Mausok sa kwartong ang upa'y tatlong buwan nang hindi nababayaran. Nakathumbtacks pa sa dingding ang tanda ng pagiging maka-Nora ni Andrea. May apat na sulok, bintana at bubong kaya matatawag ngang tirahan. Dahil walang ilaw ay 'di mo alam ang nangyayari sa gabi, makikinig ka na lang at nakikiramdam at kung maliwanag naman ay nagmimistulan itong isang tanghalan.
Marahan ko pang binuksan ang pintuan, sunod na napakinggan ko'y nagmamadaling mga kaluskusan. Ano pa bang kailangan nilang pagtakpan? Hindi nila kailangan magkunwari na hindi nasisilayan ang mga pangyayari sa kwarto naming ito na sadyang pinundi ko ang ilaw. Kung mayroon mang dapat takpan, 'yon ay ang butas na kanilang pingsisilipan.
Harap, likod, kaliwa't kanan ay may butas na akala naman nila'y hindi nahahalata. Masahol pa sa mga walang pinagaralan. Mapagsamantala at walang mga kaluluwa. Ayos lang nga naman magmukhang tanga kung hindi ka naman nakikita. Hindi ba nila naisip na nakakahiya ang ginagawa nila? Sana'y may mainam akong trabaho upang nadala si Andrea sa mas maaayos na lugar. Sana'y hindi ganito ngayon, nagsasayaw na naman siya't hinihimas ang maseselang bahagi ng katawan. Anong nangyari sa kaniya? Pati ako'y hindi na niya kinakausap. Pati ako ay hindi na rin niya kilala.
Hindi pa rin tumigil sa pagsasayaw si Andrea nang ang kwarto ay aking nilisan. Si Aling Nelia ang nakasalubong ko sa daan. Si Aling Nelia na hindi ko alam kung bakit ang pasensya ay tila walang katapusang baitang ng hagdan. Saan ba ako pupulutin kung hindi isang tulad niya ang nagmamayari sa lumang mga espasyo na ito. Patung-patong na nga ang utang ko sa upa sa kaniya pa ang bagsak ko tuwing wala akong pambili ng aming maiuulam. Napakabait na tao, malayung-malayo sa tarantado niyang nakatuluyan. Ang asawa niyang hindi malaman ngayon kung nasaan.
"Aalis ka?" tanong pa niya sa akin
"Dito lang ho ako sa labas." mabilis na sagot ko naman
Sa labas ay ipinatong ko sa lamesita ang larawan ni Andrea. Tatlong buwan lang ngunit parang suntok sa buwan na ang maibalik ang dati niyang kinang. Sa paghataw ko ng lamesita'y natakot at nanakbo ang naglalarong bata. Kasalanan ko, hindi ko dapat siya iniwan ditong magisa. Ang nilakad kong trabaho noon, hindi ko rin naman nakuha. Ang biniling regalo na sana'y isasalubong sa kaniya, nabasag lang noong nakita ko siyang nakahandusay na't tulala, hindi maintindihan ang sa mga labi ay binibigkas.
Mali ang iniisip ni Aling Nelia. Hindi sira si Andrea o anuman. Maayos pa s'ya at malinis noong dumating kami dito at sinubok ang planong pagbukod sa mga aming mga magulang. Ano ngayon ang mukhang ihaharap ko sa kanila? Anong Andrea ngayon ang iuuwi ko sa kanila? Akala ko ba magiging maligaya kami at magkakaroon ng pamilya? Kanina, narinig ko sa mga tambay ang pangalan ng asawa ni Aling Nelia at kung bakit nagtatago siya. Hihintayin kong maisipan niyang bumalik sa balyena niyang asawa. Dala ko ang kutsilyong itinatago pa upang hindi mapakialaman ni Andrea. Gamit ito'y ipaghihiganti ko siya. Dahil buhay namin ang sinira niya.
ayun ohhhh... napaisip nanaman ako sa kwento pero dahils sa mga huling bahagi ng kwento eh alam ko na kung ano nangyari... Ayos ito :D
ReplyDeleteganun na nga hehe. para wala nang question mark sa ulo ng mga makakabasa kaibigan. hehe salamat sa pagbasa ah ^__^
ReplyDeletehoy ano ba ok lang yun? dito ako nagcomment kasi sa mga entry mo ngayon ito ang pinakagusto ko ehehehe
ReplyDeletealam ko n kung bkt. ahehe. salamat ^__^
ReplyDelete