Sunday, December 30, 2012

Night Market


"Taun-taon nalang gan'yan." Ang mga huling salita na narinig ko mula kay Kristine. Nakalimutan ko nanaman daw ipasyal s'ya sa mall para mamili. Kasalanan ng kumpanyang nagpapanggap na kasalukuyang nasa krisis, sa mismong last day ibinigay ang bonus na 80% pa kaya nakakainis.

Tumalab ang ginawa niyang pagpapamiss, hindi ako tinatawagan o itext man lang at alam kong hindi magandang sulusyon ang pangungulit sa ganon naming kalagayan. Kailangan kong umisip ng alternatibong pamamaraan para bang muling manliligaw sa babaeng halos tatlong taon ko nang kasintahan.

Mula SLEx hanggang Alabang akala mo lang na tahimik ang kapaligiran, ngunit kung susubukan mong buksan ang kurtina't bintana ng bus ay maririnig mo ang kaingayan ng mga taong nagmamadali, nagsisiksikan, at naguunahan. Maririnig mo rin ang ingay ng mga tinderang naghahalina ng mga mamimili sa daan, maging ang mga batang nagtotorotot ay bumibida, maririndi ka lalu pa sa mga dala nilang paingay na nauso noong nakaraang taon, ang torotot na di-bomba na ngayon ay ginagamit na bilang busina sa mga pedicab.

Nakakapang init ng ulo ang trapik lalu pa sa mga tulad kong nagmamadali. Ang orihinal na plano ay hapon ngunit madilim na nung nakarating ako kina Kristine.

Nagtatatlong isip pa nga ako sa harap ng kanilang pintuan. Malamang kasi ay galit parin, kaya nga naghanap pa ako ng mabibilhan ng mga rosas para lang hindi naka-kunot ang kilay niya sa pagpunta ko doon ng biglaan at walang sabi-sabi. Ganito kapag magkalayo kayo ng tinitirahan, kailangang effort talaga, sa sitwasyon naman namin, hindi na daw kailangang sabihan, kailangan daw ay naroon ako palagi kung talagang mayroon akong pagaalala sa kaniya.

Tameme ako nang pinagbuksan na niya ng pintuan. Matapos kong iabot ang mga rosas ay kinilatis niya ako mula ulo hanggang paa. "Meron ba tayong pupuntahan?." tanong niya

Tumango nalang ako. Basa ang buhok niya at maamoy ang bango niya kahit sa 'di magkalapit pa naming distansya. Tama nga, bagong ligo siya at kailangan nalang magbihis ng pangalis. Masaya naman ako dahil ngumiti siya kahit papaano nang malamang may oras ako ngayong lumabas kasama siya. Gusto ko rin naman talaga, kahit araw-araw pa, kung pwede lang talaga, gusto ko lagi akong nandito para sa kaniya.

"Night Market?" Nagtatakang tanong niya. Tatlong oras pa naman bago magsarado ang mga mall kaya laking taka niya nang malamang doon lang ang aming punta. Hindi na siya nagkaroon ng marami pang tanong, isinandal niya ang ulo sa aking balikat at ipinikit ang mga mata, sa kahabaan ng trapik at dyaheng byahe ay magkahawak ang aming mga kamay.

Ramdam ko ang laki ng pagkukulang ko dahil sa mahigpit niyang yakap, ipinangako ko sa sarili na gagawin ang lahat para magkaroon ng mas marami pang oras para sa kaniya, para sa aming dalawa. Sumangayon pa nga ang mga poste ng ilaw na nakapagtatakang pinagmasdan ko mula sa bintana ng dyip ang lumalabo nitong kulay, pakiramdam ko'y ayaw ko nang mahiwalay pa sa tabi ng aking mahal.

"May mahalaga akong sasabihin" sabi niya ngunit abala na kaming nakikipagsiksikan non sa mga mamimili ng night market. Sandamakmak na rin ang bitbit kong mga prutas na itinuro niya sa bawat madaanan namin na nagtitinda. Marami kaming nabili, mga damit, pagkain, laruan para sa mga kapatid niya, at mga kung anu-ano pang aming nakita doon.

"Sana laging ganito" wika ko sa kan'ya. "Sana laging ganito. Masaya tayong magkasama, kahit sa simpleng araw, simpleng lugar, simpleng pamamasyal."

Dahil sa sinabi ko ay natigilan siya sa pagtatanong kung bagay ba sa kaniya ang damit na ipinapakita. Hinawakan niya ang kamay ko at inilapat 'yon sa kan'yang tiyan.

"Basta't kasama ka namin, kahit buhay na simple lang, alam kong magiging masaya." si Kristine



Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

No comments:

Post a Comment


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin