Wednesday, July 3, 2013

Alalay


"Handa ka bang sumama sa akin sa probinsya?" Tanong ko kay Jessa na lukot ang mukha. Gulong-gulo at wala na siyang gustong pakinggan, kahit ako, kahit ang bumibili ng ice candy ay nagkusang lumayas na lang dahil hindi niya mapagbil'han. Nakaupo siya na para lang kaming nagpipiknik. Yuyuko na naman siya at igigitna ang baba sa kaniyang mga tuhod. Habang ako naman ay naghihintay ng sagot niya sa tanong na matagal na ring pinagiisipan ngunit walang nangyaring hakbang. Naroon kami sa tapat ng tindahan, nagpapakiramdaman.

Butil-butil ang pawis ko non kahit may kalamigan ang hangin dahil sa paparating na ulan. Titingin siya sakin at walang letrang bibigkasin kaya ako muling mapapailing. Ilang taon ko rin siyang nakasama pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mabasa ng lubusan ang isang Jessa. Hindi ko alam kung naiinis, umaarte, seryoso o nagpapalambing lang siya.

"Kailangan ba?" Bigla namang tanong niya. May pinaghalong sabik at hinayang ang tono ng pananalita. Hindi ko naman gustong agawin sa kaniya ang buhay niya. Lalong wala akong intensyon na sirain. Pero gusto ko siyang kasama, gusto ko na palaging malapit lang sa kaniya. Sawa na rin akong magtext at alamin kung paano gumawa ng sariling facebook. Luluhod ako sa harap niya kung kailangan upang pagbigyan niya ang hiling kong sumama na siya sa akin sa probinsya at doon namin itutuloy ang buhay. Siguradong magiging masaya akong kasama siya doon, wala nga lang kasiguraduhan kung ganon din siya.

"Tayo lang talaga?" Pahabol pa niya. Ngunit 'di ko nagawang sumagot agad, "Ano ba kasing nangyari? Ilang taon kang nawala tapos biglang babalik ka para isama na ako sa'yo."

"Hindi bale. Kalimutan mo na lang ang mga sinabi ko. Aalis na lang ako." Kuntentong sagot ko naman. Hanggang doon na lang siguro ang aking pamimilit. Alam ko namang karapatan niya ang magdesisyon para sa sarili niya at nakikita kong hindi lang niya magawang deretsahan na tumanggi sa akin. Ako man ay naguguluhan din.

Sa totoo lang. Mabilis ang mga pangyayari, hindi ko rin alam kung bakit ganito ang binagsakan kong lalim. Isang araw ay nagising na lang akong tinatakbuhan ang mga humahabol na problema sa 'kin. Dalawampung taon ang kailangan ibalik upang maramdaman ko muli ang kasabikan, pag-ibig at kasiyahan. Ngayon isa na lang akong simpleng tao na namumuhay nang malungkot at magisa sa isang lugar sa San Martin.

Malaya na nga ako, pero marami akong gustong gawin na sa ngayon ay hindi ko kakayanin, pati ang mga pakiramdam na nais balikan ay hanggang isip na lang rin tulad ng pagiging binata muli, pagiging estudyante, pagiging anak, kaibigan at mangingibig. Marami, ngunit alam kong ang pagasa ko na lang ay ang mga bagay na narito pa at may posibilidad na balikan ko't bumalik rin sa akin. Sa pagiisa ay bubulungan ako ng apat na haligi sa aking tinutuluyan tungkol sa mga naiwan kong marka sa syudad at sa nalagas na marangyang pamumuhay. May matarik pang akyatin, araw-araw na penitensya mo na raw ang pagakyat kung doon ka manunuluyan. Pero tuwing ako ang aakyat, mahirap, mauunang bumagsak ang luha kesa pawis.

Hinahaplus-haplos pa nga ni Jessa ang binti ko kanina. Masaya na akong kahit saglit lang naramdanan ko ang pagmanahal at pagaalala niya. Maaaring sabihin na hati ang puso niya, may isang parte na gustong sumama sa akin dahil ramdam ang paghihirap ko't pangungulila at may isang parte na gustong magpaiwan dahil ramdam na 'yon ang nasa tama. Naiintindihan ko naman ang desisyon niya, at hindi naman ako nagpunta doon para mamalimos ng awa.

Hindi pa ako nakakalayo sa paglalakad dahil sa bigat ng bawat hakbang kaya madali akong napigil ni Jessa. Hinabol niya ako't hinarap kaya nalamang umaagos na pala ang luha mula sa 'king mga mata. Hinawakan ko ang ang kanang kamay niya at ang kaliwang kamay naman niya ay nasa tangi kong alalay na saklay. Kumunot ang noo niya't nakiusap sa akin..

"Siya kasi ang kausapin mo Papa. Sigurado naman akong napatawad ka na niya."



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin