Friday, December 28, 2012

Pangarap ni Kristen Kate Amada


"Gusto kita. Hindi ka katulad nung ibang mga lalaki."

Ito ang salitang naging dahilan para maiwang mag-isa, nakatulala, at nakangiti si Jake sa baitang ng hagdan sa isang gusali ng pinapasukang kolehiyo. Hindi parin makapaniwala sa narinig mula sa babae ng kaniyang mga panaginip na si Kate. Hindi naman pala mahirap–bulong niya sa sarili dahil napagtantong ang tulad niya na dati'y pasulyap-sulyap lang ang nakakayanan, ngayon ay napapalapit na sa dalaga at malaya na itong nakakausap tuwing matatapos ang eskwela. Batid niya ay isang bagay nalang ang kulang, 'yon ay ang maipagtapat niya ang kaniyang nararamdaman para sa dalaga.

Tuwing matatapos ang klase ay derechong uwi na sa bahay itong si Jake, bagay na kinatakhan ng dalaga sa kaniya. Ayaw naman daw niyang maging masamang impluwensya sa kaniya, pero 'diba? Madami pang oras, bakit hindi muna mamasyal, manood ng sine, gumala sa mall, o 'di kaya ay simpleng maupo sa paborito nilang spot, kung saan tama lang ang pagka-malamya ng hangin, hindi rinig ang ingay na nagmumula sa ginagawang building, at pigil ng mga dahon sa puno ang sinag ng araw sa direktang pagtama sa kanilang mga balat. Hindi na rin kailangan magubos ng pera si Jake para sa mga mamahaling bulaklak, nandoon lang, kukunin nalamang niya para ipalamuti at iipit sa tainga ng dalaga, kaya nga minamahal niya ang mga bawat sandaling ganon kung saan mas lilitaw ang kagandahan ni Kate na mamula-mula ang mga pisngi, tila hinihintay lang na magtapat sa kaniya ang binata.


Sa kursong Tourism na halos maubos ang oras ni Kate, angat siya sa klase na resulta ng pagsisikap niya, at dahil narin sa pangarap niya mula pa noon na makarating sa Paris. Batid niya ring paminsan-minsan kailangan ding magpahinga, yung magrelax ba, kalimutan paminsan-minsan ang mga pinagkakaabalahan at magsaya, katulad sa mga oras na kasama niya si Jake, simpleng pamamasyal at paglabas lang ay uuwi siyang may ngiti sa mukha, bago matulog ay haharap sa mesa at ikukwento ang masasayang nangyari sa diary niya na kasabay niyang matulog sa ilalim ng kaniyang unan.

Habang happy-ever-after na nga ang naglalaro sa isipan ng dalaga, sa kabilang dako ay hindi parin magpagalaman kung sinong bathala ba ang kinakailangang tumulak kay Jake para maipagtapat na ang nararamdaman, maraming beses na niya itong namasdan sa mga panaginip niya ngunit sa katotohanan ay zero parin ang standing niya, maging ang mga kaibigan niya ay todo suporta na nga sa kaniya, kasing solid ng fans ng Ginebra, at lahat ay nagaabang na sa ending at resulta. Laging palusot naman niya, darating ang tamang oras, may tayming daw na tinatawag.

Pumuti na ang tagak at natapos na ang lahat, naka-graduate na sila sa kanilang mga kurso ngunit bigo ang ating bida na maipagtapat sa dalaga ang tinatagong pagibig at paghanga. Noong araw 'din na 'yon, gusto ng lumuha ng kanilang mga mata dahil alam nilang 'yon ay paalam na. Isang regalo ang iniwan nila sa isa't-isa noong araw na 'yon, ang larawan nilang dalawa suot ang kanilang mga toga. Ang isang larawan na 'yon ay mistulang nagpapaalala sa lahat-lahat ng pinagsamahan nila sa kanilang buhay kolehiyo, at itinago nila 'yon sa kanilang mga puso.


_____________________________

Lumipas ang tatlong taon, sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkitang muli sina Jake at Kate sa isang hallway. Hindi alam ni Jake ang sasabihin dahil halatang asenso na sa buhay ngayon itong si Kate, nagtatrabaho pala si Kate sa opisina ng kumpanya kung saan natanggap si Jake bilang isang Machine Operator. Magsasalita na nga sana si Jake ngunit may isang taga opisina pa ang tumawag kay Kate kaya nawala ang atensyon nito. Nagsimula din sa trabaho si Jake noong araw na 'yon ngunit hindi parin maka move-on sa nakita kanina lalu pa't miya't-miya niyang naririnig sa speaker na tinatawag ang pangalang Kristen Kate Amada. Lalu pang gumanda si Kate ngayon kaya hindi parin siya makapaniwala sa nakita, kulang nalang ay sampalin ang sarili para makumbinsing hindi nananaginip at totoo ang mga nakita.

Sa opisina naman, parang mga bubuyog na nagkumpulan ang mga kasamahan ni Kate sa kaniya, tumaas kasi yung tsimosa level ng mga antena nila sa ulo nung nagsimulang magkwento si Kate tungkol sa nakaraan nila nitong new employee sa baba na si Jake. Hindi rin maipagkakaila na masaya si Kate na makita si Jake, mas malaki pa ang ngiti niya kay Elmo na naka-design sa tasa ng kape niya. Sino bang magaakala na dito pa sila magkikita, sisi niya rin ang sarili kung bakit hindi siya nakapagsalita kanina gayong masaya siya na makita si Jake, hiling niya na sana ay hindi nabago non ang tingin ni Jake sa kaniya.


_____________________________

Subic Bay Philippines–ang lugar kung saan kinalimutan ng lahat ang kani-kanilang mga trabaho at pinagkakaabalahan. Company Outing, naroon ang lahat at nagsasaya maliban kay Jake na nakaupo lang sa isang tabi pinagmamasdan ang tanawin mula sa kaniyang kinauupuan. Doon na siya nilapitan ni Kate na kanina pa pala siyang pinagmamasdan. Dala ni Kate ang isang photo album, sa pabalat ng album kapansin-pansin ang nakasulat na "My Journey", para lang itong idinikit doon. Yakap niya ang album sa pagtabi niya kay Jake.

"Alam mo, gusto kita. Antahimik mo kasi, hindi ka katulad nung ibang mga lalaki." si Kate

Nagkatinginan sila ng ilang segundo at natawa sa mga sarili, parang dati lang kasi, 'yon ang mga salitang madalas sabihin ni Kate kay Jake. Parang noon, masayang kwentuhan, palitan ng tanong, at nagkukulitan ang dalawa parang noon tuwing matatapos ang eskwela. Pinagmasdan ni Jake si Kate. Iniisip ang lahat-lahat, kung bakit ba hindi niya nagawang maamin noon, at kung may pagasa parin bang natitira.

Ipinakita ni Kate ang kaniyang My Journey photo album kay Jake. Sa pagbuklat niya ng album, ang bumulaga lamang sa kanila ay ang nakasulat na "Things To Do".

"Pagdating ko sa Paris, dito ko ilalagay lahat ng larawan ko doon, lahat!" nakangiting paliwanag ni kate

"Oo nga pala, ang pangarap mo."

"Pero bakit My Journey ang pamagat?" Tanong ni Jake

"Syempre yung parang paglalakbay ko yun 'diba?"

Natawa lang si Jake kaya hinampas siya ni Kate sa balikat.

"Yan ka nanaman. Pinagtatawanan mo ako."

Nakisama ang magandang panahon non. Ang mga humuhuning ibon. Ang malambing na tanawin mula roon. Ang tubig na humahalik sa kanilang mga paa. Sa ordinaryong araw kung saan naipagtapat ni Jake ang nararamdaman para kay Kate. Sinabi niyang mahal niya ito. Halos mapaluha naman si Kate at niyakap niya ng mahigpit si Jake. Nag-tick naman ang kamera ng isa nilang kasama na nakaiskor ng isang stolen shot mula sa kanila. Tumayo sila para habulin ito, at nang mapagod sa pagtakbo, hinawakan ni Jake ang mga kamay ni Kate at sinabing "Mahal Kita".

"Mahal din kita Jake. Noon pa."


_____________________________ 

Lumipas ang anim na taon, isang taon isang taon nang masayang kasal sina Jake at Kate non at malaki-laki narin ang ipon nila para makapunta ng Paris, ang pangarap ni Kate na ngayon ay pangarap nilang magasawa, ang pangarap na honeymoon nila.

