Monday, July 17, 2023

Walang Alam na Pag-ibig

art credits @saachiart
Nagising akong lasing padin sa katotohanan. Kagabi, ilang dating kasintahan kaya ang sinubukan kong tawagan? Siguradong pinagtawanan ang hibang nilang kainuman. Walang-wala na pero naghahanap pa rin ng sa kanila'y maipagmamayabang. Bakit kasi hindi ko kayang tanggapin ang katotohanan. Kung bawat relasyong nagdaan na ang patunay na ako'y kaiwan-iwan.

Hubad na nakasandal sa kawalan. Nakayuko sa mga inaaming kasalanan. Ang pag agos ng tubig mula ulo hanggang katawan. Anumang lamig ay hindi kayang magising ang mga kalamnan. Ang Puso ko? May silbi ba talaga? Magkakahalaga pa sa kahit kanino? Kay Zakera? Kay Mary Rose? Kay Zarah? Kay Aica? Kay Loubeth? Kay Lieza? Kay Mary Lourize? Kay Sheila May? Kay Anne? Kay Brigette? Kay Mariel? Kay Apple? Bakit parang dumaan lang ako sa buhay nila?.

Hindi ba talaga ako marunong magmahal? O hindi isang tulad ko ang dapat na minamahal?. Bobo ba ako pagdating sa pagibig? O tanga ako sa pagpili ng naiibig? Hindi ko ba kayang magpahayag ng nararamdaman? O sila ang hindi maintindihan kung ano ang sa puso ko'y nilalaman? Bakit ako takot maiwan, pero ang hilig kong ipanakot ang pangiiwan? Bakit kaya ko silang ipagmalaki habang ako ni hindi alam kung masaya ba sila sa aking piling?.

Para silang mga rosas sa aking higaan na maari ko na lang gunitain dahil matagal nang nawalan ng kulay at halimuyak. Ang mga tinik nila. Wala na. Matagal nang ipinasa sa aking likuran at mananatiling ako'y pinapasakitan. Pero para saan? Para masaya sila pagdating ng araw na kaya na nila akong iwan? O para masabing natuto sila sa aming mga kamalian? Pero para sabihing sila pa ang mas nasaktan. Hindi pa ba yon matatawag na kagaguhan?

Siguro ay wala nga akong itsura. Siguro ay hindi nga ako kaibig-ibig. Siguro ay wala nga akong silbi. Siguro nga ay wala na nga akong masasabing tama at magagawang tama. Siguro ay hindi nga ako marunong magpasya para sa ikabubuti ng isang relasyon. Siguro ay papel nga ako na handang magpasunog hanggang maabo para lang maliwanagan ang kanilang daan. Dumating sa kanilang mga kamay para maging kagamitan lamang.

Sa aking pagtingala. Pilit iminulat ang mga mata kahit mahapdi at nakakahilam. Kailangang magpatuloy, kahit wala nang kapaga-pagasa, kahit parang tanga na, kahit katawa-tawa na, kahit nakakaawa na. Sa isang katulad kong walang alam na pagibig, walang alam sa pagibig, walang umiibig, at walang pagibig, alam kong balang araw ay mayroon ding magpapahalaga at totoong magmamahal. At sa pagdating ng araw na 'yon, tatamaan  siya ng lungkot malaman ang lahat ng ito. Pero dahil 'yon sa mahal niya ako. At makasarili ako kung hindi niya mabasa ang bukas na liham na ito.



~~



posted from Bloggeroid


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin