Saturday, June 9, 2012

Paseo



Alas singko y medya ng hapon sa bayan. Hindi na ganon kainiti pero kahit naligo bago umalis pinagpawisan ako ng malamig at butil-butil na pawis. Nagsimula naring magparamdam ang katubigan na nagpapabigat sa tela ng aking kasuotan. Bulong ko sa sariling hindi sana isipin ni Anna na ang pagiging malapit at magkasama naming paglalakad ang dahilan nito kahit pa totoo. Ano nga ba ang nangyayari sa akin? Wala naman akong dahilan para kabahan. Halata naman kay Anna na hindi na siya galit, sigurado namang sa tagal na ng nangyari ay matagal na rin niya akong napatawad.

Kung magsasalita kaya ako, ano naman ang maaari kong sabihan sa kaniya? Matagal kong pagiisip habang nagkunwari nalamang na minamasdan ang bawat kong hakbang at hindi na lingunin ang kasama. Habang nakayuko, puti at manipis na panyo ang tumambad sa aking mukha na siyang nagpatigil sa nagmamadali kong hakbang. Inalok na ako ng panyo ni Anna dahil sa pawis na malamang ay kanina pa niya napansing kinakatas ng aking balat. "Ito oh" Maamong alok niya habang ngiti rin ang isinukli sa aking ngiti na dinulot naman ng pagkahiya.

Dito rin kaming dalawa madalas maglakad noon. Mga araw at oras na ilang pitik nalang ng minuto sa orasan ay masasabi naming hindi na kami aabot sa unang klase. Ilang taon din na ganon ang nakasanayan namin dahil minahal narin siguro kami ng pagiging pang-umaga. Kaya nga madalas ubusin nalang namin at palipasin ang isang oras sa paboritong tambayan at hintayin ang bell na hudyat ng pagsisimula at pagpasok sa ikalawang subjects namin. Kahit kadalasan ay nagiging dahilan iyon ng malaking banta sa aking final average, wala akong pinagsisihan, masaya kasing kasama si Anna, pati ang seryoso sa buhay na taong tulad ko napapangiti niya at nalilibang sa kaniyang mga chika kahit yung totoo wala naman akong pakialam kung ilang love triangle pa ang mamuo sa klase nila, at kung ilang kaklase pa niya ang amoy hindi naliligo raw.

"Masaya ka ba sa naging desisyon mo?" Nakakagulat na tanong ni Anna sa akin. Nakalimutan ko tuloy na hindi sa akin ang panyo kong hawak, ibinaliktad sa tuyo pang bahagi nito bilang paghahanda sa siguradong tatagaktak ko nanamang pawis. Akala ko ligtas na ako't hindi na mauungkat sa kamustahan habang naglalakad ang aming nakaraan. Kung sabagay hindi nga naman maiiwasan, mas pangit kung ipagwalang bahala nalang na parang wala lang, na parang hindi minsan kaming nagmahal sa isa't-isa.

"Masaya ako" Wika ko sa kaniya at masasabing masaya rin siya na marinig mula sa akin 'yon.

"Hindi mo naman natupad ang pangako mo" Seryoso at naghihintay ng reaksyon ko si Anna sa linyang 'yon na binitawan niya. Tama siya, akala ko rin noon ay siya na ang babae para sa akin at hindi darating ang araw na magkakaroon ako ng dahilan para iwan siya. Kahit nararamdaman na walang galit sa puso ni Anna, hindi parin ako nakapag salita sa sinabi niyang iyon. "Ipagtanggol mo ang side mo" Madalas na wika niya noon tuwing magkakaroon kami ng tampuhan dahil sa mga pagkakamali ko. Nakakatuwa man isipin na imbes na magalit, s'ya palagi ang humahanap ng dahilan para magkaayos kami, kahit pa hindi ko naman maipagtanggol ang sarili katulad nalang ngayon na mas pinili ko nalang ang hindi magsalita.

Kahit parang nagbagong ihip ng hangin ang mga naging pangyayari. Matagal ko narin tinanggap na hindi kami para sa isa't-isa at wala akong pinagsisisihan.

Tinapik ni Anna ang aking balikat bilang pagsasabi nanagbibiro lamang siya. Malamig na hangin ang bigla kong naramdaman. Napakasarap sa pakiramdam sa wakas kahit hindi sumipol ay may dumalaw rin na malamig na hangin. Takip silim na at malapit narin ako sa aking pupuntahan. Natanaw namin mula sa malayo si Angelo ang dati kong partner in crime. Kasama ang anak sa tapat ng isang convenience store. Nang malapitan, hindi pa man nakakapagsalita ay niyakap ako ng matalik na kaibigan. Tumakbo ang bata papalapit kay Anna tawag-tawag s'yang Mama.

"O pano magkikita-kita pa naman siguro tayo mamaya" Masayang sambit niya habang inabot ang kamay ng asawa.

Tinangay ng malakas na hangin ang manipis na panyo nang humarap ako muli sa kanila at kumaway papalayo. Ngiti mula sa malayo ang ipinabaon sa akin ng dalawang mahalagang tao sa aking buhay. Sinimulan ko na silang talikuran ng maluwag sa loob at lakarin pa ang malapit ko nang destinasyon, ang tahanan ng Diyos na aking pinagsisilbihan.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin