Thursday, July 6, 2023

Sa Manati

photo credits @travelingmorion
Magkasama nating tatakbuhin muli ang tuktok ng Manati sa aking isip. Mga batang isip. At walang ibang inisip kun'di ang pagbilis ng panahon para ang kalayaan ng pagdedesisyon sa buhay ay makamit. Nandoon ang puno ng Balete na ating sandalan, bulungan, at takbuhan. Kung tutuusin, ikaw talaga ang lahat ng 'yon sakin. At hiling kong sana ako sayo ay ganon din.

Saan ka ba nagtago? Alam ko naman talaga. Wala namang masyadong mapagtataguan doon. Ayaw ko lang putulin ang ating saya. Kung maaari nga ay habangbuhay sana. Sabi ko pa habang nakasandal ka sa aking balikat—darating ang araw na sasampalin tayo ng realidad. Hindi lahat ng gustuhin natin ay mapapa sa atin. Pero ako. Hindi mo kailangang gustuhin, hanapin, at kailanganin.

Halinang muli. Palagi kitang pipiliing samahan. Sa kahit anong sungit na panahon. Sa kahit anong karamdaman. Sa kahit anong oras. Sa kahit anong sungit ni Tita. Sa kahit anong pananakot ni Itay. At sa kahit anong pangaasar ng Kuya. Sa akin. Ikaw ang gamot sa lahat ng sakit. Ang kulay sa lahat ng bagay. At kabuluhan ng bawat kamalayan. Ganda at kainaman ang dulot ng sayo'y pag tingin.

At sa oras na hihintayin at susubukan na nating pangalanang muli ang mga bituin. Alam kaya ng nagpapaalam na araw na pagdating ng panahon ay ito pa rin. Ikaw pa rin ang aking hihilingin? Hindi ko rin alam kaya ang magagawa na lang ay paulit-ulit sayo'ng paalalahanin—'Pag hindi mo narating ang iyong mga pangarap na bituin. Ako'y nandito pa rin. Masayang tinatanaw ang mga alaala natin.


~~


posted from Bloggeroid





Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin