At nakita nga kita 'di malayo sa aking kinatatayuan, nakayuko't pikit ang mga mata halatang malalim ang iniisip. Hindi ko tuloy magawang tignan ng mabuti ang maganda mong mukha at alamin kung anu-ano pa ba ang mga nagbago sa'yo matapos ang ilang taon ay lumipas. Pansinin mo kaya ako kung sakaling sa akin mapalingon ka? 'Di kaya irapan mo pa ako, tulad noong ginagawa mo tuwing bumabati lang ako 'pag napapadaan ka.
Masungit ka noon, hindi ko rin alam kung papano ko napalambot ang puso mo, sinabi pa nilang anlupit ko dahil sa dami ng manliligaw mo ako pa ang pinalad na pagsayangan ng oras mo. Malay ko ba? Ako naman ay na adik lang sa kagandahan mo. Hindi ko pinagsawaang titigan ka kahit madalas nang lumipad papunta sa akin ang mapulbos na pambura ni Ma'am, kaunting pagpag lang ng buhok at sa'yo ako'y nakatunganga nanaman, abay adik nga. Lalu na kung nakatali ang buhok mo't litaw ang maputi mong batok.
Malikot ang aking kaisipan sabi ni Jaymark. Hindi raw kailanman magugustuhan mo rin ako, suntok sa buwan ang kahit magkaroon lang sa'yo ng kaunting pagasa. Kaya naman hindi nakapagtataka na siya'y mapanganga nung sabihin kong tayo na.
Perslab natin ang isa't-isa. Bagay na pareho nating inamin sa ating mga sarili. Isa lang ang sigurado, hindi lang puppy love ang namagitan sa ating dalawa. Minahal kasi kita ng tunay at hindi biro ang eyebags na naipon ko sa mga gabing nilaman ka ng isipan ko. Patunay ang pimples na lumitaw sa ilong ko pa na ako nga ay inlove at alam ko ring ganon ka.
Masyadong mahaba, masyadong marami kung iisa-isahin pa. Nga oras na naramdaman ko ang kasiyahan syempre na makasama ka, kahit nga sa akin nagtatampo ka't masungit side mo nanaman ang aking pinuproblema, hindi ko parin makakalimutang kumupit ng sulyap at tingin. Masyado ba akong naging kampante? Hindi, hindi ko naman pinabayaan ang sa atin ay namamagitan. Ginusto ko lang na mas unahin mo, natin ang pagaaral, masyado pa tayong bata, ikinatatayo pa nga ng balahibo ko na baka mabasa ng magulang mo ang aking mga sulat kaya sabi kong huwag mo nang itago, ilukot at iitsa nalang sa bintana. Nakakapaghintay naman ang pagmamahal, bagay na sa huli ay salita ng pagpapaalam na mula sa'yo ko narinig. Huwag na tayong magsayang ng luha, life must go on sabi nga. Masaya ako na minsan naging parte ka ng aking buhay binata.
Maganda ka parin katulad ng inasahan ko, tila may humihila sa akin upang mas mapalapit pa sa'yo. Lumipad kasi ang isip ko kaya muntik nang makalimutan ko na sa simbahan pala tayo nakatayo. Lalapit na ba ako sa'yo? Parang gusto kong lakasan ang loob at sumingit kay manong para sa pagdasal ng Ama namin kamay mo ang aking aabutin, sorpresa kunwari ang ating paglalapit. May kung anong nagpatigil naman sa aking paglapit, huwag ka munang lilingon sa akin, dahil hindi ko pa alam ang sasabihin. Kaba, at saya ang naghalong nadama sa aking dibdib. Matagal ko nang idinasal, hindi lang pala dininig ang aking panalangin, nagprovide pa ng senyales ang langit sa akin. Nakita kong suot mo parin ang porselas na kapares nitong sa akin.
No comments:
Post a Comment