Ilang beses nga ba? Ilang beses na nagtapang-tapangan akong hindi natatakot sa mga bumabanta sa akin para layuan at iwan ka? Palibhasa mga desperado't pangit. Hindi ko rin naman maikakaila na hindi talaga ako bagay sa'yo, kahit pa napapanganga ang iba kapag nalamang ako ang boyfriend mo hindi ko nalang sila iniisp, pinagpalagay ko nalang na hindi naman sila ikaw. Alam ko ring maswerte ako sa isang katulad mo, at hindi ko nasabi 'yon dahilan sa maganda ka kundi dahil sa'yo ko lang naramdaman ang ganito, na parang hindi ko yata mapapatawad ang sarili kung lilipas ang isang petsa sa kalendaryo na hindi nagkita tayo gaya na rin ng hiling mo. Hindi rin ako makakatulog kung kaninang may araw pa'y hindi ako nagkaroon ng pagkakataon marinig ang malambing na tinig mo.
Naalala ko na! Umuulan non 'diba? Nagulat nalang ako sa paglalakad ko may kumapit sa aking braso. Alam ko nang ikaw 'yon pero 'di naman ako makatingin sa'yo, abay malamig at umuulan na pinagpapawisan parin ako, salamat sa aking pulang payong, kundi dahil sa kaniya ay hindi nagkaroon ng pagkakataon magkapagusap at sa wakas ay magbangga ang tadhana ng dalawang teenager na matagal na palang lihim na nararamdaman para sa isa't-isa. Para akong si Ely Buendia non na hindi na ginustong tumigil pa ang ulan dahil sa naguumapaw na kaligayahang nararamdaman habang naka silong, naghihintay, at nagpapalitan ng katanungan. Tila tayo dati nang magkakilala na ngayon lang muli nagkita, malamang dahil ikaw ang crush ng buong paaralan, ako naman si slightly known fraternity guy na kasalukuyang sinusubok ang sarili sa pagbabagong buhay.
Kung hindi siguro dahil sa'yo ay naghari na sa akin ang katamaran. Nadala kasi ako noong minsan nahuli mong nagliwaliw at lumiban, isang buwan mahigit rin kitang sinuyo para mapatawad sa aking kasalanan. Hindi na siguro dahil don lang, naging inspirasyon ka na kasi sa akin, isa pa kung uuwi ako ng maaga paano kita makakasama? Uwian time parin talaga ang kasabikan kong inaabangan, lalu pa kung espesyal ang ang araw tulad ng monthsary at valentines.
Ginulat mo ako noong isang araw na pauwi tayo. Alam ko nang may ibig sabihin ang pagyakap mo ng mahigpit sa braso at malungkot na sandal sa balikat ko, ang magulo lang ay kung bakit hindi mo masabi ito.
"May problema ba?" Hindi natinag ang pagiging tulala mo ng katanungan kong 'yon. Anlakas ng loob kong tanungin ka, hindi naman pala ako handang marinig ang sasabihin mo. Kahit tila nagunaw ang mundo ko ng araw na 'yon, walang galit na namuhay sa aking nararamdaman. Alam kong para sa ikabubuti't ikaliligaya mo ang naging pasya. Ipinagpasalamat ko na lang ang ilang araw pa na makakasama kita gaya ng gawain natin, pupunuin natin ng ala-ala ang bawat oras na magkasama.
Isang taon na pala ang lumipas. Ginulat mo nanaman ako, wala pa nga akong malay na ikaw humabol sa likod ko namalo ka kaagad. Masasabi kong mas lalo ka pang gumanda ngayon, kamusta ang pagaaral mo ng kolehiyo sa maynila? Muling nagkita ang dalawang puso na noon ay s'yang nagpapaligaya sa isa't-isa. Sa tagal ng panahon na hindi nagkita tumila na ang ulan bago matapos ang tanungan at masayang kwentuhan. Sa pagkakataong 'yon isinara ko na ang pulang payong na halos sumuko na at tila ayaw nang magpagamit pa. Salamat at muli kitang nakasama kahit sandali lang, hindi mo man alam, binalik non sa akin ang mga masasayang ala-ala.
Babalik ka na pala kinabukasan, gustuhin mang pahabain pa ang oras na kasama ka'y wala na akong nagawa. Ipinagpasalamat ko parin ang sandaling oras na nakasama ka. Salamat hindi lang dahil sa muli tayong nagkita, salamat dahil minsang dumating sa buhay ko ang isang ikaw. Salamat, hanggang sa muling pagsusukob ng ating tadhana. Hanggang sa muling pagkikita.
No comments:
Post a Comment