Friday, January 25, 2013

Kalangitang Nagpapapansin at Bumabati


Bakit nga ba kailangan pang hintayin ang fourth of july? Bakit kailangan pang masugid na pagaralan ang lunar calendar? Hindi chinese new year o ano pa man ang dapat nating abangan, hindi naman tayo tubong ibang bansa, yung araw-araw na alam kong makakasama kita ay ayos na, hindi lang ako lucky ramdam ko pang bumabagsak sa atin ang lahat ng charm. Ang mahiga sa ulap ay 'di na rin kailangang pangarapin pa, sa bawat pag-tingin mo sa akin mga pinangarap kong mapuntahang lugar ay tila aking narating na. Kung minsan man ay mahirap basahin, ibig iparating ng mga mata mong tulad ng manininingning na bituin, isang salita pa rin ang ibubulong ko sa hangin, hindi magbabago ang aking pagtingin. Wala nang tutumbas pa sa isang ikaw para sa akin.



Monday, January 21, 2013

Gaano Katamis Ang Yema


Sinarado niya ang kaniyang mga mata at binanggit sa hanging "I'm in love with the right guy!" Me pag-galaw pa ng ulo habang unti-unting umaangat ang katawan na akala mo'y nasa isang hardin siya na puno ng mga bulaklak na kaniyang sinisimoy at sinusulit ang bango. Sinubukan niyang imulat ang ang mata at nagising sa katotohanang ilang dipa lang ang layo namin sa malaking basket ng basura. Ilan na ba ang dumaan at napatingin sa kaniya? Muntik ko pa ngang sabihin sa babaeng tumawa na hindi ko po 'yan kasama. "Oh ano naman ang nangyari?" Tanong ko agad sa kaniya bago pa siya maka intro para daldalan ako ng tungkol sa mga This Is It! feelings niya. Wala siyang mailalamukos na notebook non kaya rin siguro matapang kong nasabi 'yon, bawal kasing kontrahin ang mga moments niya kundi ay tatamaan ka. Napasimangot siyang bahagya, akala mo'y batang nahulog ang ice cream sa lupa. Humaba ang nguso, nakakapit sa aking braso, itinapat ang mukha sa akin na s'ya namang kinakabog ng dibdib ko, "Tingin mo? S'ya na ba talaga?" Tanong niya sa akin.

Hindi ko naman alam ang isasagot, ang lalaki kasing tinutukoy niya ay hindi ko rin alam kung saan hinugot. Wala rin akong ideya kung ano ang ibig sabihin niya, kung siya na ba ang dapat niyang makatuluyan? O kung siya na ba ang dapat niyang seryosohin ng todo at gawing highest priority? Iling nalang ang nakayanan kong ibigay dahil para sa akin para sa akin hindi ang mga bagay na tulad nito ang nagcicirculate sa isip ng mga tulad naming kolehiyo.

Iiwan niya ako at magkikita nalang kami sa facebook, 'wag daw akong mag-hide dahil kailangan niya ng kakwentuhan at nakaabang dapat ako para i-like ang bawat niyang post. Bakit kaya pati sa panaginip ay naghihintay din ako? Duon sa mga panaginip na laging siya ang kasama ko, inaamin ko namang duwag ako't hindi maamin ang tunay na nararamdaman ko, tamang pagkakataon ba ang hinihintay ko? O hinihintay kong mas lalu pang lumabo ang posibilidad na pwedeng mula sa pagiging malapit na magkaibigan namin kami naman ay umibig.

Noong una palang naman ay alam ko nang may tama ako, ngunit ano ba namang magagawa ko kung nakikita ko siyang masaya sa iba ay masaya na rin ako, tulad ni Manong Johnny ay gusto ko talagang happy siya. Kaya ko naman siyang pangitiin sa iba't-ibang paraan, ano ba naman ang dalawang taon para hindi ko mahuli ang kiliti niya, iba kasi yung nakikita ko sa mata niya tuwing mga manliligaw niya ang nagpapasaya sa kaniya, doon nararamdaman kong lubos ang kaligayahan, napaka saya niya. Pero kung ngayon? Nilalangaw na lang para sa akin ang ganitong tema, hindi na ako makukumbinsi ng kahit anong hugis pa na ngiting makikita sa kaniya, alam kong walang kahahantungan ang ganitong mga eksena n'ya, dahil sa tagal na naming magkasama ay walang happy ending na narating ang kahit na sinong naka-m.u o kahit nakarelasyon niya. Ang laging pumipitik sa isip ko tuwing may bagong pangalan na bumibida sa kweto niya ay–alam ko na naman ang kahahantungan n'yan. bakit ko pa susubaybayan?.

Kung paguusapan lang rin ang mga nakakaumay na eksena isa rito ang palaging pagbili niya ng yema. Hindi ko alam kung ano bang nalasahan niya sa malagkit na pagkaing ito kung bakit siya naadik at alam na ng tindera ang kukunin tuwing papalapit kami sa tindahan niya. Napakatamis daw ng yema, ang tamang-tama lamang na lasang mani nito ay makukuha mo daw sa malambot na may pagka matigas ring pagnguya dito, masarap daw 'yong ulit-ulitin at kaya paulit-ulit din niyang sabi ay parang bubble gum nalang sana na hindi nauubos ang yema, at kung papaubos na raw ay mapapasarap naman ang pagsipsip mo sa gatas na nagtatago lamang pala sa gitnang bahagi ng yema. Sulit daw ang bawat pisong ikinakatok sa kahoy na butas at ang iba't-ibang kulay na wraper na iniitsa na lamang sa kung saan-saan.

Tama ang sinabi sa hula at tama ang aking hula tungkol sa prediksyon ko sa mangyayari kinabukasan. Ngumunguya pa nga siya na lumapit sa akin at bago maupo ay inalok ako ng kinakain niya, itinapat niya sa akin ang kaniyang kamay na mayroong isang dakot na yema kahit alam naman n'ya na hindi naman ako kukuha dahil kahit kailan ay hindi ako tumanggap ng ganon mula sa kaniya.

"Subukan mo kayang tikman!?" pangungulit pa niya tulad rin ng mga sa nakaraan

'Yon lang at sumabog na ako na parang bomba, tumayo na ako't iniwan siya doon. Nagsawa siguro ako't naumay, umalis ako na wala man lang sinabi, nabago ko ang tema ng lugar na 'yon para sa amin ngayon, isang beses lamang ngunit palagay ko rin ay 'yon na ang kahulihulihan.

_____________________________

Paguwi, pagod at masakit ang mata, nagawa ko pa ring unang gawin ay buksan ang computer para silipin ang aking facebook gamit ang sulit at pandarayang istilo ng pagiinternet. Nasanay siguro kaya imbes na magpahinga ay ito ang ginawa ko.

"Sorry, sorry, sorry"

Biglang umangat sa screen ang pangalan niya,  nagsosorry using the chatbox. Napakapit tuloy ako sa naninilaw na katawan ng monitor para tignan ng malapitan kung siya ba talaga 'yon, hindi kasi mahaba ang sinabi niya tulad ng nakasanayan, kumpara sa mga nobelang tina-typre niya bago ko mabasa ay pamagat lang ito.

"Uy! Anu b kcng prblema?"

Nilakasan ko ang loob, ipinaalam ko ang dapat na ipaalam, "Mahal kasi kita. Noon pa" ganon kaiksi lang para sabihin ang lahat-lahat, pikit mata ko pa ngang pinindot ang enter at naghintay ng 30sec bago munling imulat ang mata. Surplays! Offline na siya at walang iniwan na kahit isang tuldok man lang. Tulad ng inaasahan ay magmimistulang utot lamang sa hangin kung ilalabas ko't aminin ang nararamdaman. Naghintay ako, baka naman connection error lang, ngunit nailapag ko na sa mesa ang dalawa ko pang mata ay wala pa ring bumulaga sa akin kundi ang mga page updates para sa mga fan ng Wrestling.

Unlike, unlike, unlike. Ewan ko ba kung bakit lahat yata ng pages na naguupdate non ay aking inia-unlike. Kalhating oras din akong nakatitig sa profile niya habang nakatutok ang mouse sa unfriend button. Ilang saglit pa ay pinatay ko ang palipad-lipad na lamok, sunod ay ang monitor, at ang ilaw ng kwarto, Itinulog ko nalang ang kahibangan, umaasang bukas ay maayos na't hindi magulo ang aking utak.

_____________________________

Kinabukasan ay nagpunta pa rin ako sa aming tinatambayan, hindi para mapansin o kung ano pa man kundi para humingi ng patawad tungkol sa aking ginawa. Dahil umamin na ako maaaring hindi na rin niya ako tanggapin bilang kaibigan, gusto ko lang ay malaman niyang nandito pa rin ako para sa kaniya anumang oras.

Napatingin na naman ako sa basurahan na ilang dipa lang ang layo mula sa aking kinauupuan at naisip na ganon pala talaga 'pag ang pangangarap mo'y mapupunta lang sa wala, mawawalan ka ng malaking pag-asa, pati ang tiwala sa sarili ay lalangawin na. Nabigla naman ako't natauhan ng isang yakap ang biglang pumutol sa aking pag aagam-agam. Dama ko rin ang luha na naipapasa sa aking maggas kung saan niya binubulong ang mga salitang hindi ko maintindihan.

"Anong nangyari?" natataranta kong sabi dahil hindi alam ang gagawin. Hindi ko rin maintindihan ang sinasabi niya dahil sa tila gustong ilakas ngunit pabulong lamang na salita, halos mapunit na nga ang uniporme ko sa pagkakakapit niya doon ng mahigpit. "Bakit ka umiiyak? Ano bang nangyari?"

"Ang bingi mo! Sabi ko mahal din naman kita!" ang tanging hindi lang nagbago ay ang halatang nagagalit nanaman siya, ngunit ang pagdating na lumuluha, ang mahigpit na yakap, at ang sabihing mahal niya rin ako ay bago lahat.

Umalis siya sa pagkakayakap sa akin, tumayo at mayroong dinukot mula sa kaniyang bag. Isang dakot na yema na naman ang itinapat niya sa akin para kumuha ako ng kahit isa, sa pagkakataong 'yon ay naghihintay siya na tila hindi makakapayag kung tatanggihan kong muli ang ibinibigay n'ya.

Kumuha ako't pinagmasdan niya lamang habang binubuksan ko ang balat ng yema, naghihintay siya na nakataas pa ang kanang kilay na kahit papaano ay napapangiti na. Habang nginunguya ay napatunayan ngang totoo ang lahat ng sinasabi niya tungkol sa yema, inaamin ko sa sariling gusto ko pa ngunit nakakahiya lang na manghingi lalu pa't nakahiga na siya sa aking balikat at sinabing "Ikaw kasi, kahit kailan hindi mo tinanggap. Paano mo malalaman kung hindi mo susunukan?".

Kahit may bakas pa ng luha ay nakangiti siya nang maingat ko siyang nilingon sa aking balikat, nangungusap ng malalim ang mga mata at tila naghihintay lamang siya ng sasabihin ko sa kaniya. Totoo pala, matamis na malamang mahal ka rin naman pala niya, natakot ka lang.




Thursday, January 17, 2013

Ang mga Puta at Ang Hiniram na Pluma


Ang maikling kwentong ito ay ginawa para sa personal na blog, sa Patimpalak na Bagsik ng Panitik (BnP) 2013, at para maibsan na rin ang kati sa palad upang sumulat. Hindi nito hangad ang paututin, patawanin, o patamaan ang sinuman. Naglalaman din ito ng mga wika o lenggwahe na hindi angkop sa mga bata, kung maaari po'y wag na lamang ipabasa sa kanila ang aking kalokohan, o 'di kaya'y patnubayan sila sa pagbabasa nitong aking pagkakalat.
_____________________________

Hindi nakakabigla na 'yon din ang bumungad sa akin ng buklatin ko ang dyaryo na hawak-hawak, mainit-init pa kasi non ang usapin tungkol sa ano na ba ang nagawa ng ating Lider para sa ikauna niyang taon ng pamumuno, nilalaman 'yon ng mga peryodiko at usapan 'din ng mga kritiko't mga taong ang hilig lamang ay mambatikos, nagtatanong pa nga ang iba, isa hanggang sampu ilan ang ibibigay mong marka sa kaniya?. Ganon din kainit ang isyu sa bahay kung bakit pasang-awa ang aking mga grado samantalang araw-araw naman daw akong pumapasok. Inamin ko ang lahat, inamin ko na kadalasan ay laman ako ng bilyaran at suki ako ng mga patok na galaan, lagi akong nasa mga kasiyahan imbis na sa loob ng paaralan. Kaya wala akong magawa kung 'di ang maghintay sa susunod ko pang mga klase na nadagnagan pa dahil kailangang balikan ang mga hindi ko napasukan. Nagbago na ako tulad ng gustong mangyari ni Ama. Ang totoo, hindi na ako natakot non sa sinturon na inilabas n'ya, "Ayaw kitang saktan, pero anak pinipilit mo ako." Nakita kong gusto nang tumulo ng luha sa mga mata niya at doon ko naisip na ikabubuti ko lang naman ang nais niya kaya siya nagagalit at ako'y napagbubuhatan.

"Anim, Pasang-awa. Ayos lang. Maaari namang magbago ang tao. Kung mali ang nasimulang hakbang maaari pa rin namang maituwid ang daan."–ito ang ibinulong kong marka at puna para sa aking nabasa na maihahalintulad din pala sa aking karanasan. Bago ko pa lamukusin ang dyaryo't ipamunas sa aking kuyukot matapos umebak ay bumatingaw na, hudyat 'yon ng muling pagsisimula ng mga klase sa buong paaralan. Nawala agad-agad ang ingay na binubuo ng mga daldalan, tanging mga yapak ang papalayong tunog na huling naparinggan. Katahimikan ang sunod na umiral dahilan para unti-unti kong mapakinig ang kakaibang ingay, maingay na kapaligiran mula sa labas na tumawag sa aking pansin at humingi ng saglit sa aking kamalayan. Ang ingay na 'yon ay mula sa maliit na bintana, bintana na ang silbi ay singawan ng mga bantot na tinataglay ng palikuran. Alam ko mali ang umapak at sumampa sa inidoro lalu pa't maputik ang sapatos ko ngunit tila ang ingay na 'yon mula sa bintana na rin ang siyang tumawag sa akin at nagsasabing "Tignan mo ang sitwasyon namin. Silipin mo ang mga nangyayari sa amin".

Larawan ng isang naghihirap na bayan ang tumambad sa aking mata ng silipin ko ang labas mula sa bintana, hindi ko man matanaw ng maayos ay alam kong kaunting pansin ang hangad nila, mapansin sanang kailangan nila ng tulong, trabaho, tubig, pagkain, edukasyon, maayos na damit at matitirahan, mga bagay na hindi maibigay sa kanila ng mga puta, mga bagay na nilalaman lang ng mga pangako nila ngunit ang mga taong bayan na ito sa palagay ko'y hindi nila kailanman ito nakamtan o naramdaman man lamang, tila sumangayon pa nga ang Batang hubo't hubad na biglang humagulgol sa likod ng kaniyang Ama na nakikipag inuman sa mga kasama. Maging ang alupihan na biglang gumapang papunta sa bintana ay akmang gusto ring silipin ang kalagayan sa labas, nagulat ako't muntik pa tuloy mabuslot ang paa sa bahong ako mismo ang naglabas. Mabuti pa nga dito, isang pindot lang ay kusang ilulubog ng tubig ang masamang elemento, ngunit paano sa kanila? Paano nila gagawing ibaon nalang ang mga pagsubok na dala ng bawat araw kung wala namang pagbabagong nagaganap? Lalo lang ang pasanin ay bumibigat, lalo lang ang kalagayan ay humihirap.

Bakit nga ba madalas mapansin ang mali o pagkukulang ng mga puta ngunit ang mga nagagawang nila ng maayos at tama ay bale wala? Sabi kasi nila–Ang mali ay mananatiling mali kahit sino pa ang gumawa. Sinusubukan lang naman ng taong bayan maging patas, hindi porket mataas ka lahat ng gagawin mo ay tama na, hindi lulusot sa mga mata ng nangangawit na sa pagtingalang taong bayan ang mga kasinungalingan, mga ginagawang panloloko, at mga kabulastugan ng humahawak sa kanilang bayan. Sabi ng taong bayan maituturing daw ang mga de-putang ito na mga ahas sa lipunan. Laban naman ng ating mga kagalang-galang, hindi raw madali ang posisyon na kanilang ginagampanan. Doon, isang katanungan ang naglaro sa aking isipan. Ano nga ba ang pakiramdam na maging mataas? Ano nga ba ang pakiramdam na maging nasa ikataas-taasan.

_____________________________

Sinimulan kong akyatin non ang tuktok ng gusali ng aming paaralan, nagmamadali man, ang bawat hakbang ay mayroong kasamang pagiingat, yakap-yakap ko sa aking dibdib ang antigong pluma, ang pluma na ginamit pa raw noon ni Zoilo Hilario noong siya ay nabubuhay pa at namamayagpag sa pagiging makata. Totoong mabigat pala ang pinaglalagyan ng tinta ngunit wala na itong laman, mabigat rin ang siguradong kaparusahan sa akin oras na malaman nilang itinakas ko 'yon mula sa ligtas nitong kinalalagyan. Minasdan ko ang balahibong panulat at malayo ang liliparin ng isip mo kung iyon ay matititigan, isipin palang ang madami nitong pinagdaanan sa kamay ng isang maalamat na manunulat at kung papaano nito isinalin ang mga salita upang maging kumpas ng damdamin, puso at isipan.

Ang mga ulap, sila ang sumalubong sa akin sa tuktok ng gusali. Doon ay may isang bagay agad akong napatunayan–kahit gaano ka pa kataas ay titingala ka pa rin. Dala ko sana ang aking kamera upang makuhanan ng larawan kung ano ang mismong nagpapabilib sa aking mga mata nung araw na 'yon. Kung nakapagdala rin sana ako ng yosi, ay magiging mas masarap ang pamamalagi ko sa taas. Ano bang iniisip ko? 'Yan na naman ako't iniisip ang aking mga bisyo, sawa na akong maging maling halimbawa. "Pangako talaga! Huli na ito!" usap ko naman sa sarili dahil naalalang ako nalang pala ang estudyanteng wala pa sa silid-aralan kung saan dapat ay naroroon ako.

Sa aking paglingon nakita kong mayroon pa pala akong kailangang akyatin at 'yon na ang pinakamataas na bahagi ng gusali. Sa aking pag-akyat ay natanaw ko na ng malaya ang iskwater na kanina ay hirap na hirap ko pang silipin sa bintana, sinimulan ko na rin nong itali ng goma ang aking nagtataeng bolpen sa pluma na gagamitin kong panulat, pinagtatawanan kaya ako ni Zoilo at Rizal mula sa itaas dahil sa kalokohang ginawa ko sa panulat? O 'di kaya sila ay kapwa naka-salumbaba habang hinihintay ang aking masasabi  sa kaawa-awang kalagayan na aking nakikita. Alam kong may maitatala ako ngunit hindi 'yon kasing inam ng paglalarawan ni Rizal tungkol sa nangyayari sa bayan gamit ang nobela, at sa pagbibigay hinaing at pananaw ni Zoilo sa pulitika sa pamamagitan ng pagdula. Hindi ako makapaniwala, ganon pala ang pakiramdam na mahawakan ang pluma, tila hiram na kapangyarihan na habang nasa iyo ay malaya mong gamitin sa mga nais mong isulat.

Ibinahagi ko ang lahat sa kapirasong papel na aking kaharap, sa kaniya ko itinala ang aking mga nakikita. Ang tindero ng sorbetes na miya't-miya ang punas ng pawis, ang mga batang mainit s'yang sinalubong ngunit wala namang pambili. Ang hindi mabilang na mga gulong at ang kinapapatungan nitong mga butas-butas na yero. Ang mga naka pila sa poso na kating-kati nang makaligo. Ang nagkumpulang mga misis na pinapakiusapan ang mamumutol ng kuryente. Ang mga estudyante na papasok palang, mga paa'y walang saplot. Ang pusang ayaw kainin ang tinik na nilalanggam. Ang asong kulang ang paa, pilit sinusubukang makahabol sa amo niya. Ang dyip na walang gulong. Ang mga dalagitang natatakot tumawid. Ang mga nangangalakal na bata rin ay naglipana. Mga magulang na tawag ng tawag sa hindi mahagilap nilang anak, baka naman nariyan lang sa tabi-tabi at nakikipaglaro lang, may naghahabulan pa ngang mga matatanda, sigaw ng taya "Tang-ina mo papatayin kita! Bakit ang asawa ko pa!"

Marami doong makikitang barako, nagsusugal, nagiinom, nagkakara-krus, nagkakamot ng bulbol, nanonood ng mang kanor, naglalaba at nagsasampay na kulang na lamang ay magpalda. Kung tatanungin mo sila kung bakit hindi gamitin ang laki ng katawan para sa pagtatrabaho sasabihin nila sa'yong umeekstra-ekstra lamang sila, hindi nakapagtapos ng pagaaral kaya walang kumpanyang pumatol sa kanila. Kapag umuwi sila at unang hinugasan ay ang alikabok ng semento sa paa ibig sabihin ay may pera sa bulsa, pera na maililigtas lamang sa gutom ang pamilya para sa hapunan, kinabukasan, kumakalam na tiyan nanaman ang sabik na naghihintay sa pagdating n'ya, ayaw na ayaw ng kaniyang may bahay na dumarating siyang sambakol ang mukha, hindi raw 'yon magandang senyales para sa kanila. Kailangan na uling humanap kung saan pa ba pwedeng umekstra.

"Mahirap ang buhay" yan ang laging sabi nila. Kailan kaya darating ang swerte? Kailan kaya sila mabubunot ni Bossing Vic? Kailan kaya sila mabibigyan ng jacket ni Kuya Will? Kailan kaya magiging ang magandang balita sa telebisyon ay tungkol naman sa kanila at hindi sa mga nagkakabalikang showbiz. Gusto na nilang sumuko sa hirap ng buhay ngunit kailangang maging matatag para sa pamilya. Maging ang kalapati nga doon ay naglayas na't hindi na nakayanan, mas mabubuhay pa siya kung tutuka na lamang ng mga bulate sa kung saan. Nanggigitata ang Bata, walang humpay ang pag-ubo ng kaniyang may sakit na Ama, sugat-sugat na mga paa, 'di mabigyan ng panlunas at medisina. May kaya ang aking pamilya kahit papaano, ganon pala kami ka-swerte kumpara sa kapalaran ng mga iskwater ng San Mateo. Ngunit papaano sila? Papaano silang mga hindi naibigay ang mga pangangailangan?.

Inilapag ko na non ang pluma, dahil ako man ay hindi na maatim ang aking mga naisulat at maisusulat pa. Humiga ako sa yero na iyon, sa bubungan ng hagdan sa tuktok ng gusali. Dahil malilim naman at masarap ang simoy ng hangin mula doon ay naramdaman ko ang ginhawa sa aking paghiga. Habang nakatingin sa mga nangungusap na ulap ay napaisip ako, naisip ko kung gaano karami ang estudyanteng nasa ilalim ko, nagaaral at sinusubukang matuto dahil sila daw ang pag-asa ng Bayan at ang edukasyon ang kayamanang hindi kailanman maaagaw sa kanilang kamay. Naisip ko, habang nagpapakasarap 'din pala ako sa kaitaas-taasan ay maraming nagugutom sa ibaba, sinusubukang mabuhay, sinusubukang labanan ang hamon ng kahirapan. Ganon pala sa kaitaas-taasan, hindi pwedeng patay malisya ka nalang sa kung ano ang mga nasa ilalim mo.

"Isang araw sa Pilipinas sa ating lupang sinilangan ay nagpahiram tayo ng pluma sa kaitaas-taasan, ibinigay natin ang kapangyarihan para maidikta ang takbo ng ating Bayan, umaasa tayong magiging maganda, maayos, at may pagbabago nang masisilayan. Ipinahiram natin ang pluma kasama ang tiwalang sa pangakong magiging matuwid ang daan, tiwala na hindi sana mapunta lamang sa wala."

"Aldrin... Aldrin..."

Nadinig ko non ang pangalan ko at nagising sa aking pagkakahimbing. Nakatulog pala ako sa bubong at 'di na namalayang inabot na ako ng gabi doon. Ang isa sa aking mga maestra ang tumatawag sa akin, dahil walang ilaw doon ay dala niya ang isang lampara na katulad ng ginagamit sa mga Sagala.

"Nandito po ako!" sigaw ko naman

Habang tinitingala ako sa aking kinaroroonan ay bahagyang napangiti si ma'am Rodriguez.

"O eh akala ko ba nagbago ka na? Bakit nandyan ka at hindi nanaman kita nakita sa klase ko kanina? At... Tinakas mo pa yang pluma ha."

"Hiniram po ma'am! Pangako huli na ito." ngumuso pa nga siya sa sinabi ko na parang ayaw maniwala at nakikipag-biruan

"Bumaba ka na nga d'yan at alalang-alala na ang mga magulang mo sa'yo, nandoon sila sa baba."

Madami na ang naghahanap sa akin, ganon pala katagal ang ipinamalagi ko doon. Alam ko na rin na posibleng sinturon na naman ang kaharapin ko paguwi ngunit huli na 'yon, dahil nangako na ako sa sarili, doon mismo sa lugar na 'yon, sinabi kong magbabago na talaga ako, tunay na pagbabago.

_____________________________

Dalawang taon na ang lumipas mula noon. Heto muli ako ngayon kung saan rin ako naroon nung araw na 'yon. Kolehiyo na ako ngayon at hindi naman ako lumiban ng aking klase, katunayan ay narito ako para gawin ang isang ulat ko para sa markahan, sa madaling sabi ay narito nanaman ako para sumulat. Mamaya na, humiga muna ako at nagde-kwatro pa nga ng paa.

"Talaga naman... Hindi ka pa rin nagbabago."

Hindi ko na kinailangang lumingon, nanatili akong nakatingin sa kalangitan. Si ma'am Rodriguez 'yon sigurado, hindi ko kasi malilimutan ang tila laging nagpapangaral na boses niya.

Tumayo ako, nilabanan pa ng nakakasilaw na sinag ng araw ang malayo kong pagtanaw. Buntong hininga naman para sa pagtingin ko paibaba, sa iskwater ng San Mateo na hanggang ngayon ay nakikiusap.

"Nakakainis nga po ma'am. Malayo pa ang pinanggalingan ko para lang ang kalabasan ng buong ulat ko ay Wala Namang  Naging Bago."


~END


Aldrin Espiritu 1/17/2013


~~ o ~~

Ang maikling kwentong ito ay nagkamit ng ikapitong karangalan sa Bagsik ng Panitik (BnP) 2013







Tuesday, January 15, 2013

A Kwentista Year Review


Sabi nila pinaka lumitaw daw ang aking pagiging madrama sa aking mga naisusulat. Ako man ay aminado, baka nagsasawa na nga yung iba na puro sad ang ending ng aking mga maikling kwento kaya paminsan eh gumagawa naman ako ng hapi ending kahit papaano.

Gusto ko lang ishare ang para sa akin eh pinaka parang achievement ko, at kahit gabuhok lamang ang mga ito kumpara sa mga naisusulat ng ibang Writers eh proud ako na naisulat ko ang mga ito. Ito yung tatlong akda na tingin ko eh pinaka naisulat ko na maayos, hindi maganda, baguhan lang naman ako habang buhay haha. Gusto ko lang ishare, yun lang, mula ito sa iniwan nating taon 2012. Naway magkaroon pa ako ng marami-raming gatas tulad noon upang makasulat muli ng malaya, yung hindi pinipilit, damdamin ang s'yang nagdidikta.

_____________________________




Nung sinulat ko ito breaktime ko sa trabaho, nandun ako sa kubo kung saan pinapatambay ang mga nagaapply sa company nakitambay ako sa kanila kasi busog pa naman ako andami kong inalmusal nung umaga non. Mukhang uulan non kaya paglabas ko ng selpon ko 'ulan agad yung una kong sinulat sa drafts. Kakabreak lang namin ni ****** dahil daw nawawalan na ako ng oras sa kaniya, ayun... Ni-relate ko dito yung ulan sa pamamagitan ng tula, okey yung resulta, madramang makata ang datingan, naging Literary Tools yung ulan.




Ito namang tula ng paghanga sa loob ng shuttle ko to sinimulan at ipinagpatuloy nalang sa bahay, kilig-kilig kaya masasabing inspired ako nung sinulat ko ito, nakatabi ko kasi s'ya nun eh, at siya pa ang nagsabing dun ako tumabi sa kaniya ^__^ yun lang hindi kami nagkaroon ng happy ending pero okey na sakin yung naging close kami bago pa siya mag-endo. Nagulat din ako kasi biglang tumaas ang views sa tulang ito, ewan ko ba kung maganda talaga, o madami lang hits dahil marami ang naghahanap sa Google ng tula patungkol sa paghanga.



Ito namang salamin. Katas ito ng sumagi sa isip kong ideya, ang ideya ay "Taong Sumasalamin sa Isa't-isa". Sinimulan ko ito na hindi alam kung paano tatapusin, siguro yun mismo ang nagpaganda sa takbo ng kwento, dapat kasi isang Sulat lang ito nadugtungan ko para maging isang maikling kwento. Hindi mataas ang views pero para sakin ito yung Maikling Kwento na pinaka nabigyan ko ng buhay. Oo nga naman, anong buhay eh ang lungkot-lungkot nung kwento? Ewan ko ba ang ibig ko lang sabihin itong Kwentong ito ay buong buo para sa akin, laman nito yung mga dapat taglayin ng isang Maikling Kwento.

_____________________________


Sana lang ay makasulat pa ako ng maayos, hindi sana maubusan ng ideya ang kokote kong kakarampot. Hindi sana ako maging sabaw this year. Nagpapasalamat din ako dahil nagkakaroon na rin ako ng mangilan-ilang viewers. Hindi ko naman hinahangad yung makilala, okey na sakin yung nagba-blog ako para magawa ang hilig ko. Salamat po ulit sa lahat ^__^




Saturday, January 12, 2013

Bawat Bukas


Gaano katotoo ang sinasabi nilang pag-gising sa panibagong araw? Yung mapapadpad ka kung saan lahat ay brand new, panibagong mga makikilala na hindi mo alam ay mga nakasama mo na rin pala, panibagong lugar na lingid sa'yong kaalaman ay iyo na palang napuntahan at dati na nitong naipamalas sa mata mo ang kagandahan nitong taglay, panibagong mangingibig na sa ibang dimensyon, sa naunang buhay, at sa nakaraan ay iyo na palang minahal, wala kang alam sa lumipas at sa 'yong nakaraang buhay, lahat ay bago at ikaw dito ay no clue.

Sabi sa mga libro kahit daw baligtarin pa ang mundo ay magmamahalan pa rin si Samson at Delilah, kahit sa kabila man o sa panibagong buhay, ganano ito ka-posible? Gaano ito ka-totoo? Ang meant to be ba ay magfufunction pa rin kahit ilang beses nang subukan itong tibagin ng malikot na tadhana at guluhin ng umiikot na mundo't umaandar nitong oras? Dahil rin ba dito kaya hindi na nagmahal ng sinuman si Rose simula noong lumubog ang maalamat na Titanic? Kaya rin ba nagsimula nang pamugaran ng kuto si Rapunzel sa paghihintay sa kaniyang knight riding a kabayo? Ganito pala katindi, hindi nag aalinlangan tangayin ng maraming kuto at kahibangan nila ang lahat para d'yan sa meant to be na yan.

_____________________________

"This is reality" sabi ko sa'yo noon matapos mong sabihing meant to be talaga tayo. Kung iisipin kasi ay para talaga tayong pinaglalapit ng tadhana, naging magklasmeyt tayo buong taon sa elementarya, matapos ang elementarya dahil nagsisimula sa magkaparehong letra ang ating apelyido ay apat na taon ring magkaparehong klase ang pinasukan natin sa buong hayskul. Akalain mo, nagkasabay pa tayong kumuha ng exam sa college na pareho pala nating papasukan.

Lagi mong sinasabi sa akin noon na meant to be talaga tayo, para talaga tayo sa isa't-isa. Naniniwala ka pa rin ba sa mga sinabi mo noon? Huwag mong pansinin ang mga luha sa mata ko, hindi ito pagpapaawa o anumang katulad non, naaalala ko lang kasi yung tayo noon, masaya, walang mga problema, at madalas ay nandito rin tayo kung saan mismong tayo'y nakatayo ngayon. Tinawag mo ang lugar na itong Taimtim na Mundo kung saan sinabi mong nalilimutan mo ang lahat ng gumugulo sa'yong isipan, kung saan sinabi mong malaya ka at walang makakapigil sa lahat ng mga nais mong isigaw. Dito natin ipinakilala sa umaagos na tubig sa ilog ang ating pagmamahalan, ibinulong natin sa ihip ng hangin ang pagibig na walang hanggan.

Mabuti pa ang ilog may sinusundan sa kaniyang pag-agos, samantalang sa ating buhay hindi natin alam kung ano ang maaaring mangyari kinabukasan. Mahirap sakyan ang mga pagsubok ng buhay, kung minsan ay nais ko na ring sumuko sa kawalan ng pagasa ngunit hindi ako nagpatalo't ipinangako sa sarili na mamahalin ka sa bawat araw ng aking buhay, kahit pa ang bawat araw ay panibagong simula para sa atin, hindi ako magsasawa na mahalin ka.

_____________________________

Angkas kita sa aking motor, tanaw na natin ang kahabaan ng ilog noong araw na 'yon na papunta tayo dito. Dama mo na ang masarap na simoy ng hangin at itinaas mo pa nga ang kamay dahil namiss mo ang feeling na ganon. Kasabikan rin ang naramdaman ko non dahil ilang araw tayong hindi nagkita dahil sa pagiging abala sa kaniya-kaniya nating Thesis. Kasalanan ko ang lahat, sa pagliko ay 'di ko napansin ang papasalubong na kotse sa atin.

Hindi ko na maalala ang iba pang mga nangyari matapos 'yon, ikaw naman ay walang alam tungkol sa mga nangyari, nagising ka mula sa coma, akala ko doon ay ayos na ang lahat, ngunit sinabi ng mga doktor na naapektuhan ang utak mo at ang memorya mo ay tumatagal lamang ng halos isang araw, kung kaya nga tayo nandito ngayon at ipinapaalala ko sa'yo ang lahat ng naganap.

Kung pwede lang sanang hindi na ipaalala ang trahedya, gusto ko nalang ipaalala sa'yo ang masaya nating nakaraan, gusto kong iparamdam muli sa'yo kung gaano kita kamahal. Bukas 'pag gising mo sa umaga, ako ulit ang makikita mong may dalang mga bulaklak na kumakatok sa inyong pintuan, sino ako? magsisimula muli ako sa'yong magpakilala, ang isang tao na handang ialay ang tunay na pagmamahal, at handang iparamdam sa'yo na kahit pa anong mangyari ay para tayo sa isa't-isa, kahit pa araw-araw kong gawin, kahit pa ang bawat bukas sa atin ay panibagong gabi't araw, panibagong simula.

~~ o ~~

Short term memory loss or Anterograde amnesia is a loss of the ability to create new memories after the event that caused the amnesia, leading to a partial or complete inability to recall the recent past, while long-term memories from before the event remain intact.

Image credits to Makatang Lasenggera




Thursday, January 10, 2013

Pulp Summer Slam XIII: Til Death Do Us Part



Sabik na ako sa Pulp Summer Slam XIII: Til Death Do Us Part. Hindi ko nagagawa yung taon-taon pero sisiguraduhin ko na makakapunta ako ngayon dahil hindi ako nakapunta last year. Ngayon pa nandyan ang As I Lay Dying. At siguradong sulit nanaman ang P400 sa dami ng freebies. Magkikita-kita nanaman kaming mga baliw na magtotropa. Hindi lang sila ang namiss ko, kundi ang pilit nilulubog ng panahon na matatag at solido naming grupo, ang Sandatahang Wekek ng Muntinlupa.

Malayo pa pero sabik na ako, nung pumasok ang taong 2013 sumagi rin ito sa isip ko, na hindi pwedeng hindi ako makikigulo rito. Isa lang ang sigurado, bukas paguwi ko, may ticket na ako ^__^

Date:

April 27, 2013, Saturday

Venue:

Amoranto Stadium, Quezon City, PH

Ticket Prices:

General Admission: 400php

Ticket Outlets:

SM Tickets

SEE YOU AT THE SLAM!

Show starts at 1pm.
Gates open at 12 noon.




Sunday, January 6, 2013

hubasila?



Sa mga pormal na kasuotan sila'y masisilayan
Sa mga saradong pintuan sila ay naroon lamang
Sa paglabas sila'y 'di bastang malalapitan
Agad na haharangin ka ng kanilang mga bataan



Wednesday, January 2, 2013

Espiritu Family: Pagsalubong sa 2013


Mga larawan larawan namin sa pagsalubong sa Bagong Taon ^__^



Kyot kyot!






Wazzup! wazzup! 

















At nang magsimula ang putukan...











Balik sa tagayan...






Simba sa Lipa kinaumagahan...




































Hanggang doon lang, Next year ulit ^__^





All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.