Biglaang may pagtago pa si Leyah sa likuran kong nalalaman, napadaan kasi ang marami niyang kasamahan sa HR Department na nangaasar pang ang swit-sweet nanaman daw namin. Sa likod ko pa talaga, akala naman ay maitatago siya ng manipis kong pangangatawan. Binati ko nga ang mga kasamahan niya at isinigaw "Musta friends!? Itinigil ko na ulit ang paninigarilyo, ngayun-ngayon lang."
"Para kang ewan.." Ang salitang narinig ko tuloy sa babaeng nasa aking likuran na may halong tunog ng pagtatampo. Bakit nga ba kasi ganito ang inaasal ko, para bang nawala ba sa isip kong hindi naman kami, talong long time manliligaw parin niya ako hanggang sa ngayon, hindi naman pagturn-off ang ginagawa ko, feel ko lang magkulit at maging pasaway, tipong yung dating ako, yung ako na walang nagbabawal, pumupuna, kumokontrol, at nagdidikta sa mga kilos ko, feel ko lang maging Aldrin ulit.
Epic ang takipsilim na iyon, may namamagitan sa aming galit na nagiging sweet, meron pang kulitan na nauuwi sa seryosong usapan. Pabago-bagong mood na dala narin siguro ng malakas na hangin sa mataas na smoking area ng pinapasukan naming kumpanya. Alam ko kasing may panibagong isesermon nanaman siya patungkol sa paghihit ko ng yosi, kaya hindi pa niya nababanggit ay para bang inis na agad ako, wala rin naman kasi akong lusot, hindi ko naman pwedeng idahilan na tinatanaw ko lang ang view ng papalubog na araw mula roon, ano pa bang gagawin ng isang tulad ko sa smoking area? magbebreak dance? malamang nga ay magyoyosi break. Magsasawa lang siya sa paulit-ulit kong pangako "Last smoke na 'yun", kaya para bang wala na sa akin ngayon kung magagalit siya, bahala na si darna at walang makapipigil sa mga nais kong gawin mula ngayon.
Hindi pagiging maka-sarili. Hindi ko rin naman pwedeng sabihing para sa ikabubuti ko rin ang pagyoyosi, kaya wala na rin akong maidahilan, mahabang katahimikan ang resulta, may pagtitig siya sa akin na para bang iniisip kung anong nangyayari sa akin at kung bakit ako nagkaka ganito. Sana lang ay hindi niya pansing gumigilid ang panigin ko't pinapakiramdaman rin ang bawat kilos at ginagawa niya.
"May problema ba tayo?" Pagaalalang tanong ni Leyah sa akin. Gusto ko sanang sabihin; na wala, at mawawalan ka na ng problema, hindi mo na ako kailangang problemahin simula ngayon. Kung pwede lang talaga, ayoko naman kasing biglain siya. Kaya "Wala naman, meron ba?" ang naisagot ko sa kaniya, kalakip ang ngiti na nagsasabing wala siyang dapat na ipagalala.
"Nasasakal ka na sa akin 'no?" Sa tunog ng pananalita ay hindi naman mababatid ang pagiging seryoso niya sa sinabi pero naubo ako sa aking panyo nang marinig 'yon, para bang ubo ko ang nagsilbing ringing bell na nagsabing Correct!, "Oh yan kasi yosi pa" nakahanap pa tuloy ng butas para sa simpleng pagpaparinig si Leyah.
Bigla-bigla ay nagchange topic, iniba niya ang usapan at isa 'yong himala, kadalasan kasing ang sermon ay mahaba, napansin siguro niya na wala na kasi akong kibo kapag tungkol sa pagninigarilyo ko ang binubukambibig niya. Dapat lang, maiba naman paminsan-minsan. Akalain mo 'yun, kanina lang ay gusto ko na siyang iwanan sa ere pero mapupunta pa pala sa sweet at seryosong usapan ang natitira pang 10mins sa 15mins break na ginugol namin para magstay sa smoking area, kami lang.
"May no good material ka nanaman sa report ng line niyo kanina." Napangisi lang ako non sa sinabi niya, hindi naman kasi talaga sa akin kundi inako ko lang ang kamalian ng isang OJT, tama ba naman kasing magpapasok sa kumpanya ng underage? Malamang ay hindi non kayanin ang maririnig na sermon ng mga nakatataas kung sakali baka mag backout pa kaya bilang sabihin na natin ay mas nakatataas kahit papaano ay inako ko na, wala naman kasing nakakita, at sanay na naman ako, noong bago nga ako eh araw-araw kong inalmusal ang may volume na boses nila. Hindi ko naman masabi kay Leyah na hindi 'yon sa akin, wala akong focus–dahilan ko na lamang sa kaniya.
"Pero naalala mo ba ang sinabi ko? Kung isa ka mang pyesa hinding hindi ako magkakamali sa'yo, at aalagaan kita na parang ikaw na ang pinaka maselang bagay na maaaring mahawakan ko." Natuwa si Leyah pero tanong ko parin sa sarili kung bakit ko pa nasabi 'yon, nawawala na ako sa sarili't bumabalik pa ako sa pagka korni, ganon pa man ay katotohanan ang lahat ng sinabi ko sa kaniya at kaya ko 'yong pangatawanan, hindi rin ako nagsisisi na kung bakit hard to get pa ang napili kong ligawan, noon pa ay alam ko nang hindi ako nagkamali, talagang mapaglaro lang siguro ang tadhana. Parang gusto ko na tuloy maniwala sa nabasa ko kamakailan lang; maakit ka man sa isang tao 'o bagay, kung hindi talaga para sa'yo, paghirapan mo man ay zero.
Sabi ko naman sa sarili, "Mahalaga ay sumubok, importante ay alam niyang mahal ko siya." oks na 'yon, mas masakit nga namang mawaka ako sa mundo na hindi ko nasabi ang nararamdaman sa kaniya. Niyakap ako ni Leyah non, at doon ako nagulat, hindi pa kasi niya nagawa 'yon, lalu naman ako dahil sa takot masampal o anuman. "Huwag kang magsasawa't magbabago sa akin ah?"
Ang malambing niyang boses na 'yon ang nagparealize sa akin ng halos lahat-lahat, na kung bakit ba kailangan kong sundin ang mga ayaw niyang gawin ko, na kung bakit kailangan kong maghintay sa araw na tanggapin niya ako bilang kasintahan, alam ko namang mahal niya ako eh, kung tatanungin niya kung bulag o manhid ba ako ay hindi na rin ako magtataka. Kaya non ay binago ko na rin ang isipan, sinabi ko sa sarili na maswerte nga ako't narito katabi ko ang isang Leyah, na hiling ko ay pang habangbuhay na makakasama ko. Saan pa ba ako makakahanap ng tulad niya na tanging para sa ikabubuti namin ang hinahangad. Dapat ko siyang pahalagahan, naniniwala ako na para kami sa isa't-isa, at dapat kong paniwalaan 'yon kung talagang mahal ko siya walang kasabihan ang makakadikta sa tatakbuhin ng aming lovelife, ang maging nasa iisang panig ang dapat na panghawakan ng dalawang nagmamahalan, ito ay ang panig na tinawag ring pagibig, pagibig na nabubuo ng samahang nagpapakilig, nagbibigay saya, at kumukumpleto sa dalawang indibidwal, nasa kamay natin kung papaan ito aalagaan at pahahalagahan.
15mins lang, mabilis lang, tila maraming nangyari at maraming nabago sa nadarama ko. Ngayon, mamaya, bukas aayusin ko na ang lahat para sa aming dalawa, hindi na ako gagawa ng ikagagalit niya, bagkus ay susuklian ng higit na pagmamahal ang pagmamahal na ipinadarama rin niya. Bukas, sana ay marami pang bukas, katulad ngayon tapos na ang ilang minuto na bakante naming oras, sana ay mabigyan pa ako ng maraming oras para makasama siya. Nagpaalam na kami sa isa't-isa non kasabay sa paglubog ng araw, hindi ko malilimutan 'yon, hinalikan pa niya ako na tila may halong pagaalala. Huwag sana siyang magalala na isang araw ay magbago ang pagibig ko, habang buhay kong mamahalin si Leyah. Naka ilang lingon rin siya pabalik sa kinatatayuan ko nang pinagmamasdan ko siyang paalis, sa tuluyang pagtalikod niya ay sunod kong pinagmasdan ang panyo ko na kanina ay aking naubuhan, may dugo sa panyo kong hawak. Tanging paghiling nalang ang mga sunod kong nasabi; sana ay hindi ganon kabilis. Bukas, sisimulan kong sulitin ang bawat minuto at oras na kasama si Leyah.
No comments:
Post a Comment