Saturday, July 8, 2023

Liwanag sa Laoag

photo credits @dirk_sigmund
May nakatagong mensahe ang hindi niya pag ngiti at pagsasalita. Nakaupo sa batong nakursunada. Nakahanda nang postura para mag tampisaw ngunit salumbaba niya ang bigat ng masungit na mukha. Siya naman talaga ang nagyaya ngunit parang hinihintay lang niyang may malaglagan ng buko sa aming mga kasama. Sa arkilang sasakyan pa lang ay nabutas na ang aking bulsa. Ngunit literal na mukhang hindi ko pa rin napasaya ang aking Sinta.

Sa aking pagtabi-ang pahiwatig ko'y ako na ang nag imbita sa sarili para makababa sa hukay ng malalim niyang pagiisip. "Alam mo bang Liwanag ang ibig sabihin ng Laoag?" Panimula kong usap sa aking Rina ngunit nag extend lang ang kaniyang ibabang labi. Baka may kaunting usok ding lumabas sa ilong niya kung siya'y isang emoji. Sa pagkakataong 'yon ay gusto ko pa siyang biruin ngunit hindi maipaliwanag na pag aalala ang dumapo sa akin.

Pinili ko na lang din na tumahimik at repetuhin ang aking Mahal. Baka sa silent treatment ay mayroon akong mapala at siya'y magsalita. Magkabigkis ang kaniyang mga kamay na tila may idinadasal. Nakayuko kahit buhangin lang ang kita para hindi ko mapansin ang gustong kumawalang luha. Habang ang nasasayang na araw ay nagpapaalam na sa aming harapan. Niyakap na lang siya sa tagiliran at hinalikan ang buhok para sabihing nandoon ako palagi para sa kaniya.

"Pano kaya ako mananatili sa Puso mo?" paiyak niyang sabi habang nagsisimulang gumapang sa pisngi ang luha. "Pano kaya ako mas mapapalapit sa Puso mo?" dagdag pa niya habang ako naman'y taranta kung paano paaatrasin ang kaniyang luha lalo't wala akong dalang pamunas. "Ano bang sinasabi mo. Ikaw lang ang nasa Puso ko at wala ng iba." may pagsasaway na tono kong sagot sa kaniya. "Wala kang kailangang gawin. Mananatili ka palagi sa Puso ko." pag-ani ko pa.

Marahil ay natatakot ang aking Rina. Baka dumating ang panahong hindi ko na siya mahal, o may iba na akong mahal-na alam ko naman sa sariling kailanman ay hindi mangyayari. Marahil ay hindi pa sapat ang panahon ng aming pagsasama para malaman niyang hindi na ako bibitaw pa sakaniya. Kung alam ko lang din sana ang salitang makakapag pahiwatig non sa kaniya ay paulit-ulit ko itong sasabihin sa kaniya.

"Forever ang love ko Sayo aa. Hindi na nga ako makapaghintay makasama ka sa habangbuhay." nakangiting sabi ko sa kaniya. At kahit basa pa ang mga mata ay napangiti ko rin siya. Nakakatuwang sa simple at maiksing paguusap ay magagawang tanggalin ang tinik na nananakit sa puso niya. Wala naman talaga dapat, overthink malala lang siya. Pero naiintindihan ko ding may mga bagay na dapat ay palagi nating ipinapadama sa ating sinisinta.

Marahan siyang sumandal sa aking balikat. Parang batang biglang nagswitch ang mood at nag kuyakoy ng kaniyang mga paa habang ang mga daliri ay bahagyang sumasayad at nagtataboy sa buhangin. Tanong ko sa kaniya—"Bakit bigla kang nagkaganyan?". Pinunasan muna niya ang luha ngunit bisig niya ang ginamit niya. "Walang balak buksan ang kamay?" pahabol ko. Padilim na talaga non ngunit tila biglang nagliwanag ng ilabas niya sa kaniyang kamay ang tinatago niyang resulta—dalawang pulang linya.

~~

posted from Bloggeroid




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin