Wednesday, January 29, 2014

Ang Paborito kong Teleserye


credits: all about paye
Magsisimula ang ating kwento syempre sa lugar kung saan rin tayo unang nagkita at nagkakilala. Sa CYA Bldg, isang taga HR, at isang aplikante na halatang hindi naman goal ang matanggap sa trabahong inaapplyan. At d'yan na papasok ang Majika ng unang pagdadaupang palad. Hiwaga ng unang tingin, ng makausap ka'y bumilis ang kabog sa dibdib. "This is it! Got to Believe." bulong pa sa sarili

Hindi ka kasing ganda ni Marimar, o kasing sexy ni Darna, ngunit ikaw ang mala Dyosa na princessa sa aking mga panaginip. Ngunit nasa realidad tayo kaya hindi ka biglang magkakaroon ng paa ng kabayo o pakpak ng ibon. Inisip ko na lang, tulad ni Dyesebel maaari nga talagang magkaroon ng dalawang paa ang isang napakagandang nilalang mula sa kalaliman ng karagatan.

Masyadong puma-fantasy na ang ating drama. Balik na lang tayo sa araw na ipinakilala kita sa aking Ina, Kapatid, at Anak. Ay! Wala pala akong anak, pamangkin lang. Pero ang point ko ay hindi ko naman gagawin 'yon kung hindi pa ako sigurado sa'yo. Alam ko sa aking sarili na ikaw na. Sana, sana, sana. Sana ay Ikaw na Nga. Dahil sa'yo na umiikot ang aking mundo, as in mundo ko'y iyo at Mundo mo'y Akin.

Panahon ay lilipas, maong ay kukupas.At tulad sa maraming teleserye na napapanood sa T.V gabi-gabi, iikot sa away-bati, at tampo't tamis ang kwento natin. Hindi naman maiiwasan 'yan. Pero thank God dahil wala namang eksena na nagkakahulihan na mayroon ng iba yung tipong may Magkaribal. Sabi ko sa aking sarili, kaya kong tiisin ang ganito, at isang araw ay magiging maayos din ang lahat, Huwag ka lang Mawawala sa akin. Malas ko nga lang, dahil sa mga away-bati na 'yon, ang huling beses pala ay away at doon matatapos ang lahat ng sa atin ay naguugnay at namamagitan.

Hindi ko alam ang tunay na dahilan noon kung bakit biglang naging maarte, demanding, at palaging malamig ang pakikisama mo sa akin. Sa isang iglap ay nagbago ka, sa isang iglap ay nawala na ang dating ikaw. Pero teka, hindi ko sinisisi sa iyo ang lahat. Alam kong may mga kasalanan at pagkakamali din ako kung kaya't maagang nagwakas ang kwento ng ating pagmamahalan. Ganon pa man, naniniwala akong May Bukas Pa para sa atin, kaya para akong si Santino na laging nananalangin sa itaas na isang araw ay magbabalik ka sa akin.

Hindi na ako makapaghintay na Makapiling Kang Muli. Nasaan ka kaya ngayon Elisa? Masyadong maagang nagtapos ang serye ng ating pag-iibigan. Ang ating kwento na puno ng lungkot, tuwa, at pighati. Ang serye ng mga pinagdaanan natin na hanggang sa ngayon ay binabalik-balikan ko pa rin. Dahil ito ang paborito kong serye, ang paborito kong kwento na tanging naiwan mong alaala sa akin.



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

2 comments:

  1. Parang may comment na ako dito pero bakit wala? nabasa ko na to before eh...hehehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. wala eh. uy baka isipin mo binubura ko ah? kahit negative pa yan, super open ako sa mga comments hehe. salamat sa pagbabasa ^___^

      Delete


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin