Saturday, July 22, 2023

Paikot-ikot Lang Naman Tayo

photo credits @cheapings.top
"Paikot-ikot lang naman tayo." Sabi ko kay Machie, nung naghahanap siya ng kung ano sa paligid. Anong pwedeng makain, anong pwedeng mabili, anong pwedeng tignan, anong pwedeng usisain, at anong pwedeng pagkwentuhan. Kanina pa kami palakad-lakad, nakailang labas-'masok na rin kami sa mall, at mga pamilihan sa daan. Hindi kaya marami na syang naisip gawin at bilihin pero hindi pa kasi ako humugot sa aking bulsa. Sana hindi. Dahil wala rin naman kasi akong masyadong dalang erap.

Isa siguro yon sa dahilan kung bakit hanggang ngayon ay kaibigan lang niya ako, kahit para sa akin ay higit na ako sa isang manliligaw sa kaniya. Idagdag pa na wala akong itsura, walang alam na pickup lines, walang line of nine's sa aking mga marka, at aminadong tamad. Pero kung para makasama siya, kahit wala nang liwanag akong uuwi ay masaya akong maglalakad, swerte na lang kung makakabackride sa mga kaibigan ni Papa. Kahit paulit-ulit lang ay hindi ako magsasawa.

Pinagtataka ko pa rin kung bakit nagpapalitan na kami ng sim card pero hindi pa rin niya ako sinasagot. 'Di ba gawain ng magsyota na yun? Ano kayang iniisip niya? Ang kapal naman ng mukha ko kung may iba pa akong liligawan bukod sa kaniya. Pero tuwing nakasalpak ang sim niya amindao akong kabado ako na baka may kung sinong magtext sa kaniya, pero masaya akong wala naman kun'di ang Mama at Papa niya. Kilala kaya nila ako? Ako na kaya ang magpakilala ng sarili ko sa kanila?

Sabagay ay nakakatakot din. Mga bata pa kasi kami at alam kong wala pa akong kayang patunayan sa mga magulang niya, kay Machie nga mismo ay wala pa. Pero normal ba yun? Nakikita ko na ang future ko sa kaniya. Kahit ngayon ay naka unipormeng magaaral, nakikita ko na siya bilang mabuting asawa na naghihintay sa akin sa aking paguwi sa bahay. Ipagluluto ako, susukatin ang pagod at mood ko, mamasahihin ako, lalambingin, at pupunuin ng pagmamahal ang tahanan kasama ang aming mga magiging anak.

Alam ko naman, grabeng advance ko magisip, ni hindi ko pa nga jowa. Pero sa kaniya na rin kasi mismo nanggaling, gusto daw niya kung magkakatuluyan kami at sasagutin niya ako, gusto niya maging legal ang lahat. Walang tinatago, at walang ginagawang bawal, pinapangako pa nga akong tapusin namin ng sabay ang pagaaral. Takot siguro niyang may mga balikan pa akong bagsak na subjects. Pero pinagiigihan ko naman talaga lalo't siya ang inspirasyon ko.

Paikot-ikot lang naman talaga tayo. Pabalik-balik lang naman tayo. Kahit ano pa siguro yan. Trabaho, pagaaral, panliligaw, pagmamahal, pananampalataya, mga hilig, at lahat ng mga bagay na nagpapasaya sa atin. Bakit tayo lilihis kung alam nating nasa tamang ikot naman tayo. Bakit ka aalis kung alam mo sa sarili mong ikakabuti mo ang ginagawa mo, sa kasalukuyan at sa hinaharap. Masyadong malayo ang nililipad ng isip ko, ang alam ko lang ayaw ko nang balikan ang Math at English.

Nagvibrate ang cellphone ko na sim card naman ni Machie ang 'salpak kaya ako mabilis na kinabahan. "Check mo nga." sabi pa niya noong marinig ang nokia tune. Bigla akong nanigas at pinagpawisan ng ga-bigas. "San na daw sila? Sabi ko kasi kain tayo at ipapakilala kita." yung hiya, tuwa, kilig, takot, pananabik, at nginig, naramadaman ko lahat ng isang iglap lang, biglang nagka epekto sa wakas ung enervon sa katawan ko. Ano't-ano pa man, ang alam ko lang ay kailangang magpatuloy. Wala na 'tong balikan!.


~~




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin