Kinakapa pa ni Annie ang kaniyang bulsa, inaalam kung hindi ba nalimutan ng kaniyang Ama na baunan siya ng bimpong pamunas sa kanilang pamamasyal. Mabuti nalang at meron, napunasan nga ni Annie ang pawis ngunit pagka irita parin ang mababatid sa kaniyang mukha sa sobrang init na natatanggap ng balat. Hindi siya sanay na ganito ang nararanasan, mabuti pang manatiling nasa bahay at magkulong sa di-aircon niyang silid–ganito ang nasa isip ng walong taon gulang na si Annie habang nakaupo kasama ang Ama sa tapat ng maalamat na simbahan.
Sa panahon ngayon, sino ang magtatangkang lumarga na walang dalang pamaypay, payong, panyo, at kung anu-ano pang pangontra sa pagngiti ni haring araw. Hindi naman agad 'yon naisip ni Annie, malay ba n'yang dito ang punta nila. Ang inaasahan niyang pamamasyal sa mall, nauwi pala sa pakikipagsiksikan, at pagkikihalubilo sa maraming mamimili at namamasyal sa Rosario. Tirik ang araw at maraming tao doon ngunit dalawang imahe lamang ang umiinteres sa kaniyang mga mata sa dami ng makikita roon, ang nagtitinda ng sorbetes na pinagkukumpulan ng mga kabataang tulad niya, at ang tindero ng lobo na ang dala-dalang paninda'y turu-turo ng mga batang akay ng kanilang ama't ina.
_____________________________
"Anak sayang naman ito, ayaw mo ba?." nagpatuloy ang pangaalok ni Ben sa kaniyang anak, sayang naman kasi at matutunaw lang ang sorbetes na binili niya para dito. Patuloy rin na nagmatigas si Annie, bagay na nakasanayan na ng Ama na gawain niya. Kahit pa ang katotohanan naman ay kanina pa gusto ni Annie na matikman ang pinaghalong ube at mangga na lasa nito. Tampo sa Ama parin ang pinairal ni Annie at hindi tinanggap ang inaalok na sorbetes nito.
"Alam mo ba anak, hindi mo dapat na sayangin ang mga bagay na ibinibigay sa'yo." Napatingin si Annie sa Ama matapos biglaang nagseryoso ang boses nito. Katulad mo anak, biyaya ka sa amin ng Diyos kaya aalagaan kita at palalakihin ng maayos sa abot ng makakaya ko–dagdag pa ni Ben sa sinabi.
"Bakit ganon Daddy, 'diba dapat nandito rin si Mommy at inaalagaan ako tulad ng ginagawa mo?." Ang katanungan ng anak ay hindi na bago sa pandinig ni Ben, mula pa kasi noon ay wala siyang naipakilalang ina sa kaniyang anak. Habang nakanguso parin si Annie ay iniisip ni Ben kung ano ang isasagot sa katanungan ng kaniyang anak, tulala siya at tila nilipad sa malayo ang kaisipan. Hindi nasagot ni Ben ang katanungan, bagkus ay naisipan nalamang nito na kwentuhan ang kaniyang munting princessa.
"Alam mo ba anak, ito ang paborito naming pasyalan ng mommy mo. Hindi pa ganito dito noon, dati ay malinis at walang masyadong tao ang nagpupunta rito, maliban sa mga magsing irog tulad namin ni Mommy mo noon, na ang nais mahanap ay ginta ng katahimikan na bubulong at magpapagaan sa pakiramdam ng mga pusong nagmamahalan. Sa hitsura ng lugar ngayon dalawa lamang ang nananatiling sariwa sa alaala ko mula sa dati nitong larawan, ang Simbahan ng San Carlos na noon pa'y nariyan, at ang kakaibang pakiramdam na idinudulot sa akin ng lugar sa tuwing ako'y mapapasyal."
Napaikot din ang paningin ni Annie sa buong kapaligiran, isip-isip niya ang inilalarawan ng ama sa kaniya. Tila patunay pa sa kaniyang mara ang tuyot na dahon sa sahig, nalaglag mula sa hindi tipikal ang laki na puno na sumasagisag rin sa edad ng lugar. ang kinauupuan nga nila ay basag na ang simento dahil sa mga umangat na matatandang ugat nito.
"Aalis na tayo Daddy?." wika ni Annie nang tumayo ang kaniyang ama hawak-hawak ang kaniyang kanang kamay. "Dito muna tayo Daddy, magkwento ka pa."
Halata naman sa walong taon gulang na si Annie na ang pagkadawit ng kaniyang Mommy sa kinukwento ng kaniyang ama ang uminteres sa kaniya, hindi naman s'ya masisisi ni Ben, sa walong taon kasi na pamumuhay ng anak ay siya lang ang kinilalang magulang nito. Siya ang naghahatid-sundo kay Annie sa paaralan, siya ang kinakailangang gumising ng maaga para magising rin ang anak, siya ang nagluluto't naghahanda ng baon nito sa araw-araw, higit sa lahat ay siya ang naging kasama nito sa kaniyang lakbay.
Mula doon sumabit sa isipan ni Ben ang isang katanungan–ito na ba ang tamang oras para ipagtapat ko sa kaniya ang lahat?. Nakatingin siya sa anak na para itong may malalim na iniisip. Musmos na naghahanap ng kasagutan naman ang nakita n'ya mula sa anak. Kumbinsi sa sarili ni Ben–ito na nga ang tamang panahon, kailangan na n'yang malaman.
Dinala ni Ben ang anak papalapit sa mamang nagtitinda ng mga lobo, saglitan niyang binitawan ang kamay ni Annie upang senyasan ang na kukuha siya ng isa mula sa paninda nito. Matapos makuha 'yon ay agad na iniabot ito sa anak. Bakas na ang kalungkutan non kay Ben, at lumuhod siya sa harap ng kaniyang munting princessa upang ipagtapat dito ang lahat.
"Anak 'yang lobo at itong sorbetes ay mayroong pagkakapareho, pareho silang hindi maaaring magtagal sa ating mga kamay, ang lobo sa paglipas ng mga oras ay mauubos ang hangin, liliit at 'di tatagal ay puputok, ito namang sorbetes ay mawawala ang lamig at matutunaw lang kung hindi agad uubusin. Ganito rin si Mommy mo anak, kinailangan kong tanggapin na wala na siya gaya ng dapat mo ring gawin, wala na siya dito sa mundo pero naging masaya kaming magkasama. Kahit hindi ganon katagal kaming nagkasama ay masaya ako na minsan ko siyang nakilala, lalu pa't binuksan niya ang puso niya para sa akin. Wala na s'ya pero masaya ako na minsan akong napagbigyan makapiling ang isang tulad niya. Ganon pa man hindi ko kailanman inisip na madamot ang Diyos sa akin, dahil anak, ibinigay ka ng Diyos sa amin, sayang lang at hindi nagkaroon ng pagkakataon ang Mommy mo na makasama ka pero alam kong masaya siya para sa atin. Nawala siya kapalit ng pagkakataong masilayan mo ang ganda nitong mundo anak. Ako? Masaya na akong balikan ang lugar na ito kasama ka, dito rin tayo magkakasamang tatlo noong sumisipa ka pa lamang sa tiyan niya at kami naman ay sabik na sabik na makita ka."
Magsasalita pa sana si Ben ngunit dumampi ang mga kamay ng anak sa mga pisngi niya para punasan ang hindi niya napansing luha na nagsimula na palang umagos mula sa kaniyang mga mata. Niyakap siya ng anak at hindi niya maipaliwanag ang sayang naramdaman niya noong mga oras na 'yon, tila 'yon oras na nagpalaya at nagpaluwag sa puso niyang nangungulila. Naintindihan ni Annie ang nararamdaman ng ama, naramdaman niya ang awa sa ama, at naunawaan niya ang lahat-lahat. Nabitawan ni Annie ang lobo, na siya namang umagaw sa pansin ng mag-ama.
"Daddy yung lobo.." turu-turo ni Annie ang lobo na malayu-layo narin ang nilipad. "Hayaan mo ibibili nalang kita ulit anak."
Matapos s'yang ibili ng panibago ay itinali ito ni Annie sa kaniyang kanang kamay. Tanong naman ni Ben–bakit mo itinali anak?.
"Ayoko nang masayang ulit, bigay mo sa akin 'to Daddy eh." Pasimpleng inagaw pa ni Annie ang sorbetes na hawak ng ama. Ngiti ang parehong ipinamalas ng mag-ama sa mga oras na iyon. Hawak ang kamay ni Ben, si Annie pa ngayon ang humihila sa kaniya upang ipagpatuloy ang paglalakad. "Mamasyal pa tayo Daddy, kwentuhan mo pa ako tungkol kay Mommy ha."
"Oo naman anak, idedeyt kita sa Rosario, tulad ng dati naming gawain ng Mommy mo. Ikaw ang princessa ko ngayon." Nakangiting sagot ni Ben sa anak.
~~ o ~~
Ang kwentong pambatang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 4
Inilunsad sa pakikipagtulungan ng
Maraming salamat sa ating mga sponsors: