Wednesday, June 27, 2012

I'll See You



I see you in dreams
I'll see you times of glory

I'll see you again
You'll never get hurt again

I see your crying
I'll paint smile back in your lips

I'll see you again
I'll see the light that will take me

I'll see you again
This side of life or the other



Sunday, June 24, 2012

Uy! Walang Nagbago



"Uy?!" Nawala ang kaba kong hindi mo papansinin ang pagdaan ko. Binagalan ko pa talaga ang hakbang sa pagbabaka sakali ko. Kanina ngang nasa malayo, inisip ko na kung ano ang maaaring sabihin sa'yo. Ikaw pa ang naunang bumati sa akin, nakakapanibago.

Ansarap naman sa pakiramdam ng ganito. Malaya pa akong nakatabi sa inuupuan mo. Malayo sa inasahan ko, na sa muling pagkikita magbabago na sa akin ang pagtrato mo. Nakita kong hindi peke ang mga bawat ngiti mo, wala namang dumi sa mukha ko pero napakahiwagang nagagawa ko parin pangitiin ka sa mga simpleng biro ko.

Hibang nga ako. Nagawa kong masaktan ang isang tulad mo. Kung mabibigyan lang sana ng isa pang pagkakataon, magsisimula muli at iingatan na ang anghel ng buhay ko.

Bilib rin ako sa'yo. Kung ang mga dating minahal ko nga ay halos ipakulam ako, ikaw ay narito't pinaparamdam na hindi naman nawala ang pagsuyo. Napaisip tuloy ako, baka naman ito ay hindi totoo, malayo sa inasahan ko. Tila sa'yo ay walang nagbago.

Hindi na bago, tulad ng dati hindi ka papayag bitbitin ko ang mga libro at bag mo. Alam kong naaawa ka lang dahil sa payatot ako, tuwing itinutulak mo nga sa kilig ay malayo ang itinatalsik ko.

"Ikaw ba talaga ang kasama ko ngayon?" Naguluhan ka rin sa tanong kaya kinurot mo at sinabing nababaliw na naman ako. Naninibago ba o namamangha ang tawag dito? Para kasing tayo parin at walang nagbago.

Nakalimutan mo ba ang kasalanan ko sa'yo? O sinabihan ka ni San Pedro na patawarin na ako. Ikaw naman bakit kailngan mo pang hawakan ang kamay ko. Hayan tuloy at pinagpawisan na naman ako.

Nandito na tayo sa silid n'yo. Mga kamag-aral mo ang kinilig sa loveteam nating muling nabuo. "Uy.. May magkakabalikan." Sigaw pa ng isang iyon. Tayo naman sa hiya ay tila pagong na itinago sa bahay ang ulo.

"Sabay tayo mamaya ah?" Binigkas mo't inulit ang noon ay linyang pagmamay-ari ko. Pumayag ako't binulong sa sariling ito na ang hinhintay ko, pangalawang pagkakataon sa pag-ibig mo. "Uy.. Walang nagbago." Parinig pa ng titser mong dalaga nandito pala sa likod ko.



A Balcony Scene



Nagising si Juliet sa malamig na hanging naramdaman sa paa niya na hindi na nagawang masakupan pa ng kaniyang kumot. Ugong ng salamin na pintuan ang tumawag pansin sa ayaw pang mamulat na tuluyan niyang mga mata. Sa una tila malabong dvd movie ang pumronta sa kaniyang paningin, kinuskos pa niya ang mga mata para luminaw ang nakikita sa pintuan palabas sa balkonahe ng kaniyang madilim at mumunting silid.

Gising na ngunit tanong parin sa sarili kung siya ba'y nananaginip. Kita ang pagkamangha sa kaniyang mga mata na 'di maka paniwala sa nakita.

Nagaagaw ang liwanag at dilim sa salaming pintuan na pilit binubuksan ng malakas na hangin. Anino ng isang lalaking nakatayo sa kaniyang balkonahe ang bumida sa nasaksihan niyang eksena na hindi niya inakalang sa totoong buhay kaniya palang makikita.

Hindi malayo sa napapanood niya noon. Ang madalas na paglipad at pagdapo ni Kaitou Kid sa balkonahe ni Ran tuwing hating-gabi para siya'y bantayan at iwanan ng mapupulang rosas sa bawat niyang pagbisita. Sa isang iglap tila siya bumalik sa pagkabata. Naalala niya na minsan niyang tinanong ang sarili kung kailan ba niya masasaksihan ang kaparehong pangyayari sa eksenang hindi niya pinagsawaang paulit-ulitin panoorin sa vcd.

Matagal na pinagmasdan ni Juliet ang anino ng lalaki habang kapit-kapit ang door knob. Kulang na lamang na ipikit ang mga mata bago buksan ang pintuan, ninais na sorpresahin ang sarili at walang sumapi na kahit kaunting tuldok ng takot at kaba sa gagawing hakbang.

Nabuksan niya ang pintuan. Kaniyang kasintahan ang nakatayong inabutan. Kasintahan na hindi man lamang nilingon ang pagdating niya at nanatiling tulala sa papalubog na araw. Kunot noo naman si Juliet at nawala ang kanina ay kakaibang kasabikan na naramdaman. Utak ay napuno ng katanungan. "Anong Meron? Paano ka napunta d'yan?" Mga nais itanong niya sa hindi pa kumikibo niyang kasintahan.

Niyakap niya mula sa likod ang kasintahan. Sinandal ang kaniyang mukha sa balikat nito't sinamahang naki tanaw rin sa magtatapos na na hapon.

"Inasahan mo bang darating ako?" Hindi agad-agarang nakatugon si Juliet sa katanungang 'yon bagkus ay tinitigan niya ang kasintahan at inilapat ang kaniyang kanang kamay sa noo nito. "May lagnat ka ba?"

Inasahan niyang ngingiti ang kasintahan sa ginawa't sinabi niya ngunit nanatili itong seryoso't tahimik na parang sa earphone lang napakikinggan ang kausap. Inilingon ni Juliet sa kaniya ang mukha ng kasintahan ngunit lalo pang nanibago siya ng mapansing may mabigat na ipinahihiwatig ang mga mata nito sa kaniya. Agad namang tumanaw ng malayo ang kaniyang kasintahan matapos niyang bitiwan ang pisingi nito.

Doon na rin napansin ni Juliet ang tangan-tangan na mga rosas ng kaniyang kasintahan, ngunit tulad ng ibang mga babae hindi niya hinablot 'yon upang sabihing "Para sa akin ba 'yan?" Mas pinili niyang maghintay at hayaang ang kasintahan mismo ang magbigay at mag-abot nito sa kaniya. Alam naman niya kung para saan ang mga rosas na 'yon, kaya naisipan na lamang niyang magparinig pero naunahan siya ng kaniyang kasintahang ibigkas ang bibig sa nais sabihin.

"May nakakalimutan ka." Nanghinayang ang hitsura ni Juliet dahil babatiin na niya sana ang kasintahan sa kanilang ika-unang anibersaryo nang marinig 'yon. Pinalo pa niya ng inis sa likod ang kasintahan. "Naunahan mo lang ako eh."

Niyakap ni Juliet ng mahigpit ang kasintahan. Masaya si Juliet dahil sa maniwala't hindi sa isang taon na nila'y ngayon pa lamang naging ganon kalakas ang loob niyang yakap-yakapin ang kasintahan. Ikaw ba naman ang magka boyfriend na sa pagputi pa ng uwak gagawa ng first move dahil sa pagka mahiyain ay talaga namang mapipilitan kang isuko ang pagiging Maria Clara kahit hindi pa 'man niroromansa.

"Mahal na mahal kita." Puntos na itinuring niya ang sinabi niyang iyon dahil nagawa niyang pangitiin ang kaniyang kasintahan rito. "Ako gaano mo ba ako kamahal?"

"Kaya kitang ipaglaban, at mahalin ng panghabangbuhay. Walang katumbas, ganon kita kamahal." Napangiti naman si Juliet sa sinabi ng kasintahan, hindi dahil sa korni ang narinig pero dahil sa isip-isip niyang "ankyut naman ng mahal ko kapag seryoso, nahihiya't nagsasabi ng nararamdaman." Ihinarap niya muli ito sa kaniya at inilapat ang mga labi sa kasintahan, bagay na sa loob ng isang taon ay mabibilang sa daliri kung ilang beses lamang nila nagawa.

Niyakap niya ng mahigpit ang kasintahan at dinama ang pakiramdam na sa matagal-tagal rin niyang panahon ay namiss. Nawala lahat ng pagod niya sa katawan, pati narin ang lahat ng bagabag at pagaalala tungkol sa relasyon na inakala niyang hindi magtitibay at 'di magtatagal. Tila ginamit ng Panginoon ang oras na iyon bilang senyales sa kaniya na nagsasabing siya na nga ang lalaki na nararapat para sa kaniya. Lalaki na itinadhana upang habangbuhay na makasama.

Hindi na napigilan ng kaniyang mga mata na iluha ang tuwa. Tunog ng telepono ang pinagtuunan muna niya ng pansin matapos pansamantalang bitiwan ang kamay ng kasintahan. Pumasok muna ng silid si Juliet, paraan upang maitago rin at mapunasan muna ang ikinahihiyang pagluha.

Ang panandaliang pinagtuunan ng atensyon, siya palang nagpalit ng dahilan kung para sa tuwa o kalungkutan ba ang muling nagaambang pumatak na mga luha. Nabigla si Juliet sa narinig mula sa kaibigan at hindi niya ginustong maniwala.

"Wala na si Jessie. Binaril siya dahil pilit lumaban sa mga magnanakaw na kanina pa pala siya sinusundan at inaabatan."

Hindi na nagawang magsalita pa pabalik ni Juliet sa kausap. Alam niyang sa paglingon niya'y kahit anino ng kasintahan hindi na niya doon makikita. Tanaw niya lang ang naiwan at ngayon ay naka-sabog sa sahig ng balkonahe na mga mapupulang rosas.

"Parang kanina lang." Naalala niyang kanina lamang bago siya hindi sinasadyang makatulog dahil sa pagod, kausap niya ang kasintahan sa text. "Ano ba talaga ang nangyari? Bakit bigla-biglaan?"

Huling text ng kaniyang mahal ang sumagot sa katanungan.

"Hon dito ako sa tapat ng simbahan. Happy anniversary! Hihintayin kita ah, hindi man tayo ngayon magsumpaan sa tapat ng altar, sana tanggapin mo na tayo na ang para sa isa't-isa at suotin itong singsing na matagal kong pinagipunan."


~~ o ~~

This post is an output for a Writing Exercise



Sunday, June 17, 2012

Kamusta Ka Mahal?



Hindi pa ako nakakarating naalala ko agad ang panlaban niyang ngiti na siya ring nagpapangiti sa akin. Panlaban n'ya sa akin 'yon. Kahit gaano ako kasungit at tampururot na tao, napapagive-up niya ako sa isang ngiti lang. Makakalimutan ko na rin ang dulo't ugat ng kung bakit kami may pinagtalunan.

Naging abala ako sa trabaho. Hindi sana niya isiping kinalimutan ko na siya kung ngayon lang ako makakapunta. Ito rin naman ang gusto niya para sa akin, magsikap para maabot ang aking pangarap. Bumangon mula sa madikit na higaan ang tamad kong katawan dahil narin inspirasyon kong itinuring ang mga pangaral ng aking mahal.  

Guro, kaibigan, siya na yata lahat ang gumanap sa mga role na ito. Siya rin ang dahilan kung pano nawala ang galit at inggit ko sa puso, na dahil ni-minsan hindi ko nakilala ang aking mga magulang.

Pinaramdam niya sa akin na ang mahalaga ay may nagmamahal sa akin ng totoo. Hindi man ako maswerte tulad ng iba, pinaramdam niya sa akin na hindi ako nagiisa at may taong nariyan handang makinig at dumamay sa bawat kong problema at mga pinagdaraanan.

"Kamusta ka Mahal?" Masaya kong tanong kahit alam na hindi naman siya magsasalita. Hindi ko na nagawang sindihan ang kandila kong dala. Talaga kasi ang panahon. Maaraw biglang uulan, parang pagiging masaya namin at biglaan niyang paglisan. Nagtakbuhan na ang mga tao na kanina'y akala mo nasa luneta na may kaniya-kaniya pang picnic at latag, sino ba naman ang magaakalang sa init ng panahon non ay uulan.

Ako tuloy ang naiwan, nakatayo lang sa harap ng aking mahal, dala ang mga bulaklak na sa kaniya ay alay. Masaya dahil muli kami ay magkasama. Salamat sa pagulan. Nakikita man ako ngayon ng aking mahal ay hindi pansin ang pagluha.

Pagsulat ang pinapraktis kong Hobby :)


Friday, June 15, 2012

Si Ex at si Aling Maria




"How do you know, that you know, that the mind knows, that it knows?" Katulad ko rin siguro ay naguluhan ka sa dami ng knows sa tanong kaya naman hindi mo na-knows ang ibig sabihin nito kaya hayaan mong ipaliwanag ko ang pagkakaintindi ko.

May mga oras na alam mo na ang gagawin mo sa isang sitwasyon. Common Sense ang ginagamit natin kadalasan kahit marami paring Pinoy ang hindi makaintindi nito.

Habang tayo'y umeedad maraming nasasaksihan ang ating mga mata, marami rin tayong pangyayari na nararanasan, at kilos na nasusubukan Experience ika nga.

Noong nag two-timer ako malas dahil nabuko ako. Sinubukan kong makipagbalikan sa babaeng halos isumpa yata ako, ang sinalo ko lang na masakit na salita sa kaniya ay "Hindi na'ko magpapaloko sa'yo. I won't fall twice on a same trick." What!? Bakit niya nasabi 'yon? Mukha ba akong buyoyong na nagbibigay ng mga magic tricks? Hindi. Nasabi niya 'yon dahil alam niya na lolokohin ko lang naman ulit siya. She just know it. So How did She know, that She know, that her mind knows, that it knows? Simple, dahil minsan niya naranasang lokohin at masaktan sa kamay ko. Aruy! Kabisado na niya ang karakas ko.


Isang araw nang magpunta ako sa panaderya ni Aling Maria. Pag tungtong ko sa mataas na baitang at matanawi siya. Dalawang gulong nga d'yan, tsaka isang mountain bike! Malakas kong sigaw sa nanonood ng teledrama na si Aling Maria.

Hindi naman junkshop ang pinuntahan ko pero hindi nagulat si Aling Maria sa mga ninais kong bilhin. Alam na kasi niya na araw-araw maasukal na donat at malamig na mountain dew ang minimerienda ko pagsapit ng alas-dos sa panaderya niya sa baba ng eskwelahan.

Paano nalaman ni Aling Maria? Kasasabi ko lang ah? She just know it. Dahil alam na niya ang ugali kong gawin tuwing breaktime ng alas-dos that's How She did know, that She know, that her mind knows, that it knows. Pumipitik sa brain cells niya ang ideya na ihanda na ang paborito kong meriendahin kapag nakita niya akong papalapit na sa panaderya niya.

Hindi ko rin balak guluhin ang utak mo. Ang nais ko lang ay mailahad ang pagkakaintindi ko sa tanong na "How do you know, that you know, that the mind knows, that it knows?" So now you know what's my view about it.

Oo nga pala. Isang napaka ganda at sexy na chick ang dumaan sa harap namin isang araw nang nagmemerienda ako sa panaderya ni Aling Maria. Kinalabit niya ako at sinabing "Hijo, chickas oh!"Kinurot pa ang balakang ko nitong si Aling Maria. Pag lingon ko pa ay may kakaibang ngiti na ipinahihiwatig ang mukha niya. Hala! Kabisado na niya ang taste ko!


~~ o ~~


This post is an output for a Writing Challenge



Tuesday, June 12, 2012

Parang Kailan


Sakay ako ng isang ordinaryong bus, mayroon na namang air conditioned non sa palagay ko. Ang kaso takot pang sumakay ang mga tao hindi dahil 'di nila feel ang magpalamig, nung mga araw kasi na 'yon napaka halaga pa ng kaunting barya na diperensya sa halagang ibabayad. Nakadungaw ako sa bintana at nagiisip-isip. Inaaliw ko ang mga mata sa bawat bagay na natatanaw tulad ng gawain ko noong bata.

"Isarado nalang ang bintana" Ang palagi kong maririnig kay Mama noon tuwing sasakay kami ng bus papuntang batangas, makakasama daw ang masyadong malakas na hangin sa mata, at baka mahilo rin daw ako't magsuka. Mabuti nalang naroon palagi si Papa na hindi papayag na hindi masunod ang kagustuhan ng perborit boy niya. Lahat ng baby boy luho ko noon ay nabibigay sa akin ni Papa, apat palang kasi kaming magkakapatid non pero nagsimulang mahirapan din siya nung anim na kaming magkakapatid, mas malaking pamilya pero masasabi kong mas masaya.

Pinili ko ang sa Batangas nalang mag aral. Mga oras yun na hindi na ako baby boy at alam na kung ano ang tama't mali, ano ang makakasama at makakabuti. Hindi ko na ginustong maging pabigat. Sinundan ko ang ginawang hakbang ni Kuya na halos sa Probinsya na rin lumaki. Sabi ni Lola nakikita daw niya si Kuya sa akin, masipag, mapagmahal, at higit sa lahat ay responsable. Sa kamay niya kasi lumaki si Kuya at ako ang pumalit sa dating posisyon niya. Napaka bait ni Lola pinagaral niya ako at tinustusan ang pangangailangan katulad ng ginawa niya kay Kuya. Ngayon ay nasa Maynila na ulit si kuya masaya kasama ang kaniyang pamilya.

Pasukan nanaman. Ang bilis talaga ng panahon, isang taon nalang ang igugugol ko ay matatapos ko na sa wakas ang kurso. "Parang kailan lang po" Sagot ko sa yumakap sa akin na si Mama noong makarating ako sa bahay. Namiss niya ako ng husto. Simula kasi nung magkolehiyo mas napadalang ang pagbisita ko. Anong sarap pa sa pakiramdam noong araw rin na 'yon unang pagkakataon na tinawag akong tito, sa dalawang taon gulang na bata pa na humila sa aking pantalon pagtuloy ko sa kusina. Ngiti pa sa akin ni Kuya "Akala mo hindi ka kilala ano?" Para kasing kailan lang nung ayaw magpakarga sa akin ng pamangkin ko, ngayon ay iiyak kung hindi pa buhatin ko.

Mukhang uulan nanaman. Malamig, napayakap ako sa sarili't napabaluktot ng kaunti ang katawan sa kinauupuan. Naalala ko tuloy yung araw na kayakap ko si Maryrose, nung araw na sinama ko siya sa maynila para ipakilala sa aking mga magulang. Alam ko na dapat ay masaya kami non, sa kabilang dako kasi malaking problema namin ang mga magulang niya na kahit pagkikipagkita sa akin ay ipinagbabawal sa kaniya, bagay na walang araw yata na hindi namin pinagtalunan ni Maryrose. Hindi naman ako masamang tao, at naiintindihan ko rin kung bakit ganon nalang nila protektahan ang kaisa-isa nilang dalaga.

Hindi talaga nakakasawang tanawin mula rito ang Makilingl na napapalibutan ng mga ulap tuwing mararating ang Tanauan. Katulad ng parang pagsunod nito sa'yo habang tumatakbo ang bus, tila ito magandang ala-ala na pilit kang susundan sa pagandar ng buhay, tuwing maisip mong tanawin ay nariyan lang at nananatili sa tabi mo. Napa salumbaba tuloy ako sa bintana habang tinatanaw ito, parang ewan siguro ako kung mayroong mang makakita sa akin mula sa labas. Kahit ganon hindi ko ipagpapalit ang pakiramdam na inilalapat sa dibdib ko ng gawain kong iyon.

Eksaktong may umakyat na tindero ng mainit na mais nang tuluyang bumagsak ang ulan. Magandang tayming kaya ibinili ko nalang ang anim na piso ko't isinakripisyong hindi nalang manigarilyo sa oras ng pagbaba. "Kuya pakisara naman" Pakiusap pa ng babae na kumulbit sa aking likuran. Umaampyas na kasi ang ulan kaya kailangan nang isara ang binta na mula kanina ay nagsilbing tangi kong libangan.

Hindi nakisama ang walkman na nakaipit sa aking pantalon. Maingay na hangin lang ang naririnig ko nang ipasak sa dalawang tainga ang magkabilang earphone. Nakakapagtaka naman dahil napaidlip ako ng nakakainis na tunog na iyon kahit papano. Tapos na ang pagulan nang magising ako ako at malapit na rin kaming makarating sa Lipa.

Inangat ko ng buong pwersa ang bintana. Maaliwalas naman at mukhang sa parte ng tanauan lang bumuhos ang ulan. Mabagal na ang usad ng bus dahil sa naging two way nalang na kalsada. Habang inip na inip, maraming bagay akong iniisip, maraming tao rin at bagay ang nagdaraan sa aking mga mata.

Parang kailan lang. Parang kailan lang noong hinanap ko ang sarili sa lugar na ito. Parang kailan lang noong sinanay ko ang sa sarili malayong estado sa nakasanayan kong pamumuhay. Alam kong proud sa akin si Papa dahil napagtagumpayan ko at nalagpasan ang lahat sa sarili kong mga paa. Sayang at hindi na matutupad ang pangarap kong makita niya ako na magtapos sa kolehiyo. Ganon pa man ay ipagpapatuloy ko at pagyayamanin ang pangarap niya para sa amin na pamilya niya, alam kong nasaan man siya'y masaya siya para sa akin.

Hindi ako umalis para iwan ang mga ala-ala. Heto ako ngayon nagbabalik at muling handang harapin ang magiging hamon pa ng buhay sa akin. Parang boxing, kung napatumba man ng kalaban, kailangan bumangon na parang hindi nasaktan at ipagpatuloy pa ang laban. Parang bata na nadapa at nagsabing "Hindi naman masakit ee!" Matapos siyang tumayo at pagtawanan. Kahit pa takot sa sabi-sabing may tren na lalabas sa sugat na natamo, patuloy parin na makikitakbo.

Masarap isipin kahit papaano naging mabait sa akin ang tadhana. Na kahit kadalasan ay sakit, minsan ring inaambon sa akin ang kaligayahan. Napangiti ako nang isang napakagandang babae sa tawiran ang nagpaabot ng ngiti sa akin ng makita akong nakasalumbaba sa bintana ng sinasakyang bus. Angat ang kagandahan niya sa nagkukumpulang mga tao ron. Dama ko ang kaluwagan ng kaniyang loob dahil ganon rin ang nadama ko sa ngiti niya. Tadhana nga naman, parang kailan lang nung maghiwalay kami sa kadahilanang kailangan munang mag kaniya-kaniya at hanapin ang kaligayahan sa ibang bagay.

Ito na pala ang babaan. Malamang ay napatawad na niya ako, hinintay pa talaga niya ako sa tapat ng pintuan. Sasabihin ko na, siya naman talaga ang tangi kong kaligayahan, at handa akong panagutan ang biyaya ng Diyos sa amin na ngayon ay kaniyang dinadala.



Saturday, June 9, 2012

Paseo



Alas singko y medya ng hapon sa bayan. Hindi na ganon kainiti pero kahit naligo bago umalis pinagpawisan ako ng malamig at butil-butil na pawis. Nagsimula naring magparamdam ang katubigan na nagpapabigat sa tela ng aking kasuotan. Bulong ko sa sariling hindi sana isipin ni Anna na ang pagiging malapit at magkasama naming paglalakad ang dahilan nito kahit pa totoo. Ano nga ba ang nangyayari sa akin? Wala naman akong dahilan para kabahan. Halata naman kay Anna na hindi na siya galit, sigurado namang sa tagal na ng nangyari ay matagal na rin niya akong napatawad.

Kung magsasalita kaya ako, ano naman ang maaari kong sabihan sa kaniya? Matagal kong pagiisip habang nagkunwari nalamang na minamasdan ang bawat kong hakbang at hindi na lingunin ang kasama. Habang nakayuko, puti at manipis na panyo ang tumambad sa aking mukha na siyang nagpatigil sa nagmamadali kong hakbang. Inalok na ako ng panyo ni Anna dahil sa pawis na malamang ay kanina pa niya napansing kinakatas ng aking balat. "Ito oh" Maamong alok niya habang ngiti rin ang isinukli sa aking ngiti na dinulot naman ng pagkahiya.

Dito rin kaming dalawa madalas maglakad noon. Mga araw at oras na ilang pitik nalang ng minuto sa orasan ay masasabi naming hindi na kami aabot sa unang klase. Ilang taon din na ganon ang nakasanayan namin dahil minahal narin siguro kami ng pagiging pang-umaga. Kaya nga madalas ubusin nalang namin at palipasin ang isang oras sa paboritong tambayan at hintayin ang bell na hudyat ng pagsisimula at pagpasok sa ikalawang subjects namin. Kahit kadalasan ay nagiging dahilan iyon ng malaking banta sa aking final average, wala akong pinagsisihan, masaya kasing kasama si Anna, pati ang seryoso sa buhay na taong tulad ko napapangiti niya at nalilibang sa kaniyang mga chika kahit yung totoo wala naman akong pakialam kung ilang love triangle pa ang mamuo sa klase nila, at kung ilang kaklase pa niya ang amoy hindi naliligo raw.

"Masaya ka ba sa naging desisyon mo?" Nakakagulat na tanong ni Anna sa akin. Nakalimutan ko tuloy na hindi sa akin ang panyo kong hawak, ibinaliktad sa tuyo pang bahagi nito bilang paghahanda sa siguradong tatagaktak ko nanamang pawis. Akala ko ligtas na ako't hindi na mauungkat sa kamustahan habang naglalakad ang aming nakaraan. Kung sabagay hindi nga naman maiiwasan, mas pangit kung ipagwalang bahala nalang na parang wala lang, na parang hindi minsan kaming nagmahal sa isa't-isa.

