Tuwing sasabihin kong tahanan namin, naiimagine ko na agad ang galit na hitsura ni Aling Nelia. Ganon kasi palagi dati, ayaw n'yang maging feeling part ako ng pamilya niya, awa ng Diyos hindi ko rin naman talaga ginusto, malay ko bang siya pala ang Inang ng babae na magiging pinakamahalagang tao sa buhay ko, ang babaeng pakakasalan at mamahalin ko ng habang buhay. Kinailangan ko pa tuloy maging mamimili sa mga paninda niya tuwing sabado at linggo para lang masulyapan si Grace dahil namimiss ko siya ng sobra. Parang isang kwentong pampelikula sabi ni Ely Buendia, at tama nga, kapag inlababo kang tunay lahat ay tila ba ayos lang, wala kang kapruble-prublema sa buhay.
Tatlong araw nalang ay bye-bye na. Ako yata ang pinakamalungkot na nilalang noong papalapit na ang aking pagalis pansamantala. Nakailang subok na ako ngunit mahirap talaga ang maka-hanap ng trabaho dito sa Maynila, meron man, hindi tatagal ng anim na buwan ay kailangan na ulit humanap ng panibagong mapapasukan. Para sa aming magiging pamilya kaya hindi ko na inisip na sayang naman ang pinagaralan. Para sa aming future kaya kahit alam kong mahohome-sick ako sa unang araw palang ay nagpatuloy akong tanggapin ang anyaya ng aking pinsan, may trabaho daw na naghihintay sa akin doon sa gitnang silangan.
Lahat tayo may pangarap, ang akin ay ang makasami si Grace at mamuhay kami ng maayos at masaya, malaya at walang problema, magkaroon ng mga anak, dalawa? tatlo? apat? at mabubuhay kami sa loob ng isang masayang tahanan. Ito rin ang mga bagay na araw-araw kong iniisip habang nagtitiis sa init at kumakayod buong araw malayo sa aking bayan at mga minamahal. Gising man ay ito ang palagi kong panaginip. Ang inspirasyon ko sa araw-araw na pamumuhay.
Tatlong taon rin pala ang nakalipas. Heto ako ngayon nilalakad ang kahabaan ng montillano footbridge, bawal kasing tumawid kung saan ako ibinaba ng nasakyan kong dyip. Gaano pa ba kalayo? Malapit na, amoy ko na ang malalansang isda ng talipapa sa mismong paglagpas sa arko ng Sta. Rosa, ang aming lugar. Kaunting lakad nalang, konting tiis nalang. Parang dati tuwing matatapos ang trabaho ko sa pagawaan ng salamin at bakal, sabik na sabik kong nilalakad ang patungo sa tindahan ni Aling Nelia para makahigop ng malamig na coke 500 at umubos ng ilang maasukal na donat.
Sa wakas ay nakita ko na ang aking hinahanap–sabi ulit sa isang kanta ng Eraserheads. Sumalubong pa nga sa akin ang engrandeng late christmas pailaw sa mismong bahay ni Mayor, home sweet home ang nasabi ko kahit hindi naman 'yon ang aking bahay. Sinimulan ko nang talikuran ang magandang tanaw na 'yon at dinukot ang sampung pisong barya sa aking bulsa. Sa harap ko ang tindahan ni Aling Nelia, ngunit napatigil ako at nanibago sa aking nakita, isa na palang napakagandang babae ngayon ang humalili sa pagtitinda doon. Bobolahin ko sana siya ngunit nang makita ang mukha ko mula sa butas ng tindahan ay agad siya tumakbo palabas. Niyakap niya ako ng mahigpit at pansin din ang luha sa kaniyang mga mata. Habang yakap siya ng mahigpit, ang bulong ko sa kaniya"Hindi na ako babalik doon, tutuparin ko ang pangarap ko dito kasama ka, kahit lagi pang nand'yan si Aling Nelia."
"Sira! Mama na dapat tawag mo sa kaniya 'diba?"
"Mama Nelia? Ansagwa."
isang simpleng pangarap na kapag natupad ay walang kapantay na kaligayahan... ^_^
ReplyDeleteHappy Happy New Year ^___^
tama heheh... the pangarap thing bakit parang anhilig ko ngayon sumulat sa tungkol diyan, heheh...
Deletesalamat sa comment at pagbasa! ^__^