Tuesday, June 12, 2012

Parang Kailan


Sakay ako ng isang ordinaryong bus, mayroon na namang air conditioned non sa palagay ko. Ang kaso takot pang sumakay ang mga tao hindi dahil 'di nila feel ang magpalamig, nung mga araw kasi na 'yon napaka halaga pa ng kaunting barya na diperensya sa halagang ibabayad. Nakadungaw ako sa bintana at nagiisip-isip. Inaaliw ko ang mga mata sa bawat bagay na natatanaw tulad ng gawain ko noong bata.

"Isarado nalang ang bintana" Ang palagi kong maririnig kay Mama noon tuwing sasakay kami ng bus papuntang batangas, makakasama daw ang masyadong malakas na hangin sa mata, at baka mahilo rin daw ako't magsuka. Mabuti nalang naroon palagi si Papa na hindi papayag na hindi masunod ang kagustuhan ng perborit boy niya. Lahat ng baby boy luho ko noon ay nabibigay sa akin ni Papa, apat palang kasi kaming magkakapatid non pero nagsimulang mahirapan din siya nung anim na kaming magkakapatid, mas malaking pamilya pero masasabi kong mas masaya.

Pinili ko ang sa Batangas nalang mag aral. Mga oras yun na hindi na ako baby boy at alam na kung ano ang tama't mali, ano ang makakasama at makakabuti. Hindi ko na ginustong maging pabigat. Sinundan ko ang ginawang hakbang ni Kuya na halos sa Probinsya na rin lumaki. Sabi ni Lola nakikita daw niya si Kuya sa akin, masipag, mapagmahal, at higit sa lahat ay responsable. Sa kamay niya kasi lumaki si Kuya at ako ang pumalit sa dating posisyon niya. Napaka bait ni Lola pinagaral niya ako at tinustusan ang pangangailangan katulad ng ginawa niya kay Kuya. Ngayon ay nasa Maynila na ulit si kuya masaya kasama ang kaniyang pamilya.

Pasukan nanaman. Ang bilis talaga ng panahon, isang taon nalang ang igugugol ko ay matatapos ko na sa wakas ang kurso. "Parang kailan lang po" Sagot ko sa yumakap sa akin na si Mama noong makarating ako sa bahay. Namiss niya ako ng husto. Simula kasi nung magkolehiyo mas napadalang ang pagbisita ko. Anong sarap pa sa pakiramdam noong araw rin na 'yon unang pagkakataon na tinawag akong tito, sa dalawang taon gulang na bata pa na humila sa aking pantalon pagtuloy ko sa kusina. Ngiti pa sa akin ni Kuya "Akala mo hindi ka kilala ano?" Para kasing kailan lang nung ayaw magpakarga sa akin ng pamangkin ko, ngayon ay iiyak kung hindi pa buhatin ko.

Mukhang uulan nanaman. Malamig, napayakap ako sa sarili't napabaluktot ng kaunti ang katawan sa kinauupuan. Naalala ko tuloy yung araw na kayakap ko si Maryrose, nung araw na sinama ko siya sa maynila para ipakilala sa aking mga magulang. Alam ko na dapat ay masaya kami non, sa kabilang dako kasi malaking problema namin ang mga magulang niya na kahit pagkikipagkita sa akin ay ipinagbabawal sa kaniya, bagay na walang araw yata na hindi namin pinagtalunan ni Maryrose. Hindi naman ako masamang tao, at naiintindihan ko rin kung bakit ganon nalang nila protektahan ang kaisa-isa nilang dalaga.

Hindi talaga nakakasawang tanawin mula rito ang Makilingl na napapalibutan ng mga ulap tuwing mararating ang Tanauan. Katulad ng parang pagsunod nito sa'yo habang tumatakbo ang bus, tila ito magandang ala-ala na pilit kang susundan sa pagandar ng buhay, tuwing maisip mong tanawin ay nariyan lang at nananatili sa tabi mo. Napa salumbaba tuloy ako sa bintana habang tinatanaw ito, parang ewan siguro ako kung mayroong mang makakita sa akin mula sa labas. Kahit ganon hindi ko ipagpapalit ang pakiramdam na inilalapat sa dibdib ko ng gawain kong iyon.

Eksaktong may umakyat na tindero ng mainit na mais nang tuluyang bumagsak ang ulan. Magandang tayming kaya ibinili ko nalang ang anim na piso ko't isinakripisyong hindi nalang manigarilyo sa oras ng pagbaba. "Kuya pakisara naman" Pakiusap pa ng babae na kumulbit sa aking likuran. Umaampyas na kasi ang ulan kaya kailangan nang isara ang binta na mula kanina ay nagsilbing tangi kong libangan.

Hindi nakisama ang walkman na nakaipit sa aking pantalon. Maingay na hangin lang ang naririnig ko nang ipasak sa dalawang tainga ang magkabilang earphone. Nakakapagtaka naman dahil napaidlip ako ng nakakainis na tunog na iyon kahit papano. Tapos na ang pagulan nang magising ako ako at malapit na rin kaming makarating sa Lipa.

Inangat ko ng buong pwersa ang bintana. Maaliwalas naman at mukhang sa parte ng tanauan lang bumuhos ang ulan. Mabagal na ang usad ng bus dahil sa naging two way nalang na kalsada. Habang inip na inip, maraming bagay akong iniisip, maraming tao rin at bagay ang nagdaraan sa aking mga mata.

Parang kailan lang. Parang kailan lang noong hinanap ko ang sarili sa lugar na ito. Parang kailan lang noong sinanay ko ang sa sarili malayong estado sa nakasanayan kong pamumuhay. Alam kong proud sa akin si Papa dahil napagtagumpayan ko at nalagpasan ang lahat sa sarili kong mga paa. Sayang at hindi na matutupad ang pangarap kong makita niya ako na magtapos sa kolehiyo. Ganon pa man ay ipagpapatuloy ko at pagyayamanin ang pangarap niya para sa amin na pamilya niya, alam kong nasaan man siya'y masaya siya para sa akin.

Hindi ako umalis para iwan ang mga ala-ala. Heto ako ngayon nagbabalik at muling handang harapin ang magiging hamon pa ng buhay sa akin. Parang boxing, kung napatumba man ng kalaban, kailangan bumangon na parang hindi nasaktan at ipagpatuloy pa ang laban. Parang bata na nadapa at nagsabing "Hindi naman masakit ee!" Matapos siyang tumayo at pagtawanan. Kahit pa takot sa sabi-sabing may tren na lalabas sa sugat na natamo, patuloy parin na makikitakbo.

Masarap isipin kahit papaano naging mabait sa akin ang tadhana. Na kahit kadalasan ay sakit, minsan ring inaambon sa akin ang kaligayahan. Napangiti ako nang isang napakagandang babae sa tawiran ang nagpaabot ng ngiti sa akin ng makita akong nakasalumbaba sa bintana ng sinasakyang bus. Angat ang kagandahan niya sa nagkukumpulang mga tao ron. Dama ko ang kaluwagan ng kaniyang loob dahil ganon rin ang nadama ko sa ngiti niya. Tadhana nga naman, parang kailan lang nung maghiwalay kami sa kadahilanang kailangan munang mag kaniya-kaniya at hanapin ang kaligayahan sa ibang bagay.

Ito na pala ang babaan. Malamang ay napatawad na niya ako, hinintay pa talaga niya ako sa tapat ng pintuan. Sasabihin ko na, siya naman talaga ang tangi kong kaligayahan, at handa akong panagutan ang biyaya ng Diyos sa amin na ngayon ay kaniyang dinadala.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin