Sunday, June 24, 2012

A Balcony Scene



Nagising si Juliet sa malamig na hanging naramdaman sa paa niya na hindi na nagawang masakupan pa ng kaniyang kumot. Ugong ng salamin na pintuan ang tumawag pansin sa ayaw pang mamulat na tuluyan niyang mga mata. Sa una tila malabong dvd movie ang pumronta sa kaniyang paningin, kinuskos pa niya ang mga mata para luminaw ang nakikita sa pintuan palabas sa balkonahe ng kaniyang madilim at mumunting silid.

Gising na ngunit tanong parin sa sarili kung siya ba'y nananaginip. Kita ang pagkamangha sa kaniyang mga mata na 'di maka paniwala sa nakita.

Nagaagaw ang liwanag at dilim sa salaming pintuan na pilit binubuksan ng malakas na hangin. Anino ng isang lalaking nakatayo sa kaniyang balkonahe ang bumida sa nasaksihan niyang eksena na hindi niya inakalang sa totoong buhay kaniya palang makikita.

Hindi malayo sa napapanood niya noon. Ang madalas na paglipad at pagdapo ni Kaitou Kid sa balkonahe ni Ran tuwing hating-gabi para siya'y bantayan at iwanan ng mapupulang rosas sa bawat niyang pagbisita. Sa isang iglap tila siya bumalik sa pagkabata. Naalala niya na minsan niyang tinanong ang sarili kung kailan ba niya masasaksihan ang kaparehong pangyayari sa eksenang hindi niya pinagsawaang paulit-ulitin panoorin sa vcd.

Matagal na pinagmasdan ni Juliet ang anino ng lalaki habang kapit-kapit ang door knob. Kulang na lamang na ipikit ang mga mata bago buksan ang pintuan, ninais na sorpresahin ang sarili at walang sumapi na kahit kaunting tuldok ng takot at kaba sa gagawing hakbang.

Nabuksan niya ang pintuan. Kaniyang kasintahan ang nakatayong inabutan. Kasintahan na hindi man lamang nilingon ang pagdating niya at nanatiling tulala sa papalubog na araw. Kunot noo naman si Juliet at nawala ang kanina ay kakaibang kasabikan na naramdaman. Utak ay napuno ng katanungan. "Anong Meron? Paano ka napunta d'yan?" Mga nais itanong niya sa hindi pa kumikibo niyang kasintahan.

Niyakap niya mula sa likod ang kasintahan. Sinandal ang kaniyang mukha sa balikat nito't sinamahang naki tanaw rin sa magtatapos na na hapon.

"Inasahan mo bang darating ako?" Hindi agad-agarang nakatugon si Juliet sa katanungang 'yon bagkus ay tinitigan niya ang kasintahan at inilapat ang kaniyang kanang kamay sa noo nito. "May lagnat ka ba?"

Inasahan niyang ngingiti ang kasintahan sa ginawa't sinabi niya ngunit nanatili itong seryoso't tahimik na parang sa earphone lang napakikinggan ang kausap. Inilingon ni Juliet sa kaniya ang mukha ng kasintahan ngunit lalo pang nanibago siya ng mapansing may mabigat na ipinahihiwatig ang mga mata nito sa kaniya. Agad namang tumanaw ng malayo ang kaniyang kasintahan matapos niyang bitiwan ang pisingi nito.

Doon na rin napansin ni Juliet ang tangan-tangan na mga rosas ng kaniyang kasintahan, ngunit tulad ng ibang mga babae hindi niya hinablot 'yon upang sabihing "Para sa akin ba 'yan?" Mas pinili niyang maghintay at hayaang ang kasintahan mismo ang magbigay at mag-abot nito sa kaniya. Alam naman niya kung para saan ang mga rosas na 'yon, kaya naisipan na lamang niyang magparinig pero naunahan siya ng kaniyang kasintahang ibigkas ang bibig sa nais sabihin.

"May nakakalimutan ka." Nanghinayang ang hitsura ni Juliet dahil babatiin na niya sana ang kasintahan sa kanilang ika-unang anibersaryo nang marinig 'yon. Pinalo pa niya ng inis sa likod ang kasintahan. "Naunahan mo lang ako eh."

Niyakap ni Juliet ng mahigpit ang kasintahan. Masaya si Juliet dahil sa maniwala't hindi sa isang taon na nila'y ngayon pa lamang naging ganon kalakas ang loob niyang yakap-yakapin ang kasintahan. Ikaw ba naman ang magka boyfriend na sa pagputi pa ng uwak gagawa ng first move dahil sa pagka mahiyain ay talaga namang mapipilitan kang isuko ang pagiging Maria Clara kahit hindi pa 'man niroromansa.

"Mahal na mahal kita." Puntos na itinuring niya ang sinabi niyang iyon dahil nagawa niyang pangitiin ang kaniyang kasintahan rito. "Ako gaano mo ba ako kamahal?"

"Kaya kitang ipaglaban, at mahalin ng panghabangbuhay. Walang katumbas, ganon kita kamahal." Napangiti naman si Juliet sa sinabi ng kasintahan, hindi dahil sa korni ang narinig pero dahil sa isip-isip niyang "ankyut naman ng mahal ko kapag seryoso, nahihiya't nagsasabi ng nararamdaman." Ihinarap niya muli ito sa kaniya at inilapat ang mga labi sa kasintahan, bagay na sa loob ng isang taon ay mabibilang sa daliri kung ilang beses lamang nila nagawa.

Niyakap niya ng mahigpit ang kasintahan at dinama ang pakiramdam na sa matagal-tagal rin niyang panahon ay namiss. Nawala lahat ng pagod niya sa katawan, pati narin ang lahat ng bagabag at pagaalala tungkol sa relasyon na inakala niyang hindi magtitibay at 'di magtatagal. Tila ginamit ng Panginoon ang oras na iyon bilang senyales sa kaniya na nagsasabing siya na nga ang lalaki na nararapat para sa kaniya. Lalaki na itinadhana upang habangbuhay na makasama.

Hindi na napigilan ng kaniyang mga mata na iluha ang tuwa. Tunog ng telepono ang pinagtuunan muna niya ng pansin matapos pansamantalang bitiwan ang kamay ng kasintahan. Pumasok muna ng silid si Juliet, paraan upang maitago rin at mapunasan muna ang ikinahihiyang pagluha.

Ang panandaliang pinagtuunan ng atensyon, siya palang nagpalit ng dahilan kung para sa tuwa o kalungkutan ba ang muling nagaambang pumatak na mga luha. Nabigla si Juliet sa narinig mula sa kaibigan at hindi niya ginustong maniwala.

"Wala na si Jessie. Binaril siya dahil pilit lumaban sa mga magnanakaw na kanina pa pala siya sinusundan at inaabatan."

Hindi na nagawang magsalita pa pabalik ni Juliet sa kausap. Alam niyang sa paglingon niya'y kahit anino ng kasintahan hindi na niya doon makikita. Tanaw niya lang ang naiwan at ngayon ay naka-sabog sa sahig ng balkonahe na mga mapupulang rosas.

"Parang kanina lang." Naalala niyang kanina lamang bago siya hindi sinasadyang makatulog dahil sa pagod, kausap niya ang kasintahan sa text. "Ano ba talaga ang nangyari? Bakit bigla-biglaan?"

Huling text ng kaniyang mahal ang sumagot sa katanungan.

"Hon dito ako sa tapat ng simbahan. Happy anniversary! Hihintayin kita ah, hindi man tayo ngayon magsumpaan sa tapat ng altar, sana tanggapin mo na tayo na ang para sa isa't-isa at suotin itong singsing na matagal kong pinagipunan."


~~ o ~~

This post is an output for a Writing Exercise


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin