Sunday, September 16, 2012

Ang Pagbabalik


"Ang kwento ng aking pagbabalik. Baliktanaw sa alaalang tila dahon sa hangin, makulay at may buhay sa kabila ng katotohanang 'di  na magtatagal ay matutuyot rin."

Libu-libong alaala ang nagbalik sa akin sa aking pagsakay, sinubukan kong umidlip na lamang ngunit kahit pagod kontra ang magagandang tanawing nasisilayan mula sa bintana ng bus na aking sinasakyan. Tulad ko rin sa kanila, tila masaya sila na ako'y muling makita. Sa malayo, kagandahan ang ipinamalas ng papalubog na araw, dahilan para maramdaman ko ang buong kaginhawahan sa aking marahan na pagsandal.


Namiss ko ang ganitong pakiramdam, pakiramdam kong nagbabalik ako sa aking pagka bata. Naaalala ko yung noon, tuwing bakasyon nabyahe kami para umuwi ng batangas, mga araw na akala ko paghingi ng aguinaldo lang ang dahilan ng aming pagbisita, mga panahong hindi pa alam ang kahalagahan ng pagsasama-samang muli ng magpapamilya.

Hinubog na ng lumalakad na panahon ang pagiging binata ko. Panay na ang reklamo ko tuwing uuwi kami doon. Hindi ko gustong manatili ng matagal, malabo ang telebisyon, walang play station, at kung hindi katahimikan ay puro bee gees lang ang musikang naririnig ko doon, salamat parin sa gameboy kong panandaliang pumapawi sa pagkainip ko. Wala doon ang hilig ko kaya madaling gumugusot ang mukha ko tuwing uuwi kami doon para magbakasyon. Sino nga namang magaakala, makikilala ko ang isang Sheila na magbabago sa aking pananaw. Sinong magaakala, may isang Sheila na hindi lamang magiging dahilan ng masayang pananatili ko, kundi narin ng buhay ko.


Naalala ko noong una kaming magkita, noong una kong masilayan ang ganda niya, nasa ilalim lang siya ng punong bayabas kasama ang kaibigan niya na naging daan para makuha ko ang numero niya, yung totoo nabighani kasi ako agad sa kaniya, hindi naman makapal ang mukha, ayoko lang palagpasin ang pagkakataong makilala ang tulad niya. Kaarawan ng Tita Susan ko non at kabilang si Sheila sa mga studyante niya na bumisita, pumasok sila para kumain non kaya nakausaop ko ang makulit niyang kaibigan na hiningian ko ng numero niya, hindi ko mismong nakausap si Sheila pero masaya na ako non dahil sa pagalis ay nilingon niya ako na may kasamang ngiti pa.


Naging matiyaga niya akong manliligaw, patunay d'yan ang halos isang taon kong paghihintay. Totoo ang sinabi niya–mahirap kasi na malayo kami sa isa't-isa. Sa huli napasagot ko rin siya, at dahil doon ay tila ba naging libangan ko lang ang paguwi sa Batangas. Gusto kong palagi s'yang makasama, mahal ko siya at masaya akong makita rin s'yang masaya. Tuwing kapiling ko ang aking mahal, tila ba ayaw ko nang dumating ang bukas, gusto ko na lamang manatili sa tabi n'ya, kung maaari lang kalimutan ko na ang pagpasok sa skwela, kung pwede lang kay Tita Susan nalang ako tumira gagawin ko dahil 'yon ang mas maglalapit sa aming dalawa.


Mali daw ang iniisip ko, kailangan daw sa pagaaral ay magsumikap ako, isa lang ang hindi ko sinangayunan sa sinabi ng mahal ko, ang sinabi n'yang maraming bagay pa ang mas mahalaga kesa sa kaniya. Ganon pa man, alam kong siya ang kinabukasan ko, siya ang babaeng habang buhay na iibigin ko, para sa akin walang bagay na mas mahalaga pa sa kaniya. Oo nga't bata pa ako non para sabihin 'yon pero naniniwala ako na kung kami nga'y magkatuluyan, kahit sa mumunting kubo lamang manirahan, alam kong magiging masaya ako kasama ang aking mahal.


Tama nga sila, kung magmamahal ka kailangan ay marunong kang makinig. Si Sheila para s'yang si Tita Susan at iba ko pang mga naging guro, maraminng pangaral siya na dala sa akin, binago niya ang isang ako sa mga pananaw, paniniwala, at mga gawain. Alam kong ikabubuti ko ang hangad niya, kaya hindi ako nagdadalawang isip na sundin siya, nakakalungkot lang isipin na paminsan ang pagibig na namamagitan sa amin ang masasagasaan.


Lumipas pa ang mga taon, mga panahon 'yon na kailangan ko ng trabaho, gusto ni Sheila na hanapin ko ang sarili sa Maynila. Hanggat pagibig ang pinanghahawakan, hindi mapuputol ang taling nagdurugtong sa aming dalawa na nagmamahalan. Hindi raw balakid ang paminsan lang namin na pagkikita, ang mahalaga daw ay mapagtagumpayan ko ang lakbay ng buhay. Dagdag pa niyang babalik naman daw ako't naroon siya, siya parin ang mahal kong si Sheila, kasama ang pangakong hindi magbabago ang nararamdaman para sa isa't-isa.


Siya ang lahat-lahat sa akin, siya ang dahilan ng pagsusumikap, siya ang dahilan kung bakit sa hirap ng mga pinagdaraanan ay nagagawa kong ngumiti. Inspirasyon ko ang aking mahal, natanggal sa aking katawan ang pagiging Juan Tamad dahil kinakatakutan kong maranasan ang kahit gatiting lamang na pagtatampo niya. Ang ibinigay niyang kamay sa akin ay habang buhay kong aalagaan. Siya ang buhay ko, siya ang lahat.


_____________________________


Mukhang uulan pa yata, konting tiis nalang–bulong ko sa sarili nang matanaw ang maraming tao na nagmamadali malapit lamang sa babaan. Dala ang pangako't pagasa bumaba ako sa sasakyang hindi lang nagdala sa akin sa paroroonan kundi nagbalik rin ng mga alaala na parang mga dahong nililipad sa kawalan, isa-isa kong binalikan, mga alaalang hiling ko ay hindi nawakasan.


Naging abala ako ngunit ngayon ay nakabalik. Ngiti lang ang makikita ngunit tagu-tago ng ulan ang inipong luha ng pangungulila sa aking pagbabalik, salamat sa pagulan dahil hindi ko gustong mabatid ng aking mahal ang dala kong kalungkutan. Matagumpay na naprotektahan ko mula sa malakas na hangin ang mga bulaklak na dala ko para sa kaniya, sayang at hindi ko na nagawang sindihan ang kandilang dala, sumuko na ang posporo mula sa pantalon kong nabasa. Nagawa ko na lamang ay hawakan ang pangalan ng aking mahal at batiin siya para sa kaniyang kaarawan.


"Kung bakit mo inilihim alam kong may dahilan. 'Wag kang magalala hawak ko parin ang tali mahal." Sambit ko sa harap ng mahal kong si Sheila.



~~ o ~~

Ang maikling kwentong ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 4


Inilunsad sa pakikipagtulungan ng


Maraming salamat sa ating mga sponsors:




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

13 comments:

  1. karaniwan ang mga pagtatapos na kagaya ng sa iyo. Pero ang istilo ng paglalahad ng kanyang pagbabalik ay kakaiba! Hindi ko nahulaang ganoon pala ang nagyari! Ayos!

    ReplyDelete
    Replies
    1. maraming salamat po sa magandang puna ^__^

      Delete
    2. sang ayon ako... okay ang istilo ng pagkakalahad sa kwentong ito... Goodluck sa writer ^___^

      Delete
    3. salamat sir jondmur at nagustuhan niyo ^__^

      Delete
    4. welcome ^__^ jon na lang hehehe wag na sir ^_^

      Delete
  2. aww, muntik nang tumulo ang uhog ko! ayus! goodluck satin ser!

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehe maraming salamat sa pagbabasa ser nobenta. goodluck satin ^__^

      Delete
  3. lungkot pala ng ending. =(

    ReplyDelete
    Replies
    1. opo, pagibig na nabuo, at trahedya. salamat po sa pagbasa ^__^

      Delete
  4. unpredictable ang ending .. galing galing :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. hehe maraming salamat po sir bagotilyo :D

      Delete
  5. nakakatuwa naman,, nag enjoy ako sa pag babasa.. promise.... nakakalungkot lng ang ending..

    ReplyDelete
    Replies
    1. salamat sa pagbasa. salamat po at nagustuhan niyo ^__^

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin