photo credits @phstar |
"Anong oras na Pre, bangon na." Kung tutuusin ay wala naman talaga akong balak sumama sa kaniya. Pero kung may nakakakilala ng katamaran ko ay numero uno siya, sila ni Ecka. Kahit mahuli pa sila sa klase bastat makasabay lang ako sa paglalakad papasok ng eskwela, hihintayin at hihintayin nila ako kahit pagbangon at pagligo ko pa lang ang pagdating nila.
Ang sarap lang bumalik sa aming pagkabata. Yung maghihintayan kayo kahit sa paguwi. Yung wala kayong mga cellphone kaya kailangang mag hanapan sa bawat sulok ng eskwelahan. Yung kailangan niyong tipirin ang kalimbahin na gulaman niyo dahil malayo pa ang lakad. Yung saglit kayong uupo sa tumbang kahoy dahil sa bigat ng mga dalang bag.
Si Bernard. Wala akong masabi. Napakabait na kaibigan. Kahit ako lagi ang nakakaubos ng pogs at teks niya uuwi siyang kamut-kamot ang ulo pero masaya. Pati sa skwela. Kaedad ko lang pero parang magulang ko na palagi akong pinagsasabihan. Siya yata ang dahilan kung bakit hindi tuluyang tumubo ang sungay ko't malihis ng landas. Masasabi kong hindi ako nakatapos kun'di dahil sa kaniya.
Si Jessica. Buong pagkabata namin ay inakala kong shomboy. Magiging mahinhin at napaka gandang dalaga pala pagkatungtong namin ng Mataas na Paaralan. Yung One of the Boys at sanggang dikit mo lang dati, sa kaniya ko pala mararanasan ang kabog ng dibdib na may halong kilig na panliligaw. Yung kababata lang noon, naging kasinatahan at nakasama ko na magplano ng sariling pamilya at mangarap sa buhay.
"Ano na? Mag aala una na oh." Sa paghawi ni Bernard ng kurtina, sinalubong ako ng liwanag na matagal hindi pinasok ang aking silid at ang aking isipan. Napansin niya ang namumugto kong mga mata at payat na katawan. Dahilan para mapaupo siya at mapa buntong-hininga. Malayo kasi ang kaharap niyang ako sa nakakausap niya at nakakabiruan sa messenger. Yung totoo, tanggap ko na naman talaga, walang dapat ipagalala ang aking kaibigan.
Akala niya siguro ay hindi totoo ang pag Oo ko sa kaniyang imbita. Pero mahalaga rin talaga ang araw na 'to para sakin. Ngayong araw, nagkaroon ako ng dahilan para bumangon sa aking higaan. Matagal-tagal rin mula noong huling lumabas ako para samahan ang aking mga kaibigan. Kinuha ko na ang aking twalya. Tumayo at tinapik sa balikat si Bernard. Nauutal na sinabi ko habang inaayos ang kuwelyo't kalimbahin na rosas sa dibdib niya. "Maliligo lang ako. 'Wag niyo na akong hintayin ni Ecka. Kayo naman ang ikakasal diba ;)"
~~
No comments:
Post a Comment