Nilagpasan ko lang si Mang Nards na tila napansin 'din ang hindi normal kong aura ngayon kaya hindi na lamang ako pinuna. Nagwowork nga ang dasal lalu na't sa oras ng matinding pangangailangan, ilang hakbang lang papalapit ng kan'yang kinatatayuan ay ilang santo rin ang aking natawag upang hindi matalsikan ng nagaalok ng tsismisan n'yang laway. Ilang hakbang rin ng malampasan siya ay parang panibagong mundo na ang aking kinapadparan, doon kung saan mas malakas ang bulungan, tsismisan, tawanan, at kulitan ng iba't-ibang grupo ng mga studyante. Hindi na rin nakakapanibago ang mga seryosong eksena na umookupa sa bawat ilalim ng punong ginagawang tambayan, mga seryosong hitsura ng mga magkasintahan, katahimikan ang nananaig sa kanila na malamang ay dahil sa tampuhan, misunderstanding, o kung anuman, kulang nalang ay mahulugan ng bunga para kumibo naman at masabing may natitira pa namang buhay, sitwasyon na sa paglipas ng ilang tagbunga ay akin naring pinagsawaan.
Tignan mo nga naman, mayroon silang bagong pinagkakaguluhan, ang patok na mini clip entitled Amalayer na ngayon ay available narin sa iba't-ibang format, meron pang isang studyante ginagaya ang asta ng babae sa nasabing Amalayer bidyo. Kung sa orihinal na umarte nga eh hindi bumagay, sa kan'ya pa kaya na mala-TheBigShow ang timbang. You Think Amalayer? hindi na rin bago sa pandinig ko ang linya, katunayan ay dala ko pa ang maraming patunay narito't nagpaparty sa aking inbox. Paano ko nga ba kasi iiwasan ang hindi magduda at hindi paniwalaan ang mga sinasabi ni Brenda? mag dadalawang taon na kami ngunit imbes na nagtitibay ang samahan ay mas papalabo ng papalabong daan ang ibinibigay sa amin ng sarili naming larawan.
Kasalanan ko; bakit kailangan ko pang maghinala kung meron naman daw ako ng tinatawag na tiwala? Kasalanan n'ya; bakit sa ibang tao ko pa maririnig at malalaman, may tinig naman s'ya na kung ginagamit lang sana ay hindi ko na kailangan pang magduda. Ang reasoning ba ay kakailanganin lang kapag buko na at kailangan nang malinawan ang mga hindi nakaalam? isang tanong pa, masisira ba ng basta-basta ang tiwala kung talaga namang walang dapat ipaghinala. Sinong mali, sinong tama? isa lang ang alam ko, ikagagalit niya kung magpapatuloy ako sa pagdududa. Pinanghahawakan ko nalang ang sinabi ni Brenda, wala akong dapat na ikabahala.
Tumunog ang bell na hudyat ng panibagong simula, simula na matatapos bilang isa ring normal na araw. Ano ba ang abnormal? ang abalang pagkutingting ni Brenda sa cellphone niya sa gitna ng klase?, o ang hindi niya pagkibo nung dumaan ako sa harapan n'ya?. Tanaw ko ang lahat mula sa likod kung saan ako tinapon ng proper arrangement na sinasabi ni Ma'am Roda, doon ko parang pinapanood na pelikula ang maraming kadramahan sa buhay ni Brenda, kita kahit mula sa likod ang pinipinta ng bawat kilos n'ya, na kung kinikilig sa mga katextmate niya, masaya, namumula, kinikilig dahil may dumaan na cute sa bintana. may ikinalulungkot, natatakot, o bagot na bagot na siya. Parang absent ako at wala doon para makita ang mga ginagawa niya, at malamang ay ganon din ang nasa isip niya.
Pungay pa nga ang aking mga mata, matapos ang apat na oras na pakikipag away at pakikipag sigawan sa mga kahera at crew ng aming hell's kitchen samahan ay dapat kong namnamin pa ang limang oras pa ng aking araw para naman sa pagaaral. Gagawin ko nanaman daw unan ang mesa sa laboratory ni Ma'am Roda kaya maaga palang ay agad na niya akong binalaan. Ilang beses na rin niya akong binalaan tungkol kay Brenda, me kasama daw lalake paminsan na ang sigurado daw ay hindi ako dahil kalbo. Baka kaibigan naman po–sabi ko, pero ang hulma ng kilay niya ang nagsasabing 30% lang ang posibilidad na friend nga, 70% naman na may affair.
Hindi naman isa sa mga tsismackers na parang virus kung kumalat si Ma'am, sa pagkakakilala ko sa kaniya hindi, hindi talaga. Lumalabas na concern lang kaya nasasabi niya ang mga bagay na tulad nito sa akin, palibhasa ay iniwan ng kinakasama kaya muli ay araw-araw humahalimuyak sa kan'ya ang mamahaling perfume at sampung oras kung magpaganda s'ya, tumatanggap na rin siya ng mga gifts nung ibang teacher sa faculty nila, puno nga ng tsokolate ang mesa pagdadating s'ya, pero sa student teachers parin ng mga high school nakatingin ang apat na mata niya.
Sabi ni Ma'am, bulag daw ba ako, wala daw ba akong mata, niloloko na raw ako eh nagtatangatangahan pa. Kung pwede nga lang eh kahit magmukha pa akong kwago sa pagbabantay tututukan at tututukan ko si Brenda. Wala naman kasing ebidensya, kaya hindi nawawalan ng alas si Brenda, isa pa, meron pang pagasa para sa akin na maibalik ang dati naming masayang tambalan. 'Di tulad ngayon, hindi pa man kumukulubot ang aming balat ay nawawala na ang tamis, bata pa naman kami, gagradweyt kami at mas marami pang hamon ng buhay ang darating matapos 'yon, pinagpapalagay ko nalang na ang mga ito ay pagsubok, pagsubok na malalagpasan din at matatapos.
Nagpatuloy rin ang walang pansinan namin hanggang uwian, swerte pang maituturing na lumingon s'ya sa akin sa pagtayo niya bago pa ihakbang ang kanang paa sa perimiter ng lab., ngumiti at para akong kinawayan na sanggol ni Brenda, iiwan saglit at babalikan rin naman. Ilang minuto rin akong naiwan na nakaupo parin sa loob ng lab., hindi pa nga maiwasan ni Ma'am na kaawaan ang hitsura ko, patingin-tingin sa akin habang may isinusulat. Ano pa nga bang hinihintay ko? pasko? o ang pagvibrate ng cellphone ko dahil siguradong magtetext si Brenda? Doon kasi ay parang ibang nilalang siya, nasasabi ang lahat at siya pa nga itong magagalit kapag wala akong load para mareplyan s'ya, ibang-iba sa Brenda kanina na parang hindi ako kilala, katulad ngayon na nagtext siya–pgud aq, uwi na ako, ingat k ah? text mo rin ako pag nsa bhay kn :)
Sa totoo lang mas nanaisin ko pang matalsikan ng laway niya, maamoy ang paminsan ay may pagka-unwanted na hininga niya, at pagtiisan ang view ng may brace na ngipin n'ya habang sasabihin sa akin 'yon kesa itext lang sa akin. May mga bagay kasi na pwedeng sabihin sa text kahit hindi naman talaga 'yon ang nararamdaman o ginagawa natin, katulad rin ng pagsasabi natin ng "lol" sa ating facebook kachat, pero ang totoo sa harap ng monitor eh nakasalumbaba ka at hindi man lang napangiti at the moment. Para akong naka talikod na inaalam ang mga ginagawa ni Brenda at ang mga updates sa everyday n'yang pamumuhay niya, kung hindi naman pala totoo ang mga sinasabi eh talikuran akong niloloko ni Brenda. Gusto pa ngang tumawa ni Ma'am sa joke ng isang teacher na biglang nagtext sa kaniya pero pinipigilan lang dahil naroon ako't nageemote sa tabi ng bintana. Minabuti ko na rin lumabas para umuwi at magpahiga naman, sayang ang oras, sakto lang ang walong oras na tulog, at gigising ako para ulitin ang scenariong ito bukas.
Panibagong araw nanaman ang sisimulan ngayon na may scheduled replay para bukas. Hindi bukas kundi kagabi ang bukambibig ni Mang Nards sa pagpasok ko sa gate ng Campus. Maaga pa naman kaya nahatak ako ng kaniyang panghahalina. Pabulong siya kung magsalita, may milagrong nangyari daw bandang alas-otso sa loob ng Immaculate Heart, kitang-kita daw ng dalawang mata niya ang mga pangyayari, at ungol ng babae daw ang nagdala sa kaniya sa palikuran sa labas ng faculty, turo-turo pa niya ang malayong daan papunta roon kung saan daw naganap ang kababalaghan dahil nandon pa daw ang mga patay na pumatak sa tiles bilang ebidensya, Parang madaldal na nilagyan ng tape sa bunganga si Mang Nards, nagsisimula palang akong maginit sa na rin sa kwento niya ay tumigil siya sa pagsasalita ng biglaan. Dalawang lunok ng laway rin ang napagmasdan ko mula sa kaniya at nagsimula siyang pagpawisan. Saktong tumunog ang bell kaya kumilos na ako't tinalikuran siya. Nagulat ako sa pagharap ko, hindi man lang kasi nagsasalita, nakatayo lang pala sa likuran ko si Brenda.