Saturday, July 29, 2023

Hindi Tayo Nagiisa

photo credits @tonite_abante
Sa pagbukas ng telebisyon ng aking Mahal, kahit anong istasyon niya ilagay ay pareho lang ang ulo ng mga ulat. Ang parating na bagyo daw ay kasing lakas ng super typhoon noon na sa amin ay gumimbal at sumira sa aming tahanan. Ang alaala ng delubyong iyon ay hindi pa nga nawawala sa aking isipan.

Ang aking Mahal, lumapit siya sa akin. Hinimas niya ang aking likod at dinantay ang ulo sa aking balikat. Alam niyang labis na naman ang aking pag aalala. Nakayuko at ang kamay ay parang nagradasal, walang imik, at tila walang gustong pagsabihan ng nararamdaman. Pati tuloy ang aking mahal ay labis na nag aalala.

Sa isip ko, bakit nga ba kailangang dumaan ang ganitong panahon sa ating mga buhay. Kadiliman, kalamigan, at kawalan. Ayokong maulit ang nakaraan. Ayokong danasin muli namin ang sakit ng paginda at pagbangon. Ayaw kong maranasan niya muli ang lahat ng hirap na kaniyang pinagdaanan.

Lagi niyang sabi, "Hindi tayo nagiisa. May Diyos na palaging magbabantay sa atin." Kahit noong mga panahong 'yon ay halos sabay sa takbo ng segundo ang unti-unting pagtaas ng tubig. Isang iglap lang ay mapagmamasdang lumubog ang lahat ng pinaghirapan at hayaan itong matangay dahil mas importante ang buhay.

Ang aking Mahal, dala pa naman ang anak namin sa kaniyang sinapupunan. Kailangan ko siyang samahan makaakyat sa bubungan, sa natitirang lugar na hindi inabot ng katubigan, kahit pa ang aking paa ay nabagsakan ng fregider at hindi ko mailakad. Pagdating sa taas, umiiyak na maririnig pa din sa kaniya. "Hindi Niya tayo pababayaan."

Mahirap lamang kami. Magkasintahan pa lamang ay matagal na naming pinagipunan ang mga gamit na unti-unting naipundar. Pati ang magkaroon ng supling, matagal naming hiniling sa Kaniya. Noong araw na 'yon, naisip ko, hindi kaya binabawi niya ang lahat dahil hindi ako marunong magpasalamat? Hindi kaya ginagawa niya ito dahil nakalimutan ko na ang Magdasal noong nabigay na Niya ang aming mga kahilingan?.

Noong araw na 'yon ko lang din napagtanto. Wala naman palang masama kung ikaw ay maging malambot at sumunod sa mga payo. Ilang beses na kaming sinabihan na lumikas pero hindi kasi ako nakinig at nagpakampante na hindi kami aabutin. Iyak at Dasal na lang din ang nagawa ko noong araw na iyon. Kahit mawala na ang lahat sa akin. Kahit hindi na ako makalakad muli pagkatapos ng delubyo. Iligtas lang Niya ang mag-ina ko.

Sa kasalukuyan, ramdam ko na ang hangin ng paparating na bagyo at masasabi agad na hindi biro ang magiging hagupit nito. Kung kaya nga bumabalik ang lahat ng takot sa akin. Pero alam ko namang hindi Niya kami pababayaan hindi niya pababayaan ang aming Pamilya. "Pa, Ma, tayo na po Diyan. Aalis na tayo 'wag nang makulit." pag gigiit sa amin ng anak ko, si Yolanda. Na pagpasok pa lang ng pintuan ay nagmamadali at upuang de gulong ko agad ang kinuha.


~~




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin