"Walang pagmamalabis ang makakapag paliwanag. Walang anumang kalungkutan ang maikukumpara. Sa isang tulad mo na simula pagkabata masiyahin ang aking pagkakakilala, isang patak ng luha mula sa'yo tiyak na mabigat ang dinadala."
Hindi ko na sana babasahin ang text mo sa akin. Kung hindi kasi love quotes na naka attach sa isang group message ay otw to work lang naman ang mababasa mula sa kada umagang text mo. Paminsan lang kasi may magtext sa akin kaya inusisa ko na rin, masabi lang na hindi lang music storage ang silbi ng phone ko paminsan ay receiver din at may babasahin rin ako.
Anong drama nanaman ba ito? Hindi ka naman dating ganyan. Dati-rati ay puro kwentong nagpapakilig sa'yo ang labasmasok sa walang pakialam na pandinig ko, pinipilit lang na makinig dahil masaya mong kinukwento ang mga pangyayari sa sinabi mong best days of my life mo. Wala naman akong maisagot tuwing itatanong kung ako'y nakikinig ba. Pasensya ka na kung palagi lang akong natutulala sa kagandahan mo. Kagandahan na nagpahanga sa akin mula pa noong nasa mga taon ng pagaaral tayo.
Akala ko ayos na ang lahat. Akala ko magiging masaya ka na sa piling n'ya, yun naman kasi ang pananaw mo kahit nung hindi pa kayo 'diba? Pero bakit ka ngayon balisa? Para namang nasayang lang ang pagpaparaya ko. Diba? Sinabi ko naman na tanging hangad ko lang maging masaya ka. Hindi rin naman siguro pagkukunwari lang ang halatang pagluwag ng loob mo nang malamang tinanggap ko na ring hindi talaga bagay sambitin ng puso mo ang makalumat at mahabang pangalan ko. Dahil alam mong kasama na doon ang pagbitiw sa pinanghahawakan kong pangarap. Yung kahibangan kong may pagasa rin na maging tayong dalawa nalang.
Pinuntahan kita gaya ng sabi mo at gaya ng madalas na gawin ko. Kinailangan ko pa ngayong hanapin ang susi na nasa ilalim lang pala ng paso ng halaman, marunong naman akong gumamit ng doorbell pero mas gusto kong sorpresahin ka kahit alam mo namang darating ang aking presensya. Dito lang ba tumama ang hindi ko nabalitaang bagyo? Kasing gulo pa ng dinaanan ng buhawi ang salas palamang ng bahay niyo. Hindi ko naman sinasabing tamad ka pero ngayong magisa ka nalang dahil nangibang bansa ang pareho mong magulang, dapat siguro ay matutunan mo nang magimis ng mga kagamitan at bahay. Tutal ay laptop at cellphone lang namana ang laging kinakaharap mo, mabigyan mo sana ng kaunting puwang iyon sa oras mo.
Una ko sanang tutunguin ang kusina, doon kasi kita madalas maabutan na namamapak ng chocolate cake na paborito mo at inuubos ang oras sa panunuod ng t.v. Pero mga patak ng dugo ang gumabay sa akin para sundan ng mga hakbang ang daan patungo sa pintuan ng banyo niyo. Hindi ko inasahan ang inabutan ko doon. Nasa isip ko nalang na sana ay maililigtas ka pa sa kabila ng dami ng dugo na nawala sa iyo at kumalat sa tiles ng banyo. Walang malay at may laslas ang magkabilang braso mo. Ano bang naisipan mo at ginawa mo ito, nataranta ako kaya agad kang binuhat at inilabas para humanap ng tutulong sa ating dalhin ka sa ospital.
Malaki ang pasasalamat ko na ligtas ka. Alam mo ba kung gaano kalakas ang kabog ng dibdib ko nung mga oras na halos magkulay dugo ang mukha ko dahil sa pagdama ng kamay mo habang isinusugod ka sa ospital sakay ng ambulansya. Akala ko ay mawawala ka na sa akin dahil kahit anong gawin ay hindi ka magka malay. Kaya anong bigat ang binitiwan ng pakiramdam ko nang malaman na ligtas ka at magiging maayos ang lahat.
May dala pa akong mga prutas para sa'yo, pero umiiyak ka pagpasok ko sa silid ng ospital. Sinabi mo na gusto mo nang mamatay at bakit ka pa ba iniligtas. Ayaw mo nang mabuhay sa sakit na natamo mula sa ginawang panlololoko niya sa'yo. Halos hindi mo na ako kausapin sa kalaliman ng iyong iniisip at nararamdaman.
Hindi ka naman dating ganyan. Kilala kita bilang masiyahing babae na napakalayo sa nakikita ko ngayon. Ngayon lang kita nakitang umiyak, kung ang mga seryosong sinasabi ko nga tungkol sa pagtingin ko sa'yo nagagawa mong tawanan, sa haba ng ating pagkakaibigan ay masasabi kong ikaw yung tipo ng babae na matapang at kakayaning malampasan ang kahit anumang mapagdadaanan sa buhay.
Iniwan kita non sa ospital dahil alam kong hindi ko kakayanin. Bawat patak ng luha mo'y nagpaigting sa galit ko. Lingid sa kaalaman mo ay may kasunduan kami tungkol sa pangangalaga at pagmamahal sa'yo. Ayoko kasing basta ka nalang ibigay ng ganun nalang sa isang lalaki na hindi ko naman kilala ang buong ugali, pero wala akong magawa dahil nga sinabi mong siya talaga ang mahal mo at siya na ang napili mo.
Magulo ang kaisipan ko sa isang magulong kwarto kung saan ako ay magisa. Puno ng walang laman na bote ng alak ang maliit na mesa. Kaharap ko ang litrato nating dalawa na magkasama. Pumatak ang dugo mula sa aking kamay na may hawak na puno ng dugo na panaksak. Alam ko na hindi ka rin matutuwa sa aking ginawa kahit ginawa ko 'yon para ipaghiganti ang ginawa niyang pananakit sa isang tulad mo. Sa mata ng diyos at batas malaki ang nagawa kong kasalanan. Kumakatok na ang mga pulis sa aking pintuan kaya hindi ko narin hinayaang maabutan pa nila akong buhay.
No comments:
Post a Comment