Sunday, October 4, 2020

Alamat ng Taal

art credits: abremson
"Paunawa. Ang akdang ito ay orihinal na kwento na aking ipinaskil sa www.kwentistablog.blogspot.com. Ito ay personal kong isinulat, hindi ito para sa mga proyekto o' aralin sa mga paaralan. Salamat po sa inyong pagbasa at pagbisita sa aking blog :)"  -AldrinEspiritu(Blindpen)

Si Benita, pangalawa sa walong magkakapatid. Kahit kailan ay hindi nagkaroon ng pagkakataon si Taal na makilala ang kahit sino sa kapamilya o' kahit kamag anak man lang ni Benita ngunit palagi niyang nababanggit ang kaniyang mga kapatid na si Kanlaon at Musuan. Tahimik daw ang mga kapatid niyang iyon ngunit mahirap biruin. Palagi niya ring reklamo kung bakit silang dalawa lang ni Hibok ang pinagkaitan ng tangkad sa magkakapatid.

Madalas siya kila Taal. Halos doon na nga siya tumira at dahil wala namang kasama sa munting tahanan at buhay si Taal ay itinuring na rin siya nitong isang tunay na anak at tinatawag siya ni Benita na Tatay. Kakaiba ang batang si Benita, musmos siya kung tignan ngunit kung sa kilos at pananalita ay tila marami na siyang nakita at nalalaman. Maraming tumatakbo sa isip niya na hindi normal na mapadpad sa isipan ng isang bata. Kung paminsan, matapos ang mga biruan nila ay magugulat na lang si Taal sa mga nasasabi ng bata, na minsan ay hindi niya maintindihan ang ibig sabihin.

Bukod sa hindi nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng sarili pamilya ay normal naman ang pamumuhay ni Taal. Mayroon pagkaing maaani, tahanang masisilungan, at Diyos na matatawagan. Pero ang mga kabaryo nila na nakakasalamuha ni Benita ay tila pinapalad sa buhay na siya namang dahilan kung bakit palaging hanap-hanap ng mga kabaryo nila ang batang si Benita. Pakiwari nila'y ang bata ang nagdadala ng swerte sa kanilang buhay.

Si Taal. Hindi na niya hangad ang maraming salapi at mga materyal na bagay. Masaya na siya at ang hangad na lamang niya ay ang pagiging masaya ng kaniyang mga maiiwan sa pagdating ng araw, kasama na doon si Benita. Laging tanong niya sa bata-"Bakit hindi ka bumalik sa totoo mong pamilya?". Ngunit lagi rin nitong sasabihin sa kaniya-"Si Ama't Ina po ang nagpapunta sa akin dito 'Tay, gagabayan ko po kayo Tatay Taal. Pati na ang mga taong nangangailangan."

Hanggang sa nagdalaga na si Benita ay hinayaan lang niyang magpatuloy ang mga nagsisilapit sa kaniya para mabahiran ng swerte. Habang ang kaniyang Tatay Taal ay tumada na ng tuluyan at halos nakaratay na lamang sa kaniyang higaan sa hirap nito sa pagkilos. Lumipas pa ang mga araw, buwan, at taon, mas dumami pa ang nagsisilapit kay Benita, kahit ang mga taga ibang lugar ay sinasadya na rin siya.

Unti-unti ay nagusbungan ang mga gusali, establishimento, mga patag na kalsada, at marami pang mapagkakakitaan dahil na rin sa mga buenas na naibibigay ni Benita sa mga tao. Naisip niyang maaaring sobra na ang naibigay niya sa tao ngunit wala siyang magawa para sa kaniyang Tatay Taal. Hanggang sa isang araw ay tuluyan na niyang isinarado ang pintuan para sa mga nagsisilapit sa kaniya at inalagaan na lamang ng husto ang kaniyang Tatay. Hinawakan niya ang kamay ng kaniyang Tatay, may luha sa mga pisngi ni Benita at sinabing-"Hayaan mo Tatay ikaw ang magiging saksi kung paano natin sila ilulubog sa sarili nilang luho, at balang araw ay babawiin ang lahat sa kanila."

Lumipas ang mga araw. Wala ng narinig ang mga tao tungkol sa mag-ama. Wala na sila sa lugar, at bali-balitang pumanaw na rin si Taal. Ang naroon na lang ay mga manggagawa na maghuhukay para sa bagong itatayong gusali ngunit sisimulan palang ito ay yumanig at unti-unting lumubog ang lupa. Nagtakbuhan ang mga tao, ang iba ay hindi nakaligtas dahil ang malaking hukay na nabuo ng pagyanig ay mabilis na napuno ng tubig. Matapos ang sakunang iyon ay tumambad sa kanila ang malawak na karagatan at mataas na lupa sa gitna nito.

Takot na takot ang mga tao doon dahil unang beses pa lang nilang nakaranas ng sakunang tulad non. Naghirap muli ang kanilang mga pamumuhay, at ang iba ay nawalan ng mga mahal sa buhay. Naisip nila paniningil ito ng kalikasan, haka-haka rin nilang paniningil ito ng mahiwagang bata na si Benita na malungkot dahil sa pagkawala ng kaniyang Tatay. Mas malaki pa raw ang sakuna na maaaring mangyari pag nagalit muli si Benita, kaya bilang respeto at pagpupugay nila, ang umusbong na lupa sa ginta ng malawak na tubig ay tinawag nilang Bulkang Taal.


~


posted from Bloggeroid


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin