Sunday, June 24, 2012

Uy! Walang Nagbago



"Uy?!" Nawala ang kaba kong hindi mo papansinin ang pagdaan ko. Binagalan ko pa talaga ang hakbang sa pagbabaka sakali ko. Kanina ngang nasa malayo, inisip ko na kung ano ang maaaring sabihin sa'yo. Ikaw pa ang naunang bumati sa akin, nakakapanibago.

Ansarap naman sa pakiramdam ng ganito. Malaya pa akong nakatabi sa inuupuan mo. Malayo sa inasahan ko, na sa muling pagkikita magbabago na sa akin ang pagtrato mo. Nakita kong hindi peke ang mga bawat ngiti mo, wala namang dumi sa mukha ko pero napakahiwagang nagagawa ko parin pangitiin ka sa mga simpleng biro ko.

Hibang nga ako. Nagawa kong masaktan ang isang tulad mo. Kung mabibigyan lang sana ng isa pang pagkakataon, magsisimula muli at iingatan na ang anghel ng buhay ko.

Bilib rin ako sa'yo. Kung ang mga dating minahal ko nga ay halos ipakulam ako, ikaw ay narito't pinaparamdam na hindi naman nawala ang pagsuyo. Napaisip tuloy ako, baka naman ito ay hindi totoo, malayo sa inasahan ko. Tila sa'yo ay walang nagbago.

Hindi na bago, tulad ng dati hindi ka papayag bitbitin ko ang mga libro at bag mo. Alam kong naaawa ka lang dahil sa payatot ako, tuwing itinutulak mo nga sa kilig ay malayo ang itinatalsik ko.

"Ikaw ba talaga ang kasama ko ngayon?" Naguluhan ka rin sa tanong kaya kinurot mo at sinabing nababaliw na naman ako. Naninibago ba o namamangha ang tawag dito? Para kasing tayo parin at walang nagbago.

Nakalimutan mo ba ang kasalanan ko sa'yo? O sinabihan ka ni San Pedro na patawarin na ako. Ikaw naman bakit kailngan mo pang hawakan ang kamay ko. Hayan tuloy at pinagpawisan na naman ako.

Nandito na tayo sa silid n'yo. Mga kamag-aral mo ang kinilig sa loveteam nating muling nabuo. "Uy.. May magkakabalikan." Sigaw pa ng isang iyon. Tayo naman sa hiya ay tila pagong na itinago sa bahay ang ulo.

"Sabay tayo mamaya ah?" Binigkas mo't inulit ang noon ay linyang pagmamay-ari ko. Pumayag ako't binulong sa sariling ito na ang hinhintay ko, pangalawang pagkakataon sa pag-ibig mo. "Uy.. Walang nagbago." Parinig pa ng titser mong dalaga nandito pala sa likod ko.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin