin siya? 'Pag dating sa kaniya, ayaw kong lumimot. Takot akong isiping may katapusan pala talaga ang mga bagay-bagay, may katapusan ang lahat.

"A primitive love and a ride in the mystery train."

Siya ang tanging nagpapasaya sa akin. Tatanungin niya ako kung bakit, saka ano raw bang nagustuhan ko sa kaniya pero mahirap pa ring sagutin. May mga bagay talaga na alam mo na sa unang pagkikita pa lang. Kusa kang magpapadala sa mysteryo at aangkas sa hiwagang dulot nito sa'yo.

Sa akin siya.

Sa kaniya ako.

Masaya siya at masaya ako.

Ito ang natupad na pangarap ko.


_____________________________

(Dalawang taon ang lumipas)

May isang babaeng papangakuan ng panghabang buhay na pagmamamahal "I Love You 'Til Death" ang eksaktong salita na ginamit sa pagkakaalam na totoo ang nararamdaman at dahil alam sa sariling siya na nga.

Siya. Magiging masaya, aasang wala na ngang iba.

Ako. Mapapansing ang mga pangako din pala ang sisira sa aming dalawa. Malalamang ang lahat ng sobra ay nakakasama.

"Kakabog ang dibdib mo, kikiligin ang kalamnan mo at kikirot ang puso mo. Kabog, kilig, kirot. Kapag naramdaman mo ang tatlong K, umiibig ka."

Naalala ko ang Tatlong K ni Ricky Lee. Kabog, Kilig at Kirot. At Naisip kong hindi na ako malayo sa pangatlo. Dahil umiibig ako, dahil mahal ko siya at dahil masaya ako. Kaya nga ayaw kong magkaroon ng wakas. Pero sa pag-ibig, may marka ng simula at katapusan. Mamamarkahan ng pulang marker ang araw na hindi mo inasahang darating din pala sa inyo, sa inyo pang dalawa na nakahawak sa iisang pangako lang naman. Pilit kasi kayong sisirain ng panahon at mga tao sa inyong kapaligiran.

"Me quota ang pag-ibig. Sa bawat limang umiibig ay isa lang ang magiging maligaya. Kasama ka ba sa quota? Isa ka bang Capital S?"

S, sawi nga ako pero hindi pa rin ako naniwalang sukatan ang paglayo para malaman at matimbang ang pagmamahal. Alam ko lang ay mahal ko pa rin siya at mabubura lahat ng dahilan kung bakit kinailangang mawala ako sa tabi niya. Matitira lang ay pag-ibig at pagasa.

Lumayo siya.

Nagkamali ako.

Nagisip siya at naghintay ako.

Ito ang pulang tuldok sa nakaraan ko.


_____________________________

(Apat na taon pa ang lilipas)

Ang akdang ito'y ipababasa ko sa babaeng ginamit kong inspirasyon sa pagsusulat nito. Mapapansin niyang parang tungkol sa nakaraan namin ito at magtataka siya kung bakit hinati ko ang mukha nito sa pagiging masaya at sa paghabi ng kalungkutan. Mapapaisip siya kung bakit may malungkot at may masaya kung pwede namang yung mga masasayang alaala na lang ang balikan.

Naroon lang siya sa trabaho tinutuktok ang pulang marker sa kaniyang mesa. Masaya na siya sa buhay niya ngayon. May trabaho, may bagong mangingibig at may mga kaibigang palaging nakakaagapay sa kaniya. Ibig sabihin, hindi na kailangan pang ipaalala sa kaniya ang nakaraan pero dahil nga siya ang nasa kuwento'y hindi na rin niya napansing halos matapos na pala niya ito.

Mapapatingin siya sa akin. Babasahin ang iniisip ko't hindi maiiwasang magtanong.

"Malungkot ka siguro kaya nadadamay ang mga sinusulat mo sa'yo."

Sasagutin ko siya.

"Umibig kasi ako ng totoo. Pero sa ikatlong K, hindi ko nagawang ipuslit ang sarili ko."

Yuyuko siya.

Aatras ako.

Matatahimik siya, mapapahiya't aalis ako.

Pipigil siya, tila naging bingi naman ako.

Mahirap ibalik ngunit bakit pinipilit ko?


~~ o ~~

Hiram ang ilang linya kay bossing Ricky Lee



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

6 comments:

  1. hyyyy... hindi ako maka-relate sa tema about love pero maganda ang pagkakasulat...

    ganun talaga noh? 'pag malungkot, apektado ang pagsusulat... 'wag na nating pilitin kasi ang mga hindi na dapat...

    ReplyDelete
    Replies
    1. okey lang yun senyor hehe. ganito yung mga tipong hindi ko kailangan ng sasabihin ng iba. sa akin ito at para sa kaniya ^__^

      Delete
  2. Isa kang kabalyero ng pag-ibig sir.

    DI ko alam kung bakit hindi magawang tumakas ng ligaya sa pagkagapos sa sa mga bisig ng kalungkutan. Hindi ko nauunawaan. Nariyang nagbabadya itong pupuslit pero kusa ring uurong. Bakit?

    Yung kilig ko tuloy hindi rin malaman kung saan babaling. hahahaha


    Yung para kay B ni sir Ricky Lee ang kauna-unahang nobela na aking nabasa nang buo. Tamad kasi akng magbasa dati kaya takot akong magbuklat ng libro dahil ayokong masira ang pagiging sagrado nito. Noong matapos kong basahin iyon, yun na ang pamntayan ko ng magandang nobelang nakasulat sa Filipino. Wala nang iba.

    Magandang araw sir!

    ReplyDelete
    Replies
    1. ganyan rin ako dati eh.. bibili ng libro tapos magdodownload ng ebook sa kaparehong nobela hehe.

      yung para kay B rin ang una kong natapos at may paghanga na kaagad ako sa sumulat.

      lalapit at aatras talaga ako. wala kasing kasiguraduhan ang mga bagay sa sitwasyon kong magbabalik at aasang kaya pa ring maibalik ang spark. tsk.

      Delete
  3. Wow. as in WOW. Husay mo talaga mag sulat parekoy.

    Natawa ako sa capital S.

    Hay. Basta, hanga talaga ako sa mga taong nag-e-end up sa mga first love nila.

    ReplyDelete
  4. ako rin tol Pao.. may kakaibang madyik ang perslab eh. hhanapin mo kahit pa siguro may balbas kana ahehe.. salamat. salamat kaibigan sa muling pagbisita ^__^

    ReplyDelete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin