Sunday, July 29, 2012

Inaabangan ko na ang Ber Months



Ano nga bang espesyal ngayong agosto? Ninoy Aquino day? Araw ng mga Bayani? Bertdey ni Annie, ano pa ba? Ah basta sana maging kasing bilis ng kisapmata ang agosto, sunod kasi sa buwang 'to ang simula ng Ber months na pinaka inaabang-abangan ko.

Ber months, magsisimula na ulit lumamig ang kapanahunan at magiging exciting ang bawat buhos ng tubig sa katawan tuwing madaling araw. Mas hahaba raw ang gabi sa araw, kaya mas makakausap kita ng matagal sa linya't mas mapapahaba ang kulitan.
Pwede ko naring gawing palusot ang lamig ng panahon na alam kong nadadama mo rin para masabing "Payakap nga". Hindi ako magtutunog korni at may tyansa pa ngang ikaw pa ang maunang magsabi sa akin n'yan.

Sa ngayon malambot kong unan muna ang magpapainit sa aking tiyan. Busy ka pa kasi sa kinakarir mong office job, hindi naman ako tutol eh, alam ko namang matagal mo nang pinangarap ang maupo lang kaharap ng laptop habang kumikita ng pera at nagpapaputi sa airconditioned na opisina. Isa sa dahilan kung bakit inaabangan ko na ang Ber months ay dahil mahaba-habang bakasyon kasi ang mabibigay sa atin upang muli magkasama. Mga titig lang mula sa mga mata mo'y makukumpleto na ang mga gabi't araw ko. Ano pa kaya yung mahawakan ko rin ang mapagarugang mga kamay mo.

Huwag kang magalala, hindi ako magbabaon ng gin para sa mga kaibigan, alam ko kasing magagalit ka lang. Kahit sa darating na undas puro deds ang dadalawin, bubuhayin natin ang bawat segundo at susulitin. Magandang pagkakataon din sa paguwi ay maipakilala kita sa aking mga magulang, mga tito, tita, at kay lola. 'Wag kang mahihiya ah? Mababait naman sila. Nakakahiya nga't ako ang lalaki pero ako pa ang mas nauna mong sa pamilya mo ipakilala.

Masyadong advance kung sasabihin ko pero kumpletuhin natin ang simbang gabi ngayong taon ah? Ipagpapasalamat ko ang mas nagtitibay pa nating pagsasama, at ipagdarasal ang buong ikakabuti mo, natin, at ng mga kapamilya natin.

Busy ka parin ba? Malamang ganon na nga. Pasensya ka na kung dito ko pa pinadaan ah? Friendster lang kasi ang meron ako't Facebook lang ang meron ka. Mabuti nalang kahit Yahoo ako't Gmail ka mai-email parin kita. Gusto ko lang naman bumati at kamustahin ka. Wala lang, namiss lang kita. Ako? Ayus lang, heto't nakapagsulat dahil excited at masaya. Pagkatapos kasi ng mahabang nobena totoo ngang tayo na. At ngayong taon hindi malamig ang magiging pasko't sa SMP hindi ako makikiisa.

Ingat ka palagi ha!? Huwag ka sana magsawang marinig mula sa aking mahal na mahal kita. Dahil alam ko, alam kong ikaw na.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin