Sunday, November 11, 2012
novum ascendes 2
Isang gabi palang na hindi ka nakita ay parang hindi ko kaya, ano kayang ginagawa mo? kumain ka na kaya? naiisip mo din kaya ako?. Tulala pa nga ako sa cellphone kong ang silbi lang ay para marinig ang boses mo kung sa malayo. Tumunog kaya ang pagasang ikaw naman ang unang makaalala? mag ring kaya akong bigla sa isip mo para masabing may nakakamiss din naman pala sa akin kahit paminsan. Ganito pala ang pakiramdam kapag nagiisa ka't iniwan. Ganito pala kapag ang mga naisin mo ay siya nang lumalayo sa'yo, dahil minsan napatunayang hindi nararapat sa kamay mo ang tulad nito.
Hindi ko rin gusto ang nangyari. Hindi mo alam kung ilang beses kong sinubukan magsalita't ipaliwanag ang sarili nung araw na 'yon ngunit ang dila ay paaatrasin lang ng katahimikan mong ang ibig sabihin ay tampong malalim, mabuti pang hindi umimik, ayokong mas lumalim pa ang galit. Naiintindihan naman kita, alam kong mahirap ang maging pabiglabigla sa mga bagay, ganon din sa pagtanggap ng mga ito, ikaw na nga lang itong may pakialam sa akin sa'yo ko pa nagawang maglihim. Masisisi mo ba ako? gusto ko kasi masaya lang tayo palagi, tulad ng dati malayo tayo sa problema ng mundo, walang ibang iniisip kundi ang ating hinaharap, kung saan pauli-ulit mong ipinasumpa sa aking hindi tatawanan ang magiging paglaki ng 'yong katawan sakaling dinadala mo na ang biyaya ng Diyos sa atin. Wala sa akin 'yon, kung ang chubby kong soon to be asawa ay may itataba pa pala, ipinangako ko at alam kong sa paglipas ng panahon ay mas magiigting pa ang pagmamahal ko sa'yo, pangakong mamahalin kitang tunay.
Sa bigat ng problema ay nagagawa ko parin ang ngumiti kahit papaano, dahil na rin sa paglipad ng isip ko sa mga masasaya nating sandali. Tanong ko naman sa sarili, may pagasa pa kayang maulit ang mga tulad ng dati? pakiramdam sa bawat numerong ineekisan sa kalendaryo ay mas lalung paglabo ng posibilidad na maayos muli tayo, suntok sa buwan kung tawagin, dahil ako nalang yata ang umaasa.
Tanging katabi ko lamang sa jeepney ay ang mabigat kong mga dalahin. Ganon din sa damdamin, dahil alam kong aalis akong may sama ng loob ka sa akin. Kasalanan ko ang lahat, wala akong isang salita, bagay na nagpapamukha sa akin na hindi naman talaga ako karapatdapat. Sinayang ko ang tiwal't pagmamahal mo, tiwala na kapag nasira ay mahirap nang ibalik pa sa dati nitong tibay. Ganito lang talaga siguro sa kalsada ng buhay, may mga daan na dapat iwasan dahil ayaw nating mahirapan, may mga lalabagin na road signs at traffic regulations dahil ayaw mapagiwanan. Sa huli kung saan naisip mong mali ang naging andar mo sa pagpapatakbo ng buhay, malalaman mong mas mahirap pala ang bumalik at maraming nakaharang na hadlang sa nais mong gawin na pagmamaniobra.
Pumara ako sa pinakamataong lugar ng Alabang, sa terminal ng mga pamprobinsyang bus, maluhaluha pa nga ang aking mata dahil nakita kong naroon ka't tila may hinahanap sa dami ng taong naroon nagsisiksikan at naghihiyawan. Ako kaya ang hanap mo? halos manlambot ang tuhod ko sa takot pero alam kong dapat kitang lapitan, pagkakataon na hindi ko dapat hayaang masayang, marami na akong na pagkakataon, hindi ngayon pa ako aatras sa tyansang maibalik ang dati at maisaayos ang lahat-lahat. Ang ganda mo nagpasigla't nangibabaw sa natatanging dapit hapon na 'yon, ang pagsayaw ng buhok mo kasabay ng hangin at inosensteng pagikot ng nakikiusap na mata sa paligid ang s'yang nagtulak sa akin upang tuluyan nang lumapit.
"Kristel?" mahina kong sambit dahil hindi alam kung ano ang magiging reaksyon mo na malamang naroon din ako, ako na nagpasyang iwan ang mga problema't manatili nalang muna sa probinsya. Lumingon ka't niyakap mo akong agad, naramdaman ko ang luhang binitawan mo sa aking balikat. Ang katotohanan na ako ang dahilan ng 'yong pagluha ay dahilan para muli kong sisihin ang sarili sa mga maling nagawa. Yakap na kita sa akin at tila wala nang mas mahalaga pa sa mga sandaling 'yon, nawala na rin sa isip ko ang mga dala-dala kong naibagsak sa sandaling nasilayan ka. Noon pa'y pangarap ko ang mahalin kita, kung makakamit muli ang nasayang na panaginip ay hinding hindi na ako magkakamali. Pangakong mamahalin kitang tunay.
"Mahal mo ba talaga s'ya?" tanong mo na parang bata sa akin.
"Ikaw ang mahal ko, tulad ng paulit-ulit na pinapaalala ko sa'yo."
"Pero bakit mo nagawa sa 'kin? diba may pramis ka?"
"Nagkamali ako Kris, pero mahal kita at hayaan mong patunayan ko sa'yo."
"Sasama ako sa'yo Dhie, magsimula tayo ulit." Ang binitawang salita at halik ay tila tanda ng pagbabalik. Dadaan tayo sa mga pagsubok at masisira ang mga bagay na ating pinahahalagahan, darating sa puntong hahanapin ang bawat piraso upang maibalik sa dati nitong saya, bagay na kasiyahan kong maisasagawa sa muling pagbibigay ng pagkakataon sa akin.
Otso pesos lang ang pamasahe pabalik ngunit marami ang idudulot nitong sakit, kailangan ipagpatuloy ang ang takbo ng buhay at humanap ng daan para magsimulang muli–mga bagay na iniisip ko habang tulog ka sa aking balikat sa pagandar ng ating sa isa't-isa'y muling pagibig.
Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment