photo credits @ynalove |
Hindi mapapagod ang bibig ni Wena ipaalam sa akin kung gaano siya kapalad. Sa tagal ng panahon, makakatagpo din pala siya ng isang tulad ko. Aminadong hindi perpekto ngunit para sa kaniya ako ay natupad na pangarap. Ang lalaking ituturing siyang prinsesa, ang lalaking rerespetuhin ang pagka babae niya, lalaking pakikinggan at iintindihin ang nga nararamdaman niya, lalaking sasama sa kaniya kahit saan, lalaking handang hingiin muna ang kamay ng magulang niya bago ang sa kaniya.
Sampung buwan pa lang kami pero para bang hindi lang yon ang nalayag ng aming pagmamahalan, na parang sa nakaraang buhay ay kami na rin ang magkasintahan, hindi lang maagang nagka hanapan. Kahit hindi ko tanungin ay alam kong ganon din ang kaniyang nararamdaman. Kahit magkalayo ang aming mga katauhan, ugali, at mga kasanayan, parang Dagat at Ilog pa rin na magtatagpo sa haba ng kaniya-kaniyang mga pinagdaanan, ang eksaktong puntong 'yon ay parang daungan ng aming mga puso't kaluluwa, para yakapin at tanggapin ang isa't-isa.
Halos malaglag na ang larawan niya noong kabataan na nakadikit sa aking damitan. Ang ngiti niya doon, alam kong matagal niyang hindi naipakita sa lahat, dahil ang puso ay natututong uminda sa mga naririnig, nakikita, at nararamdaman habang tayo ay tumatanda. Pero hindi ba ako ang swerte? Dahil nailabas ko yon mula sa kaniya. Ngiti na hindi mo kailangang imbitahin, ngunit dahilan sa pagmamahal na naipamamalas at nararamdaman ay kusang guguhit sa kaniyang mga mga mata at labi.
Hanap Buhay talaga ang dahilan ng pag-laot pero bakit para akong namatay ng pitong buwan? Minsan sa buhay, hindi natin mawari kung bakit dadalawin pa rin tayo ng kalungkutan kahit pa nasa atin na ang lahat. Hindi natin alam kung bakit kailangan nating ikumpara kung anong meron tayo sa kung ano ang meron ang iba. Minsan hindi natin alam kung bakit kailangan natin umalis kahit pa alam nating ang iniiwan natin ay ang ating pahinga, ating tahanan. Ang alam ko lang, magtatagpo kaming muli, at hahawak sa maliit na pagasang ako pa rin ang nasa puso niya. Pagdating ko sa daungan. Pagdating ko sa aming daungan. Ako pa rin sana ang piliin niya.
~~
posted from Bloggeroid
No comments:
Post a Comment