Sa trabaho, isang masamang balita ang gumulantang kay Jake, bigla-bigla daw ay tumumba si Kate mula sa kaniyang upuan sa opisina kaya nagsimulang mag-panic ang lahat.


Sa ostpital na nalaman ni Jake ang lahat, sa mga sinabi ng Doktor na kinabigla niya. Ang sakit na halos tatlong taon na palang sumisira sa kaniyang asawa, at unti-unting bumubuwag sa mga pangarap nilang dalawa. Hindi na raw magtatagal si Kate, araw, linggo, buwan, walang makapagsasabi, Diyos lang daw ang nakakaalam. Duguan ang kamao ni Jake, ibinuhos ang galit sa puting haligi ng ospital. Paano niya sasabihin sa asawa ang lahat? Gayong mismo sa kaniyang sarili, hindi niya tanggap, ayaw niyang mawala sa kaniya ang kabiyak.


Nagising si Kate, tulog sa gilid ng kaniyang kama ang asawa. Nang magising si Jake, tinakpan na niya ng kaniyang daliri ang mga labi nito.


"Wala kang dapat ipaliwanag, dahil magiging maayos ang lahat." maamong kumbinsi ni Kate sa asawa


Lumakad ang mga oras, araw, linggo, buwan, nanatili silang masaya kahit hindi na nakakalabas si Kate, si Jake naman ay nag-resign na sa trabaho para mabantayan sa bawat oras ang asawa. Hindi sila natakot na darating ang araw na kakailanganin tanggapin ang katotohanan. Nabuhay sila na masaya, hindi balakid kung ang bawat araw na darating ba'y huling araw na nila na magkasama.


Dumating ang araw na mag-isa nalang si Jake, kinuha na sa kaniya ang kaniyang asawa at hindi niya malaman kung saan at papaano muling sisimulan ang buhay. Kahit ganon ay pinili niya ang magpatuloy at humakbang paahon, hindi siya magmumukmok, mababalisa, hihiga sa kama at literal na mamamatay na parang isang lovebird na nawalan ng kapares, unti-unting mananamlay, manghihina, at mamamatay dahil wala na ang kabiyak. Mas pinili niya ang magpatuloy tulad ng palagi ring sinasabi ni Kate sa kaniya, tuloy ang lakbay, tuloy ang mga pangarap.


Sa pagupo ni Jake, kinuha niya ang photo album ni Kate sa mesa, ang My Journey photo album na iningat-ingatan niya. Inaasahan ni Jake na walang laman ang photo album dahil hindi kailanman natuloy ang pangarap na pagpunta nila sa Paris, ngunit nagulat si Jake sa pagbuklat niya unang larawan na bumungad sa kaniya ay ang picture nilang dalawa na naka toga noong graduation, sumunod ay ang larawan nila sa college reunion, sinundan pa ito ng stolen shot na larawan nila sa Subic, magkayakap at kapwa nagulat sa kamera. Nagbigay 'yon ng ngiti sa mga labi ni Jake. Sa patuloy na pagbuklat, sumunod pa ang larawan ng proposal niya kay Kate sa kubo-kubo restaurant, yung oras na nakaluhod siya para mapasagot ng oo ang kasintahan. Ang larawan pa ng simple pero espesyal nilang araw, mga larawan ng kasal nila na nagpapakita kung gaano sila kasaya nung araw na 'yon. Naroon din ang larawan ng bakasyon nila sa baguio, at kung paano sila namangha sa lugar at mga tanawin doon, nakapasan pa si Kate kay Jake habang nakangiti at naka-peace sa kamera, si Jake naman na kunwari'y walang alam na parang backpack lang ang nasa likod niya.


Madaming larawan ang nagpaalala ng masasaya nilang mga sandali. Sa huling pahina ang pinaka huling larawan ay ang larawan nilang dalawa sa ospital, magkahawak ang kamay at kapwa nakangiti na para bang walang kahit na anong problema, isang masayang sandali kung saan pag-big sa isa't-isa ang kanilang tanging pinanghahawakan. Sa huling pahina rin na 'yon idinikit ni Kate ang isang maikling mensahe para kay Jake.


–Salamat sa pagtupad ng aking mga pangarap... Kate


~~ o ~~

Ang maikling kwentong ito ay handog kay Memz Hontiveros




Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin