Kahit minsan ay hindi ko natanaw ang sarili sa sitwasyong ganito, iiwan din na pala ang lugar na ito. Hindi ang mga alaala. Hindi madali ang paglimot, sa sakit at lungkot tuluyan parin akong mababalot. Itanong pa kung bakit. Naging masaya ako ngunit bahagyang nagdamot, naging kuntento ngunit naging pabaya't hinayaan na ang lahat ay maglaho. Dala ang malaking pagkakamali. Bawat hakbang ay may lungkot. Parang kagigising ko lamang sa isang bangungot, pagod na ngunit hindi pwedeng manlambot. Kakalimutan ko na lang bang minsam kitang naabot? Kung 'masdan mo ako parang hindi mo hahayaang mahawakan ko kahit ang pisngi mo.
Kailan kaya magiging ulan itong ambon? Puro pasabik lamang ngunit laging nauudlot. Ayos lang na mapuno ng putik ang sa paa'y saplot, ayos lang matalamsikan ng putik ang binti ko't likod. Ayos lang na mabasa at kinabukasan ay umubo ng umubo, masarap kasi maligo sa ulan, ulan ng alaala. Lamig ay pilit ko pa ring lalabanan, bawat patak na hindi sa akin tatama ay pagkakataon at mga sandaling nasayang. Alam kong hindi pa rin mapagbibigyan ngunit kung 'yon lang ang tanging paraan handa akong tumayo ng kahit gaano katagal sa gitna ng ulan. Kung totoo ngang babagsak pa rin siya at ako'y maisipang muling subukan.
Hindi mo rin naman ako itutulak. Hindi mo rin naman ako itataboy. Naiintindihan ko naman, gusto mo lang pasanin ko ang mga kamalian ko. Sa sakayan ng bus pa Maynila ay maghihintay lang ako. Maghihintay ng mga dahilan para manatili pa't aasang ang bawat hakbang kong palayo ay palapit sa'yo. Nagpaalam ako sa mga nadaanang ka-baryo, tanong pa ni Pilo bakit gagawin ko kung hindi ko naman talaga gusto. "Uuna na po ako." Paalam ko. "Magiingat ho kayo dito." Sabay tapon at tapak ko sa mahaba pa n'yang sigarilyo.
Tama siya. Nabasa niya ang mata ko, alam niya ang nararamdaman ko. Biglang napangiti naman ako. Para kasi akong batang pagsasabihan niya kanina pero hindi niya magawa. Siguro ay dahil naintindihan na rin niyang may mga bagay talaga na dapat mong pagdesisyunan magisa. Katulad ng pagalis ko sa aming tahanan. Isang taon na walang kibuan at pakialaman, ngayon ay bumalik ako, para magpaalam. Sa pagkakataon kasing ito'y hindi na malawak na bukohan lang ang magiging pagitan. Umamin na rin ako sa sarili ko. Sa lakbay ay kailangan ko ng makakausap at makakaagapay, taong makikinig at makakaintindi sa akin. Lahat tayo'y kailangan ng tulong kahit paminsan-minsan. Kailangan ko ang pamilya, kailangan ko ang aking mga magulag.
Natanaw ko na ang sakayan, nandoon pa si tiya Melya na umiiyak habang ilang sandali na lang ay iiwan na siya ng mag-iitaly niyang anak. Sa ngayon, ang bunsong anak na lang ang matitira sa kaniya lahat nagsipag-abroad at may kaniya-kaniya nang pinagkakaabalahan. Ganon pa man ay mas gusto niya yung dating kahit gipit ay nayayakap niya ang apat na anak sa bahay, hindi naman daw niya ginusto ang magkapera at magala-donya. Mana ang tatlo niyang lalaki sa kanilang Itay. Masipag at gagawin ang lahat para sa pamilya. Sayang at maaga siyang kinuha.
Sabi ng karatula ay dito ang sakayan. Para masabing may nagawa rin naman ang Sangguniang Kabataan. Tapos na ang ambon. Sabi ng liwanag na nagbabalik ay 'wag akong kabahan. Malalagpasan rin ang mga pinagdadaanan. Katapat pa ng sakayan ang pinasukan naming paaralan. Muling guguhit sa lalamunan at tutuldok sa puso ang sakit. Sa huli, ang importante ay mayroong kang matututunan, may aral sa bawat pagkakamali. Sa bawat subok ay may simpleng aral sa huli. Wala namang lakbay na malinaw ang direksyon sa una pa lamang. Sangayon pa nga si Tiya Melya na pati ako ay biglang niyakap. Sabi niya para na rin niya akong anak, naging mabait siya sa akin at natunghayan niya akong hulmahin ng lumalayag na mga araw. Ano pa bang hindi niya alam tungkol sa akin.
"Babalik din naman po agad" may mapagpanggap na ngiti ko pang sabi
"Alam ko anak." himas pa niya sa likod ko na para akong nagbibinata pa lamang
May hanging nagtutulak sa akin pabalik. May presensyang hinahanap ko pa rin. May lungkot na hindi kayang ikubli at may damdaming hindi na kailangan pang iguhit sa mukhang ihaharap sa iba. May taong mahirap limutin tulad ni Sheila, may taong mahirap mahalin tulad ko rin. May mga pagkakataon na magiging buhangin gumagambala sa maayos na kalsada, may mga sugat na ayaw mong tuklasin ang panglunas. 'Di ba't ang pagalis din naman ay pagkakamali? Huli na ba ito? Wala na nga yata akong pwedeng itama pero lalayo ako't magsisimula ng matuwid na lakbay.
Kumakaway pa ang bandera ng mga kalapati ni Nelson sa gilid habang naglalabasan na ang mga estuyante ng paaralan. Kahit nakangiti pa rin ay umiiyak na ang loob kong iniisip ang nakaraan, araw-araw akong maghihintay para ihatid siya pauwi, kung mapaaga man ay doon maghihintay sa aming tagpuan, maayos at walang galos ko s'yang iuuwi. Mga araw na nagpapalakas ako sa kaniyang magulang at umaasang balang araw ay sasayaw kami sa isang tradisyunal na kasalan. Ayaw kong sabihing wala na, ayaw kong sabihing tapos na. Bakit ako nakatayo dito't naghihintay, ayaw ko naman talagang dumating ang bus pa-maynila.
Parang tumigil na nga ang mundo. Hindi na rin rinig ang mga batang magulo. Napunasan na rin ang luha ni Tiya Melya. Mayroong malakas na busina, pero ayaw ko pang damputin ang aking mga dala. Pwede bang timeout muna? Pakihintay naman ako, pahingi ng kaunting pahinga, pahingi ng konting saglit, kahit ano, kahit hindi tugmang dahilan na lang para hindi pumasok sa pinto at itapak ang mga paa sa hagdan. Mahaba ang byahe, kailangan ay handa sa oras na ikaw ay sasakay. Hindi nakakabusog ang baon ko, hindi rin ako patutulugin ng mga iniisip ko. Lahat ng nakasakay ay bugnot na't nagmamadali. Pareho rin sana nila ako kung sakaling ang byahe ay pauwi.
Nandito na 'to. Nandito na ako. Ano pa bang dapat na gagawin ko. Napakahirap ngang ibalik ng pilit nang binubura ngunit kung kaya nga itinuro ay para baunin natin sa ating mga puso't isipan. Isang hakbang pang papalapit sa sasakyan, milyang paglayo at desisyong walang kasiguraduhan. Nakatingin pa sa ang marami, sasakay ba ako o hindi? Isang hakbang pabalik at isang nangungusap na tingin kay Tiya Melya.
"Larga na ho! Hindi ako sasakay." sigaw ko sa nagmamaneho. Matahimik pa naming tinanaw ang pagalis ng bus. Totoo nga. Sa akin ay hindi pa rin pipiglas ang taling nagdudugtong sa amin. "Mahal ko po siya." may damdaming usap ko naman kay Tiya Melya
Iniwan na ako. Ngunit mananatili akong susubok na humabol at makabalik sa dati kong katayuang para lamang sa kaniya. Kung may dapat akong puntahan 'yon ay ang aming tagpuan. Bakit nga ba ako titigil kung kailangan nga'y mas patunayan ko pa ang sarili sa kaniya. Babalik ako para sa kaniya, babalik ako, mamahalin at aalagaan ko siya. Mali ang basta na lang sumuko at iwan siya. Hindi naman natuto ang isang taong gagawin pa rin ay kamalian. Kahit kailan ang pagsunod sa sinasabi ng puso ay hindi magiging mali sa mata ng sino pa man.
"Naroon po kaya siya?" nauutal na tanong ko
"Oo anak. Palagi. Puntahan mo siya at alam kong kailangan ka niya." ani Tiya Melya
Sabik akong tumakbo. Sabik akong puntahan ang mahal ko. Paano pa kaya kung totoong nakalayo ako? May mga naiwan na bagahe sa sakayan. May iniwang pagkakataon na makapagbagong buhay sa ibang lugar. May mga naiwang estudyante na sa mga nangyayari ay wala namang kinalaman. May naiwang Ina sa sakayan, Ina na naintindihan ako kahit misan kong nasaktan ang kaniyang nagiisang dalaga. Ang kaniyang bunso. Hindi ko sasayangin ang tiwala niya. Natuto na ako. Gagawin ko ang lahat para kay Sheila. Salamat, dumating ako't naroon nga siya.
galing naman.... like ko ang pagkakabuo mo dito "Kailan kaya magiging ulan itong ambon? Puro pasabik lamang ngunit laging nauudlot. Ayos lang na mapuno ng putik ang sa paa'y saplot, ayos lang matalamsikan ng putik ang binti ko't likod"
ReplyDeletewait ko entry mo sa kwento ni nanay.... ^___^
salamat sa pagbasa sir jon hehe.. opo ipapasa ko na, nkalimutan ko kasi yung memory card ko nung magkompyuter ako kahapon. toinks. hehe ^__^
ReplyDeletePang pelikula ang eksena. Mahusay ang pagkasalansan ng mga salita. Pati ang emosyong pilit humahatak sa damdamin ng mambabasa. Ibuhos ang ulan ng pagmamahal kay Sheila.
ReplyDeleteIpagpatuloy. Ako'y natutuwa at mayroon pa ring mangilan-ngilang blogero ang nagsusulat ng ganitong uri ng kwento.
at salamat may tulad mong naiibigan ang mga akdang tulad rin nito. salamat sa pagbasa at pagbisita kapanalig ^__^
ReplyDelete