"Masaya ako" Wika ko sa kaniya at masasabing masaya rin siya na marinig mula sa akin 'yon.

"Hindi mo naman natupad ang pangako mo" Seryoso at naghihintay ng reaksyon ko si Anna sa linyang 'yon na binitawan niya. Tama siya, akala ko rin noon ay siya na ang babae para sa akin at hindi darating ang araw na magkakaroon ako ng dahilan para iwan siya. Kahit nararamdaman na walang galit sa puso ni Anna, hindi parin ako nakapag salita sa sinabi niyang iyon. "Ipagtanggol mo ang side mo" Madalas na wika niya noon tuwing magkakaroon kami ng tampuhan dahil sa mga pagkakamali ko. Nakakatuwa man isipin na imbes na magalit, s'ya palagi ang humahanap ng dahilan para magkaayos kami, kahit pa hindi ko naman maipagtanggol ang sarili katulad nalang ngayon na mas pinili ko nalang ang hindi magsalita.

Kahit parang nagbagong ihip ng hangin ang mga naging pangyayari. Matagal ko narin tinanggap na hindi kami para sa isa't-isa at wala akong pinagsisisihan.

Tinapik ni Anna ang aking balikat bilang pagsasabi nanagbibiro lamang siya. Malamig na hangin ang bigla kong naramdaman. Napakasarap sa pakiramdam sa wakas kahit hindi sumipol ay may dumalaw rin na malamig na hangin. Takip silim na at malapit narin ako sa aking pupuntahan. Natanaw namin mula sa malayo si Angelo ang dati kong partner in crime. Kasama ang anak sa tapat ng isang convenience store. Nang malapitan, hindi pa man nakakapagsalita ay niyakap ako ng matalik na kaibigan. Tumakbo ang bata papalapit kay Anna tawag-tawag s'yang Mama.

"O pano magkikita-kita pa naman siguro tayo mamaya" Masayang sambit niya habang inabot ang kamay ng asawa.

Tinangay ng malakas na hangin ang manipis na panyo nang humarap ako muli sa kanila at kumaway papalayo. Ngiti mula sa malayo ang ipinabaon sa akin ng dalawang mahalagang tao sa aking buhay. Sinimulan ko na silang talikuran ng maluwag sa loob at lakarin pa ang malapit ko nang destinasyon, ang tahanan ng Diyos na aking pinagsisilbihan.



Sunday, June 3, 2012

Patak ng Dugo




( Warning: The story contains violence on its context. Rated 18, and parental guidance is advisable )

"Walang  pagmamalabis  ang  makakapag  paliwanag.  Walang  anumang  kalungkutan  ang  maikukumpara.  Sa  isang  tulad  mo  na  simula  pagkabata  masiyahin  ang  aking  pagkakakilala,  isang  patak  ng  luha  mula  sa'yo  tiyak  na  mabigat  ang  dinadala." 
Hindi ko na sana babasahin ang text mo sa akin. Kung hindi kasi love quotes na naka attach sa isang group message ay otw to work lang naman ang mababasa mula sa kada umagang text mo. Paminsan lang kasi may magtext sa akin kaya inusisa ko na rin, masabi lang na hindi lang music storage ang silbi ng phone ko paminsan ay receiver din at may babasahin rin ako.

Anong drama nanaman ba ito? Hindi ka naman dating ganyan. Dati-rati ay puro kwentong nagpapakilig sa'yo ang labasmasok sa walang pakialam na pandinig ko, pinipilit lang na makinig dahil masaya mong kinukwento ang mga pangyayari sa sinabi mong best days of my life mo. Wala naman akong maisagot tuwing itatanong kung ako'y nakikinig ba. Pasensya ka na kung palagi lang akong natutulala sa kagandahan mo. Kagandahan na nagpahanga sa akin mula pa noong nasa mga taon ng pagaaral tayo.

Akala ko ayos na ang lahat. Akala ko magiging masaya ka na sa piling n'ya, yun naman kasi ang pananaw mo kahit nung hindi pa kayo 'diba? Pero bakit ka ngayon balisa? Para namang nasayang lang ang pagpaparaya ko. Diba? Sinabi ko naman na tanging hangad ko lang maging masaya ka. Hindi rin naman siguro pagkukunwari lang ang halatang pagluwag ng loob mo nang malamang tinanggap ko na ring hindi talaga bagay sambitin ng puso mo ang makalumat at mahabang pangalan ko. Dahil alam mong kasama na doon ang pagbitiw sa pinanghahawakan kong pangarap. Yung kahibangan kong may pagasa rin na maging tayong dalawa nalang.

Pinuntahan kita gaya ng sabi mo at gaya ng madalas na gawin ko. Kinailangan ko pa ngayong hanapin ang susi na nasa ilalim lang pala ng paso ng halaman, marunong naman akong gumamit ng doorbell pero mas gusto kong sorpresahin ka kahit alam mo namang darating ang aking presensya. Dito lang ba tumama ang hindi ko nabalitaang bagyo? Kasing gulo pa ng dinaanan ng buhawi ang salas palamang ng bahay niyo. Hindi ko naman sinasabing tamad ka pero ngayong magisa ka nalang dahil nangibang bansa ang pareho mong magulang, dapat siguro ay matutunan mo nang magimis ng mga kagamitan at bahay. Tutal ay laptop at cellphone lang namana ang laging kinakaharap mo, mabigyan mo sana ng kaunting puwang iyon sa oras mo.

Una ko sanang tutunguin ang kusina, doon kasi kita madalas maabutan na namamapak ng chocolate cake na paborito mo at inuubos ang oras sa panunuod ng t.v. Pero mga patak ng dugo ang gumabay sa akin para sundan ng mga hakbang ang daan patungo sa pintuan ng banyo niyo. Hindi ko inasahan ang inabutan ko doon. Nasa isip ko nalang na sana ay maililigtas ka pa sa kabila ng dami ng dugo na nawala sa iyo at kumalat sa tiles ng banyo. Walang malay at may laslas ang magkabilang braso mo. Ano bang naisipan mo at ginawa mo ito, nataranta ako kaya agad kang binuhat at inilabas para humanap ng tutulong sa ating dalhin ka sa ospital.


Malaki ang pasasalamat ko na ligtas ka. Alam mo ba kung gaano kalakas ang kabog ng dibdib ko nung mga oras na halos magkulay dugo ang mukha ko dahil sa pagdama ng kamay mo habang isinusugod ka sa ospital sakay ng ambulansya. Akala ko ay mawawala ka na sa akin dahil kahit anong gawin ay hindi ka magka malay. Kaya anong bigat ang binitiwan ng pakiramdam ko nang malaman na ligtas ka at magiging maayos ang lahat.

May dala pa akong mga prutas para sa'yo, pero umiiyak ka pagpasok ko sa silid ng ospital. Sinabi mo na gusto mo nang mamatay at bakit ka pa ba iniligtas. Ayaw mo nang mabuhay sa sakit na natamo mula sa ginawang panlololoko niya sa'yo. Halos hindi mo na ako kausapin sa kalaliman ng iyong iniisip at nararamdaman.
  

Hindi ka naman dating ganyan. Kilala kita bilang masiyahing babae na napakalayo sa nakikita ko ngayon. Ngayon lang kita nakitang umiyak, kung ang mga seryosong sinasabi ko nga tungkol sa pagtingin ko sa'yo nagagawa mong tawanan, sa haba ng ating pagkakaibigan ay masasabi kong ikaw yung tipo ng babae na matapang at kakayaning malampasan ang kahit anumang mapagdadaanan sa buhay.

Iniwan kita non sa ospital dahil alam kong hindi ko kakayanin. Bawat patak ng luha mo'y nagpaigting sa galit ko. Lingid sa kaalaman mo ay may kasunduan kami tungkol sa pangangalaga at pagmamahal sa'yo. Ayoko kasing basta ka nalang ibigay ng ganun nalang sa isang lalaki na hindi ko naman kilala ang buong ugali, pero wala akong magawa dahil nga sinabi mong siya tala
ga ang mahal mo at siya na ang napili mo.


Magulo ang kaisipan ko sa isang magulong kwarto kung saan ako ay magisa. Puno ng walang laman na bote ng alak ang maliit na mesa. Kaharap ko ang litrato nating dalawa na magkasama. Pumatak ang dugo mula sa aking kamay na may hawak na puno ng dugo na panaksak. Alam ko na hindi ka rin matutuwa sa aking ginawa kahit ginawa ko 'yon para ipaghiganti ang ginawa niyang pananakit sa isang tulad mo. Sa mata ng diyos at batas malaki ang nagawa kong kasalanan. Kumakatok na ang mga pulis sa aking pintuan kaya hindi ko narin hinayaang maabutan pa nila akong buhay.




All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.