One hit wonder ako noon dahil sinwerte lang sa'yo nung minsan ang kinalabasan ko, pinagsisihan ko ang lahat, kung bakit ba napabayaan ko ang oras ko para sa'yo, kung bakit hindi ko sinunod ang mga payo ng pagaalala mo, lahat-lahat, pinagsisisihan ko kung bakit nawala pa sa akin ang isang tulad mo. Seryoso ka pala nung gabing 'yon, matagal mo na palang gustong sabihin sa akin, dun sa gabing 'yon na pinaghandaan ko pa, gabi ng monthsary natin ang dumurog sa damdamin ko. Akala ko maaayos din naman ang lahat, akala ko may pagasa pa, pero unti-unti kang napalayo sa akin, hanggang sa dumating ang oras na hindi na kita makayang abutin.
Katulad din ngayon, malapit lang tayo sa isa't-isa ngunit napakalayo ng pagasang mapuna mo ako't mabigyang pansin kung iyo mang makita. Bakit ba kasi ganito ako magisip? anim na taon na rin ang nakalipas ah? langya, inlab parin yata ako ah. Ganon na nga, hindi ko rin naman maipagkakaila, simula naman noong maghiwalay eh hindi nawala sa akin 'yon. Kahit natapos na ang saglit na naisakatuparang panaginip ko tinuloy ko parin ang pangangarap na minsang mapagbibigyan akong muli na magka puwang sa puso mo.
Tumawag sa akin si kuya na nagpapabili ng alak para sa kaarawan niya at nangungulit pa, nawala ka tuloy sa paningin ko't hindi na napansin kung saang banda ng department store nagpunta. Naalala mo pa kaya si kuya? magkasundong magkasundo kayo noon dahil ikaw yung malakas n'yang kalaban sa inuman ng beer, hindi nga s'ya makapaniwala non na mas malakas ka pang uminom sa akin, tapos tatawanan mo pa ako kapag panay ang paalala ko na baka lumaki ang tiyan mo, totoo naman daw yung ganon 'diba? lagi mo pa akong niyayaya na uminom pa, 'yun pala inaabangan mo lang ang panibagong persona na ibinibigay sakin ng alkohol, nagiging maingay kasi ako, malakas ang loob at sweet, napakalayo sa tahimik at mahiyain kong ugali.
"Hi Aldrin" nagulat talaga ako. Nandyan ka na pala sa tabi ko, mumuntikan ko pang mabitawan ang alak na pinagiisipan kung ilalagay ba sa shopping cart na tulak-tulak ko. Hi Aldrin? ayan din yung unang una mong sinabi sa akin sa text, nawalan pako ng pagasa baka kasi mali yung binigay ng mga classmate mo na number sakin kaya 'di ka nagrereply, yun pala wala kang sariling cellphone, sa mommy mo pala 'yon. Hindi maintindihan ang tuwang rumagasa sa akin nung nagtext ka, takbo naman agad ako sa tindahan para magpaload at mareplyan ka.
Malakas kasi ang loob ko kapag sa text lang, ngayong kaharap kita hindi ko malaman ang sasabihin lalu pa't antagal din nating 'di nagkita at nagkausap. Naku naku alak nanaman yang hawak mo ah–sabi mo sakin hindi pa man ako nakakapag salita. May kung ano pang ipinahihiwatig ang kilay mo sa akin na parang gustong magpabalik ng alak sa stand nito. Inagaw mo naman, at doon inilagay sa shopping cart mo, nagkaroon tuloy ako ng token para makapagsalita sa'yo. "Ikaw ah, lasengga parin ba? hehe"
"Hindi naman sakin 'to eh" sagot mo sabay dumila pa na parang bata, parang noon kapag hindi ko mahanap ang kiliti mo. Mabuti at magaan ang pagkikita natin, hindi katulad noong sariwa pa sa mga isipan natin ang nangyaring hiwalayan, parang napadaan na hangin lang ako sa'yo habang iniisip ko kung gaano kalalim ang galit mo sa akin, panghihinayang ang sa mga mata ko'y nagpapatong ng kalungkutan.
"Anak mo? Saan ang punta n'yo? Uwi na ba kayo pagtapos mamili dito?" andami kong tanong, at pansin mo naman 'yon kaya agad mo akong tinawanan. Mautal-utal pa nga ako at halatang kabado sa bawat kong salita. "Sino pala napangasawa mo?"
"Bakit parang kabado ka magsalita? Crush mo padin ako noh.. hihi" habang biro lang sa'yo ang sinabi mo, ako naman ay halos mapayuko na sa hiya, ibig kong sabihin halata ba? ang ganda mo parin kasi at halos walang nagbago sa'yo, ikaw parin yung dating Yuneice. Uso na ang pickup lines ngayon pero sa tagal ng pagikot-ikot natin ay wala akong naisip. Ang alam ko lang, masaya akong makasama ka ulit, kahit salit lang oks na oks na 'yun, napaka saya ko na sa simpleng pagkikita natin. Sumakay pa nga ako sa sinabi mo at sinabing–oo gusto parin kita, ikaw kasi eh, aga mo lang nagasawa.
"Ibig mong sabihin labs mo parin ako hanggang ngayon? Eh pag lumaki ba tiyan ko labs mo parin ako?"
"Oo naman noh" kahit pa biruan ang nangibabaw sa atin sa araw na 'yon tila tinotoo ko sa akin ang bawat salita. Habang kasama kita, sinulit ko ang mga ngiti mo na malaya kong nasusulyapan, talagang nakakainlab at 'di ko mapigilang muling manghinayang sa mga araw natin na nasayang.
Sabay natin itinulak ang ating mga shopping cart palabas ng store, sa kulitan at biruan ay 'di mapigilan. Wow mayroon ka pang sariling sasakyan ngayon, mas nakaangat ka pa sa akin sa buhay kahit siyam na buwan akong nagpakahirap sa Saudi walang kinatas na tulad ng mga ganyan ang aking pagwewelding. Office girl ka na nga pala noong umalis ako at malamang ngayon ay mataas ka na. Ngayon kailangan nanaman natin muling magpaalam sa isa't-isa, kusa pang sumipol ang sasakyan mo sa paglalapit natin. Inabot mo ang bote ng alak sa akin mula sa iyong shopping cart. Niyakap mo ako na para bang hindi lang ako ang nakamiss sa'yo, may nalungkot 'din naman sa pagkawala ko.
"Ikaw na ang magdala ha? regalo ko yan kay kuya mo, akala n'yo nakalimutan ko noh? kita tayo dun ha? isave mo ako ng upuan, gusto ko tabi tayo ha hehe. sabay na sana tayo eh, hatid ko muna kasi tong pamangkin ko." Sa pagalis mo antagal kong nakatayo sa initan "Wow" hanggang doon ay hindi parin makapaniwala. Mamaya aayusin ko ang lahat–bulong kong pagkumbinsi at pagganyak sa sarili habang tulala parin. Ayan tuloy gumulong na pala papalayo ang shopping cart ko. Kaya bigla akong kumengkoy sa pagtakbo.
gusto ko ang pagkaka kwento mo... habang binabasa ko ramdam ko ung emosyon ng nagsasalita...
ReplyDeleteNa parang ako lang hehehe.... kapag ikaw kasi ang nasa ganung sitwasyon... mahirap din... na parang nakaka lungkot pero nakaka excite hehehe
Mukhang may pinaghugutan ka habang nagsusulat...
meron po heheh.... ganito po pala talaga, may mga hindi makakaintindi nung gusto mong iparating minsan kasi nirerelate mo sa mga totoong pangyayari ang isang kwento..
ReplyDeletepero nakakatuwa rin malaman na may pagasa din palang may maka appreciate ng mga ganitong notes tulad ng nagawa ko hekhek..
salamat sa pagbasa sir jon ^__^
kilig kilig. may part two ba to? :)
ReplyDeletesalamat sa pagdalaw sa muhon..
wala na tol red hehehe...
Deletewalang anuman at salamat din po ^__^