Sa malikot na mundo na ating tinatapakan, maraming tao ang umaasa, marami rin namang tao na nagpapaasa. Paminsan maaaring legal ang pagpapaasa na ginagawa nila sa isa o ilang tao halimbawa sa pagaaply natin ng trabaho, 'diba nga? Mula pa lang nang umahon sa printer ang resume mo ay umaasa ka nang matatanggap, wala ka pang napiling kumpanya dahil nga choosy ka kaya wala pang sa'yo ay nagpapaasa, magsisimula lang magkaroon ng koneksyon kapag ikinabit na ang applicant's i.d sa damit mong suot, tatagal ka sa ilang oras ng paghihintay, ayan at nagsisimula na silang magpaasa. Ayos kung matatanggap ka! Hindi ka nagkamali ng napiling kumpanya. Masakit-sakit namang tanggapin kung sa huli nalaman mong pinaasa ka lang pala nila. Pinaka hate kong portion dito eh yung sabihin nilang "Tatawagan ka nalang namin ah" Ngiting aso pa iyan.
Dahil sa ibabahagi kong karanasan. Napagisip-isip kong ganito rin pala sa panliligaw, i-flashback muna natin sa panahon na ito palang ay paghanga. Na lab-at-pers sayt kasi ako sa kaniya. Unang kita palang ay mahal ko na s'ya, araw-arawin pa't hiniling ko nang dumating ang araw na magiging kami na. Kitams!? Umaasa na agad ako kahit nga hindi pa nanliligaw, kahit nga ipaalam ang nararamdaman eh dehins ko pa nagawa. Walang signs, walang go-signal, basta-basta nalang ako umasa. Siraulo, ambisyoso, hibang, mamili ka lang yan ang mga pwede mong itawag sa akin nung mga oras na sinarili ko ang mga advance thinking ko tungkol sa aming kapalaran. Malamang, kahit sino namang nangangarap ay umaasang makamtan ang katuparan ng kanilang mga hinahangad. Yun lang, wala pang koneksyon kaya mahirap hulaan kung papalarin ba 'o blagadag at laglag, mananatili lamang na pangarap.
Inis ako dito sa PAGASA. Kung bakit kailangan pa nilang ikansela ang pasok non sa eskwela. Hayan tuloy at nabawasan pa ang araw na si Crush hindi ko siya makikita, malay natin, eksaktong araw pala na 'yon naisipan ding lumikas ng mga pesteng namuhay sa puso ko't lumakas ang loob na magtapat ng pagibig sa kaniya, sayang lang dahil inanunsyo na ang malakas na bagyo, huwag maliitin signal no. 2 po ito, pero bakit hinintay ko at inasahan rin ng lahat na may paparating ngang bagyo, malaking question mark ang nasa ulo ng bawat tao na nakakasalubong kong ko, nanatiling mainit ang ulo ng mga yero, miski ang pusang gala sa kanto ay hindi natakot mabasa at nanatiling abala sa pagdila sa kaniyang mga balahibo.
Dinig ko ang isang ale na nagreklamo. Bakit raw late kung maganunsyo. Full effort na't lahat malalaman lang na suspended pala ang pasok ng kaniyang anak, pansin kong tila nahawa at nakasimangot din ang mukha ng ineng na bitbit niya. "Oo nga naman" Bulong ko sa sarili. Parehas kami ng nararamdaman. Bakit kasi kailangan pang paasahin kami ng PAGASA na may darating ngang unos gayong hindi man lang umambon at umulan. Nasabik rin siguro ang mga puno't halaman kung makakapagsalita lamang. Ang tanong bakit tayo naniwala? Bakit agad-agaran tayong umasa sa sinabi ng PAGASA? Ang sagot, hindi dahil sa namesung nila na PAGASA, kundi dahil sila ang mas nakakaalam nito at normal nang sa kanila natin marinig kung may papalapit bang sakuna. Kung sabihin nilang mabuting ipasok na ang mga sampay na salawal tayo'y magkakandarapa pa. Ngayon na alam nilang mali ang prediksyon nila, wala man lang tayong narinig na kahit pagpapaumanhin at patawad. Palpak! Pinaasa lang tayo ng PAGASA. Kaya naman hate ko ang PAGASA at mula non ay hindi na rin inintindi ang mga flash report nila, maigi pang tingalain nalang ang langit at pakiramdaman.
Sumikat na muli ang araw. Hindi naman nagdilim eh, mas nagliwanag lang kasi ang nararamdaman ko para kay Shane, at alam kong pansin na rin niya. Salamat at hindi dinedma lang ang aking nararamdaman, nagpalit-palit pa ang mga araw na mas lalo kaming napalapit sa isa't-isa. May koneksyon na, bagay na ikinagalak ng puso't damdamin ko. Mabait si Shane, anghel siya na napagbigyang makatapak sa kalupaan, at sigurado akong sasangayon ka kung ibinulong ko 'yon sa'yo habang siya ay nasa ating harapan. Normal na ang kiligin kapag umiibig, pero ang mga matatamis niyang salita kahit sa text lamang ay halos magpatalon sa akin mula sa kinauupuang silya kahit pa kalagitnaan iyon ng lecture ni ma'am. Sa wakas napapalapit ako sa aking pangarap. Tama si Globe! Posible nga.
Mataas ang thrill level na dala-dala ko non sa pagpasok. Manliligaw na nga pala niya ako non at sagot nalang niya ang hinihintay para mabuo ang aming official na tambalan. Para akong si Pacquiao non na sasabak sa matinding labanan, nakaantabay pa ang mga kaibigan sa magiging resulta. Sa wakas kasi, magkikita kami ni Shane sa isang lugar at doon ay makapagusap na kami lamang dalawa. Alam na naman niya, kaya meron pa ba akong dapat ipagtapat? Nasabi ko na ang lahat sa pamamagitan ng text at tawag, kaya ang kailangan ngayon ay patunayan lahat ng pinangako ko na sa keypad ay itinayp. Kailangan kong patunayan sa kaniya ang wagas kong paghanga, yun bang tipong hindi torpe side ko ang dapat na lumitaw sa aming pagkikita. Kaya naman hindi normal ang heartbeat ko non habang tinutungo ang lugar na aming napagusapan.
Bakit nga ba ako umasa? Dahil sinabi niyang meron naman akong pagasa. So sa mga oras nga na 'yon pinapaasa na niya akong may posibilidad na sagutin niya nga ako't kami'y maging magkasintahan. Koneksyon, nandun na, at matagal-tagal na panahon rin ang aking ipinaghintay. Umasa ako, bagay na hindi ko maikakaila sa lahat ng nakaalam ng tungkol sa aking paghanga. Ito rin ang dahilan kung bakit galit ako sa mga taong Paasa. Tinungo ko ang lugar na 'yon na may excitement at takot na nadarama. Bakit may takot? Sabi ko nga, maaari kasing mapalad, maaari ring sawing palad ang bagsak. Tinungo ko ang lugar na 'yon at umasa, ipagtatapat kong pagibig hindi sana mapunta sa wala lamang. Bakit ako umasang meron? Na meron nga akong pagasa sa kaniya. Ang sagot, Kanino pa ba ako magtitiwala kundi sa kaniya, hindi naman pwedeng sa ibang tao pa ako maniwala. Sa kaniya ang pagibig ko kaya sa kaniya ako nagtiwala. Hindi ako nakinig sa mga sabi-sabi na naririnig sa mga mapanirang labi na nagkalat sa eskwelahan. Tinungo ko ang lugar na 'yon, umaasang tulad ko ay tapat rin naman siya sa mga sinabi niya sa akin. Bakit hindi lang siya? Usapan naming kami lang ang magkikita, pero inabutan ko doon ang buong party list nila. Tumabi pa ako sa kaniya't nilabanan ang takot at hiya, hindi dapat masayang ang aking pagpunta, kaya naman itong mga kaibigan niya napakulot ang kilay sa aking ginawa.
"Pasensya ka na ah? Biglaan dumating sila eh." Mahinang sabi ni Shane
"Ok lang yun." Bulong pabalik ko naman
"Boyfriend mo siya?" Usisang tanong ng isa kay Shane, 'di ko siya kilala at ngayon lang rin naman kami nagkita ngunit tila sa akin may malaking galit siya.
"Hindi. Boyfriend ko si Manuel diba? Textmate ko lang siya."
Sa malikot na mundo na ating tinatapakan, maraming tao ang umaasa, marami rin namang tao na nagpapaasa. Paminsan maaaring legal ang pagpapaasa na ginagawa nila sa isa o ilang tao. Kasalanan ko bang umasa? Nagmahal kasi ako ng totoo eh, malay ko bang paasa lang pala siya. Walang puso't walang awa. Nadurog ang puso ko, kaya naman galit ako sa mga taong Paasa. Nakatingala ako't inisip, hindi sana magbukas ang pinto ng langit para sa mga taong tulad nila.