Saturday, October 13, 2012

Summer Class


Nadaanan ko ang dating lugar kung saan tayo tumatambay tuwing bakante ang klase, naroon parin ang malaking puno at ang palibot n'yang ginagawa nating upuan wala nga lang naglakas loob na maupo dahil ngayon ay katabi na nito ang Filipino Faculty kung saan ubod ng sungit ang mga guro.

Naalala ko yung sinabi mo noon na kung ikaw ay magiging isang guro hindi ka magiging masungit katulad ng iba, tinawanan pa nga kita 'diba? sa akin kasi napaka sungit mo, isang maling hakbang ko'y pangmatagalan mong tampo, hindi naman kita masisisi, pasaway naman kasi talaga ako't matigas ang ulo, mabuti nalang at nariyan ka't itinama ang mga mali ko. Sino nga ba ako kung hindi dumating ang isang katulad mo sa buhay ko? malamang ay nasa hayskul parin ako't napagiwanan ng mga ka-batch ko. Hindi ko naman sinasabing daig mo pa ang Nanay ko, ang totoo nga nagpapasalamat ako, dahil sa haba na ng sungay ko noon may concern pang Anghel na tumulong sa akin at nagpatino.

Namiss ko ang paglalakad dito sa mahaba, at mapunong daan patungo sa Math Building kung saan naroon ang ating silid, ito kasi yung araw-araw kong nilalakad bitbit ang mabigat kong bag na nagmistulang simento ang laman, pagagalitan mo kasi kapag natuklasang isang notebook lang ang pinagkaabalahan ko ditong ilaman. Pati pa nga noong sumapit ang bakasyon ay naging pinetensya ko ang paglalakad patungong Math Bldg. dahil nalamang kulang pala ang grado ko noong first year ay kinailangan ko pang mag take ng Summer Class noong ang bakasyon ay sumapit.

Sayang ang mga araw na dapat sana'y kayakap ko ang aking unan. Okey lang–sabi ko sa sarili, dahil doon kasi ay nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan na may iba't-ibang kwento kung bakit bumagsak sa asignatura na may elemento ng numero't pagbilang, ako naman ay aminadong hindi pinasukan ang asignaturang 'yon at 'di man lang nakilala ang guro ko doon, masyado akong napabarkada noon, nalaman mo pa tuloy ang kasaysayan ng aking unang taon sa hayskul. Pero 'diba nangako naman ako sa'yo na magbabago na ako't iiwan ang dati? natapos ko nga ang summer class na hindi man lang ako isang araw na lumiban.

Kay sarap noon, masaya akong uuwi matapos ang bawat klase sa summer class, tatlong oras lang kasi kaya may pagkakataon pa akong bisitahin ka. Hindi ko pa nalilimutang bilhan ka ng paborito mong proben sa may kanto, tuwing mapapadaan kasi ako doon ay ikaw agad ang pumapasok sa isip ko, natawa pa nga sakin si manong na nagtitinda nung minsan, bakit daw ako tumatawa mag-isa, ang sagot–mayroon kasi tayong masasayang alaala doon sa simpleng lugar na 'yon malapit sa sakayan na tila kumalabit sa akin at nagparamdam, sa lugar na kahit simple at di-tusok lang ang mga pagkain ay naging masaya tayo, alam mo naman ako 'diba? adik ako sa ngiti mo, yan ang ayokong mawala sa'yo, kaya yung makita kang masaya eh lubos na ring kasiyahan sa akin, ayos lang na mabutas ang bulsa kung sukli naman nito'y mga sandaling 'di matatawaran, mga segundong kay sarap balik-balikan. Hiling ko sa itaas, hindi sana isang araw ay maumay ka sa akin, hindi sana isang araw ay maglaho ang nararamdaman mo para sa akin, hindi sana magbago ang 'yong pagtingin.

Napaka swerte ko sa'yo, bukod sa kagandahan mo ay isa pang bagay na hindi ko maipagkakaila. Ako naman talaga ang problema, pagpasensyahan mo na ako kung paminsan ay nagiging pasaway nanaman ako sa'yo. Pero alam mo ba? hindi ko alam ang gagawin kung wala ka, hindi lang pag-ibig ang ipinatuklas at pinaunawa mo sa akin, ikaw ang naging tutor ng aking buhay, utang ko sa'yo kung sinong Charles ba ako ngayon. Isang aral sa buhay ang 'di mo pansin na naituro mo pala sa akin, aral na nagsasabing hindi ka maaaring magmahal kung ang gusto mo lang ay may magmahal rin sa'yo, aral na nagsabi ring dapat kong pahalagahan ang pagmamahal na ibinibigay sa akin. Katulad mo, hindi tamang ikagalit ko pa ang pagiging mahigpit mo sa akin, sa likod ng eyeglasses mo ang madalas na nanlilisik mong mga mata tuwing may nababalitaan kang bago tungkol sakin, sa mga mata mong 'yan alam kong nakatago ang isang natatakot at nagseselos na Christine. Alam kong ikabubuti naman ng tambalan natin ang iyong hangarin, pagpasensyahan mo na kung minsan mali ang mga kilos ko't gawain.

Summer class ngayon ng mga estudyante, binalikan ko ang ating paaralan. Galit ka pa kaya? paumanhin kung kadalasan ay pride ang pinairal ng isang tulad ko na mahina magisip. Huwag sanang matauhan ka't maisip na iwan nalang ako sa isang saglit. Heto't tanaw ko na ang dati nating silid sa Math bldg. kung saan ngayon ikaw ay ganap nang guro at doon ay nagtuturo. Maaabutan pa kaya kita? sana'y hindi pa huli ang lahat. Alam ko namang tapos na ang oras ng klase, ngunit ang aral na hatid mo sa akin ay hindi ko pagsasawaang paulit-ulitin kahit ilang taon pa ang ilakad ng panahon natin. Darating ako't sayo'y makikinig kahit pa ang nandoon ay tayo lamang na dalawa, darating ako't yayakapin ka ng mahigpit, sasabihin sa'yo kung gaano kita kamahal, hindi ko kaya ang mawala ka. Huwag ka nang magalit.


Iyo bang naibigan kaibigan? Share mo na! :)

2 comments:


All rights reserved Kwentista Blog


for concerns mail @ aldrinespiritu29@gmail.com

DO NOT COPY!

Protected by Copyscape Plagiarism Finder

This Blog is best viewed on Google Chrome.

Blog Widget by LinkWithin