Sunday, July 30, 2023

Tadhana sa Sisayd

photo credits @moa_seaside
Hindi naman talaga ako naniniwala sa hiwaga, himala, hula o anuman. Hindi nga maipaliwanag ni Charles Darwin kung bakit laging mas tama ang mga babae kesa sa lalake. Hindi nga tumataya ng lotto ang mga maghuhula, nandun lang sila sa Quiapo matyagang naghihintay ng maiisahan. Hindi rin maipaliwanag ng science kung bakit moderno na pero kailngang makaluma pa rin ang gawi ng panliligaw ko kay Sheena.

Bakit din kaya ganon? Madami namang babae sa mundo, pero kailangan kong ilaban ang tyansa ko sa kaniya. Pero sa isip rin siguro niya, hindi rin naman ako gwapo pero bakit pinagbibigyan niya ang panunuyo ko. Ewan ko ba, ang mahalaga ay alam kong swerte na ako na mapagbigyan at maihayag ang aking nararamdaman. Sa huli ang mahalaga naman ay kung kami ba ang magkakatuluyan.

Gusto kong gustuhin niya ako. Gusto kong masakop ko siya, makontrol, madiktahan, kahit alam ko namang malabong mangyari yon. Hindi naman lahat ng gusto natin ay makukuha natin ng ganun-ganon lang. Siguro nga ay makasarili at hindi patas ang aking pagnanais, pero kung alam lang sana niya, handa akong gawin ang lahat. Kahit pagputok bola ay ako pala ang magpaalipin sa kaniya, masaya kong gagawin yon.

Ito siguro yung hindi maipaliwanag ng lahat sa ating globo. May mga kaniya kaniya tayong nais. Walang kunsensyang malinis. Lahat tayo may plano na maaaring taliwas sa gusto ng iba kahit sa ating kasama at mahal sa buhay. Kahit anong gawin natin, kakatas padin ang toyo sa kababaihan, dahil hindi tugma sa gusto nilang mangyari ang kilos natin. Ako? Kahit araw-araw maalat na adobo ang ulam, bastat siya ang kasama alam kong aapaw ang ligaya.

Nakapagsimba naman kami pero sayang, pumayag pa naman siya at naiangkas, nandoon na kami sa lugar. Solid na pampakilig sana kung natuloy kami, tatambay sa sanyo ng tabing dagat habang nagtatapat ng mga ndi pa nasabi sa kaniya, tapos saksakyan ang lahat ng rides para alisin ang lahat ng takot niya. Pero umulan ng napakalakas. Natakot ako habang hinihilamos niya ang nababasa niyang mukha.

Para sa akin ay napaka lungkot ng dapit hapon na iyon. Pakiramdam ko ay binigo ko siya. Pakiramdam ko ay lalo lang siyang mawawalan ng gana at pagtingin sa akin. Sigurado ring masesermunan ako ni Tita, na sa byahe palang ay iniisip ko na ang pwedeng sabihin. Pero humigpit ang yakap sa akin Sheena, at sinabing "Salamat sa first time." "Hindi ko 'to makakalimutan.".

Akala ko non ay galit siya dahil basang basa ba kami. Sinong magaakala, ngumingiti pa siya't nakayakap sa akin naparang matagal na niyang hinihintay yon mangyari sa kaniyang buhay. Yung magsimba at abutan ng ulan sa daan, at hayaang mabasa ang mga kasuotan. Sa hiwaga, himala, at hula, hindi ako naniniwala. Pero alam kong siya na ang babae na sa akin ay tinadhana. Nasa akin na ang pagkakataon, kailangan kolang sumabay sa kaniyang mga kagustuhan at paniniwala.


~~



posted from Bloggeroid


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin